NAILATHALA na sa buong mundo ang balita tungkol sa nilalang ng karagatan. Isang pahayagan ang kumalat na naglalaman ng balita tungkol sa pagkakabihag ng mga pirata sa magandang sirena. Sa panahon ngayon, naimulat ang mga mata ng mga tao na hindi lamang sila ang naninirahan sa mundo. Ito na nga ang era kung saan maglilitawan ang iba't ibang uri ng lahi sa ibabaw ng lupa.
Kasalukuyang nakakulong sina Azurine at Octavio sa mataas na tore ng lumang palasyong inangkin ng piratang manunubos na si Ashlando. Nasa kontinente sila ngayon ng Hilgarth sa Hilaga. Ang lokasyon nila ay hindi sekreto at walang ibang nakakaalam kundi silang mga pirata lamang.
May dalawang kulungang magkaharapan sa kaliwa kung saan naroon sina Azurine at sa katapat nito ay isang misteryosong lalaki na matagal nang bilanggo ng mga pirata. Nakadungaw ang lalaking: payat, mahaba ang balbas at bigote, sabog ang mahabang buhok nito at hitsurang pulubi sa gusgusing damit. Halatang walang maayos na tulog at pagkain ang mamang ito.
"Hindi na ako nagulat sa balitang tunay ang mga sirena," saad nito habang nakadungaw sa rehas na bakal at nakatingin sa kabilang selda.
Ayaw na sanang kausapin ni Octavio ang lalaki pero, wala rin naman silang magagawa. Lumapit si Octavio sa rehas na bakal habang nakahiga lang si Azurine sa higaang gawa sa kahoy. Tulala at namumugto ang mga mata ng kaawa-awang sirena. Nabihag na nga sila ng mga pirata natuklasan pa niyang nagsinungaling ang lalaking pinagkatiwalaan niya. Nilinlang siya ng binatang wizard sa pamamagitan ng paglipat ng kanyang sariling memorya sa pag-iisip ni Prinsipe Eldrich. Pareho tuloy inakala nina Azurine at Eldrich na mga alaala nga iyon na nawala ng prinsipe.
Nagsimulang ma-curious si Octavio sa lalaki. "Ginoo, bakit n'yo naman nasabing hindi na kayo nagulat? May nakilala na ba kayong sirena sa buong buhay n'yo?" usisa ni Octavio.
Humalakhak ang lalaking may edad na. "Bago pa man ako mabihag ng mga pirata, alam ko na ang tungkol sa mga kakaibang nilalang na nabubuhay sa mundong ito. Hindi lang sa ilalim ng karagatan maging dito sa kontinente ng Hilgarth ay mayroon ding ibang lahi maliban sa mga tao…" misteryoso nitong kuwento.
Naupo si Octavio sa malamig na lupa at buong alertong nakinig sa may edad nang lalaki.
"Ang Hilgarth ay may tatlo lamang bansa, ang isla ng Luxerto ay kabilang sa bansa ng Wyvern. Itong kinaroroonan nating ito ay mismong palasyo ng kaharian ng Wyvern. Dito sa kontinente ng Hilgarth, maraming naninirahang lahi maliban sa mga tao. Sa bansa ng Helldroy nakatira ang mga lahi ng goblin, orcs at lizard men. Ang Helldroy ay malaking bansa na ang namumuno ay hindi tao kundi isang Dark Lord na si Master Hellsing. Sa bansa naman ng Karavish, nakatira ang mga nilalang na nabubuhay lamang sa kadiliman. Mga skeleton, lost spirit, mga undead na bumabangon sa ilalim ng lupa. Kaya sa Karavish at Helldroy ay palaging madilim. Tinatakpan ng maitim na ulap ang kalangitan upang palaging madilim. Ito ang kapangyarihan ng dark lord."
"Ibig n'yo pong sabihin ang Dark Lord din ang namumuno maging sa bansa ng Karavish?" seryosong tanong ni Octavio, halatang interesado siya sa kuwento ng lalaking bilanggo.
"Oo, sa kasamaang palad ang dalawang bansa ay hawak niya ngayon. Balak niyang sakupin ang buong Hilgarth, pagkatapos ang Sallaria at buong mundo."
"Teka, sino naman ang namumuno rito sa Wyvern?"
Tumawa nang malakas ang lalaki. "Mukhang napapasarap ang pakikinig mo, binata!"
Saglit na nawala sa isip ni Octavio ang sirenang prinsesa na nakahiga sa higaan. Patuloy sa paglulugmok ang dalaga na tila wala na itong kabuhay-buhay sa katawan.
"Pasensya na po kayo, ibinabaling ko lang ang sarili ko sa ibang bagay. Wala na kaming magagawa kundi maghintay ng kung anong susunod na gagawin nila sa amin," malungkot na balita ni Octavio sa lalaki.
"Wala bang tutulong sa inyo?" Sa pagkangalay ng lalaking bigutilyo naupo na rin siya sa sahig habang nakadungaw sa rehas na bakal.
"M-Mayroon… pero, hindi namin alam kung magagawa pa nila kaming iligtas."
Namayani ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Bumuntong-hininga si Octavio, maging siya ay nawawalan na rin ng pag-asa. Gustuhin man niyang maging matatag para sa kanyang prinsesa, hindi niya magawa.
"Ibebenta nang mahal ang sirenang kasama mo. Sana nama'y huwag ang hinala ko."
Napaangat ng ulo si Octavio sa narinig niya. Kinabahan siya't tiningnan nang seryoso ang lalaki sa kabilang selda. "A-Ano pong ibig n'yong sabihin?"
"Maaaring ibenta ang kasama mong sirena kay Dark Lord Hellsing. Dahil naiibang nilalang ang isang iyan, maisasama siya ni Dark Lord sa mga alagad niya." Natingala ang lalaki sa kisame. "Isipin mo na lang, maaari niyang gamitin ang sirena upang mailabas ang iba pang nilalang sa ilalim ng karagatan ng Azura. Siguradong, malaki ang maidadagdag ng mga ito sa kanyang lupon na alagad. Kung hindi nama'y maaari niya itong asawahin."
Nilingon ni Octavio si Azurine nang may pangamba. Tumayo siya't nilapitan ang matalik na kaibigan. Hinawakan niya ito sa magkabilang balikat sabay niyugyog upang matauhan.
"Prinsesa Azurine!" tawag niya. Ngunit nanatiling nakatulala si Azurine at walang buhay ang kanyang mga mata. "Paki usap, iayos mo ang sarili mo! Kailangan mong magpakatatag! Maniwala kang may magliligtas sa atin! Magiging maayos din ang lahat!" litanya ni Octavio. Pilit niyang pinapalakas at pinapanumbalik ang tatag ng loob ni Azurine.
Inangat ni Azurine ang ulo niya't malamyang tiningnan ang kaibigan. "S-Si Ginoong Seiffer?" walang buhay niyang sambit sa pangalan ng binatang wizard.
"Pwede ba! Huwag mo nang hanapin ang manlolokong 'yon! Hindi na niya tayo babalikan dahil isa siyang huwad!" galit na sigaw ni Octavio bago siya naluhod sa harapan ni Azurine.
"Ahem!"
Nabaling ang pansin ni Octavio sa lalaking tila may nais sabihin. Tumayo si Octavio't lumapit muli sa bakal na humaharang sa kanila.
"Galing ba kayo sa Alemeth? Si Seiffer Ciel' Ruffus na anak ni Amadeus at Galatina ang tinutukoy ninyo?"
Mabilis na inilis ni Octavio nang bahagya ang ulo niya. Ayaw man niyang kilalanin ang lalaking nanloko sa kanila, sumagot pa rin siya sa lalaking preso. "Siya nga!" matipid niyang sagot.
"Hahaha! Hanggang ngayon pala'y maloko pa rin ang binatang 'yon!" Umalingawngaw ang tawa ng lalaki na parang kilalang-kilala niya si Seiffer.
"Teka, sino po ba kayo?" tanong ni Octavio.
Bago pa sagutin ng lalaki ang tanong niya nang biglang pumasok si Ashlando sa kahoy na pinto. Pumasok siya't naglakad sa makipot na daan na naghahati sa dalawang kulungan.
"Ashlando!" sambit ng lalaking nakakulong. Matalas ang tingin nito kay Ashlando.
"Heh! Haring Van Gogh, mukhang nakahanap ka ng makausap mo ngayon, ah." Ngumisi si Ashlando nang nakakaloko.
"Matandang manyakis, pakawalan mo ko rito!" usal ni Haring Van Gogh.
Nagulat si Octavio sa kanyang narinig. Ang lalaki palang ito ay ang mismong hari ng bansang Wyvern na kinaroroonan nila. Dahil sa pananakop ng mga pirata bumagsak sa kamay nila ang kaharian at palasyo ng Wyvern. Nabihag nila ang hari at ikinulong sa mataas na tore. Ang mga mamamayan ng Wyvern ay nakakulong din sa isang village kung saan ginagawang alipin at pinapahirapan nang husto ng mga walang hiyang pirata.
Si Haring Demetrius Van Gogh, tatlong put limang taong gulang at naging guro nina Seiffer sa Majestic Academy noon. Bago siya naging hari ng Wyvern, iginugol niya ang panahon niya sa pagsasaliksik kasama ng ibang pantas sa Alemeth. Nakilala rin siya sa husay niya sa pagbabasa ng linya ng mga tala sa langit. Nag-iisa lamang siyang anak kaya naipasa kaagad sa kanya ang korona nang bawian ng buhay ang kanyang ama. Kahit hindi niya kagustuhan ang maging hari at may iba siyang propesyon na nais, kanyang tinanggap ang pagiging hari. Ngunit, hindi pa man tumatagal ang pagiging hari niya nang lusubin sila ng mga pirata at bumagsak sa mga kamay nila ang kaharian ng Wyvern.
Dumating ang ibang mga pirata at binuksan ang dalawang bakal na pinto ng selda. Mabilis nilang ginapos ang mga kamay ng kanilang bihag at inilabas sa kulungan. Maliban kay Azurine na may buntot kanila itong binitbit sa kanilang malalapad na kamay.
"Ingatan n'yo 'yan! Mahalagang produktong ibebenta 'yan kay Dark Lord Hellsing!" mariing paalala ni Ashlando sa mga tauhan niya.
Nangilabot si Octavio habang pinagmamasdan ang kaibigan niyang wala pa rin sa sarili. Nakalaylay ang asul nitong buhok at wala pa ring kinang ang mga mata. Karga si Azurine sa balikat ng malaking pirata sa braso. Walang kapalag-palag ang prinsesang sirena.
Pinalakad ni Ashlando ang mga tauhan niya sa pangunguna niya. Si Octavio at si Haring Van Gogh nama'y magkasunod sa likod. Lumapit si Van Gogh upang makatabi si Octavio saka niya ito binulungan," Magtiwala kayo kay Seiffer…"
Nang pansinin siya ni Octavio, isang kindat ang sinukli ni Van Gogh.
"Bakit parang kilalang-kilala mo ang manlolokong 'yon?" bulong na tanong ni Octavio.
"Kilala ko sila ni Eldrich. Magtiwala kayo sa kanilang dalawa. Ang sinisiguro ko lang, siguradong may dahilan si Seiffer. Ako yata ang gwapong maestro ng baliw na wizard na 'yon. Mas matanda man si Seiffer kay Eldrich, masa bata naman ang isip niya kaysa kay Eldrich. Pero, mabuting mga binata ang dalawang iyon…"
"Hindi ko na alam ang paniniwalaan ko, Ginoo—ibig kong sabihin Haring Van Gogh."
Ngumisi si Haring Van Gogh. "Magtiwala at maniwala ka, hijo!"
"Hoy! Ano'ng binubulong-bulong n'yo riyan?!" sita ni Ashlando sa dalawa sa likod.
"Wala, manyakis na matanda!" sarkastikong sigaw ni Van Gogh.
"Ikaw rin ba ang nagturo ng pagiging sarkastiko at pilosopo sa lalaking 'yon?"
Tumawa lang si Van Gogh, muli naman siyang sinita ni Ashlando. Sa sitwasyon nilang ito walang kamuwang-muwang ang magkaibigan sa napipintong panganib na kanilang kakaharapin. Sa paglalakad nila paibaba ng tore nag-aabang ang panibagong kaguluhang kasasangkutan nila.
Walang ibang magagawa kundi ang maghintay ng tutulong sa kanila. Ang binatang prinsipe at binatang wizard, makarating nga kaya sila at mailigtas ang dalawa?