Chereads / PINOY HORROR STORIES / Chapter 16 - Hayop laban sa Hayop

Chapter 16 - Hayop laban sa Hayop

Magandang araw po sa inyo Kuya Jokan, ako po si Mildred 22 years old na taga Dumaguete City. Ako po ay isang nurse sa isa sa mga kilalang ospital dito sa Negros Oriental. Gusto ko po sanang ibahagi sa inyo ang isang masalimuot na pangyayaring naganap sa buhay ko nito lamang Hunyo ng taon na ito. Sana magsilbi itong aral at babala sa mga kagaya kong nagtatrabaho at bumabyahe mag-isa sa gabi.

Galing po ako sa aking duty at papauwi na, mag-aalas dose na ng gabi. 3pm to 11pm kasi ang duty ko nung araw na yon. Nakasanayan ko nang maglakad mula sa ospital na pinapasukan ko patungo sa terminal kung saan may masasakyang jeep papunta sa amin. Sa ruta ko na iyon ay madadaanan ko ang isang abandonadong gusali na sa hindi ko mawari ay walang nakalagay na ilaw. Talaga namang napakadilim ng lugar na iyon. Kapag ako ay napapadaan doon, hindi mawala sa aking isipan na baka may multo, oh di kaya'y masamang tao na biglang susulpot sa aking harapan. Kaya ganun na lamang ang aking pagmamadali sa paglalakad kapag napapadaan ako sa gusaling iyon.

Sa gabing iyon sinadya kong iwasan ang gusali at umiikot ako sa kabilang daan kung saan may ilaw. Kahit na walang ibang tao sa paligid ay maliwanag naman at hindi nakakatakot.

Nakadungaw ako sa aking selpon habang naglalakad nang biglang may humablot sa braso ko at hinila ako. Paglingon koy may isang nakabonet na lalake na humahawak ng mahigpit sa aking braso at pilit akong hinihila papasok sa Van na nakasunod pala saakin. Pinilit kong kumawala at nagsisisigaw ng tulong para tigilan ako ng lalake, ngunit patuloy parin ito sa paghila sa akin papasok ng van.

Sinipa ko ang kanyang bayag at sinubukang tusukin ang kanyang mata ngunit may isang lalake na bumaba mula sa van na may hawak na panyo. Tinakpan nito ang bibig at ilong ko ng panyo at naamoy ko ang amoy ng medisina na agad nagpatulog sa akin.

Hindi ko alam sa mga oras na iyon kung saan nila ako dadalhin, nagising nalang akong may tali na ang aking kamay at paa at binusalan pa ang aking bibig. Nagpumiglas ako ngunit masyadong mahigpit ang pagkakatali sa kamay at paa ko at wala akong magawa kundi ang umiyak na lamang. Mahirap mang magsalita pero sinubukan kong magmakaawa sa mga lalaking dumukot sa akin. Sinabi ko sa kanila na may pangarap pa ako sa buhay, sinabi ko na ako lang ang nagtatrabaho sa aming pamilya, sinabi ko na may sakit ang aking mga magulang at kailangan nila ako para mabili ang mga gamot nila, sinabi ko na ako ang nagpapaaral sa dalawa kong kapatid, ngunit hindi nila ako pinakinggan, pinagtatawanan lang nila ako. Buong buo na ang isip nila sa plano nilang gawin sa akin. Tinabihan ako ng lalaking unang humablot saakin, sinabi niyang pagpaparausan nila ang katawan ko hanggang sa magsawa sila at pagkatapos ay papatayin at itatapon sa lugar kung saan madalas tinatapon ang mga salvage victim at mga fetus na pinapalaglag ng kanilang mga ina. Nilamas ng hayop ang dibdib ko at dinilaan ang mukha ko habang tumatawa na parang demonyo. Diring-diri ako sa pinaggagawa ng hayop na lalaki, sa galit ko'y inumpog ko ang ulo ko sa kanyang mukha na dahilan ng pagputok ng mga labi nito. Pinagtawanan siya ng kasamang nagmamaneho na mas lalong ikinagalit ng lalake. Sinikmurahan ako nito at agad na nawalan ng malay.

Nang ako'y muling nagkamalay, ako'y karga-karga ng lalakeng nagtakip ng bibig ko at nagmaneho ng sasakyan. Nagpumiglas ako ngunit sadyang malakas ang lalake at mas hinigpitan pa niya ang pagkakahawak sa akin.

Ilang minuto rin ang nilakbay nila papasok ng kagubatan at narating ang isang abandonadong bahay. Ibinagsak ako sa sahig at tumama sa nakausling bakal ang hita ko na ikinasugat nito. Napa-ungol ako sa sakit ngunit halos walang tunog ang lumabas sa bibig ko dahil sa busal na nasa aking bibig.

Nagtalo ang dalawa kung sino sa kanilang dalawa ang mauunang humalay sa akin ng biglang may kumalabog mula sa kisame ng abandonadong bahay. Inutusan ng lalakeng nagmaneho ang kasama na tingnan kung ano ang kumalabog sa itaas ngunit sinabi lang ng kasama nya na malamang hayop lamang ito na naninirahan sa kisame at wala silang dapat na ikabahala. Sa isip ko ang hayop na naruon sa mga oras na iyon ay silang dalawa.

Kinaladkad nila ako at ipinatong sa mesa, tinanggal nila ang tali sa mga paa ko at pinunit ang stocking pati ang aking underwear. Pinagsisipa ko ang lalake ngunit hinawakan ng kasama nitong lalake ang paa ko upang hindi ako makasipa. Hinubad ng hayop ng lalake ang kanyang sinturon at binababa ang kanyang pantalon. Nakangisi ito habang nakalabas ang dila na papalapit sa akin. Sa mga oras na iyon gusto ko silang mamatay agad-agad, sa pinakamasakit na paraan dahil sa pambababoy na gagawin nila sa akin. Para akong mabangis na hayop na nahuli sa bitag at gustong kumawala, nagpumiglas ako at nagsisisigaw ngunit sadyang malakas ang lalaking humahawak sa akin. Naisip ko na ganito pala ang naramdaman ni Inay nang ginahasa siya noong siya'y dalaga pa lamang. Matutulad pala ako sa aking ina na biktima ng panghahalay. Hindi ko matanggap sa sarili ko ang mga nangyayari sa akin, ngunit wala akong magawa, malalakas sila, pinagtulungan nila ako.

Papatong na sana sa akin ang lalake nang muling may kumalabog mula sa kisame at sa pagkakataon na iyon ay may kasama na itong ungol na parang sa hayop. Napatingala ang dalawang lalake at napasigaw ng makita nila ang isang nilalang na gumagapang patiwarik sa kisame. May mahahaba itong dila, matatalas ng mga ngipin at mapupulang mga mata, ngunit ang katawan nito ay sing-liit lang ng katawan ng sanggol.

Tiyanak! Ito ay ang mga sanggol na namatay na hindi pa nabibindesyonan, mga pinalaglag na mga sanggol na hindi binigyan ng pagkakataon ng kanilang mga sariling ina na mabuhay sa mundo. Mga sanggol na hindi tanggap ng kanilang mga sariling magulang. Mga anak ng mga iresponsableng mga magulang. Mga anak ng mga babaeng ginahasa at mas piniling isalba ang pangalan kesa sa buhay ng sanggol sa sinapupunan. Mga nilalang na dati ay inosente ngunit dahil sa kasakiman ng tao ay napuno ng puot na naging dahilan upang maghari sa kanilang munting puso ang kadiliman. Naging uhaw sa dugo at laman ng tao, nanirahan sa mga abandonadong mga bahay at gusali sa kagubatan, naghihintay ng mapapadaang mabibiktima.

Tumalon mula sa kisame ang tiyanak at bumagsak sa mukha mismo ng lalaking nakababa na ang pantalon. Nginatngat ng tiyanak ang mukha ng lalake, natanggal ang buong ilong nito sa talas ng ngipin ng tiyanak. Kitang-kita ko kung paano lunukin ng buo ng tiyanak ang ilong ng lalake. Nagkaroon ng pagkakataon ang lalaki na ibalibag ang tiyanak sa pader at pinaghahampas naman ng kasama nito ng kahoy ang tiyanak na sa mga panahon na iyon ay nakasandal sa pader.

Nagkaroon ako ng pagkakataong tumakas dahil binitawan ako ng lalaki ng pumulot ito ng kahoy na panghampas sa tiyanak. Tumakbo ako sa pinto ngunit napatid ang mga paa ko sa nagkalat na kahoy sa sahig at nasubsob ang mukha ko sa semento. Agad na nakahabol sa akin ang isa sa mga lalake na inatake ng tiyanak at dinaganan ako sa likod. Bumagsak ang buong bigat nya sa likod ko na una ang tuhod kaya halos mabali ang parte ng likod ko na tinamaan ng tuhod nito. Nagdilim ang paningin ko at muntik nang mahimatay sa sakit.

Sumigaw ang kasama niyang lalake na huwag ako hayaang makawala dahil nakita ko na ang kanilang mga mukha. Sumagot naman ito na gawin nalang akong pain sa tiyanak para makatakas sila mula sa mabangis na nilalang na iyon. Sumang-ayon ang kasama nito at binuhat ako at inihagis sa sahig malapit sa tiyanak na nakasandal sa pader.

Tiningnan ko ang mukha ng tiyanak at nakita ko ng malapitan ang matatalas nitong ngipin at malalim na mata na pulang-pula. Gumapang papunta sa akin ang Tiyanak na mukhang gutom na gutom at tumutulo pa mula sa bibig nito ang laway. Hinawakan ng tiyanak ang aking pisngi, nahihimatay na ako sa takot, naisip kong katapusan ko na ito, pero mas pipiliin ko pang mamatay sa kamay ng tiyanak kesa pagsamantalahan ng mga hayop na lalake at itapon nalang sa kagubatan. Nalungkot lang ako nang maisip ko si mama at papa, ang mga kapatid na pinapaaral ko, si Dave na ilang buwan na ring nangliligaw sa akin at balak ko na sanang sagutin sa birthday nya. Tiyak malulungkot sila pag nalamang patay na ako. Napaluha nalang ako habang nakatitig sa tiyanak at naghihintay na lapain ako.

Ngunit ang dating mabangis na mukha ng tiyanak ay biglang naging maamo, ang galit na mukha ay napalitan ng matamis na ngiti ng isang sanggol. Hinaplos haplos nito ang aking pisngi at nagsalita.

"Ate.."

Ate? wala akong kapatid na tiyanak... well, mukhang tiyanak lang... sorry Kyle! Napuno ng katanungan ang isip ko. Gusto lang siguro ng tiyanak ng magandang ate na gaya ko? Or baka gusto lang ng tiyanak na isipin kong hindi nya ako papatayin pero pagtalikod koy susunggaban nya ako...

Hindi ako gumalaw sa posisyon ko, hinayaan ko lang ang tiyanak na haplusin ang mukha ko habang sinasambit ang katagang "ate". Pero sa hindi ko mawaring kadahilanan, biglang tumulo ang luha ko habang tinitingnan ang mukha ng bata na humahaplos sa aking pisngi. Umupo ako sa tabi ng tiyanak at nagpapahid ng luha ng makita ng tiyanak ang sugat ko sa binti. Ang dating mukhang sanggol ay bumalik sa mukhang halimaw. Akala ko lalapain nya ako dahil nakita niya ang dugo sa sugat ko at nagising ang pagiging halimaw nito. Ngunit lumingon ito sa dereksyon kung saan tumakbo ang mga lalake, at mabilis itong tumakbo at nagpatalon-talon sa mga puno patungo sa mga lalake. Sinundan ko ang tiyanak, hindi ko alam kung bakit ko siya sinusundan, alam kong dapat na tumakbo ako papalayo sa mga kumidnap sa akin at sa tiyanak ngunit eto ako't sinusundan ang tiyanak patungo sa mga lalaking dumukot at gustong gumahasa sa akin. Parang may parte ng sarili ko na gustong makita ang gagawin ng tiyanak sa mga hayop na lalaking iyon.

Ilang metro lang ang natakbo ko ng marinig ko mula sa unahan ang sigaw ng isang lalaki. Tumakbo ako sa dereksyon ng sigaw at nakita kong nginangatngat ng tiyanak ang sakong ng lalaking wala nang ilong. Sigaw ng sigaw ang lalake, humihingi ng tulong sa kanyang kasama na walang pakialam sa nangyayari sa kanya. Patuloy lang ito sa pagtakbo papunta sa kalsada.

Nasa ibabang bahagi na ng bundok ang lalake at malapit nang makarating sa kalsada kung saan naka park ang sasakyan. Naisip kong hindi ako papayag na makatakas ang hayop na iyon kaya pumulot ako ng bato at ipinukol sa lalake. Hindi tumama ang batong ipinukol ko, ngunit bumagsak ito malapit sa lalake kaya napalingon ito sa dereksyon ko at nakita nya akong nakatayo doon. Kumuha uli ako ng bato at muling binato ang lalake. Sa pagkakataong iyon ay tumalbog ang bato mula sa kahoy na unang tinamaan ko patungo sa hita ng lalake. Napasigaw ang lalake ngunit paika-ikang nagpatuloy sa pagtakbo. Pumulot uli ako ng bato at ipinukol uli sa lalake, sa pagkakataong iyon mas nilakasan ko ang pag pukol at ito nga'y tumama sa likod ng lalake. Natumba ito sa sakit at napahiga sa lupa habang ngumingiwi sa sakit.

Paglingon ko sa tiyanak, hawak-hawak na nito ang ulo ng lalake na nakalawit pa ang dila mula sa butas sa may leegan nito. Ibinigay ng tiyanak ang ulo ng lalake sa akin na agad ko ring tinanggap. Hinawakan ko ng mahigpit ang buhok ng ulo at ibinato sa dereksyon ng lalaking nakahandusay pa sa lupa sa baba. Tumama ang ulo sa bato na malapit sa kinahihigaan ng lalake at sumabog ito. nagkalat ang dugo, mga pira-pirasong utak at sumabit pa sa balikat ng lalake ang isang mata. Hindi magkamayaw ang lalaki sa takot at pandidiri sa kanyang nasaksihan. Paatras itong gumagapang patungo sa sasakyan habang nakatitig sa aking.

Sumigaw ng napakalakas ang tiyanak na nasa tabi ko, nakakapanindig balahibo ang sigaw nito, parang sigaw ng mga batang sinusunog sa impyerno. Tumalon ito sa mga puno pababa papunta sa lalake. Sumunod naman ako, tinakbo ko ang pababang daanan at hindi tumigil kahit nagkadapa-dapa at nagpagulong-gulong na ako dahil sa tarik ng daan na tinakbo ko.

Inabutan ko nalang ang tiyanak na winakwak ang tiyan ng lalake at kinuha ang kapirasong parte ng atay nito at kinain mismo sa harap nya. Inabutan pa ako ng tiyanak ng atay ngunit nasuka lang ako sa amoy ng malangsang dugo at atay.

Sa pagkakataong iyon nakiusap ang lalake na huwag siyang patayin, na may asawa't mga anak siya. Ngunit sabay kaming tumawa ng tiyanak at tuluyan na nga siyang nilapa ng tiyanak.

Pagkatapos ng lahat ng nangyari, naglakad ako pabalik sa syudad, punit-punit ang damit at dugoan. Ngunit wala akong paki-alam sa aking itsura, ang nasa isip ko ay kung bakit ako tinulungan ng tiyanak at bakit nya ako tinatawag na ate.

Dahil sa sugat ko sa binti na patuloy na nagdurugo, nahihimatay na ako at napaupo sa tabing daan. Buti nalang at may napadaang mag-asawa kasama ng kanilang aso na sakay ng kanilang multi-cab na pula at dinala nila ako sa ospital kung saan ako nagtatrabaho. Ilang sandali pa't dumating na rin ang mga pulis upang mag imbestiga sa nangyari. Sinabi ko ang lahat sa mga pulis pero ayaw nilang maniwala na tiyanak ang pumatay sa mga lalaking dumukot sa akin. Bunga lang daw ng trauma kaya nag ha-hallucinate ako. Sumabat rin ang ang lalaking naghatid sa akin sa ospital na nakita nila ang isang sa mga lalaki na nilalapa ng mga asong gubat.

Nilagay ako sa private room at binabantayan ng pulis escort ang pinto ng kwarto ko kaya walang basta-bastang nakakapasok. Nakadungaw ako sa bintana habang iniisip ang mga nangyari nang makita ko ang pulang multi-cab na sumagip saakin na papalabas na ng ospital. Nanlaki ang mga mata ko nang maaninag ko ang tiyanak na nasa likod ng multicab at kumakaway sa akin.

Dumating agad si mama matapos tawagan ng mga pulis. Sinabi ko sa kanya ang lahat ng nangyari pati na tungkol sa tiyanak. Naniwala naman agad si mama, parang alam nya na totoo talaga ang mga tiyanak. Napaluha nalang si mama nang mabanggit ko sa kanya kung saan ako dinala ng mga dumukot sa akin.

Doon inamin niya na nagbunga ang panghahalay na ginawa sa kanya at ipinalaglag niya ang bata sa utos narin ng kanyang ama. At doon mismo sa abandonadong bahay isinagawa ang paglaglag ng bata dahil isang aborsyonista pala ang may-ari ng abandonadong bahay na iyon na ginawang clinic dati. Maraming mga buhay ng sanggol ang sinayang sa lugar na iyon, ngunit isang tiyanak lang ang nagpakita, isang tiyanak lang ang tumulong, dahil ang tiyanak na iyon ay ang aking "ate". Gusto nyang sabihin na siya ang aking ate, at kahit nasa ibang mundo na siya'y mananatili siyang ate ko at ipagtatanggol niya ako at ang aming mga kapatid.

***WAKAS***