Chereads / MARBLE: NEGATIVE ATTRACTION EQUALS LOVE / Chapter 32 - THE OLD MAN FOUND HER INSTEAD

Chapter 32 - THE OLD MAN FOUND HER INSTEAD

Tanghaling tapat na marahil nang marating niya ang pinakahuling ospital na itinuro sa kanya ng isang babae. Isa 'yon sa limang ospital na malalapit sa bahay ng kanyang mga amo.

Nagmamadali siyang pumasok sa loob ng ospital ngunit tulad ng mga nauna, panay iling lang ang nurse na nasa counter habang inilalarawan niya ang itsura ng matanda at ang anak nito kaya hindi na siya nangulit pa at lumabas na lang sa ospital na 'yon.

Gusto na niyang maiyak nang mga sandaling 'yon. Kumusta na kaya ang matanda? Malubha ba ang naging lagay nito? Patay na ba ito sa nangyari? Sana naman buhay pa ito.

Nakayuko siyang bumaba sa hagdanan sa harap ng ospital at dumiretso sa gilid ng daan saka lumiko sa may kanto.

*************

Eksakto namang pagdating ng sinasakyan ni Vendrick at paghinto sa parking area ng ospital.

Kanina pa niya hinahanap sa buong divisoria si Marble, baka nando'n lang ang dalaga ngunit nabigo siyang makita ito. Kung 'di pa tumawag ang ama sa kanya at ibinalitang nawawala sa ospital ang kanyang lolo, 'di pa niya maaalalang nasa ospital pala ang matanda.

Pagkahinto lang ng sasakyan ay nagmamadali na siyang bumaba at inilang hakbang lang ang mga baitang sa harap ng ospital saka pumasok sa loob. Nasa room 215 daw ang kwarto nito sabi ng kanyang Papa. Baka sakali, nagliwaliw lang ang kanyang lolo at bumalik rin sa kwarto nito pagkatapos pero nang pumasok siya sa sinasabing kwarto ay walang tao ruon, wala kahit nurse kaya agad na siyang lumabas at hinanap sa hallway ang matanda. Pero ilang beses na siyang nagpapabalik-balik sa buong ospital, di pa rin niya ito makita kaya lumabas na siya at sa labas hinanap ang matanda. Baka naglalakad pa ito sa daan.

Mabilis ang mga hakbang na pumasok uli siya sa kanyang kotse at pinaharurot na uli iyon.

**************

Halos isang oras nang naglalakad si Marble sa gilid ng daan nang mapansin niya ang maraming tao sa unahan. Pinagmasdan niya ang buong paligid. Sa unahang gusali ay may nakasulat na Puregold at sa mga gilid ay iba't ibang klaseng paninda.

Nakakita siya ng nagtitinda ng calamares. Noon lang niya naramdaman ang pagkalam ng tyan. Nahimas niya iyon at ilang beses na lumunok habang tinititigan ang paninda ng lalaki. Nahihiya naman siyang manghingi.

Sinalat niya ang bulsa ng short na suot sa pag-aakalang jeans niya iyon. Saka niya lang naalala ang 500 pesos sa loob ng bulsa ng kanyang jeans. Sana pala kinuha niya 'yon kahapon pagkatapos niyang magbihis ng damit.

Tila siya natauhan nang may dumaan sa kanyang tagiliran at nabunggo ang kanyang siko. Nang habulin niya ng tingin ang matanda ay biglang bumilis ang tibok ng kanyang dibdib.

Nakapajama ang matanda, stripe na pajama.

Dumiretso ito sa nagbibinta ng calamares.

"Pabili po Mama, apat po," anito.

Tumingin rito ang nagtitinda ng calamares at gulat na agad na yumukod at agad na ibinalot ang sampung stick ng calamares at ibinigay sa matanda.

"Heto po, sa inyo na po. Wala pong bayad 'yan," anang tindero habang matamis ang ngiti sa matanda.

Awang ang bibig at lukot ang noong lumapit siya sa matanda at hinawakan ang braso nito.

"Lolo?" tawag niya.

Humarap naman sa kanya ang matandang bumubungisngis pa.

Hindi agad siya nakapagsalita sa pagkagulat, pero biglang kumawala ang sariwang mga luhang kanina pa gustong lumabas sa kanyang mga mata.

Agad niyang kinabig ang matanda at mahigpit na niyakap saka siya napahagulhol.

"Akala ko patay ka na," usal niya sa pagitan ng pag-iyak.

Tumawa ang matanda.

"Si nanay talaga. Malakas pa nga ang katawan ko papano po akong mamamatay," pabiro pa nitong sagot saka siya tinapik tapik sa likod.

Kumawala siya rito sa pagkakayakap nang mahimasmasan at hinawakan ang magkabila nitong braso.

"Pano mo akong nahanap? Hindi mo ba alam na kanina pa kita hinahanap?" usisa niya rito.

Humaba ang nguso nito saka yumuko at kumuha ng calamares sa supot.

"Nakita po kitang naglalakad kaya sinundan na po kita," kaswal lang na sagot nito at ibinigay ang dalawang stick ng calamares sa kanya.

Inabot niya agad 'yon at inakbayan ito saka bumaling sa tindero sa gilid ng daan.

"Manong, salamat po sa bigay niyo," aniya rito.

"Naku, wala 'yon boy. Kilala ko ang matandang 'yan, palagi 'yang bumibili ng paninda ko kahit noon pa," nakangiting sagot ng tindero saka bumaling sa nakapaikot nang mga mamimili sa tinda nito.

Iginiya niya ang matandang may benda pa sa ulo sa tabi ng isa pang kariton ng mga prutas at ibinigay niya ang tsinelas dito para gawin nitong upuan sa mainit na semento.

Ganun din ang kanyang ginawa saka nila pinapak ang calamares.

Natatawa niya itong pinagmamasdan habang nahihirapang ngumunguya dahil wala na ngang ipin.

"Anak, saan mo ako nakitang naglalakad?" usisa niya sa pagitan ng pagnguya.

"Duon po sa nilabasan kong ospital. nakita ko po nakikipag-usap kayo sa nurse tapos sumunod na ako sa inyo," kwento nito.

Sandali siyang natigilan at nag-isip. Kung tama ang hula niya, naruon ito sa huling ospital na kanyang pinuntahan bago siya mapunta rito.

"Pa'no mo nasegurong ako nga yung sinusundan mo?" usisa niya uli.

Bumungisngis ang matanda.

"Si Nanay talaga, ulyanin. Syempre po, Nanay kita kaya kahit likod mo kilala ko," sagot nito saka muling ngumuya.

Gusto na namang niyang mapaiyak sa sinabi nito.

Matagal niya itong tinitigan habang pinipilit lunukin ang kinakaing calamares.

"Anak, alam mo ba ang bahay ng mga magulang ko?" tanong niya uli.

Tinitigan siya nito saka umiling.

"Ayuko na po bumalik do'n Nanay. Masasama sila. Pinapahirapan nila tayo. Dito na lang po tayo tumira," anito saka tumayo.

"Halika po Nanay, mamalengke po tayo," yaya nito saka ipinakita nito ang sampung pirasong tiglilima sa palad.

"Saan mo nakuha yan?" takang tanong niya.

Ininguso uli nito ang daan sa kanyang likuran.

"Hiningi ko po sa nakasalubong kong mama," anito.

Tumayo siya at hinawakan ito sa kamay. Iniabot naman nito sa kanya ang natira pang calamares.

"Kainin niyo po yang lahat Nanay. Marami po akong pera ngayon. Bibili tayo ng masarap na pagkain duon," anito sa kanya at nagpatiuna itong maglakad papunta sa unahan saka sila tumawid ng kalsada na para bang balewala dito ang sugat sa ulo.

Nakatawid na sila papunta sa puregold na para bang alam na alam nito kung saan sila pupunta. Tila kabisado nito ang lugar na 'yon.

Nagtataka tuloy siya lalo. Ulyanin ba talaga ang matanda? Bakit alam nito ang madaming lugar pero hindi nito nakikilala ang sariling pamilya? Gano'n ba talaga pag nag-uulyanin na?

Hindi sila pumasok sa puregold. Naglakad lang sila pakanan at saka sila lumiko pakaliwa kung saan madami ang nagsisiksikang mga tao.

"Lolo! Mar!"

Awtomatiko siyang napalingon sa may-ari ng pamilyar na boses na 'yon.