Chereads / Hey! Mr. Rebound! / Chapter 3 - Chapter 2. "Friendship Over"

Chapter 3 - Chapter 2. "Friendship Over"

Chapter 2. "Friendship Over"

Jana's POV

Bakit hindi ko man lang nahalata? Bakit hindi ko man lang napansin? Gano'n na ba ako kamanhid para hindi ko maramdamang niloloko ako ng boyfriend ko at mismong bestfriend ko pa? Mabilis akong tumakbo habang umiiyak. Hindi ko mapigilan ang pag-agos ng luha ko mula sa aking mata. Kasabay no'n ay ang kirot sa puso ko.

Huminto ako at marahan nang naglakad. Hinihingal man ay patuloy pa rin akong umiiyak.

"Nakakainis!" Sigaw ko habang humahagulgol ng iyak habang naglalakad pauwi. "Nakakainis kayo!"

Muling bumalik sa isip ko ang nangyari kanina.

"Sandali, Sena si Julius ba ang boyfriend mo?" Nanginginig ang boses ko nang tanungin ko si Sena. Kasabay ang pagiipon ng luha sa aking mga mata. Hindi sana mali ako ng tinanong. Hindi di ba? She's my bestfriend. Hindi niya ako magagawang lokohin.

Diretso akong nakatingin sa mga mata ni Sena. Ngumisi naman si Sena sa akin at taas-kilay akong tiningnan.

"Oo, si Julius nga. Kaya tanggalin mo yang kamay mo sa kamay ng boyfriend ko!" Sigaw ni Sena saka ako tinulak palayo kay Julius dahilan para mapaupo ako sa damuhan.

"Sena tama na!" Awat ni Julius kay Sena.

"Bakit? Naaawa ka sa kanya?"

Hindi na napigilan ng luha ko ang bumuhos. Anong nangyayari? Tumingala ako at tiningnan ko si Julius. Kita ko ang lungkot sa kanyang mga mata. Bakit siya nalulungkot gayong siya naman ang nanloko.

"I'm sorry, Jana." Tumayo ako at malakas ko siyang sinampal.

"Sorry? Anong magagawa ng sor-" Hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang sampalin din ako ni Sena. Nanlilisik ko siyang tiningnan. "Ikaw. Kaibigan kita. Paano mo nagawa 'to sa akin!"

"Kaibigan?" Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi ni Sena. Hindi na siya ang Sena na nakilala ko. Hindi na siya ang Sena na iniligtas ko lang noon. "Hindi kita tinuring na kaibigan, Jana."

"Ano?" Hindi makapaniwalang tanong ko. "May lakas ka na ng loob ngayon?"

"Oo. Hindi na ako ang Sena na nagtatago sa anino mo." Matapang niyang sabi. Mariin kong ipinikit ang mga mata ko.

"Fine, from now on. Friendship is over." Aniko at saka sila iniwan. Pagtakbo ko napahinto ako nang makasalubong ko si gung-gong. Nakita kong seryoso siyang nakatingin sa akin pero hindi ko siya pinansin at tumakbo na lang palampas sa kanya.

"Mga walang hiya sila." Humihikbi kong sabi. "Paano nila nagawa 'yon?" Kinuha ko ang panyo sa bulsa ko pero wala akong makapa. "Nakakainis! Pati ba naman panyo iniiwan ako?"

Akmang ipupunas ako ng mukha ko sa manggas ng blouse ko nang makita kong may panyo na nakalahad sa harapan ko. Tiningnan ko ang nag-abot, siya pala. Bakit nandito pa rin siya. Kanina niya pa ba ako sinusundan?

Inis ko siyang tiningnan pero nakita kong seryoso lang ang mukha niya na para bang nakikisimpatya sa akin. Marahan kong kinuha ang puting panyo na inaabot niya sa akin at pinunas sa luha ko.

"Okay lang bang singahan ko?" Tanong ko sa kanya. Ngumiti naman ang ungas at tumawa ng malakas.

"Okay lang siningahan ko rin naman 'yan kanina." Natatawa niyang sabi. Nanglaki ang mga mata ko at inihagis sa kanya ang panyo niya.

"Gung-gong ka!" Sigaw ko at akmang sasapakin siya nang bigla siyang tumakbo pauna sa akin.

"Joke lang, hindi ko 'yan ginamit." Natatawa niyang sabi. Umayos ako ng lakad at mabilis siyang nilagpasan pero naramdaman kong sumunod pa rin siya.

"Hoy, Jana. Kilala mo na ba ako?" Tanong niya sa akin.

"Oo," Huminto ako sa paglalakad at hinarap siya. "Di ba playboy ka? Gian Xial Bustamante? Sikat ka sa mga babae sa campus." Sagot ko sa kanya. Ngumiti naman ng nakakaloko si Gung-gong.

"So crush mo rin ako?" Nakaka-asar niyang tanong.

"Asa. Matapos ang nangyari sa akin ngayon wala na akong nararamdaman." Tulala kong sabi dahil muli ko na namang naramdaman ang kirot sa puso dahil sa nangyari kanina. Para bang maya't mayang nagrereplay sa isip ko ang mga nangyari.

"Aray ko!" Sigaw ko at mabilis na hinawakan ang ulo. "Hoy gung-gong ka! Bakit mo ako binatukan?" Sigaw ko sa kanya. Ang kapal ng isang 'to ah!

"Sabi mo kasi wala ka nang nararamdaman e bakit ka pa rin diyan nasasaktan?" Natahimik ako sa sinabi niya. Alam kong ang ibig niyang sabihin ay ang pagbatok niya sa akin pero bakit parang ang lalim pa ng pagkakaintindi ko?

Tama siya. Nasasaktan ako. Pero hindi naman ganon kadali na pagalingin ang pusong nasaktan. Kung may ospital lang na para sa mga pusong dinurog at winasak, i-co-confine ko na 'tong sa akin. Tapos papaturukan ko ng anesthesia para mamanhid na.

Muling umagos ang luha ko. Hindi ko sila kayang pigilang bumuhos lalo pa't nasasaktan naman talaga ako. Kahit pa itago kong okay ako sa gung-gong na 'to, hindi ko kaya. At hindi ako nahihiya kahit na mukha na akong tanga sa harap niya.

"Hay naku, umiiyak na naman siya. Tara nga!" Nabigla ako nang hawakan niya ako sa braso.

"Sandali, saan naman tayo pupunta?" Humihikbi kong tanong sa kanya. Seryoso naman niya akong tiningnan.

"Papagalingin natin yang puso mong winasak ng mga 'yon!" Aniya at hinila ako ay mali, kinaladkad niya ako.

Binitawan niya ako pagdating namin sa isang court. Wala nga lang itong bubong pero may isang ring at malapit ito sa park. Bakit naman niya ako dinala rito? Gusto niya bang maglaro ng basketball? Sandali?! At ako pa talaga ang trip niyang kalaro?

"Hoy gung-"

"Xial." Aniya at pinutol ang pagtawag ko sa kanya. "Xial ang pangalan ko." Mukhang seryoso si tukmol ah.

"E ano bang gagawin natin dito?" Inis kong tanong sa kanya.

"Oh!" Bigla naman niyang pinasa sa akin ang bola. "Ishoot mo 'yan, kapag na-shoot mo yan, panalo ka at lilibre kita ng ice cream, kapag naman hindi mo ma-shoot 'yan may aalok ako sa'yo."

Alok? Ano namang alok 'yon? Pusher ba siya at bebentahan ako ng drugs?

"Oy di ako nagda-drugs!" Sigaw ko sa kanya.

"Anong drugs ka diyan?" Natatawa niyang sabi. Eh ano bang alok ang sinasabi niya?

"Eh ano bang ibig mong sabihing alok?" Naguguluhan kong tanong sa kanya. Tumayo siya ng maayos at taimtim akong tiningnan. Ramdam kong naging seryoso ang presensya ng tukmol na 'to.

"Gawin mo akong rebound mo." Seryoso niyang sabi kasabay ng pagsimoy ng hangin.

*?~