Kay Marble natuon ang atensyon ng lahat ng mga katulong na naruong nakapalibot sa hapag-kainan at nagsisipag-almusal nang buksan niya ang pinto.
Nagtayuan bigla ang mga 'to nang bumukas ang kanyang bibig at malantad ang kanyang mga pangil.
Pati 'yong matabang matanda na naka-apron ay napaatras pagkatitig sa kanya.
"Ano'ng klaseng tao 'yan, payat na nga mukha pang bampira. Baka mamaya bampira talaga'yan," narinig niyang bulong ng isa sa mga naruon sa katabi nito.
Napangisi siya na lalong ikinatakot ng mga 'to.
"Hindi po ako bampira. Mukha lang po akong bampira pero di po ako bampira," paliwanag niya.
"Ikaw ba 'yong taong grasang kasama ni senyor kahapon?" lakas-loob na usisa ng mayordoma.
Tumango siya agad.
"Opo pero 'di po ako taong grasa. Iniwan lang po ako ng tyahin ko sa luneta at 'di na binalikan kaya gan'on ang naging itsura ko kahapon nang makita niyo," paliwanag niya.
Nagkatinginan sa isa't isa ang mga katulong. Ang mayordoma naman ay napatitig sa kanya.
"Saang probinsiya ka nanggaling?" usisa uli ng mayordoma.
"Sa Cebu," sagot niya.
"Cebu? Buanga! Bisaya ka diay?" bulalas ng isa sa mga katulong.
Nagliwanag agad ang kanyang mukha sa tuwa. Meron pala do'n marunong magsalita ng bisaya?
Tumango siya sa nagtanong at napahagikhik.
Agad namang lumapit sa kanya ang hula niya'y mahigit nang bente anyos na babae, makinis ang mukha nito at tama lang ang pangangatawan pati ang tangkad.
Hinawakan siya nito sa kamay at hinila palapit sa iba pang mga katulong na karamihan ay napaatras na uli kaya di pa man siya nakakalapit ay huminto na siya sa paglalakad at kumaway na lang sa mga to.
"Good morning po!" bati niya sa lahat.
"Ako si Lorie." anang bisaya ding katulong.
"Ito naman si Shena, taga Bicol siya," pakilala nito sa babaeng natatandaan niyang nagtakip ng ilong kahapon.
"Hello po," bati niya rito kahit 'di ito ngumiti man lang.
"Ito naman si Eva, siya naman si Melly at siya si Marie. Lahat sila taga Ilocos. At ito si Bing, 'yong pinakabago samin bago ka pa dumating," pakilala nito sa lahat ng mga kasama.
"Hello po, ako po si Marble."
"Marble? Ano 'yon, tiles? Marmol?" natatawang wika ni Shena.
Nagtawanan ang lahat.
Napakamot siya sa batok.
"Gano'n na nga, Marble talaga ang pangalan ko," nahihiya niyang sagot.
Nagkatinginan na naman ang mga 'to sa isa't isa.
"Naku, ayos lang 'yan kahit ano pang pangalan mo," hinampas siya ng kababayan sa braso, napangiti lang siya.
"Buti tinanggap ka nina Senyor kahit tibo ka," anang Bing na naunang bumalik sa hapagkainan para ituloy ang pag-aalmusal.
'Hindi po ako tibo, mukhang tibo lang,' gusto niyang isagot pero minabuti niyang ngumiti na lang.
"Halika, kain na tayo," yaya nito.
Bumalik na rin ang lahat sa hapag-kainan at itinuloy ang pagkain.
Siya nama'y tinawag ng mayordoma, atubili siyang lumapit dito.
"Ikaw pala ang kasama ni Senyor kahapon. Ang alam ko eh lalaki ka kasi panlalaki ang gupit mo 'tsaka patpatin ka pa," komento ng matabang mayordoma.
"Ako si Manang Viola. Ako ang mayordoma rito. Ang sabi sakin ni Madam, 'pag wala ka raw ginagawa, ikaw ang tutulong sakin sa pagluluto para yung iluluto mo ay 'yon ang kakainin ni Senyor. Mula ngayon ay ikaw na ang bahala sa pagkain ng Senyor. Tuturuan kita kung pano magluto ng mga ulam na pwede sa matanda," anito.
Nalito siya sa sinabi nito.
"Bakit ang sabi sa'kin ng isang nurse, pag tulog daw 'yong matanda eh tutulong daw ako sa mga katulong maglinis ng bahay?" litong sagot niya sa mayordoma.
"Naku, wag kang magpapaniwala sa dalawang 'yon at mga naghahari-harian lang ang mga 'yon," malakas na sabad ni Marie.
Hinampas ito sa kamay ni Eva at ininguso ang banda ni Shena.
"'Wag kang maingay. Mamaya makarating na naman sa kanila ang sinabi mo, patay na naman tayo nito," pabulong na saway ng dalaga.
"Mula ngayon, sa'kin ka lang maniniwala at ako ang derektang nakikipag-usap sa mga amo natin," wika ng kausap.
Alanganin siyang tumango.
"Halika rito, ituturo ko sa'yo pa'no maghiwa ng mga ingredients sa ulam ni Senyor ngayon."
Hinawakan nito ang kanyang kamay saka hinila palapit sa ibabaw ng lababo.
Nakita niya sa isang strainer ang dalawang pirasong sibuyas at tatlong butil ng bawang.
"Good morning po Senyorito!" sabay-sabay na bati ng mga katulong sa lalaking pumasok sa pinto ng kusina.
Namimilog ang mga matang natigilan si Marble. Bakit naroon ito? Ano'ng gagawin niya 'pag nakita siya nito? magdedeny ba siyang siya yung nakahalikan nito sa Cebu? Pero 'di niya kayang itago ang mga pangil niya.
"Who's that boy right there?"
Namutla siya nang marinig ang tanong na 'yon.
"Ah, siya 'yong taong grasang kasama ni senyor kahapon," sagot ng mayordoma saka siya hinawakan sa braso.
"Bumati ka sa anak ng amo natin," utos ng mayordoma sa kanya.
Lalo siyang namutla. Ano'ng gagawin niya? 'Pag humarap siya sa lalaking 'yon, seguradong makikilala siya nito at baka mapaalis siya nang wala sa oras.
"Vendrick!" narinig niyang malakas na sigaw ng isang babae.
"Hey, ang aga pa ah," anang binata.
"Halika, antayin natin sa sala si Gab. Nagulat ako sa chat niya ngayon lang. Sama daw tayong magskating sa MOA."
Palihim siyang lumingon sa binatang nang mga sandaling 'yon ay nakaharap na sa babaeng tumawag rito ngunit nang makitang nakatapis lang itong tuwalya mula sa beywang pababa ay agad din siyang tumalikod pero nahuli niya 'yong babaeng nakatitig sa hubad nitong dibdib.
"Okay, let's go," ani Vendrick at sandaling sinulyapan ang payatot na nakatalikod at nakaharap sa lababo.
Tila nabunutan siya ng tinik nang masegurong nakalabas na ang bastos na anak ng amo nila.
Woooh! Muntik na siya do'n ah. Buti na lang dumating ang babaeng 'yon.
"Oh kayo, magsipunta na kayo sa mga trabaho niyo kung tapos na kayong kumain. Bing, maghugas ka na ng mga pinggan," utos ng mayordoma sa mga katulong.
Tunalima naman ang lahat at nag-uunahang lumabas ng kusina.
"Marble, 'pag wala kang ginagawa, punta ka lang sakin sa may swimming pool, do'n ang pwesto ko," tawag sa kanya ni Lorie bago ito lumabas ng kusina.
Lumingon lang siya saka tumango rito.
"Hugasan mo munang mabuti yang kamay mo. 'Wag kang magpapahaba ng kuko rito, nagagalit ang mga amo natin. Dapat malinis lagi ang mga kamay mo bago ka humawak ng pagkain kasi maseselan din sila sa pagkain," paalala ng mayordoma.
Panay lang ang tango niya.
"Bibigyan kita ng hair net mamaya para 'di malaglagan ng buhok mo 'yong pagkaing niluluto mo," dugtong nito.
Tumango na uli siya.
"Manang, ano'ng oras po ba nagigising ang matanda?" kanina pa niya gustong itanong ang bagay na 'yon, ngayon lang siya naglakas-loob na isambulat.
"Mamaya pa 'yon, alas dose. Tapos kukunin dito ng nurse yung pagkain niya saka uli 'yon matutulog," sagot nito.
Kumunot ang kanyang noo.
Natatandaan niyang kagabi pa 'yon natutulog. Hanggang ngayon tulog pa rin? Hindi ito gano'n nang nasa Luneta pa sila. Saka lang 'yon natutulog sa gabi pagkatapos nilang maghapunan. Bakit dito eh panay tulog ang matanda?