Chapter 2 - 2

"By the way, hi-way, alam mo bang ngayon ang dating ng anak ni Mr. Montefalco dito sa Airlines? Ang balita ko ay galing daw sa States at siya na ang bagong maghahawak nitong Airlines niya since may mga iniinda nang karamdaman si Mr. President dahil nasa late sixties na din sila ng asawa niya. Pero ang maganda sa lahat, binata pa daw ang unico hijo nila at sobrang guwapo!" kinikilig na sabi nito.

"Ilang taon na daw ang anak ni President?"

"Mag-thirty yata, e." mabilis na sagot nito. "Ang balita ko nagtapos siya ng Business Management sa Ateneo de Manila University at nag-take ng masters degree sa States, nag-work doon sa ipinatayong business ng parents niya para sa kanya—na mina-manage na yata ngayon ng nakababatang kapatid ng daddy niya at siya naman ang magma-manage sa Airlines nila, oh, 'di ba ang bonggabels?" anito.

Tumango-tango naman siya. "Ibang klase talaga ang mga mayayaman, kung saan-saan na lang sila nagtatayo ng business."

Tumango naman ito. "Pero balita ko, ipinapares si unico hijo sa isang young and rich daughter,"

"Ang chismosa mo talaga!" natatawang sabi niya. "Paano mo nalaman ang mga 'yan?"

"Narinig ko lang ding usap-usapan," natatawang sabi nito. "Kasi nga hindi pa yata nakaka-get over si unico hijo sa ex-girlfriend niya of two years, nagkahiwalay sila dahil sa LDR hanggang sa nagpakasal si girl sa ibang guy! Ang sakit, 'no? Na kay unico hijo na nga ang lahat, pero nagawa pa ring iwanan ng babae."

"Wala talagang pinipiling saktan ang love, 'no?" naiiling na sabi niya.

"Friendship, baka ikaw na ang Ms. Right ni unico hijo, 'di ba? Ang saya n'on; magkaka-lovelife ka na, yayaman ka pa!" anitong biglang na-excite nang bongga!

Kinurot niya nang magaan ang baywang nito. "Ano'ng tingin mo sa akin oportunista?" natatawang sabi niya. "Kung mai-in love man ako sa lalaking 'yon, I'll make sure na 'yon ay dahil na nararamdaman ng puso ko—hindi dahil sa kayamanan niya, 'no!"

"Ay itong sa 'yo!" may invisible na inabot si Liza sa kanya, na kunwari ay hinawakan din niya.

"Ano 'to?" nagtatakang tanong niya.

"Trophy, dahil 'yan sa wagas na paniniwala mo sa love, isa kang dakilang babae, Chell, ikaw na, ikaw na!" natatawang sabi nito.

Natawa muli siya sa kaibigan. "Ano ka ba, bonus na lang kung mayaman talaga ang lalaking paka-i-in love-an ko, basta mangunguna pa rin ang nilalaman ng puso—kaysa sa kung ano'ng bagay."

"Alam mo, pwede kang maging romance novelist, e."

"Sa pagalay mo? Paano kaya kung mag-parttime writer ako?" natatawang sabi niya.

"Oh, ba't di mo subukan?"

"Ay huwag na lang pala, mauunahan pa akong magka-lovelife ng mga heroines sa susulatin ko, huwag na 'uy!" natatawang sabi niya.

Saglit muna siyang nagpaalam sa kaibigan dahil magsi-CR. Napangiti siya sa sarili dahil kahit sa work man lang ay matangkad siya dahil sa three inches na takong na suot niya, maiksi man ang mga legs niya dahil lantad 'yon sa suot niyang skirt ay maayos lang, flawless naman siya kahit hindi siya kaputian.

Pagkatapos niyang mag-CR ay nag-ayos muna siya saglit ng sarili niya, nagmumukha naman siyang tao kapag nakapag-ayos; may light makeup and lipstick, pero kapag nasa bahay siya, mas mukha pa siyang pulubi dahil wala na siyang pakialam sa kanyang ayos.

Napangiti siya sa kanyang reflection bago tuluyang lumabas sa CR. Bumabati siya sa mga co-employees at passengers na nakakasalubong niya. Habang naglalakad siya pabalik sa working place niya ay may batang marahil nasa edad tatlo pababa ang nadapa sa di-kalayuan sa kanya, kaya mabilis siyang naglakad para lapitan ang bata.

Nang makalapit siya sa bata ay mabilis niya itong pinatayo pagkatapos saka ito nagtatakbo palapit sa isang lalaki.

"Daddy!"

Napatitig siya sa tinawag ng bata na daddy —na naglalakad din noon palapit sa bata—at halos ma-sweep siya sa kinatatayuan niya at parang naging slowmo na ang lahat; ang tangkad ng lalaki na marahil nasa six feet, napakaganda ng pangangatawan dahil bumagay dito ang suot na black suit—o mas tamang sabihin na para itong isang modelo, makakapal na kilay, magaganda ang mga mata na may pagka-brown ang kulay, matangos ang ilong, magaganda ang mga labi—para itong naglalakad na anghel dahil sa sobrang guwapo. He looks like Jamie Dornan, for Christ's sake! Pero sayang, may anak na—at syempre pa may asawa na din!

Kumabog nang mabilis ang puso niya nang tumitig ang lalaki sa kanya. Shocks, air-conditioned sa lugar, pero biglang nag-init ang buong kapaligiran. Sobrang apektado yata siya sa signal number five na dating ng lalaki at parang biglang naglaho ang lahat ng mga tao sa paligid.

Mas lalong bumilis ang tibok ng puso niya at halos hindi na siya makahinga sa kinaroroonan niya nang makita niya itong ngumiti—ang puti ng mga ngipin nitong pantay-pantay, OA na siguro siya pero mas lalo itong naging guwapo ng limang beses.

Saka lang bumalik ang kaluluwa sa kanyang katawan nang muli niyang marinig ang bata na tumawag ng daddy pero nilagpasan naman nito ang inakala niyang daddy nito—nakita niyang nagpakarga ang bata sa isang matangkad na lalaking nasa likuran ng guwapong lalaki—kaya gano'n na lang ang tuwa niya nang mapagtanto niyang hindi ang lalaking super guwapo ang ama ng bata!

Nang bumaling siya sa lalaki ay nakangiti pa rin ito sa kanya kaya kinawayan niya ito at ngitian nang pagkatamis-tamis, sino ba naman siya para i-snub-in ang guwapong ito, samantalang ito na nga ang ngumingiti sa kanya, hindi niya ito kilala, though medyo pamilyar ang mukha nito sa kanya.

Ngunit mabilis ding napawi ang mga ngiti at pagkaway niya nang lagpasan siya ng lalaki at narinig niyang nakipagpag-usap ito sa lalaking nasa likuran pala niya.

Mabilis na nag-init ang magkabilang pisngi niya at nagmamadaling naglakad pabalik sa working place nila. Iba pala ang nginingitian ng lalaki pero nag-assume siyang—siya ang nginitian. Sobrang hiyang-hiya siya!