Itinuro ng mayordoma kung ano'ng pagkain lang ang pwedeng ipakain sa matanda. Bawal daw ang ma-cholesterol tulad daw ng prito. Pwede raw gumamit ng oil pero dapat olive oil, bawal 'yong iba.
Humingi siya ng notebook kay Bing para isulat ang mga itinuro ng mayordoma sa kanya nang 'di niya 'yon makalimutan.
Kung tutuusin ay siya ang pinakabata sa lahat, pero siya ang pinagkatiwalaan ng mga amo sa pagkain ng matanda. Ibig sabihin, malaki talaga ang tiwala ng mga ito sa kanya, 'di niya 'yon dapat sirain.
Madami siyang kapitbahay duon sa kanila na mga matatanda pero malalakas naman ang pangangatawan kahit kasing tanda ng matanda. Si Lola Gracia ngang kapitbahay nila na mas matanda pa marahil sa alaga niya eh mabilis pang tumakbo, wala namang sakit 'yon at lalong 'di nag-uulyanin.
Ano kayang kinakain ng kapitbahay niyang 'yon, bakit gano'n kalakas? Ang alam niya eh, lumabo lang ang mga mata nito pero wala namang ibang sakit.
"O ayan, luto na ang pagkain ni Senyor. Mamayang Alas dose dalhin mo na to sa taas nang makakain na siya. Pero sa ngayon, tulungan mo muna akong maghanda ng pagkain para sa mga amo natin at baka dumating na si Madam bago pa mag-alas dose.
"Manang Viola, ano pong trabaho ni Madam?" tanong niya.
"Nurse 'yon. Malapit lang dito ang pinagtatrabahuan niya kaya dito na rin siya kumakain ng tanghalian. 8 hours lang ang duty niya pero minsan eh night shift siya. 'Pag gano'n ang duty niya, sa umaga na siya umuuwi," sagot nito habang naglalagay ng olive oil sa kawali.
Nakatingin lang siya.
"Eh si Senyor po, ano'ng oras ang uwi niya?" usisa niya uli.
"Ah si Senyor? Gabi lagi 'yon umuuwi. Pero andito siya sa bahay pag Sabado at Linggo. Si Madam, Linggo ang dayoff no'n," sagot na uli nito.
"Eh 'yong--'yong anak po nilang lalaki, ano'ng oras po ba siya andito?" usisa niya uli, siya na ang kusang naglagay ng sibuyas at bawang sa kawali, hinalo na lang nito ang mga 'yon.
"Wala na silang pasok ngayon. Minsan mo lang makita yang batang 'yan dito. Madalas ay nasa mga barkada 'yan, pero umuuwi din lagi 'pag gabi. 'Wag kang mag-alala do'n, walang pakialam 'yon sa mga katulong dito," anito.
Tumango-tango siya. Very good. Lagi palang wala ang lalaking 'yon sa bahay.
"Eh sa umaga ano po ang routine niya? Natatakot po kasi ako sa kanya, parang masungit," usisa niya uli.
"Mukha lang siyang masungit pero mabait 'yon. Kada umaga nagja-jogging muna 'yon sa bakuran. Pagdating ng alas-otso saka 'yon naliligo sa swimming pool. Tapos aalis na 'yon, uuwi na ng gabi," kwento na uli ng kausap habang ginigisa na ang iluluto nitong pork afritada.
"Do'n ka matakot sa panganay 'pag umuwi 'yon galing Canada. Maarte 'yon, ayaw no'n nang lumalapit ka nang mabaho ang kilikili mo. Kahit maamoy lang ang damit mong amoy usok, itataboy ka na no'n. Kahit lalaki 'yon, maarte 'yon. Kaya lumayo-layo ka do'n," anito.
Naconscious siya sa sarili at inamoy ang kilikili. Hindi naman mabaho ang kilikili niya, amoy ulam lang siya kaya 'di pa rin siya pwedeng lumapit dito 'pag dumating na 'to. Nakakatakot naman pala 'yon.
"'Yong babae nilang kapatid na do'n din nag-aaral sa Canada, maarte lang 'yon pero mabait 'yon," pagbibida ng mayordoma, halatang gusto na ring magkwento tungkol sa mga amo. Madaldal din pala ito.
"Ilan pala silang magkakapatid, Manang?" taka niyang usisa. Bakit parang mga bata pa naman ang kanilang mga amo, malalaki na agad ang mga anak ng mga 'to?
"Si Senyor, 45 na 'yan, si Madam, 43 na."
Napanganga siya. Ows?
"Naku, gano'n talaga ang mga mayayaman, karamihan hindi tumatanda sa dami ng inilalagay sa mukha," sabad ni Bing na wala nang ginagawa at nagdudutdot na ng cellphone habang nakikinig sa usapan nila at nakaupo sa harap ng hapagkainan.
Tumango na lang siya. Pero 'di talaga siya makapaniwala na may mga edad na pala ang mga amo nila. Ang akala niya nasa mahigit 30 lang ang mga to.
"Sandali lang po ha? Titignan ko lang 'yong matanda," paalam niya sa mayordoma saka lumabas ng kusina at nagmamadaling umakyat sa ikatlong palapag ng bahay.
Binuksan niya agad ang pinto. Nakita niya ang dalawang nagpakadapa sa paanan ng matanda sa ibabaw ng kama at busy sa pagdutdot ng mga cellphone nito samantalang ang himbing pa rin ng tulog ng una.
Nagtataka na talaga siya. Wala naman itong sakit kahapon, bakit gano'n kahimbing ng tulog nito?
Muli niyang isinara ang pinto at naguguluhang bumalik sa baba para tulungan ang mayordoma.
"O Marble. Gising na ba si Papa? Napakain niyo na?"
Nagulat pa siya nang marinig ang among babaeng nagsasalita at paakyat rin ng hagdanan.
Nakauwi na pala 'to. Huminto siya sa paghakbang pababa at hinintay na lang na umakyat ang amo.
"Nakaluto na po si Manang Viola Madam, pero tulog pa po ang Papa mo," sagot niya.
Kumunot ang noo ng amo saka nagmamadaling umakyat ng hagdanan at tumungo sa kwarto ng matanda. Kumatok muna ito bago pumasok.
Nang makapasok ay deretso na sa kama ng byenang lalaki.
Siya nama'y nagulat sa nakita. Nakatayo na ang matanda at nakangiti na sa kanilang amo pero halatang namumula ang mga mata at kagagaling lang sa matagal na pagtulog.
Ang dalawang nurse naman ay inaalalayan na ang matanda hanggang nakaupo sa wheelchair. Napansin niya ang kamang wala man lang lukot, banat na banat, ni walang palatandaan na may nahiga roon.
Kung kakalkulahin niya ang minutong ipinasok niya kanina para tignan ang matanda at sa pagbaba niya ng hagdanan at pagsasalita ng kanilang amo, aabot ng limang minuto 'yon. Ibig bang sabihin, nang marinig ng mga ito ang boses ng madam ay agad ng mga itong pinabangon ang matanda, walang pakialam kung tulog o gising ito basta makatayo lang?
Pano pala kung nabigla ito't biglang nahilo sa ginawa ng mga 'to para lang 'di mahuli ng kanilang amo na nagpakadapa lang ang mga ito sa kama kanina?
Parang may mali sa nangyayari.
"Kanina pa ba gising si Papa?" usisa ng among babae.
"Opo madam. Kaso panay kusot niya sa mga mata niya kaya nilagyan na po namin ng eye drops baka po nangangati," sagot nung isang nurse na nanggising sa kanya.
Lalong lumalim ang pagkakakunot ng kanyang noo saka nahuli niyang sumulyap sa kanya ang amo. Nakita nito ang ekspresyon ng kanyang mukha pero hindi ito nagsalita sa kanya.
"Nanay, kumain ka na ba?" dumiretso ng tingin sa kanya ang matanda kaya napilitan siyang lumapit dito at lumuhod sa harap nito.
"Hindi pa, inaantay kita," sagot niya.
"Nanay, hayaan mo na lang po. Andito naman 'yong mga pulis, pakakainin naman nila tayo," anito saka siya hinawakan sa balikat.
Takang napabaling siya sa dalawang nurse. So, pulis ang tawag ng matanda sa dalawa.
"Si Manang Viola ang nagluto ng pagkain mo, pero syempre andun ako nakatingin para sa sunod ako na ang magluluto ng pagkain mo," anya rito.
Napansin niyang nagkatinginan ang dalawang nurse at sabay na sumimangot.
Tumayo siya at inalalayang tumayo ang matanda.
"Nahihilo siya," awat ng isang nurse.
'Mga buang pala kayo eh. Pa'nong 'di siya mahihilo eh pinatayo niyo agad nung marinig niyong boses ni Madam na papunta rito!" gusto niyang isagot ngunit nagpigil siya.
"Payat lang ako pero malakas ang katawan ko. Kaya ko siyang buhatin," malamig ang boses na sagot niya.
Pumapalakpak ang matanda.
"Yehey! Andito na si Nanay," sigaw nito sa tuwa.
"Anak, nahihilo ka ba?" tanong niya rito.
"Hindi na po," sagot nito, sa katunayan, hindi na ito nagpahawak sa kanya at mag-isang naglakad papunta sa pinto ngunit huminto rin nang mapansing 'di siya nakasunod.
"Nakalimutan kong sabihin sa inyo na mula ngayon, si Marble na ang magpapakain kay Papa. Pero kayo pa rin ang magbabantay sa kanya at baka makatakas na naman siya. Pag tulog si Papa, do'n muna si Marble sa kusina para tulungan si Manang Viola na magluto ng pagkain," anang ginang sa dalawang nurse na parang maamong tuta kung magsitango.