"CAN WE talk?"
Hindi nilingon ni Jillian si Enteng. Nasa location shooting sila. Lumayo siya sa mga kasama niya upang pag-aralan ang kanyang script. Nais din niyang lumayo pansamantala kay Enteng. Hindi niya alam kung paano ito pakikitunguhan pagkatapos ng nangyari sa kanila sa unit niya.
Dalawang araw na mula nang mangyari iyon. Hindi sila nagkita dahil nagkataong hindi sila magkaeksena sa mga eksenang kinunan noong mga nakaraang araw. Ngayon ay magkasama na uli sila. Kanina ay matipid na nagngitian sila upang hindi magduda ang mga kasama nila. Baka isipin pa ng mga ito na nag-aaway sila. Ngunit naiilang siya sa presensiya nito. Pakiramdam pa nga niya ay hindi siya makakaarte nang maayos mamaya.
Kasalanan ni Enteng ang lahat. Kung makahalik ito, tila may karapatan ito. Ginugulo nito ang buong sistema niya.
"If it's about the kiss, forget it," she told him flatly.
Bumuntong-hininga ito. "It's about the kiss. Jilli, Iā"
"Don't you dare!" sikmat niya rito. "Don't you dare ask for forgiveness. Huwag mong sabihing hindi mo sinasadya at pinagsisisihan mo ang lahat. Hindi kita patatawarin, Enteng." Tila nais na niyang maiyak. Nagsimula nang mamasa ang mga mata niya.
Napangiti ito. Hinaplos nito ang pisngi niya. "Hindi ko ihihingi ng patawad ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko, Jilli. I just wanna tell you that after this project, we'll have a serious talk about the changes in our relationship."
Nagsalubong ang mga kilay niya. "Changes in our relationship?"
"We've crossed the line of friendship now, Jilli. We can't go back anymore. It's just not possible."
"We just kissed, Enteng. Why are you making a big deal out of it?"
Sumimangot ito. "We just kissed? Just? Hindi lang iyon basta halik. It's special. You are special."
"I already know that." Hindi niya alam kung bakit kung ano-ano ang mga sinasabi niya. Tila umiikot kasi ang mundo nila. Napakabilis ng tibok ng puso niya.
Matutupad na ba ang matagal na niyang pangarap? Iyon na ba ang araw na magsasanib ang realidad at pantasya?
Hindi niya alam kung maniniwala siya o hindi. Napakatagal niya itong pinangarap. Ang buong akala niya ay mananatili na lamang itong pangarap. Ayaw din niyang paasahin masyado ang puso niya dahil baka hindi naman mangyari ang inaasahan niya. Baka mabigo lamang siya at tuluyan nang mawasak ang puso niya.
Pinisil nito ang ilong niya. "We'll talk further about it. But not now and not here, okay?"
"We are okay then?" pananiniyak niya.
"Of course." Masuyo siya nitong nginitian. She smiled back. Hindi naman siguro masama kung aasa siya sa isang magandang kapalaran para sa kanila. Libre naman sigurong mangarap na sa wakas ay minahal na siya ng lalaking mahal niya.
NAGING maayos ang takbo ng trabaho nila. Wala nang ilangan sa pagitan nina Jillian at Enteng. Wala pa silang napagkakasunduan ngunit sapat nang maayos sila. Kapwa sila masaya na kasama ang isa't isa.
Kilig na kilig si Jillian on and off camera. Parang naging mas malambing kay Clarice si Andrew. Mas naging masuyo ang mga tingin nito. Tila punong-puno ng pagmamahal ang mga mata nito tuwing nakatingin ito sa kanya. Palagi niyang sinasabi tuloy sa kanyang sarili na siya si Clarice at ito si Andrew. Off camera, naging mas maasikaso si Enteng sa kanya. Palaging paborito niya ang mga pagkaing dala nito. Ito palagi ang nagpapakain sa buong staff. Minsan ay ito pa talaga ang naghahatid sa kanya pauwi. She felt so adored.
Last shooting day nila. Sa isang malaking tertiary hospital sa lungsod ang lokasyon. Labis na nalulungkot si Jillian. Bakit ba hindi na lang teleserye ang ibinigay sa kanila upang mahaba-haba ang panahong magsasama sila? Alam niyang mahihirapan siyang mag-adjust pagkatapos. Sanay na sanay na siyang palaging nakakasama si Enteng. Ayaw na nga niyang mahiwalay pa siya rito.
The ending of Clarice and Andrew's story was sad. Andrew died in a car accident. Ibibigay nito ang mga mata nito kay Clarice. Makikita ni Clarice ang ganda ng mundo gaya ng ipinangako rito ni Andrew. She lived her life to the fullest for the both of them.
Hindi niya halos marinig ang palakpakan nang matapos niya ang huling eksenang kinunan. Nasa isang hospital suite siya at nakakakita na si Clarice. Sinabi sa kanya sa unang pagkakataon na wala na si Andrew. Tumangis siya nang sobra. Hindi iyon ang huling eksena sa aktuwal na palabas. Ang final scene talaga ay nakunan na nila sa Batangas. Talagang isinaisip niyang wala na si Enteng at hindi na muling babalik sa kanya upang mailabas niya ang tunay na pighati ni Clarice.
Naramdaman niyang niyakap siya ng direktor nila. "You are so great, Jillian. Perfect. You brought out the real emotions of a girl who just lost her love."
Binigyan siya nito ng isang kahon ng tissue paper. Pinahid niya ang kanyang mga luha na hindi mapatid-patid sa pagtulo. Why couldn't she stop crying? Tapos na ang eksena niya pero parang napakabigat pa rin ng dibdib niya. She could still feel the painful lost. Parang hindi niya kakayanin kapag nawala rin sa kanya si Enteng.
Natawa na ang ilang mga staff nang lumipas na ang mahabang sandali ay hindi pa rin siya tumatahan. Gusto na niyang tumahan ngunit hindi niya magawa. Pinangangapusan na rin siya ng hininga.
Naramdaman niya ang pamilyar na yakap ni Enteng. Gumanti rin siya ng mahigpit na yakap. Siniguro niyang naroon pa ito at buhay. She was being silly, she knew. She just had no idea how to make herself stop crying.
"Hey, what's wrong? Stop crying now, baby. Katatapos lang maoperahan ang mga mata mo. `Wag mong puwersahin," tudyo nito habang hinahagod ang likod niya.
Hinampas niya ang dibdib nito. Patuloy pa rin siya sa pagtangis.
He laughed. "Nurse, oxygen!" anito sa isang extra na gumanap na isang nurse.
Nagkatawanan ang lahat. Lalong lumakas ang iyak niya. Hinaplos nito pati na ang buhok niya. "Hush, baby," bulong nito. "It's okay. Everything's okay."
"You died," she cried.
He softly chuckled. "Andrew died. Enteng did not."
"Do I sound crazy?" tanong niya sa pagitan ng mga luha.
"Yes. Tahan na, Jilli. I'm okay. Really okay. It's Andrew who died, not me." He cupped her face with his hands then he planted a soft kiss on her lips.
Bigla siyang natigil sa pag-iyak. Hindi niya alam kung paano magre-react nang tama. He just kissed her in front of everyone and off camera.
Ngumisi ito. "Tumigil din siya sa pag-iyak," anito.
Napatanga lang siya rito. Masuyong pinunasan nito ang mga luha niya. Humugot siya ng tissue paper at suminga roon. How unromantic.
He ruffled her hair like she was an adorable puppy. Again, how unromantic.
MASAYANG binati ni Enteng si Tita Angie pagpasok niya sa opisina nito. Nginitian siya nito nang maluwag.
"Mukhang maganda ang mood natin, ah," puna nito pag-upo niya sa couch.
"Magandang-maganda po talaga ang mood ko," tugon niya.
"So, nasa mood kang tumanggap ng mga malalaking project? You have an offer to do an international teleserye. Sa Korea. May merging na magaganap sa station natin at sa isang malaking TV station doon. Tatanggapin ko na `to."
Nawala ang ngiti niya sa mga labi. "Tita Angie, I actually came here to discuss my schedule with you. Ayoko po muna sanang tumanggap ng malalaking projects ngayon. Gusto ko po sanang magkaroon ng mga libreng oras. May plano po kasi akong gawin."
Nagsalubong ang mga kilay nito. "Hindi ba at binigyan na kita ng mahabang bakasyon? Hindi pa ba sapat iyon?"
"Plano ko po kasing manligaw, Tita." Nahihiyang ngumiti siya rito. "Kailangan ko ng libreng panahon para sundan-sundan siya sa lahat ng lugar na pupuntahan niya."
Nanlaki ang mga mata nito. "You cannot be serious, Enteng."
"I am very serious. I'm very serious about this girl. I plan to pamper her. Todong ligaw ang plano ko pong gawin."
"Mukhang mahal na mahal mo nga ang babaeng iyan. Puwede ko bang malaman kung sino siya? You know I respect your privacy. I just wanna know in case press would make a big deal out of it. Para alam ko kung ano ang sasabihin kung sakali. I want to be prepared as much as possible. Is she showbiz or not? If she's not in showbiz, be very careful."
"It's Jillian. Liligawan ko po si Jillian."
Laglag ang mga panga nito. "You got to be shitting me!"
Natawa siya nang malakas. It felt so good to let it all out. Kailangan niya ng kakampi sa katauhan nito. Ito ang may alam ng mga schedule ni Jillian. Ito rin lang ang makakapag-ayos ng schedule niya upang mas makasama niya si Jillian.
"I love her, Tita. No shit."
"What? How? When? Why?"
Lalo siyang natawa. "Kailangan ba talagang may mahabang explanation? I love her, truly and really. Ain't that enough?"
"I'm speechless."
"Tell me you'll help me, please. Siguro naman tutulungan n'yo akong mapaibig siya."
"Are you sure about your feelings?"
Tumango siya. "Very. Two hundred percent sure."
Napangiti na ito. "Kailan pa `yan?"
Nagkibit-balikat siya. "Siguro noon pa, I'm just not aware of it. It feels great to admit it, you know. I want the whole world to know that I'm in love with her. Pero naisip ko rin na mas mabuti kung hindi magiging masyadong showbiz ang lahat. I want everything between us to be private as much as possible."
"Sigurado ka ba? Baka naman apektado ka pa rin sa huling karakter na ginampanan mo? Baka nadadala ka lang."
Nilapitan niya ito at niyakap. "Tita, you know me. Ang trabaho ay trabaho. Walang kinalaman ang mga karakter namin sa nararamdaman ko. To be honest, I started to feel something strange for her when she was doing her indie film."
"I'm happy for the both of you. Take care of each other, okay?"
"Buong pagmamahal ko po siyang aalagaan. Makakaasa po kayo roon. Sa katunayan nga po ay pinutol ko na ang anumang mga kaswal na ugnayan ko sa ibang mga babae. Tanging si Jilli na lang ang nasa buhay at puso ko. Do you wanna hear my plans?"
"Of course."
NANG mga sumunod na araw ay naging abala si Jillian sa ilang mga commitment niya at sa promotions ng independent movie niya. Naipalabas na ang trailer niyon at naibigan niya nang husto.
Maraming mga tao ang hindi makapaniwalang gumawa talaga siya ng ganoong uri ng pelikula. Marami ang nagulat. Marami rin ang pumuri sa lakas ng loob niya. Marami rin ang nagsasabing iyon na ang katapusan ng magandang career niya. Para daw siyang nagpatiwakal dahil sa pelikulang iyon.
Hindi niya pinansin ang mga negatibong puna. She was very proud of that movie. Hindi niya hahayaang maapektuhan siya ng mga salita ng iba. Kung bumagsak man siya dahil sa pelikulang iyon, kagaya ng sinabi niya noon, she would suffer the consequences.
Mabuti na lang at marami pa ring tao na naniniwala sa kakayahan niya. May ilang press people na nagsasabing tila maganda ang naging pag-arte niya sa pelikula base sa nasilip ng mga ito sa trailer.
"My instincts tell me that you'll get an award for this movie," sabi sa kanya ni Direk Simon. "Huwag mong damdamin ang mga sinasabi ng ibang mga tao. You're a great actress, Jillian. Kakainin nilang lahat ang mga negatibong komento nila sa oras na mapanood nila ang buong pelikula mo."
"I'll be proud of you no matter what," ani Tita Angie sa kanya.
"I'll still write songs for you," sabi ni Maken sa kanya nang minsang magkita sila sa Sounds.
"And I'll still produce your albums," segunda ni Rob.
"You'll still be my top endorser," wika ni First Nicholas o Nick na nasa Sounds din. He was also a Lollipop Boy. Nang ma-disband ang mga ito, pinagtuunan nito ng pansin ang mga negosyo ng pamilya nito. Malaking conglomerate ang hawak nito. Endorser siya ng ilang mga pangunahing produkto nito.
"I'll just be here," sabi naman ni Enteng. "Mananatili ako sa tabi mo lagi. Hindi kita iiwan."
Sapat na ang mga iyon upang hindi bumaba ang self-confidence niya. Marami pa ring mga tao ang nagtitiwala sa galing niya. Marami pa rin ang nakasuporta sa kanya.
Ang pinakaimportante sa lahat, lagi ngang nasa tabi niya si Enteng. Minsan, nagugulat na lang siya kapag nakikita niya ito sa mga lugar na pinupuntahan niya. Madalas silang kumain sa labas. Nang tanungin niya kung wala itong mga commitment, wala pa raw ibinibigay rito si Tita Angie. Sinasamantala na niyang makasama ito dahil siguradong bihira na niya itong makakasama kapag puno na ang schedule nito.
Hinihintay rin niyang kausapin siya nito tungkol sa pagbabago ng relasyon nila. Hindi niya alam kung bakit hindi pa nito muling binubuksan ang paksang iyon. Naiinip na tuloy siya sa paghihintay. Nahihiya naman siyang siya ang magbukas sa paksang iyon. Ito dapat ang manguna dahil ito ang lalaki. At ito rin ang nagsabi na pag-uusapan nila ang bagay na iyon.