PASADO ala-una na ng hapon nang makarating ang sinasakyan nila sa inn na tutuluyan nila. At sa buong byahe pagkatapos ng naging pakikipag-usap niya kay Josh ay masyado na siyang naging sensitive sa mga galaw nito.
Oo, kating kati siyang lingunin itong muli pagkatapos niyang magpakilala rin dito at makipagkamay ngunit ayaw niyang mahuli siya nitong tinitingnan ito. Baka isipin pa nito na interesado siya rito kahit pa sa byahe lang naman na iyon niya ito talaga na-meet.
Bakit, hindi ba? Panunudyo ng isang bahagi ng utak niya na hindi rin naman niya masagot dahil aminin man niya o hindi ay naiintriga siya sa lalaking ito. Kanina pa nga lang na ngitian siya nito ay gusto na niyang tanungin ang Diyos kung anong kabutihan ba ang nagawa niya sa kapwa niya noong past life niya at pinagpala siyang makatabi ito sa mahigit kalahating araw nilang byahe. Nginitian pa siya nito na para bang close na sila. At hindi pa iyon natapos doon dahil nang makarating sila sa inn ay ito pa ang nagprisintang magbitbit ng gamit niya at nagdala sa pang-isahang kuwarto kahit pa nakikipag-unahan pa sana si Paul na gawin iyon para sa kanya.
Hindi ito masalita ngunit sa dalawang beses na nginitian siya nito ay para bang nakuntento na ang puso niya. Ni wala pa ngang isang araw na nakakasama niya ang lalaki. Mabibilang pa nga sa mga daliri niya sa kamay ang mga salitang sinabi nito sa kanya. He was obviously being kind to her for an unknown reason. But she can't seem to ask him about it. Na para bang natatakot siyang bigla itong magbago kung direkta niyang tatanungin ito. Maybe he was just a perfect gentleman.
Hinilot ni Fabielle ang bahagya nang kumikirot na sentido. Galing siya sa ilang oras ding byahe pagkatapos ay imbes na gamitin ang dalawang oras na ibinigay sa kanilang pahinga para makaidlip ay kung sinong lalaki pa ang pinag-iisip niya. She has to stop before she ends up staying behind when the other people she was with leaves for the "Cave connection" tour.
At tila ba sinasadya na bigla na lamang umalingawngaw ang busina ng sasakyan mula sa labas ng tinutuluyang inn. Their two-hour rest was up. Sinusundo na sila ng driver nila para sa unang aktibidad sa tour na iyon.
Oo, Fabielle. Hindi lalaki ang ipinunta mo rito. Adventure. Para makalimot.
Huminga siya ng malalim bago sumunod na rin sa mga kasama niyang nagkanya-kanyang labas na rin ng inn at nagsisakay na sa sasakyan. Ni hindi na nga niya napansin na nagkanda-labu-labo na ang mga upuan nila. Napaigtad lamang siya nang may tumapik sa balikat niya.
"Fabielle"
"Paul." Nasambit niya at pinilit ngitian ang lalaki. Nananalangin siyang hindi nito nahalata na grabeng effort ang kinailangan niya para sa ngiting iyon. Kung bakit kasi hindi na niya tinignan kung kanino siya tumatabi.
"Sa wakas nakatabi rin kita." Dagdag pa ni Paul habang nakangisi. Parang gusto niyang mapangiwi sa sinabi nito. Hindi kasi maganda ang naging rehistro ng sinabi nitong iyon sa kanya.
"Ah... o-oo nga." Bagaman naiilang ay sabi na lamang niya. Ngunit waring napalis ang anumang nararamdaman niyang pagkailang nang di sinasadyang dumako ang tingin niya sa lalaking katabi ni Paul. Hindi ito nakatingin sa kanya ngunit sa ilang oras na nakatabi niya ito ay hindi na niya maipagkakamali. Not to mention kanina pa ito naglalagalag sa isip niya kahit nagkulong lamang naman ito sa silid nito nang makarating sila at magpahinga sa inn.
Josh!
Did she said that aloud? Kasi naman ay bigla rin itong lumingon sa kanya. At agad ang pagbundol ng kaba sa dibdib niya nang magtama ang mga tingin nila. Nagdududa na tuloy siya kung talaga nga bang sa trip na iyon lamang sila nagkakilala nito.
Ngunit hindi pa pala ito tapos sa panggugulo sa sistema niya dahil hindi pa man niya napapakalma ang nagwawalang tibok ng puso niya, heto na naman ito at ngumingiti sa kanya. Was he teasing her? Kung ganoon ay nagtatagumpay ito. At hindi niya malaman kung matutuwa o matatakot siya sa epekto nitong iyon sa kanya.
"You know you really look familiar."
Sa unang pagkakataon magmula nang makilala niya si Paul ay natuwa siya sa presensiya nito. Nagsilbi kasi itong distraction sa distracted na nga niyang isipan nang dahil sa lalaking pangalan lamang ang alam niya.
"Ako?" tanong niya kay Paul at ibinaling na ng tuluyang ang atensiyon rito. He was not exactly likable but he looks safe.
"Yup. Kagabi ko pa iniisip mula nang makita kita kagabi. You have quite a resemblance to Sasha. The model?" nakangiting sabi ng lalaki.
"Ah oo. May mga nakapagsabi na nga niyan." Kiming sagot na lamang niya bagaman hindi siya natutuwa sa comparison na iyon. There was something about that model that she didn't like but she just can't point her finger to it. Ayaw niya rito. Tapos.
"But I think you're prettier. " hirit pa ni Paul.
"Thanks." Nagawa niyang sabihin saka pilit na ngumiti. It was a nice compliment. Ngunit bakit hindi man lang siya naapektuhan niyon gaya ng epekto ng simpleng ngiti ng lalaking katabi lamang nito.
Sa isiping iyon ay hindi na niya naiwasan pang muling dumako ang tingin kay Josh. Nakahinga siya nang malalim nang makitang hindi na ito nakatingin sa kanya sa halip ay sa bintana na nakatuon ang atensiyon nito. Ngunit hindi nakaligtas sa mga mata niya ang kunot sa noo nito. Na-offend ba ito nang hindi man lamang niya tugunin ang ngiti nito sa halip ay kinausap niya si Paul?
Bigla parang gusto niyang tawagin ang atensiyon nito para lang ngitian ito. Ngunit alam niyang magmumukha lamang siyang praning kung gagawin niya iyon. Bumuntong-hininga na lang siya at itinuon din ang tingin sa bintanang nasa tabi naman niya. Ano ba ang paki niya kung mainis man ito dahil mukhang d-in-eadma niya ito. It's not as if they were close already.
Oo, hindi naman sila close nito, ngunit bakit hindi niya maiwasang mabahala sa isiping baka na-offend niya ito?