Chapter 20 - 19

TILA naman walang nangyari nang maghapunan si Fabielle at si Josh. Oo nga at naroon pa rin ang pamilyar na bilis ng tibok ng puso niya sa tuwing kasama niya ito ngunit kung umakto ito ay parang hindi big deal ang mga sinabi at ginawa nito ilang oras pa lamang ang nakakalipas kaya napagpasyahan niyang maging kalmado na rin gaya nito at enjoy-in ang panahong kasama niya ito.

Pagkatapos ng masarap na hapunan sa isang restaurant sa lugar ay ito pa mismo ang humila sa kanya sa mga tabi-tabing souvenir shops.

"Kailangan mong bilhan ng pasalubong ang pamilya mo hindi ba? We're leaving Sagada tomorrow. Ngayon na tayo bumili. Kailangan ko ring bumili ng pasalubong para sa mga kaibigan ko kung hindi malamang ibigti ako ng mga 'yon." Iyon ang sabi nito nang hilahin siya nito at nagpatianod naman siya. Tama naman ito. Nakaka-guilty nga na ito pa ang nakaisip na bilhan niya ang pamilya niya. Ganoon yata talaga ang epekto nito sa kanya. Nakakalimutan niya ang mga dapat na gawin dahil pakiramdam niya ay sapat nang kasama niya ito.

Okay, stop it! That's corny!

Ngunit totoo naman. Hindi niya alam kung ganito talaga ang epekto nito sa lahat o sa kanya lamang lalo na ngayon inaamin na niya sa sarili niyang nahuhulog nang talaga ang loob niya rito.

Pagpasok pa lang nila sa isang tindahan ay agad na itong nagtitingin ng mga damit. Ganoon na rin lamang ang ginawa niya. Napapitlag pa siya nang bigla na naman itong sumulpot sa harap niya. Walang sabi sabing ibinuklat nito ang black na T-shirt na hawak nito sa harap niya na para bang tinitignan kung babagay iyon sa kanya. Along with the drawings were the writings "I came, I saw, I conquered the adventures of Sagada Philippines".

"It looks good on you." Tatangu-tangong sabi nito saka nilingon ang isang tindera na naroon. "I'll get two of this. One extra small and One Medium."

"Okay po." Sagot ng tindera saka nanguha na ng mga hiningi nito. Ilang sandali pa ay iniaabot na ng babae ang mga iyon kay Josh. Saka lamang parang gumana ang utak niya at pinigilan ito.

"T-teka, bibilhin mo 'yan?" medyo nakakatangang tanong lang naman iyon. Ngunit iyon ang unang lumabas sa bibig niya.

"Yup. Tig-isa tayo." Nakangiting sabi nito.

"A-ako na lang ang magbabayad ng sa akin."

"Why?"

"Because it's mine?" alanganing sagot niya.

Saglit itong nag-isip bago ngumiting muli.

"Nah! It's our first couple item so I should be the one to buy it." Simpleng sagot nito saka tumalikod na.

"F-first what?" pagkukumpirma niya ngunit itinaas lamang nito ang kamay bilang pamamaalam.

"Maghahanap muna ako ng pasalubong sa mga kolokoy kong kaibigan." Sabi nito. Saka siya iniwan para magtingin-tingin pa sa kabilang bahagi ng tindahan.

Hindi niya sigurado kung tama siya ng dinig ngunit hindi mapigilang kiligin ng puso niya. 'first couple item' ang dinig niya sa sinabi nito. They were not even an official couple yet. Pero ganoon na ito mag-isip. Parang gusto na talagang umasa ng puso niyang totoo ang mga sinasabi nito. Na hindi matatapos ang ugnayan nilang iyon sa Sagada.

Sa isiping iyon ay nakangiting namili na lang rin siya ng ipapasalubong sa pamilya. Naroong bumili siya ng mga T-shirts, keychains para sa mga katrabahi at ilang delicacies ng Sagada gaya ng blueberry jam na doon lamang niya nakita. Patapos na siya sa pamimili nang dumako ang mga mata niya sa isa sa mga accessories na naka-display doon. It was a steel knot double wrap leather bracelet. Walang pag-aatubiling inabot niya iyon saka pinakatitigan pagkuwa'y isang ngiti ang sumilay sa mga labi niya. It wasn't much ngunit ang isiping ibibigay niya iyon kay Josh ay nakakapagpa-excite na sa kanya. Sa dami ng nagawa nito sa kanya, she should atleast give him a simple token of gratitude.

Nakangiting naglakad na siya palapit sa tila cashier malapit sa labasan ng tindahan nang makita niya si Josh na nakapila na rin doon. Ngunit hindi niya napigilang mapakunot ang noo nang makmukhaan ang mga babaeng kausap nito. Ito rin ang mga babaeng kausap nito noong umaga lamang.

Hindi na niya napigilan ang sarili na lumapit sa mga ito at maging siya ay nagulat nang basta na lamang niyang ikawit ang braso niya sa braso ni Josh. Mukhang maging ito ay nagulat nang lingunin siya nito.

Bahala na. Andito na eh.

"Hon, tapos na 'kong mamili, ikaw ba?" she smiled sweetly at him.

"Hon? You're his wife?" tanong nang isa sa mga babae. Itinuro pa siya nito habang nakakunot ang noo. Lalo siyang nainis. Ayaw man niya ay medyo nainsulto siya sa tanong na iyon ng babae. Bakit hindi ba siya maging qualified maging asawa ni Josh?

"No, not really. I'm his girlfriend." Sagot na lamang niya habang nakataas ang isang kilay.

"Girlfriend lang pala, akala mo naman---"

"Don't talk to my girlfriend like that." Putol ni Josh sa sinasabi ng isa pa sa mga babae. Nang lingunin niya ito ay nakita niya ang kaseryosuhan sa mukha nito.

"S-sorry." Tila naman natatakot na sabi ng mga ito at nagkanya-kanyang alis na sa harap nila.

"Hey, are you---" hindi na niya natapos ang sinasabi dahil nang bumaling ito sa kanya ay automatic naman ang pag-flash ng ngiti nito sa mga labi. Na parang hindi nangyaring kanina lang ay seryosong sinita nito ang mga malalanding babae.

"Tapos ka nang mamili?" hindi niya nagawang sagutin ang tanong nito dahil nagugulat pa din siya sa pagbabago ng ekspresyon nito. Namalayan na lamang niyang kinukuha na nito ang mga bitbit niya at ito na ang naglagay sa counter. "Ako nang bahala sa mga ito."

Hindi na siya nakaimik pa habang hinihintay itong mabayaran ang mga pinamili nila. Ipinabukod pa nito ang mga binili niya para hindi na raw sila mahirapang hanapin ang para sa pamilya niya. Nang matapos ito ay nakangiting inaya na siya nitong pabalik ng inn. Palabas na siya nang mapansin niyang hawak pa niya ang bracelet.

"Josh!" tawag niya sa lalaking nauna na sa paglabas. Agad naman siya nitong nilingon. "May nakalimutan akong bilhin. Wait lang."

Hindi na niya hinintay na makasagot ito at bumalik na siya sa loob ng souvenir shop.