Chereads / PINOY HORROR STORIES / Chapter 22 - Hindi Ko Anak ang Anak Ko

Chapter 22 - Hindi Ko Anak ang Anak Ko

Ako si Boyet, galing rehab. Isa ako sa mga natukhang noong administrasyong Duterte. Nakulong muna ako ng tatlong taon bago nalipat sa rehab. Isang taon din ako sa rehab, tumino kaya pinalabas na nila ako.

Pero wala pang isang taon mula nang nakalabas ako ng rehab ay balik na naman ako sa pagiging adik. Mahirap iwasan ang bisyo lalo na pag maraming kaibigan at mga kamag-anak na nag aaya.

Minsan nahuli kami ni Mama na gumagamit ng droga sa kwarto. Sa galit nya'y pinalayas ako. Nakitira ako sa mga kaibigan ko, noong una okay lang sa kanila na nakikitira ako, pero kalaunan parang ayaw na nila akong patirahin sa kanila. Sabi pa nang isa kong kaibigan dagdag daw ako sa mga palamunin nya.

Naiyak ako nung unang gabing sa labas ako natulog. Wala nang tumatanggap sa akin, pinagtatabuyan nila ako. Sa isang waiting shed ako natulog, walang kain, walang ligo, feeling ko magiging isang taong grasa na ako.

Ilang araw ang lumipas, hinahanap na ng katawan ko ang droga. Nag uumpisa na akong mag withdrawal syndrome. Nanginig ako, nag delirio, nag amok, nanakit ng ibang tao kaya dinampot ng mga pulis. Buti nalang hindi nagsampa ng kaso yung babaeng sinuntok ko kaya pinakawalan ako kinabukasan.

Sa panahong ito marami akong hindi maalala, pabalik-balik ako sa aking katinoan. Hindi ko na alam ang katotohanan sa kathang-isip lang. Isa na akong baliw sa kalsada.

Naalala ko nalang nung isang araw nakita ako ni Mama at Papa. Inuwi nila ako, at ibinalik sa rehab. Isang taon muli ang ginugol ko sa rehab bago nakalabas. Sabi ko sa sarili ko, hindi na ako babalik sa bisyong to.

Isang buwan mula mang nakalabas ako sa rehab naghanap ako ng trabaho. Maraming umayaw noong nakita nilang galing ako ng kulungan. May iba naman na maayos ang pagtanggap nila sa akin, pero hindi rin ako ang napili. Bawat interview sinasabi ko sa kanila na magtitino na ako, gagalingan ko ang trabaho, hindi ako magrereklamo kahit walang bayad ang overtime. Pero wala pa rin, mahirap para sa isang katulad ko ang makabalik sa systema. Tumigil muna ako sa paghahanap ng trabaho, magastos din kasi pamasahe, requirements, at syempre pagkain.

Mag-iisang lingo na mula nung huli kong pag apply ng trabaho nang tinawagan ako. Natanggap ako bilang hornero sa isang bakery. Below minimum ang sahod pero okay na rin, hindi na ako magiging palamunin sa bahay.

Sa madaling araw nag-uumpisa ang trabaho ko. Nagluluto ng tinapay para mainit pa ito kinaumagahan. Maliit lang ang sweldo pero nakakatulong na ako sa mga gastusin sa bahay.

Sales lady sa bakery na pinagtatrabahoan ko si Maris. Maganda sya, simple at mabait. Niligawan ko sya at napasagot ng OO sa loob ng anim na buwan. Mas lalo lumakas ang loob kong magtino dahil sa kanya. Tinigilan ko ang paninigarilyo at pag-inom. Di kalaunan ay nagsama na kami sa iisang bubong.

Mahirap ang buhay pero masaya kami, lalo na nung nalaman namin na buntis si Maris. Napakasaya ko nung araw na yun, natatandaan ko pa kumain kami sa labas. Pinasyal ko sya sa mall, binili ko sya ng damit pangbuntis. Namili din kami ng mga gamit para sa magiging baby namin. Bago umuwi dumaan muna kami sa Simbahan, nagpasalamat sa Dios sa mga biyayang pinagkaloob Niya sa amin.

Dumaan ang siyam na buwan, nanganak si Maris. Lalake ang anak namin, mana sa nanay, pogi. Pinangalanan ko siyang Victor, Victor Dalisay. Oo, Dalisay ang apilyedo ko.

Natigil muna sa trabaho si Maris para mag-alaga ng baby namin. Mabait naman yung amo namin, tinulungan niya kami sa gastos sa ospital. Binigyan din niya kami ng mga diapers, at mga gamit ng bata.

Tatlong buwan na si Victor nang bumalik na sa trabaho si Maris. Ako ang nagbabantay sa kanya pagkatapos kong magtrabaho habang si Maris naman ang papasok sa trabaho.

Isang araw habang nagbabantay ako kay Victor, nakaidlip ako. Alas dos ng madaling araw kasi ang umpisa ng trabaho ko kaya minsan di maiiwasan na makatukog ako habang nagbabantay kay Victor. Nang magising ako hindi ko na mahanap si Victor. Wala na siya sa duyan. Pano? Sinong kumuha? Maraming katanungan ang isip ko nung panahon na yun. Nagtaanong ako sa mga kapitbahay pero wala silang nakitang ibang tao na pumasok sa bahay. Mababaliw na ako sa mga oras na yun. Buong araw ko siyang hinanap. Hindi ko na naisipang tawagan si Maris sa nangyari, binuhos ko lahat ng oras kakahanap sa anak ko.

Alas tres ng hapon, narinig kong may bata na umiyak sa kwarto. Dali-dali kong pinuntahan, at nakita ko gumalaw ang duyan. Pagsilip ko, nakita ko si Victor. Para akong nabunutan ng tinik. Kinuha ko si Victor mula sa duyan at niyapos ko habang umiiyak. Hindi ko alam kung saaan sya galing, at kung anong nangyari sa kanya. Ang importante, nandito na siya sa mga kamay ko.

Hindi na nalaman ni Maris ang nang yari nung araw na iyon. Nagpatuloy kami sa buhay, hinati namin ang araw sa pagtatrabaho at pagbabantay sa anak namin.

Pero may napansin akong kakaiba kay Victor. Mula nung nakitaa ko sya sa duyan medyo nagbago ang itsura nya. Iba rin ang boses ng iyak nya. Iba rin ang ugali nya, hindi na siya palangiti. Minsan nahuhuli ko sya na nakatitig lang sakin, yung tipong may iniisip. Nagduda ako sa anak ko, ito nga ba ang batang galing sa sinapupunan ni Maris?

Ngayon apat na buwan na si Victor. Alam kong hindi siya ang anak namin ni Maris. Pero hindi ko masabi kay Maris dahil ayaw kong isipin nya na baliw ako. Ayaw kong malaman nya na nawawala ang anak namin at ibang bata ang inaalagaan nya.

Alas Dose ng madaling araw ako gumigising para mag handa sa trabaho. Hindi ko na ginigising si Maris, pagod siya sa trabaho. Wala na naman sa duyan nya si Victor, hindi ko alam kung saan pumupunta si Victor tuwing gabi. Ang importante umuuwi siya bago magising ang nanay nya.

Hindi ko anak ang Victor na anak ko.

**WAKAS**

Related Books

Popular novel hashtag