Chapter 5. "Ako si Takore"
Xial's POV
Dinala ko si Jana rito sa park malapit sa school namin. Nag-over-the-bakod pa kami para lang makalabas sa school. Ayaw niya raw kasing pumasok muna sa klase niya dahil mukha raw siyang umiyak, e umiyak naman talaga siya. Ayaw niya raw na ipakita sa mga tao ang kahinaan niya. Kinuha ko pa sa classroom nila yung bag niya at saka siya sinamahan rito sa park.
Mula sa school habang papunta kami rito sa park hindi pa rin siya tumitigil sa pag-iyak niya. Ako naman ay tahimik na nakasunod sa kanya. Habang naglalakad pansin kong panay ang tingin ng mga taong madadaanan namin. Anong meron?
"Ang aga aga nagbe-break sila, Kuya." Rinig kong sabi ng nakasalubong namin. Tiningnan ko nama sila na puno ng pagtataka. Umiwas naman sila ng tingin sa akin at nagpatuloy sa paglalakad.
Hindi ko sila pinansin at sinundan na lang si Jana, pero napagtanto ko ang lahat nang marinig ko ang sinabi ng babaeng nakasalubong namin.
"Walang forever, break na yan!" Natatawang sabi ng babae sa kasama niya.
Napapikit ako ng mata sa inis at hinabol si Jana. Oo nga, isang babaeng umiiyak habang may lalaking nakasunod. Mukha pala kaming nagbe-break ni Jana.
"Jana!" Tawag ko sa kanya saka siya hinawakan sa braso. "Sandali la-aray!" Sigaw ko nang bigla niya akong sapakin sa mukha.
Napahawak ako sa mukha ko sa sakit. Sinundan ko lang siya ng tingin habang namimilipit sa sakit. Ang sadista naman niya! Ako na nga lang ang karamay niya eh.
Masakit man ang mukha ko, sinundan ko pa rin si Jana. Hindi naman na ako makakapasok sa school e. At saka alam kong mas kailangan niya ako ngayon. Pagdating sa park, naupo lang siya roon habang tulala at lumilipad ang isipan. Hindi na siya umiiyak pero bakas sa mukha niyang galing siya sa pag-iyak. Kitang kita sa mukha niyang malungkot siya.
Tumabi ako sa kanya at pinagmasdan ang mukha niya pero hindi niya ako pinapansin. Tulala lang siya at tila ba hindi ako nararamdaman.
"Ano bang gagawin ko?" Bulong ko sa sarili ko. "Paano ko ba siya mapapasaya?"
Nilibot ko ang paningin ko sa buong park. "Ayos!" Saad ko nang makakita ako ng nagtitinda ng ice cream. "Sandali lang, Jana ah!" Paalam ko at saka tumayo para bumili ng ice cream.
Pagbili ko ng ice cream bumalik ako sa upuan namin. Hindi pa rin siya kumikibo, tulala pa rin.
"Jana oh, para sa'yo." Sabi ko rito habang dinidilaan ang hawak kong ice cream. "Dalawa binili ko eh, sa'yo na lang isa." Masayang sabi ko sa kanya.
Tiningnan naman niya ang hawak kong ice cream. Matagal niya 'tong tiningnan at mayamaya pa bigla na lang siyang umiyak. Nabigla ako. Inaano naman siya ng ice cream?
"Hoy walang kasalanan ang ice cream ah!" Nag-aalalang sigaw ko sa kanya. Hindi sa kanya kundi sa ice cream baka mamaya itapon niya 'to eh.
Nilayo ko agad ang ice cream sa harap niya. Umiiyak na naman ulit siya.
"Kumakain din kami ng ice cream ni Julius dati." Aniya sa pagitan ng pag-iyak niya. Ngayon alam ko na kung bakit siya umiiyak. Napabuntong-hininga ako. Pinaalala pa ng ice cream na 'to ang hambog na 'yon sa kanya.
Akmang itatapon ko ang ice cream na hawak nang pigilan niya ako. Napatingin ako sa kanya. Humihikbi siya. "Akin na 'yan." Sabi niya saka kinuha ang ice cream ko. Napangiti ako at agad na inabot sa kanya ang ice cream.
Pagkuha niya ng ice cream akala ko kakainin niya pero napanganga ako nang bigla niyang ibato yung ice cream sa puno habang umiiyak. Hala ka! Sayang yung ice cream ah!
"'Wag ka na nga umiyak." Saway ko sa kanya, pero hindi niya ako pinapansin. "Ang iyakin mo naman." Dagdag ko pa pero tulad kanina wala pa rin siyang reaksyon. Hindi ako sanay magpasaya ng tao. Lalo na kapag ganitong broken hearted. Sarili ko nga di ko mapasaya siya pa kaya.
Bigla ko namang naalala ang kantang 'yon. Ewan ko ba pero natatawa ako sa kantang 'yon eh.
"Jana!" Tawag ko sa kanya. Nilingon naman niya ako pero umiiyak pa rin siya. Malapad akong ngumiti sa kanya. "Kakantahan at sasayawan kita para di ka na umiyak." Masigla kong sabi sa kanya pero gaya kanina wala pa rin siyang reaksyon.
Tumayo ako sa harapan niya. "Jana Dayne Encarnacion, sa buong buhay ko ngayon pa lang ako sasayaw ah at para lang mapasaya ka!" Masigla kong sabi.
Nilibot ko nang tingin ang paligid. Mabuti na lang at wala pa gaanong tao rito sa park.
Nakakahiya naman 'to pero sige na nga. Pinasok ko 'to eh.
Huminga ako ng malalim at tiningnan siya saka ngumiti.
"Ako si Takore pandak at mataba." Pagkanta ko saka umakto na isang takoreng mataba. "Ito ang hawakan at ito ang buhusan." Inilagay ko sa baywang ko ang isang kong kamay para magmukhang hawakan ng takore at tinaas ko naman na parang cobra ang isa kong kamay para sa bukusan ng takore. "Pagkumukulo-kulo, KULO KULO KULO!" Sigaw ko saka kumembot sa harap niya. "Hawakan ko ako." Kinuha ko ang kamay niya at nilagay sa braso kong parang hawakan ng takore. "At ibuhos mo ako!" Masiglang pagtapos ko sa kanta.
Napansin ko namang marami na palang tao ang nakatingin sa akin. Pero si Jana hindi pa rin masaya. Napalunok ako at naupo sa tabi niya. 'Yong mga tao naman sa paligid naman nagtatawanan. Ramdam ko ang pag-init ng pisngi ko sa hiya. Hindi ko na gagawin ulit 'to umiyak man ng dugo si Jana. Kainis ah!
Napalingon naman ako kay Jana nang makarinig ako ng mahinang bungisngis. Dali-dali ko siyang hinarap at tiningnan ang mukha. At doon ko nakitang tumatawa siya.
"Ta-Takore daw." Aniya sa pagitan na pagtawa niya. Napangiti naman ako dahil napasaya ko siya. "Gung-gong talaga siya." Agad na napasimangot ako sa dinagdag niya.
Hinintay kong tumigil siyang tumawa. Maya't maya naman ang tawag niya ng takore sa akin. Pinapaulit niya pa sa akin yung kanta at sayaw pero sabi ko ayoko na.
"Dali na, Xial! Nakakatawa kasi e" Natatawa niyang sabi.
"Leche! Ayoko na! Ikaw lang masaya e." Sabi ko rito saka siya tinalikuran.
Natahimik naman siya at ganon din ako.
"Salamat." Rinig kong sabi niya. Nilingon ko siya at nakita kong masaya siyang nakangiti sa akin. "Salamat sa'yo, Mr. Rebound."
Nanglaki ang mga mata ko sa narinig kong sinabi niya. Nang mga oras na 'yon, kakaibang ngiti ang nakita ko sa mukha ni Jana. Isang ngiting kakaiba ang dinala sa puso ko.
"Sus, wala 'yon." Sagot ko sa kanya.
"So? Kakanta ka nan g takore?" Pang-aasar niya. Naningkit ang mata ko sa sinabi niya. Pero natawa na lang ako dahil saw akas, nakapagpasaya ako ng taong kailangan ako.
Jana's POV
"Ayos ka na ba talaga, Jana?" Tanong ni Xial habang pabalik kami ng school. Kumain na kami ng lunch kaya pabalik na kami ng school. Magha-half day na lang kaming dalawa. Hinanda ko na rin ang sarili ko na makita sina Sena at Julius sa school. Pero sino ba sila para pagtuunan ko pa ng pansin?
"Okay na ako, alam ko namang nandiyan ka eh, di ba?" Masigla kong sabi kay Xial. Ngumiti naman siya ng malapad.
"Naman! Ako yata si Gian Xial Bustamante, ang Mr. Rebound ni Jana Dayne Encarnacion!" Ganadong sabi niya at nagpa-macho pa sa harap ko.
"Gung-gong, kumanta ka na lang ng takore." Pang-aasar ko sa kanya saka nauna sa kanya sa paglakad.
Ang babaw man pero dahil sa takore niya, natuwa ako. Oo nakakatuwa talaga, kahit sino naman ang makakakita ng ginawa ni Xial matatawa talaga. Kahit pa na ako, na isang broken hearted.
Napahinto ako nang sumagi ulit sa isip ko ang nangyari kanina.
Jana, tama na. Lakasan mo ang loob mo.
"Jana!" Napalingon ako sa tumawag sa akin. Pagtingin ko kung sino, si Abby pala. Nagtaka naman ako dahil parang nagmamadali siyang makita ako. Hingal na hingal siya nang makarating sa lugar ko.
"Bakit, Abby?" Nagtatakang tanong ko.
"Ba't ba di ka pumasok kanina? Sa'n ka ba galing?" Tanong niya sa pagitan ng paghingal niya.
"Ah, umuwi ako sa bahay. Alam mo na, call of nature." Pagdadahilan.
"Tss. E bakit si Xial pa kumuha ng gamit mo?" Tanong niya. Hinanap ko naman si Xial sa likod pero wala na ang takore. Bigla tuloy akong napangiti. "Oy? Ningingiti-ngiti mo diyan? Makakangiti ka pa kaya kapag nakita mo 'to?" Ani Abby saka binigay sa akin ang isang papel. Pagtingin ko, yung 4th grading periodical exam ko sa Math.
Binuksan ko ang test paper at halos maluha ako sa nakita. Isang tumatagingting na F ang grade ko!
"Sabi ni Ma'am Borromeo mag-retake ka raw sa Monday niyang exam mo, kapag bumagsak ka pa raw sa retake exam. Magsa-summer ka na raw." Paliwanag ni Abby.
Paano na 'to? Kainis naman!
Natapos na ang afternoon period namin. Buong period kong pinilit isipin na invisible si Sena. Habang si Julius naman ay pinagdarasal kong wag pumunta sa classroom namin. Section 2 ako habang si Julius naman ay Section 4. Bigla akong napaisip, ano nga palang section ni Takore?
Cleaners ako ngayon kaya naiwan ako. Mag-isa na lang ako sa classroom. Hapon na rin at konti na lang ang mga istudyante. Kung minamalas ka nga naman. Ang malas ko naman ngayong araw, una akala ko makikipagbalikan sa akin si Julius, pangalawa nakita ko pa silang naghahalikan ni Sena, pangatlo bagsak ako sa Math exam ko, pang-apat walang magtuturo sa akin! Kainis talaga!
"Anong gagawin ko?" Tanong ko sa sarili ko habang nagma-mop ng sahig.
"Bakit, Jana?" Napatingin ako sa likod ko. Si Xial takore pala. Napabuntong-hininga ako at naipo sa isang desk.
"Bagsak kasi ako sa exam ko sa Math." Sagot ko kay Xial. Sandali siyang natahimik pero biglang tumawa ng malakas. Inis ko siyang tiningnan. "Tawa pa? Takore?" Pang-aasar ko. Natigil naman siya sa pagtawa niya.
Pauwi na kami ni Xial pero lutang pa rin ang isip ko. Dalawang araw na review tapos exam na. Kaya ko ba? Math 'yun eh! Dapat gantong oras nagpapakasenti pa ako pero heto ako ngayong nag-iisip tungkol sa exam ko.
Isang malalim na buntong hininga ang binitawan ko at huminto sa paglalakad. Bigla naman akong nabangga ni Xial na nasa likod ko dala ang teddy bear na binigay niya sa akin. Sinamaan ko siya ng tingin.
"Jana, kainis ka naman! Ikaw na nga binigyan ako pag pinagdadala mo nito." Reklamo niya.
"Edi iwan mo diyan sa kalsada!" Sigaw ko sa kanya.
"Wag na, ang mahal kaya nito!" Aniya't nauna sa paglalakad sa akin. Nginusuan ko lang siya sa sobrang inis. Bigla naman siyang tumigil sa paglalakad kaya napatigil din ako.
"Oh? Bakit?" Tanong ko. Seryoso niya akong tiningnan saka ngumisi sa akin.
"Alam mo, inuuna mo pa yung lalaking 'yon, bagsak ka naman pala sa Math. Tingnan mo magsa-summer ka pa tuloy." Natatawa niyang sabi. Masaya pa siyang magsa-summer ako?
"Hoy! Di pa naman sure yun! May retake exam pa ko 'no!" Sigaw ko sa kanya. "Kung nandito lang si Julius, matutulungan niya sana ako." Ani ko sa sarili ko.
"Bakit? Di lang naman si Julius ang magaling sa Math ah!" Maktol niya. Napakunot ako ng noo dahil sa inasal niya.
"Oh? Ba't ka nagagalit diyan?" Tanong ko. Napansin ko namang parang nataranta siya.
"Wala." Sabi niya saka naglakad pauna sa akin pero bigla ulit siyang huminto at nilingon ako. Nagulat naman ako nang seryoso niya akong tiningnan. "Ako na ang magtuturo sa'yo," Seryoso niyang sabi saka ako tinalikuran.
"Hay rebound na, naging tutor pa! Kainis!" Maktol niya habang naglalakad. Napangiti naman ako habang pinapanuod siya.
s^2