Chapter 7. "Love On!"
Jana's POV
Ang dapat ay magre-review ako ngayon para sa retake exam ko sa Monday pero heto ako ngayon, kasama si Takore at nasa labas. Nandito kami sa train station at naghihinatay sa pagdating ng train papuntang Taft Avenue. Ang sabi niya dadalhin niya ako kung saan ako makakalimot. Saan namang lugar 'yon? Magkaka-amnesia ba ako sa lugar na 'yon para makalimutan ang kahayupan ng mga 'yon?
Dumating na ang tren at pumasok na kami. Pinauna niya pa ako. Pagpasok ko, ang sikip na ng tren at wala nang upuan. Tumalikod ako at pagtalikod ko saktong napaharap ako sa dibdib niya. Tumingala ako at tiningnan siya, nakangiti siya sa akin kaya iniwas ko ang tingin sa kanya. Ang tangkad naman kasi ng Takoreng 'to.
Nang umandar na ang tren bigla akong napa-out of balance mabuti na lang at nakahawakan ako ni Takore sa baywang.
"Mag-ingat ka nga." Aniya at inalalayan akong tumayo. Naghanap naman ako ng mahahawakan pero dahil nga hindi naman ako katangkaran hindi ko maabot 'yong hawakan.
Tumingala ako ulit para tingnan si Takore, sakto namang pagtingin ko ay nakatingin siya sa akin. Nakita ko namang natawa siya at napailing saka kinuha ang kamay ko at inilagay sa braso niyang nakahawak sa hawakan.
"Liit kasi." Rinig ko pang pang-aasar niya. Sinamaan ko siya ng tingin at tinawanan niya lang ako.
Pagbaba namin ng tren sumakay pa kami ng jeep. Habang nasa jeep, panay ang tingin ko sa mga kasakay namin. Nagtataka ako bakit sila nakatingin sa akin. Kinalabit ko si Takore at nagtataka naman niya akong tiningnan.
"Oh? Bakit?" Tanong niya. Inilapit ko sa tainga niya ang bibig ko.
"May dumi ba ako sa mukha?" Bulong ko sa kanya. Inilayo naman niya ang tainga niya sa akin at tiningnan ako sa mukha.
"Wala. Maganda ka naman ah." Bigla akong napanganga sa sinabi niya. Hindi ko tinatanong kung maganda ako. Nang mga oras na 'yon para akong timang na parang naiihi dahil sa sinabi niya. Napasinghap na lang ako at inirapan siya. Narinig ko namang tumawa siya.
"Nagtataka ka ba kung bakit madaming nakatingin sa atin?" Bulong niya sa akin. Nilingon ko naman siya habang salubong ang kilay dahil sa inis sa kanya. Pero ang Takoreng 'to hindi na yata natanggal ang ngiti sa mukha niya, naka-glue na yata ang pagiging smiling face niya.
"Kanina pa, akala ko mga holdaper sila e." Sagot ko. Lumakas naman ang tawa niya. Mas lalo akong nainis sa kanya. Palagi niya akong pinagtatawanan. Kinurot ko siya sa braso para tumigil siya. "Umayos ka nga." Irita kong sabi. Tumigil naman siya sa pagtawa niya.
"Pasensya na, kasi naman ang exaggerated mo mag-isip. At saka wag ka magtaka kung bakit sila nakatingin sa atin." Aniya. Mas lalo naman akong nagtaka.
"Bakit nga ba?" Tanong ko sa kanya. Humarap naman ang mokong sa akin habang nakangiti saka niya inilagay ang isa niyang kamay sa ilalim ng baba niya at pinormang 'pogi sign'.
"Pogi kasi ang kasama mo." Pagmamayabang niya at kumindat pa. Naningkit naman ang mga mata ko sa pagyayabang niya. Para siyang tornado sa sobrang hangin niya. Inirapan ko siya.
Bigla naman siyang pumara kaya napatingin ako sa kanya. "Tara na." Yaya niya sa akin. Nauna siyang bumaba ng jeep at inalalayan niya ako. Pagtingin ko sa pinagbabaan namin, nandito kami sa MOA. So ito na ang lugar kung saan ako makakalimot? Sa isang mall?
"Tara na!" Nabigla naman ako nang bigla niya akong hawakan sa kamay at hinila papasok ng MOA.
Pagdating namin sa loob dumiretso kami sa ice skating rink. Ano naman ang gagawin namin dito? Hindi naman ako marunong nito? Baka makabeso lang ng mukha ko rink nito!
"Hoy, Takore hindi ako marunong." Angal ko sa kanya pero tumawa lang siya at pinaupo ako.
"Akong bahala sa'yo." Aniya saka hinubad ang suot kong sapatos at saka niya sinuot ang ice skate shoes sa paa ko.
"Takore, babagukin mo ba ako? 'Yon ba ang paraan mo para makalimot ako? Gusto ko lang makalimot pero ayaw ko pang mamatay!" Reklamo ko sa kanya. Tumawa na naman siya ng malakas.
"Ang exaggerated mo talaga. Syempre hindi. Tara na!" Hinila niya ako patayo at inalalayan niya ako papasok ng ice skating rink.
Pagpasok namin ng ice skating rink bigla naman akong iniwan ng gung-gong at nagpadulas-dulas na siya sa yelo habang ako dahan-dahan na inaalalayan ang sarili ko. Ang galing naman ang isang 'to mag ice skating.
"Jana, anong ginagawa mo?" Pang-aasar niya pa habang nagpapaiko-ikot sa akin.
"Hoy tukmol ka, lumapit ka dito!" Inis kong sigaw sa kanya. Narinig ko namang tumawa siya at lumapit sa akin.
"Akin na kamay mo." Aniya. Napatingala ako at tiningnan siya, nakangiti siya sa akin habang nakalahad ang kamay niya. Akmang hahawakan ko na ang kamay niya nang bigla niyang ilayo saka nagpadulas palayo sa akin.
"Kainis ka!" Sigaw ko sa kanya pero ang tukmol tawa lang ng tawa. Naglakad na ako paalis ng ice skating rink pero napahinto ako nang mapansin kong nakatayo na ako ng maayos dito sa loob ng rink. Tiningnan ko ang paa ko at nakatayo na nga ako.
Inumpisahan ko nang magpadulas sa yelo at nagagawa ko siya. Kakaibang tuwa ang naramdaman ko habang nagpapadulas ako sa yelo.
"Di ba kaya mo naman." Napalingon ako sa tabi. Si Takore sinasabayan ako. Nginitian ko lang siya. Ang sarap sa pakiramdam na makaya mo ang isang bagay na akala mo ay hindi mo kaya. Parang ang pagkasawi ko, alam kong malungkot at mahirap pero alam kong kaya ko ring makalimot.
Naglaro pa ako sa loob ng ice skating rink. Hinahabol ko si Takore tapos tatayain ko siya at siya naman ang hahabol sa akin. Para kaming mga batang ngayong lang nakapaglaro ng mata-mataya. Pagtapos naming mag-ice skating hinila naman niya ako papuntang arcade. Naglaro na naman kami. Pero ang nag-enoy ako ay 'yung 'Just Dance' ang galing palang sumayaw ng Takoreng 'to pero natatawa ako sa kanya lalo na kapag kimikembot siya. Para bang sinasadya niyang magmukha siyang nakakatawa para tumawa ako o baka assuming lang ako. Marami tuloy ang nanunuod sa kanya. Nang matapos ang sayaw, biglang may lumapit sa kanyang dalawang babae.
"Kuya pwede pong pa-picture?" Sabi ng isang babae sa kanya. Napakunot naman ako ng noo at napairap.
"Sure." Sagot ni Takore at mabilis kong siyang tiningnan ng masama pero hindi niya ako nakita dahil abala siya sa dalawang babaeng 'yon.
Nakita ko namang kinuha niya 'yung cellphone nong babae at tinapat niya sa dalawa. Bigla akong natawa sa ginawa niya lalo na sa reaksyon ng dalawang babae.
"Hindi po kuya, papapicture po kami sa iyo, kasama ka." Paliwanag ng babae.
"Ah, sorry akala ko ako ang magpipicture sa inyo." Natatawa niyang sabi.
"Okay lang po." Sabi ng isang babae. Mas lalong nanlisik ang mata ko at tumaas ang kilay ko habang pinapanuod ko silang magpicture.
Inirapan ko siya at saka kinuha ang sling bag ko sa upuan at naglakad palabas ng arcade. Narinig ko namang tinawag niya ako.
"Jana!" Sigaw niya pero hindi po siya nilingon at naglakad lang. "Jana, sandali!" Aniya at hinawakan ako sa braso. Nilingon ko naman siya at sinamaan ng tingin. Bigla naman siyang napaurong at binitawan ang braso ko. Naglakad na ako ulit at iniwan siya pero naramdaman kong sumunod siya sa akin.
"Uy, galit ka ba? Ba't ka nagagalit?" Tanong niya habang nakasunod sa akin.
"Hindi ako galit, nauuhaw lang ako." Sagot ko at nilibot ang mall para maghanap ng mabibilhan ng inumin.
"Ah, ako na ang bibili." Hinila naman niya ako at pinaupo sa bench. "Diyan ka lang." Sabi niya't nginitian ako pero hindi ko siya pinansin at iniwasan lang ng tingin.
Umalis na siya para bumili ng maiinom namin. Naiwan naman ako rito sa bench mag-isa. Habang hinihintay siya, napalingon ako sa katabi ko. Bigla akong napairap sa kanilang dalawa, dito ba naman maghalikan sa tabi ko? Jusme! Get a room dudes!
"Ganitong bitter ako, ang sarap manapak ng magjowa." Sambit ko sa sarili ko. "Kainis!" Maktol ko at kinuha ang cellphone at earphones ko. Nilagay ko sa dalawang tainga ko ang earphone at nagkinig ng music sa phone ko. Tinatanaw ko naman si Takore kung nasaan na siya at nang mapalingon ako sa kanan ko, hindi ko inaakalang makikita ko sila dito. Bumakas na naman ang biyernes santo sa mukha ko nang makita ko sina Sena at Julius na magkasama habang naglalakad rito sa mall.
"Kung minamalas ka nga naman." Sabi ko sa sarili ko. Nang dadaan na sila sa gawi ko, tinakip ang sling bag ko sa mukha ko at marahan na naglakad at tinitingnan sila.
Nang makalayo sila inalis ko na ang sling bag ko sa mukha ko at pinanuod na lang silang makalayo. Muli ko na namang naramdamang may sumusuntok sa puso ko. Ganto pala ang pakiramdam kapag 'yung taong minahal mo, wala na sa'yo.
Hindi na napigilan ng luha ko ang bumuhos mula sa aking mga mata.
"Jana, ito na-bakit ka umiiyak?" Tanong ni Takore pagdating niya. Hinarap ko naman siya habang umiiyak.
"Ang tagal mo kasi! Nauuhaw na ako! Kainis ka!" Sabi ko sa kanya habang humahagulgol ng iyak at pinapalo siya sa dibdib.
"Kaya pala." Aniya at niyakap ako. Nagulat ako sa ginawa niya. Ramdam ko ang pagtibok ng puso niya habang nasa dibdib niya ang mukha ko. "Sorry, hindi na kita iiwan." Aniya. Tumingala ako at tiningnan siya, nakangiti na naman siya sa akin na para bang okay lang ang lahat.
"Ako si Takore, pandak at mataba..." Kumanta na naman siya ng Takore habang nakatingala ako sa kanya. "Ito ang hawakan at ito ang buhusan." Bakit ganito ang nararamdaman ko habang naririnig ko ang pagkanta niya at habang nakikita ko ang nakangiti niyang mukha. "Pagkumukulo-kulo, kulo kulo kulo, hawakan mo ako at ibuhos mo ako."
Ang luha ko na kanina'y parang ilog na walang katapusan sa pag-agos ay parang natuyo at nawala na.
"Huwag ka na umiyak, ang iyakin mo talaga." Aniya't pinunasan ang luha ko sa pisngi ko.
Humiwalay naman ako sa kanya ng yakap at inayos ang sarili ko. "Tara na, uwi na tayo." Sabi ko rito't nauna nang maglakad. Pero pinigilan niya ako.
"Opps, di pa tayo tapos, may pupuntahan pa tayo." Sabi niya saka hinawakan ang kamay ko't hinila ako. Pagkahila niya sa akin tinitigan ko ang kamay naming magkahawak. Ang lalaking 'to, bakit ba ang bait niya sa akin? Posible bang magkagusto ako sa kanya?