Triton's Point of View
Nang umalis si Lei sa harapan ko ay hindi ko muna siya sinundan. Nagpaiwan muna ako sa taas at nagmuni-muni sa mga nagawa kong kasalanan sa kanya.
Habang nakatayo ako ay nakatingin ako sa napakalawak na kulay asul na kalangitan. May mga ibon na nagliliparan sa kalangitan na ani mo'y wala silang problemang iniisip. Habang ninanamnam ko ang hangin na humahampas sa balat ko ay napatingin naman ako sa pinto ng rooftop nang marinig ko itong bumukas.
Nakita kong pumasok doon ang isang lalaking kasing tangkad ko habang may hawak na kape sa kanyang kanang kamay at ang kaliwa naman nitong kamay ay nasa loob ng bulsa ng kanyang pantalon. Nakatingin lang ito ng diretso sa akin kaya naman hindi ako nagpatinag at nakipagtitigan din ako sa kanya habang papalapit ito sa kinatatayuan ko.
"Anong ginagawa mo rito, Damon?" tanong ko sa kanya nang malapitan niya ako.
Tahimik lang siya habang ipinapatong niya ang hawak niyang kape sa isang upuan na sira malapit sa kanya at ipinamulsa niya ang kanyang dalawang kamay habang nakatingin pa rin ito sa mga mata ko. May isang nakakalokong ngisi ang lumabas sa kanyang mga labi bago niya sinagot ang tanong ko.
"Why did you hurt her?" alam kong ang tinutukoy niya ay si Lei.
"It's not my intention to hurt he, Damon. Hindi ko kayang saktan ang babaeng gusto ko."
"Hindi mo siya kayang saktan?" natatawang tanong nito sa akin at inalis nito ang kanyang dalawang kamay na nasa bulsa niya at saka siya humalukipkip. "Nasaktan mo na nga siya 'di ba?" tumayo ito ng matuwid at nilapit nito ang kanyang mukha sa mukha ko na ilang dangkal na lang ang layo. "Nasaktan mo siya dahil nagsinungaling ka sa kanya tungkol sa kung anong meron sa inyo ng kaibigan niya. Nasaktan mo siya dahil sinungaling ka!" mahinang sambit nito habang dinuduro niya ako. "Isa kang sinungaling!" pagdidiin nito sa sinabi niya.
Ayaw ko siyang saktan dahil kaibigan siya ni Lei pero hindi ko na napigilan ang sarili ko. Ang kaninang kamao kong nakakuyom dahil sa pagtitimpi na huwag siyang saktan ay dumampi sa kanyang kaliwang pisngi dahilan para mapaatras siya sa ginawa kong pagsuntok sa kanya.
Lalo naman akong nainis sa kanya dahil sa ginawa niyang pag ngisi sa akin.
"Wala kang alam, Damon!" sigaw ko. "Huwag mo akong pagsasalitaan ng ganyan dahil hindi mo ako kilala! Hindi mo alam ang mga pinagsasabi mo."
Napadura naman siya at saka niya pinunasan ang labi niyang may dugo. Pumutok siguro ito kaninang sinapak ko siya.
"I know everything, Triton..." tinitigan niya ako ng mabuti.
Kumunot naman ang noo ko. Anong pinagsasabi niya? Anong alam niya?
"Matagal na kayong nagkikita ni Shania ng palihim 'di ba? Bago pa siya umamin sa'yo na gusto ka niya at bago may nangyari sa inyo sa loob ng computer laboratory ay lumalabas na kayo dati pa. Tama ba ako, Ventura?"
Hindi ako nakasagot. Bakit alam niya ang tungkol sa bagay na iyon? Sino ba talaga siya?
Naalala ko tuloy ang unang beses na labas namin ni Shania. Lumabas kaming dalawa dahil nag-aya siyang kumain. Hindi namin kasama si Lei noong mga oras na iyon dahil abala siya sa eskwelahan dahil siya ang SSG President. Hindi rin kami nakapagpaalam sa kanya dahil biglaan ang lakad. Matapos ang araw na iyon ay nasundan pa ang paglabas namin ni Shania na kaming dalawa lang at hindi alam ni Lei ang tungkol doon.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin alam ni Lei ang tungkol doon maski ang pag-amin sa akin ng kaibigan niya na gusto niya ako.
"Bakit hindi ka makasagot, Triton? Dahil ba tama ako? O dahil natatakot kang malaman ito ni Lei? Sigurado akong hindi alam ni Lei ang tungkol sa pinaggagagawa niyo ng kaibigan niya. What if, I tell her about this? What do you think, ha?" gusto ko siyang sapakin ulit. Bakit ba ginaganito niya ako? Ano pa bang alam niya tungkol sa akin?
Habang nakatingin lang ako sa kanya ay may naalala ako kaya tinanong ko siya kung tama nga ba ang hinala ko.
"Ikaw ba ang nagpadala sa akin ng mga litratong iyon? Mga litratong kasama ko si Shania at naghahalikan kami? At ikaw din ba ang nagsabi kay Lei ang tungkol doon?" tumango lang naman siya at saka kinuha ang kape nito na nakapatong sa isang upuan at saka uminom ito.
"Hindi lang ako iyong nagpadala..." ibinaba nito ang hawak na kape at muli niya akong tiningnan. "ako rin mismo ang kumuha ng litrato na iyon."
Siya ang kumuha ng litrato? Akala ko ba kaming dalawa lang ni Shania ang taong nasa silid na iyon?
"Ang alam ko walang ibang tao maliban sa amin ni Shania noong araw na iyon dahil sobrang tahimik ng silid na iyon at madlim kaya naman papaanong..."
"May tinatapos akong project ko noong araw na iyon. Mag-isa lang ako sa silid na iyon kaya naman noong matapos ko ang ginagawa ko ay naisipan kong matulog dahil wala na akong klase. Hihiga na nga dapat ako nang makita kong bumukas ang pinto ng computer laboratory kaya nagtago ako kasi akala ko si Mrs. Castillo iyon. Nagagalit kasi ito sa akin kapag nahuhuli niya ako. Pinagbabawal kasi niya na may gumagamit ng computer kapag hindi naman kinakailngan pero... " naningkit ang mga mata niyang nakatingin sa akin."nagulat ako ng hindi siya ang nakita kong pumasok at ang nakita kong pumasok ay ang dalawang bulto ng taong naghahalikan."
"At kinunan mo kami ng litrato na hindi man lang humihingi ng permiso?" tanong ko sa kanya at tinanguan lang naman niya ako. "Bakit? Bakit mo ginawa iyon, Damon? Alam mo bang pwede kitang kasuhan..." natigilan ako sa sasabihin ko sa kanya nang magsalita siya.
"Bakit ko ginawa iyon? Para ipakita kay Lei na niloloko lamang siya ng mga itunuring niyang mga kaibigan." pagkasabi niya iyon ay tinalikuran na niya ako at handa na sana siyang maglakad paalis sa lugar na iyon nang tanungin ko siya kaya tumigil siya sa harap ng pintuan.
"Sino ka ba talaga, Damon? Anong papel mo sa buhay ni Lei? Kaibigan lang ba talaga ang tingin mo sa kanya? Bakit ganyan ka umasta pagdating sa akin kapag si Lei na ang pinag-uusapan?" nang tanungin ko sa kanya ang mga bagay na iyon ay tumambol ng malakas ang dibdib ko sa hindi malamang dahilan.
"Sino ako at anong papel ko sa buhay ni Lei?" lumingon ito sa akin at isang ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi at ibinalik nito ang kanyang tingin sa harapan.
"Let's just say, I'm one of those people who are willing to do everything to make her happy."