Download Chereads APP
Chereads App StoreGoogle Play
Chereads

Ang Nobela ng mga Bukas

🇵🇭BuhawiNMA
--
chs / week
--
NOT RATINGS
58.8k
Views
VIEW MORE

Chapter 1 - UNANG AKLAT: "Ama, sa Ngalan Mo"

Hating-gabi, nakatungo at nakapikit ang matandang "Shiek" sa silya ng halige-pamilya, isang matigas at malaking linkuran mula pa kay ama at ama ni ama, galing pa sa malayong "Lupang Pangako". Sa gabing ito, ang makamundong pahinga ay kasing halaga ng burak. Sa gabing ito, ang mga nalalabing oras at segundo ay mahalaga upang timbangin ang kanyang sarili, gunitain ang maikling otsenta'y singkong- taon na gantimpala ni Bathala. Ang pagka-sagana, na

sa malaking bahagi ng kanyang buhay ay hindi sumala sa pagsasaluhan sa kanilang mesa ang kanyang mga asawa, anak at apo… Ang mas maraming araw ng ngiti at tawanan ng mga mahal n'ya, kaysa mga araw ng bagabag, panganib, dalamhati at luha.

Sa gabing ito para sa kanya ay isang huling gantimpala ng pag-timbang at pag-gunita na bihirang makamit ng isang nilalang. Ngunit Alam ng lahat na sa bayan ng "Purgatoryo Dos Syete", at ganun din saan mang Purgatoryo, kapalit ng pagka-masagana ay ang kaluluwang pantao para sa bawat nilalang na pumili rito. Sa pagkimkim nito, ang bawat ngiti, halakhak at luha

ay walang damdamin at mula sa manhid na puso.

Sa nalalabing orasyong pansarili ng matanda habang taimtim na nakaupo at nakapikit ay ganap na pagsisiyasat: "Ilan ba ang buhay na aking nailayo sa bingit ng bangin ng dilim at naihatid sa bukana ng hagdang liwanag?"

"Ilan ba ang ama at ina at mga anak ang aking tinulak sa bangin at ipinagkait ang

hagdan?"

"Gaano karami ba ang mga inosenteng binhi o bunga ang aking niligaw at pinatawan ng mabigat na dalamhati't parusa bunga ng pagkitil ko sa buhay ng kanilang halige o ilaw ng tahanan… na kung hindi ko pinaki-alaman ay sa ngayon maari na sana nilang tubusin ang lahat ng kasalanan ng lahat ng naging ama sa nauubos nating lahi?..." patuloy ng matanda sa pansariling dasal.

"…Aking Amang Allah, sa pagmulat mo sakin ngayon, dalangin ko ang ipinag-kalooban Mo sila ng lakas at gabay upang nawa'y nakabangon, nakalayo patakbo, palakad o pagapang man, paalis mula sa Purgatoryo Dos Syete ang mga batang binhi simula nang maraming taong nakalipas nu'ng aking ipinatawan ang kanilang magulang o mga magulang ng aking sentensya." Isang munting luha ng kaluluwa ng matanda ang marahang naiipon sa gilid ng nakapikit

niyang mata, luhang anim na pu't-anim na taong nakulong sa piitan, sa isang maliit at madilim na sulok ng kaniyang puso. Isang patak ng luha na tulirong nanatili sa gilid ng kanyang mata, tila di makapaniwala sa pagkakalaya, tila natatakot pang humakbang palabas mula sa kanyang kulungan, unti-unting nagi-ipon ng lakas at tiwala. Dahan-dahang gumapang sa kanyang pisngi at

malumanay na nagdi-dilig sa kanyang katauhan, wala ng patid ang buntot ng tubig mula sa kanyang natitirang butil ng kaluluwa na ngayo'y maarugang dumadaloy hanggang naramdaman n'yang nabubuhay ang pagka-tao sa bawat pulgada ng kanyang katawan. Kasunod ng luha ng buhay ang di n'ya mapigilang pagwasak-dike ng emosyon at nakakapangilabot na dalamhati mula sa pagka-sisi.

Pinaramdam at pinakita sa kanyang deliryo ang mga sakit na dinanas at kasalukuyang dinadanas ng bawat kaluluwa na direkta at hindi rekta na pinatawan n'ya ng parusa dala ng kanyang proklamasyon na siya si Bathala at tangan niya ang eksklusibong karapatan sa kanyang

pagka-Bathala ang pagbawi ng gantimpalang buhay.

"Salam malai cum, Ama," tugon ng boses mula sa harapan na tila umikot muna sa bawat sulok ng kaniyang tanggapan. Isang boses na una n'yang narinig nuon na isang pabulong at nababalot ng hignapis at kahinaan, na sumambit ng munting mga kataga ngunit ang kahulugan ay paglimos ng saklolo mula sa anin na taong batang lalaki. Isang paslit na marungis, gutom, nilalamig. Nuong dise-siyete anyos palang ang matanda, nuong makahulugang araw, oras,

minuto at segundo na iyon nu'ng ang kaniyang mga mata, ang nagko-kumbulsyon niyang mga laman at buong pagkatao ay naging iba.

#

"Kuyang tulungan mo po ako, ang aking amang,... bakit hindi po gumagalaw?" wika ng

batang puno ng pangamba. Ngunit sa eskenitang yaon na kasalukuyang nababalot ng walang kasing itim ng anu mang gabi ay nakikita nya o mas tamang ramdam nya ang mga luha ng batang bumabalot sa buo nitong mukha sa kabila ng pagpupumilit ng supling na itago ang kanyang paghihinagpis, nararamdaman ng binatilyo ang lawa ng luha ng paslit, kahit na makapal ang suot nitong maskara ng kunwa'y tapang.

"S-saan ka galing?" ani ng binatilyo sa pagpi-pilit nitong buksan ang nanginginig na

bibig, malikot ang mga mata, pilit sinisipat ang bawat sulok, bawat dilim, dalawang segundo o tatlong nagbabantay sa nakapalibot na mga aninong saksi, kung ang mga ito‟y may buhay, kung ang mga ito'y muling magiging paslit sa kanyang balak na muling pag-talikod.

"Sino ka!" sambit nyang muli sa paslit, nais n'yang pasigaw ang mga huling kataga subalit bulong itong lumabas. Isinuksok ang balisong sa likod na bulsa ng shorts n'yang maong, di nya matanto ang dahilan ngunit ipinahid n'ya ang kanyang mga kamay sa tela ng bulsa, gusto ng kanyang kamay mabura ang unti-unting natutuyong dugo na bumabalot dito sa kasalukuyan.

Segundong tila mahahabang minuto ang pakikipag -tunggali sa sariling isip ng binatilyong tumakbo na, ngunit tila naka-pako ang buo n'yang katawan sa hangin. Sigurado nang wala ng bubulagang paslit, tapos na ang debate sa isip n'yang huwag ng dagdagan ngayong umaga ang unang buhay na kanyang inangkin. Hindi kalaban ang munting paslit, wala sa misyon, tama ang desisyon niya. Nabuo na n'ya ang pangyayari, galing sa kalakal ng paglilimos ang bata, hayan ang taob na basong pinag-lamanan ng tatlong-piso at isang limang-pisong, kumalat at kuminang sa ilalim ng mga anino. 'Ito ang anak ng pinaslang kong nasa loob ng basahang kamiseta't shorts na sing-kulay ng alikabok ng kalsada, ako ito nuong ganyan ang gulang ko. Ako na‟ ito ngayon, tama ang desisyon ko.' Sa balintataw ng kanyang isip.

"Delikado dito." paalam ng binatilyo sa paslit.

Tumalikod ang binatilyo, gumalaw ang mga binti, palakad, palayo. Tumakbo. Nag

umpisa na ang pag-papawis, nag-uumpisa na ang pagka tigas mula sa dibdib, bumabalot na sa katawan, sa mga bisig, sa mukha, sa anit, ramdam nya. Nakalayo na siya ng maayos, bubuntong hininga at lumingon sa likod. Nanlaki ang mga mata.

'Ang paslit, tang-ina humahabol', aniya sa isip. Tumakbong muli, miya't-miya'y palingon-lingon sa likod sinusukat ang layo sa paslit, tila hindi s'ya lumalayo, tila kumakabog ang kanyang dibdib, tila nabubuong muli ang takot. Lalong humahangos, lumayo ng distansya mula sa paslit, miya't-miya'y lumilingon, sinusukat, bakit tila hindi siya makalayo?

"Putang…" sumabit ang paa ng binatilyo sa isang naka-usling bakal, nadapa, napahiga.

Tumihaya, nag umpisang umiyak ang binatilyo, hindi sa sakit ng nabarag na paa, hindi sa takot sa anim na taong paslit. Humagulgol ang binatilyo. Hindi mapigil ang mga luha, hindi mapigil ang katagang uwa‟sa bibig, palakas ng palakas ang hagulgol. Pinilit ng binatilyong pigilin ang mga luha sa pag-agos kaya‟t ang mga mata'y pilit ipinikit.

"Wag ka ng umiyak Ama…" wika ng paslit. 

Umabot na sa kinahihimlayan ng binatilyo. Pangalawang muling lumuhod ang paslit ngayong umaga, una sa naabutang pinaslang na tunay na ama, ang ikalawa'y lingid sa kaalaman n'yang pumaslang, na ngayo'y nais niyang maging ama. Ayaw niyang mag-isa kailanman. Yumakap ang paslit sa dibdib sa kasagsagan ng pag hagulgol ng binatilyo. Sa gitnang maingay na hagulgol ng binatilyo, habang ang paslit ay naka-akap, panaka-nakang nabubuo ang mga katagang sa bibig ng binatilyo'y kusang sumasamo. "Tama ang

desisyun ko, ako na ito, ako ito, ako ito, tama ako, tama ako, ako ito…" Pabulong ng binatilyo, habang ang mga braso nya'y mahigpit na nakaakap sa bata, ang kanyang huling paalam sa kanyang kaluluwa, "… ako ito, tama 'ba' ako?"

#

"Marco anak, kamusta si Amihan, ang kaisa-isa't maganda kong anak?" tanong ng

Shiek, nakatitig sa mukha ng bisita.

"Mabuti po Ama." walang mabasa ang matanda sa maskara.

"Kamusta ang apo ko anak? Matagal ko silang hindi nakita," patuloy ng matanda.

"Mabuti po Ama." sagot ng panauhin.

"K-kamusta ka, anak ko?" ngayon lang naramdaman ng matanda ang init ng takot na

mula nung nakaraang umaga pa ay bumabalot na sa kanya, ngayong ganap na siyang balot nito.

Mula ng pagdating ng bisita, ngayon lang sumalubong ito sa titig ng matanda. Habang

ang kanilang mga mata'y sabay ang pag-titig sa isa't-isa'y sumambit ang bisita. "Alam mo po ama ang pakay ko. Patawad ama."

Sagot ng matanda habang ang bibig ay unti-unting bumubuo ng ngiti. "Alam ko anak, at pinatatawad kita, ikaw ang isa sa pinag-tanganan ng buhay ko, at mahal ki….." sa isang iglap at galaw, na wala halos naperhuwisyong hangin sa pagitan ng bisita at ng matanda, na sa kanang brasong ngayo'y biglaang nakadiretso, may isang kinang mula sa talas ng maliit na "kris" ng

ngayo'y nakatayo ng bisita.

Pagkaraan ng ilang saglit naupong muli ang bisita, inilabas ang parapernalya, ibinuhos ang "Otsa" sa maliit na kawaling ginto, sinindihan ng lighter ang kandilang nakaabang sa mesa ng matanda, inilabas ang karayum, sinipsip ang ngayo'y tunaw na na Otsa, itinurok sa ugat ng kanyang pumaslang na braso.

Mula sa isang bulsa kinuha ang isang limam-piso at tatlong piso, nilapag sa mesa katabi ng parapernalya. Lihim na simbulo ng kanyang umpisa, at sa lihim na pagtanggap sa kalakaran ng kalahatan. Ga'no man ang pag-kulot ng daan, lahat ay magbabalik sa kanilang pinag umpisahan.

Tumayo na si Marco, ipinahid ang likod ng palad sa mata, sinubukang binurahin ng mga

mala-ulap sa paningin niya, at ang imaheng nag-uumapaw na dugong bumubulwak sa harapang leeg ng kanyang Ama, na kasalukuyang nagmamantsa sa puting suot ng matanda unti-unti, unti-unti, tulad ng mga yabag niyang papalayo sa kanyang ama.

Iniwan ang parapernalyang kupitang kawaling ginto na nagsisilbing palatandaan at mensahe ng buong kaganapang bahagi ng "Orasyon ng Kamatayan". Orasyon na kinasisindakan sa bayan ng Purgatoryo Dos Syete, at ganun din saan mang Purgatoryo. Kinatatakutan, kinasusuklaman, ngunit isang lihim na pinasasalamatan ng ilan dahil ito lang ang kanilang nalalamang hagdan paalis sa kawalan sa loob ng bangin ng kadiliman.

"Ilan ba ang buhay na aking nailayo sa bingit ng bangin ng dilim at naihatid sa bukana ng hagdang liwanag?"