Chapter 5 - 5

"MICHELLE, nandito na tayo sa inyo," dinig ni Michelle na sabi ni Gray saka niya naramdaman ang magaang pagtapik ng binata sa kanyang balikat.

Sa passenger's seat siya sumakay kanina at si Gray na din ang naglagay ng seatbelt niya, kausap niya ito kanina hanggang sa ito na lang ang nagsasalita dahil hilong-hilo na talaga siya; humihingi ito ng sorry dahil hindi na daw siya nito maalala.

Dahan-dahan siyang nagmulat ng mga mata. Hilong-hilo pa rin siya at parang hinahalukay ang sikmura niya. Sabi na nga ba niya e, hindi dapat siya uminom, ang kaso masyado yata siyang nagpaapekto sa nararamdaman niya.

Mabilis na lumabas sa sasakyan ang binata saka nito binuksan ang pintuan sa kinauupuan niya. Kumabog ang puso niya nang lumapit si Gray sa kanya para tanggalin ang seatbelt niya, ang lapit-lapit na kasi ng mukha nito sa kanya, kung gugustuhin niya ay isang kilos lang niya ay mahahalikan na niya ang mapupulang labi nito e, kaso matino pa rin naman siya ng mga thirty percent.

Tinulungan siya nitong tumayo at inalalayan, pero mabilis siyang dumistansya sa binata dahil pakiramdam niya ay bigla siyang nasusuka. Mabilis siyang nakapuwesto sa gilid na bahagi ng harapan ng bahay nila at doon naglabas ng mga kinain, nakakahiya dahil nakikita siya ni Gray na gano'n. Ang epic fail din nang paggawa niya ng memory kasama ito, e. Nagulat siya nang habang sumusuka siya ay naramdaman niyang hinawakan ng binata ang buhok niya habang ang isang kamay nito ay humahagod sa likuran niya para alalayan siya.

Gusto tuloy niyang matunaw sa kahihiyan dahil sa nangyayaring ito pero sobrang na-touch din siya dahil nasa likuran niya ito at tinutulungan siya. Pagkatapos niyang sumuka ay mabilis niyang tinakpan ang bunganga niya, feeling kasi ay napakabaho na niya pero mas bumuti ang pakiramdam niya at nabawasan ang pagkahilo niya. Nagpasalamat siya sa binata saka nagmamadaling pumasok sa loob ng gate nila at dumiretso sa loob ng bahay.

Sumilip siya agad sa bintana, nakita niyang saglit pang nakatayo sa harapan ng gate nila si Gray bago ito tuluyang naglakad pabalik sa loob ng sasakyan nito. Napabuga siya ng hangin at mabilis na naupo sa sofa nila. That was really embarrassing. Oplan: Seducing my Boss? Dios mio. Parang hinding-hindi naman niya maaakit si Gray at wala siyang karapatang mang-akit dahil una sa lahat, hindi siya kaakit-akit at pangalawa hindi siya sexy! Baka pagtawanan lang siya ni Gray.

"Anak?"

Mabilis na nag-angat ng tingin si Michelle, nakita niyang ang Mama Nida niya ang nagsalita, mukhang kagigising lang nito dahil gulo-gulo ang buhok nito at humihikab pa. Pasado alas dyes na rin ng gabi, nagpaalam naman siya kanina sa pamilya niya na gagabihin siya.

"'Ma!" nakangiting bati niya.

Nang lumapit ito sa kanya at mabilis itong nagtakip ng ilong. "Nakainom ka ba? Amoy alak ka!" anito.

"Nagkasiyahan lang po, 'ma." Nakangiting sagot niya, ngunit namumungay na ang kanyang mga mata.

Tumango-tango ito, understanding naman ang pamilya niya lalo na kapag valid 'yong reasons niya.

"Nagtaxi ka ba o may naghatid sa 'yo?"

Napangiti siya. She felt special. "Hinatid po ako ng boss ko, 'ma." Masayang sabi niya, pero mabilis niyang natutop ang kanyang bibig at nanlaki ang kanyang mga mata na parang nawala ang forty percent ng kalasingan niya.

"'Yang boss mo ba, lalaki o babae?"

"Lala—bading po, 'ma." Palusot niya. Dahil tiyak kapag sinabi niyang lalaki, ikukulit na naman siya dito baka mapunrnada pa ang pinaplano nila kay Gray.

"Bading ang boss mo?" pag-uulit ng mama niya na tila nadismaya sa nalaman nang tumango siya ay hindi na lang ito sumagot. "Ipagtitimpla ba kita ng kape? O gusto mo na lang magpahinga?"

"Magpapahinga na lang po ako mama." aniya. Tinulungan naman siya ng mama niya umakyat sa kuwarto niya dahil baka mahilo siya. "Thanks, ma." Aniya.

"Sana next time kapag naglasing ka, magpahatid ka sa lalaking empleyado sa pinagta-trabahuan mo, para mas safe kang makauwi."

"Po?"

"Kasi bading kamu 'yong boss mo, paano kung may masasamang loob na humarang sa inyo sa daan, e, mas babae pa 'yong boss mo sa 'yo, paano ka niya maipagtatanggol?" anito.

Natawa tuloy siya. Bukod kasi sa alam niya ang itinatakbo ng isipan ng mama niya—na gusto nito ng lalaki na maghahatid sa kanya para magka-boyfriend na siya—kung makita at makilala lang sana ng mama niya ang boss niya, baka minu-minuto nitong ikulit sa kanya ang lalaki, baka magpunta pa ito sa working place niya para makipagkilala sa boss niya.

Palibhasa hindi alam ng pamilya niya na nagka-crush siya no'ng high school, fourth year college na din kasi siya no'ng magka-boyfriend siya kaya ang buong akala ng pamilya niya ay napaka-late bloomer niya.

Ang mama niya ang naging sobrang affected no'ng nakipaghiwalay ang dalawang boyfriends niya sa kanya, kaya gusto niyang maging sure muna bago ipaalam sa mga ito ang tungkol sa nararamdaman niya.

"Ano'ng nakakatawa sa sinabi ko?" nagtatakang tanong nito.

"'Ma, huwag na muna kayong atat na magka-boyfriend ako, i-enjoy ko muna ang freedom kong ito, inform ko na lang po kayo kapag in love na uli ako." nakangiting sabi niya. Sa ngayon, crush pa lang naman niya si Gray, e.

"Asahan ko 'yan anak," nakangiting sabi nito. "Ayaw ko lang naman na napag-iiwanan ka na ng panahon, baka tumandang dalaga ka na tulad ng tita Sanang mo, mahirap na." anito, na tinutukoy ang nakatatandang kapatid ng mama niya.

"'Ma, ipinapangako kong hindi ako tatandang dalaga tulad ni tita Sanang, magkaka-boyfriend din po ako, magtiwala lang kayo sa ganda ko." Nakangiting sabi niya.

"Oo naman anak, kanino ka pa ba naman magmamana, 'di ba?" nakangiting sabi din nito. Kapagdaka'y tuluyan na ring nagpaalam ang mama niya dahil inaantok na din daw ito. Gustuhin pa sana niyang maghugas ng katawan, magpalit ng damit at mag-toothbrush ay hindi na niya kayang labanan ang paghila ng antok sa kanya.

KINABUKASAN ay masakit ang ulo ni Michelle, as expected, ngunit nilaban niya 'yon. Mabilis siyang naligo, nag-toothbrush, nagbihis at nag-ayos ng sarili bago siya tuluyang bumaba para magtungo sa hapag-kainan. Medyo late siya ngayon ng gising, dati-rati kasi ay alas sais gising na siya para tumulong sa paghahanda ng agahan, pero quarter to seven na siya nagising dahil napasarap ang tulog niya.

"Anak may water with honey ako dyan sa may ref, inumin mo na dahil alam kong masakit ang ulo mo." Imporma ng mama niya.

Ngumiti siya at nagpasalamat sa ina bago kinuha ang water na may honey sa loob ng ref at mabilis 'yong tinungga.

"Balita ko sa mama mo ay umuwi ka daw na lasing kagabi at inihatid ka pa ng bading mong boss." Anang papa Amadeo niya.

Tumango-tango naman siya sa ama. "Nagkasiyahan lang nang kaunti kagabi 'Pa, pero hindi na po uli ako iinom, ayoko na talaga!" nagsisising sabi niya.

"Okay lang namang uminom anak, basta moderate lang." anang papa niya. Tumango-tango naman siya bago naupo sa tabi ng dalawang pamangkin niya, nakipag-high five siya sa mga ito, nginitian naman niya ang ate niya.

"Tita, kung bading po 'yong boss n'yo, e, di gawin mo pong lalaki, 'di ba kuya Jay?" ani Roi.

Mabilis namang tumango-tango si Jay. "Kasi tita nakapanood kami ng movie ni Roi sa TV, ginawa no'ng girl na boy 'yong gay tapos k-in-iss niya po."

"Ate, ano bang ipinapanood mo sa mga bata?" natatawang sabi niya sa kapatid niyang nakaupo din no'n sa tabi ng papa nila, natatawa namang mabilis na sinaway ng ate niya ang dalawang bata. Nailing at natawa na lang din siya.

Nagsimula na silang kumain lahat, nagkukuwentuhan sila tungkol sa negosyo ng pamilya nila, hanggang sa mapadpad ang topic sa bagong lipat daw na kapitbahay nila, binata daw at guwapo—usual, sa kanya na naman ang tirada ng lahat. Kaedad daw kasi niya 'yong lalaki at isang Engineer.

"Mama, papa, ate at mga pamangkin ko, sa ngayon ay hindi pa uli active ang puso kong ma-in love, pero worry no more, ramdam kong malapit na dumating si Mr. Right ko."

"Tita, malapit na talaga kasi nasa katabing bahay lang natin si Engineer." Ani Jay.

"Guwapo siya tita, matangkad at maganda ang body." Segunda ni Roi.

"Totoo?" na-curious din tuloy siya.

"Oo tita," magkasabay na sagot ng mga bata.

Nang matapos silang kumain ay si Jay na ang naghugas ng mga kinainan nila, nauna na siyang nagpaalam sa mga ito dahil baka ma-late na siya sa trabaho niya, kahit kasi wala naman sila sa Manila, gano'n pa rin ang traffic. Palawan is also prone of traffic.

Paglabas niya ng bahay ay nakita niyang may nakaparadang motor sa katabing bahay, ang balita niya sa parents niya ay pamangkin daw ni Aling Simeona ang bagong nakatira sa bahay, ang mag-asawa kasi na dating nakatira doon ay kinuha na ng mga anak sa Canada. Lumipat daw ang lalaki doon, a week ago, pero hindi pa niya ito nakikita at kakukuwento lang din naman ng pamilya niya.

Saglit pa siyang naghintay sa paglabas ng lalaki dahil nacu-curious siya sa hitsura nito, ngunit nakaka-limang minuto na siya sa paghihintay sa paglabas nito ay wala pa rin, kaya nagpasya na lang siyang umalis.