Chapter 4 - 4

"WOW! WALA ka yata sa mood kumain friendship," natatawang sabi ni Liza sa kanya, dalawang plato ba naman ng ulam ang pinuno niya at ilang sandok ng kanin.

Natawa naman siya. "Ikakain ko na lang ang kung anuman itong umuusbong na nararamdaman ko, ikabubusog ko pa." aniya. "At teka, kung makapagsalita ka dyan parang ako lang ang matakaw, ano'ng tingin mo sa 'yo?" nakangiting tanong niya, kumuha din ito ng dalawang plato ng ulam—at dahil mautak ang kaibigan niya, may dala din itong ziplock at doon pasimpleng inilalagay ang ibang ulam. Madami sila sa table, mabuti na lang at abala ang iba sa pagkukuwentuhan kaya hindi ito pansin.

"Sshh, huwag kang maingay, baka mahalata ako." natatawang sabi nito.

"Oo na," sabi na lang niya saka siya luminga sa paligid. "Hindi ko makita si boss at alam ko na alam mo kung bakit wala pa si boss." Pangunguna na niya.

Natawa ito saka ito sumubo saglit sa pagkain nito, ngumuya, lumunok at uminom ng soft drinks bago siya sinagot. "Nasagap ko lang sa iba na baka late na dumating si boss, nakipagkita pa yata sa friends niya, e."

"Ah, okay," medyo na-disappoint siya, kinapalan pa naman niya ang lipstick niya kanina pero baka mabura na 'yon ay wala pa ang binata. Nang matapos siya sa mga kinain niya ay nagpakuha siya ng beer sa waiter.

"Maglalasing ka? May problema?" tanong ni Liza.

"Gusto ko lang uminom, pampatanggal umay at stress." Aniya. Saglit pa ay inihatid na agad ng waiter ang dalawang bote ng beer, na agad niyang tinungga.

"Teka, e, hindi ka naman marunong uminom niyan, e!"

"Hindi nga," mabilis na sagot niya. "Kaya kino-kontrata na kita ngayon na iuwi ako sa bahay kapag nalasing ako at sabihin sa pamilya ko na nagkasiyahan tayo at napainom ako." nakangiting sabi niya.

"Luka-luka ka talaga, 'no?" naiiling na sabi nito.

"Oo," natatawang sagot niya. "Alam kong hindi ka iinom dahil magagalit ang asawa mo," aniya, nagta-trabaho sa construction site ang asawa nito at ipinapaalaga ang isang four years old na baby boy nito sa parents nito. "Kaya ikaw ang responsible sa akin."

"Binigyan mo pa ako ng problema, huwag ka na ngang uminom para fair." Anito, na inilayo ang bote ng beer, pero muli niyang kinuha. "Kapag ikaw nagka-hangover at hindi nakapasok bukas, lagot ka kay Manager." Anito.

"Hayaan mo, kakayanin ko pa ring pumasok bukas. Gusto ko lang talagang mag-relax tonight, kaya pagbigyan mo na ako, ngayon lang naman uli ako iinom after five years, e." natatawang sabi niya. Pangatlong beses pa lang niya itong uminom ng alak; una ay no'ng fourth year college siya, niyaya lang siya ng ibang friends niya—kasama pa niya no'n si Liza at alam niya ang masamang dulot ng alak sa katawan niya, kaya hindi na uli niya naulit uminom.

Pero five years ago ay nag-birthday ang boss niya sa computer shop, kaya napainom siya. Pero ipinangako niya sa sarili na hindi na uli uulit dahil sa lakas ng epekto n'yon sa kanya kaya kahit ano'ng yaya no'n ng mga naging exes niya para uminom ay hindi na uli siya uminom—at ngayon na lang uli siya iinom dahil sa weird na nararamdaman niya dahil sa pagkakakita muli kay Gray.

"O siya, oo na, uminom ka lang hangga't kaya mo, tutal libre nga naman pala ito ni Boss." Ani Liza.

Nakaka-dalawang bote na siya nang marinig niyang magtilian ang mga kababaihan sa paligid, nang lingunin niya ang kumpulan ay nakita niya ang matangkad na si Gray na napapalibutan ng mga tao, gusto rin sana niyang makipag-usyoso kaso baka matumba-tumba lang siya, feeling hilo na kasi siya agad.

"Huwag mo lang akong masuka-sukahan mamaya," naiiling na sabi ni Liza.

"Oo na, oo na." sagot na lang niya. Nakita niyang nagsimula nang maglakad si Gray para maghanap ng table nang mabilis tumayo si Liza at nagpakilala sa boss nila, kapagdaka'y mabilis nitong inakay ang lalaki sa table nila. Ibang klase talaga ang kaibigan niyang ito!

Ang lakas ng kabog ng puso niya nang umupo ito sa tabi niya, bumati silang lahat sa lalaki at nagpasalamat sa treat, bumati rin ito sa kanila. Mas guwapo ito sa malapitan at ang bango-bango pa.

"Sir, this is my friend Michelle Saballa, naging school neighbor n'yo po siya no'ng high school, hindi n'yo na po ba siya naaalala?" ani Liza, kaya pinandilatan niya ito ng mga mata ngunit tumawa lang ang babae.

Bumaling naman agad ang binata sa kanya saka siya tinitigan kaya lumukso ang puso niya. "Hmm... sorry, pero hindi ko na yata matandaan." Nakakamot sa baba na sagot nito. Saka ikinuwento ni Liza ang mga ikinuwento niya dati noon dito kung saan siya nag-aral, kaso hindi pa rin matandaan ng lalaki.

"O-Okay lang po, sir." Sagot naman niya, pero halata na sa mga salita niya ang tama ng alak. Mabilis namang sumingit ang kaibigan niya.

"Pasensya ka na sir, medyo lasing na ang friendship ko, broken hearted po kasi 'yan, iniwan siya ng dalawang lalaki dati tapos ngayon nakita uli niya ang high school crush niya—"

Hindi naituloy ni Liza ang sasabihin nito nang mabilis niyang nalapitan ito para takpan ang bunganga nito, nawala tuloy ang hilo niya dahil sa pagiging chismosa ng kaibigan.

"Naku, baka naman malalabo ang mata ng mga lalaking 'yon, iniwan ang magandang tulad mo." Ani Gray, na siyang nag-echo sa mga tainga niya ng ilang beses bago niya napagtanto ang sinabi nito. Maganda siya para kay Gray? Muling kumabog ang puso niya. "Hindi mo dapat pag-aksayahan ng panahon ang mga lalaking 'yon, tiyak may mas deserving pa para sa 'yo." Anito, saglit siyang hindi nakasagot sa ipinayo ng lalaki.

Tinanggal ni Liza ang kamay niyang nakatakip sa bunganga nito. "How about 'yong sa crush niya po, sir?" singit muli ni Liza, saka ito natawa sa reaksyon niya. Pinandilatan kasi niya ito at kinurot nang magaan sa baywang nito.

"I think you should tell him."

"P-Po? Pero—" hindi niya naituloy ang sasabihin nilapitan na ito ng iba pa nilang bosses sa Airlines at inalok ang batang boss para makisalo sa mga ito.

"Thanks sa kakapalan ng mukha ko." Natatawang sabi ni Liza sa kanya. Kahit papaano ay may nagagawa ding kabutihan ang pagiging ma-PR ng kaibigan niya. "May good idea ako, Chelle, kung paano mapapalapit sa 'yo si boss."

"Ano?"

"Oplan: Seducing my boss."

"Ha?"

NAGSI-UWIAN na no'n ang ibang mga co-employees nina Michelle at Liza at iilan na lang silang natira sa resto—kasama na si Gray at ang dalawa pang heads sa Airlines ngunit kapagdaka'y tuluyan na ring tumayo ang mga ito at nagpaalam kay Gray.

"Friendship, hindi mo pa ba ako ihahatid sa bahay namin?" hilong-hilo na talaga si Michelle sa three and half bottles na nainom niya, lasing na siya pero nakakapag-isip pa rin naman ng tama.

"Sandali lang, wait ka lang, gumagawa na nga ako nang da-moves e, you should thank me after this, basta 'yong usapan nating 'Oplan: Seducing my boss', huwag mong kalilimutan."

"Ba't ko 'yon gagawin?"

"Sira ka rin e, para nga ito sa future mo, 'di ba nga crush mo pa rin naman si boss?"

"Oo, e, ba't ko siya kailangan akitin?"

"Kasi nga wala kang alindog, maganda ka lang pero walang malakas na dating—kita mo nga, ni hindi ka man lang nag-exist sa nakaraan niya."

"Aray naman, friendship, ang harsh mo sa akin!"

"Ganern talaga friendship!" natatawang sabi ni Liza. Nang makita nitong tumayo na ang boss nila at nagsimula nang maglakad palabas ng restaurant ay mabilis siyang hinila ni Liza para sumunod sa lalaki saka nila hinarang ang binata para magpatulong na alalayan siya. Sana ay hindi mahalata ng binata na ito talaga ang gusto nilang tumulong sa kanya.

"Tagasaan ba kayo at ihahatid ko na kayo, lasing na lasing na kasi ang kaibigan mo." Ani Gray kay Liza, habang tinutulungan na siyang lumabas ng resto. Ang lapit ng katawan nila ni Gray at hapit pa nito ang baywang niya kaya para siyang nakukuryente.

"Naku, mabuti pa nga sir," kapalmuks na sagot ng kaibigan niya. "Pwede pong si Michelle na lang ang ihatid n'yo sa kanila," anito, saka mabilis na naglabas ng maliit na papel at isinulat ang kanyang address. "Dito po siya nakatira, maraming salamat po sir, utang ni Chell ang buhay niya sa inyo, babawi po siya sa inyo sa susunod." Ani Liza.

Mabilis naman siyang nagtaas ng kamay. "Promise Gray—este Sir Gray, babawi po ako sa susunod. Sorry po sa abala."

Umiling-iling si Gray. "Okay lang, malapit lang naman ito sa condo ko, e." anito.

Nagningning ang mga mata niya. Baka nga destiny na ito; malapit lang daw ang bahay nila sa condo nito—parang 'yong mga school lang din nila noon—pero ngayon, hindi na niya palalagpasin ang anumang chance niya dito. Kung wala na talaga siyang choice para maging malapit sa lalaki o maalala nito, siya na ang gagawa ng paraan.