Chereads / Ang Nobela ng mga Bukas / Chapter 4 - "Pati na ang mga Karaniwang Tao"

Chapter 4 - "Pati na ang mga Karaniwang Tao"

Maaga pa lang ay umalis na si Nimfa sa kanila, marahan siyang bumangon at maingat na tumayo upang hindi magising ang dalawang lalaking nakaba-batang kapatid niya at ang kaniyang inay, na isang oras pa ay magigising na din ng alas-sinko. Lalong nag-iingat siyang hindi magising ang kanilang itay, na pag-higa pa lang kagabi ay alam niyang lasing na naman, sa sahig, sa isang malaking banig na himlayan nilang lima sa oras ng pagtulog at pahinga kapag walang pasok ang inay sa club.

Kinuha niya ang nakahandang damit na itinago niya kagabi, upang sa palikuran sa labas nalang magpapalit ang dalagita, kinuha din ang kanyang purse na gawa sa gantsilyo na kung saan nakatago ang pamasahe niya. Iniwan ang papel sa ibabaw ng nakatuping mesa, ang liham na ginawa n'ya kagabi bilang paalam na magsisimba s'ya sa Quiapo upang hindi mag-isip ng iba ang inay niya. Panata niyang pumunta ng simbahan sa Quiapo tuwing magkakaruon siya ng pagkakataon. Kumukuha siya ng parte sa kinikita niya sa pagbi-benta ng sampaquita pagka-galing sa eskwela, o mga kakanin na inuutang niya sa umaga kay Aling Lenny, at siya namang ibebenta sa mga ka-klase tuwing recess.

Kadalasan kapag wala siyang naipong pamasahe dahil nahihingi ng inay ang ipon niya, lagi siyang makikita naman sa kapilya sa loob ng lugar nila. Natatahimik ang loob niya sa simbahan dahil mga espirito lang na hindi marunong mang-api ang kinakausap at mga kalaro niya simula pa nuong natatandaan n'ya sa kaniyang kabataan, iniiwasan niyang sadya ang makipag laro at kahit na kumausap man lang ng mga ka-edad niya, ni hindi siya makatingin sa kahit sinong nakakatanda kahit na alam niyang siya ang tinatanong o kinakausap. Tahimik at nakatungo lamang siya kapag nagtatanong ang pari nung kapilya at inaalam kung ano ang bumabagabag sa kaniya, minabuti nalang ng pari na hayaan si Nimfa na matagal ang pag-tunganga at pag-titig sa mga santo, sa kabila ng madalas na paalala nitong tawagin nalang siya kapag gusto ng makipag-usap ng dalagita.

Milagroso daw ang Nazareno, kaya't nuong araw na iyon habang pinagdarasal niya ang kanyang ina, mga kapatid at lalo na ang ama nila, matagal na din niyang ginagawa ang mula sa bukana ng simbahan sa Quiapo ay maglakad ng nakaluhod papunta sa altar, mula nung una niyang nakita na may gumawa nito. Pagka-tapos ay uupo sa unahan ng mga maha-habang bangko at mag ro-rosaryo ng paulit-ulit hanggang sa mapagod ang dalagita at magpasyang muling tumunganga sa mga santo bago ito umuwi. Sa araw na ito ay mabigat ang pakiramdam ng dalagita, ramdam na ramdam na niya ang pagod at nais na niyang sukuan ang lahat. Kung nuon na ang pag-lagi niya sa kapilya ay upang magtago lamang sa lahat, lalo na sa pag-takbo ng buhay niya, ngayon ay nagsusumamo siyang ibulong sa kaniya kung ano ang gagawin, nagmamaka-awang dinggin siya sa hiling na i-bulong o i-hudyat kung ano ang kanyang mga tamang dapat gawin.

"Kahit yun lang, kung hindi n'yo man babaguhin ang lahat ng nakakasakal sa aking kasalukuyan na nahubog mula sa lahat ng aking karanasang puros pait at dusa. Sana nawa'y iparating n'yo po sa akin ang nararapat kong gawin upang mabago ang lahat-lahat." Hindi mapatid sa mga pisngi ng daligita ang manipis na pag-agos at marahang pag-bulwak ng tubig ng dalamhati at sumamo mula sa kanyang puso, habang kausap sa isip niya ang mga espirito sa sanktuaryo na ito.

Isang boses ng kaluluwang humahalo sa milyon at bilyong nagsusumamo ng tulong at saklolo sa mga tahimik at mga walang kapangyarihang mga rebulto, kundi ang maging saksi. Saksi sa kahibangan ng katauhan sa kanilang mga ilusyon at imahinasyon. Mga kabang sikreta ng mga panaghoy, pangarap, sumamo, sisi at pagsi-sisi mula sa kani-kanilang mga parokyanong bulag sa kaalaman na ang solusyon ay likas sa bawat isa sa kanila, bilang tao at bilang isang mahalagang isa na kabilang ng iba. Oo, tayong lahat ay mga bulag at saliwa ang pananaw, pilit nating iniiwas ang unawa na ang isang pagwa-wakas ay isang pagkakataon sa bagong simula, na ang bawat trahedya ay leksiyon upang sa mga darating pang panahon ay mas lalakas ka at mas maingat sa mga mahal mong kapiling pa, na ang bawat terminal na sakit ay gantimpala sa nilalang na tumanggap nito sapagkat alam mo na ang taning mo, bilang mo ang nalalabing araw mo upang tubusin ang iyong mga sala at ipamahagi at itanim ang kabutihan mo sa iba, upang ito'y tumubo at lumago pa. Isang gantipalang hinding-hindi dadapo sa iba, ang ibahagi mo ang kabutihang dadalhin din ng iba, na hindi ba't ikaw ay magiging bahagi na nila?

#

Dalawang buwan at mahigit na nang makalipas ang isang pangyayari na nagtulak kay Nimfa na magpasyang baguhin ang buhay niya. Hindi sa kapilya pumunta si Nimfa nung araw na iyon, pagkatapos nung bago at kakaibang trahedya sa buhay ng dalagita na ipinakita ng mga ka-klase niyang mga babae sa kaniya. Ipinakita nila ang pagka-puot sa dalagita sa pamamagitan ng dahas, isang masidhing ganap sa buhay ng isang pausbong pa lang na nilalalang, ang pagtakwil at pagka poot mula sa ka-uri nila.

Ang tagpong iyon ay nagpa-ramdam kay Nimfa ng mas higit pang sakit sa kanyang kaluluwa kaysa sa pisikal na tinanggap niyang kabi-kabilang mga tama ng suntok, sampal at sabunot mula sa mga ka-klase. Hindi niya maintindihan kung bakit sa dinami-dami ng tao sa mundo, siya lamang ang tanging kinamumuhian ng lahat. Mga magulang niya, mga kamag-anak, at ngayon nga ang mga ka-klase na maingat niyang nilalayuan upang hindi nila malamang kamuhi-muhi siyang nilalalang. Na iningatan na nga niyang inalagaan ang pag-layo sa kaninu-man ay napag-tanto pa din nilang kamuhian siya tulad ng ibang taong nakapaligid sa buhay ng dalagita.

Sa tanto ni Nimfa, wala ng mas hihigit pa sa mga sinapit niyang mga karanasan sa loob ng kaniyang nakaraan ang nagbigay sa kaniya ng pinaka trahedya, kung'di ito. Wala ng maka-hihigit pa sa mga ginawa at mga sinabi nila sa kanya nuong tagpong iyon. Siya'y daliang lumisan ng makakita ng pagkakataong tumakas mula sa mga nagu-umpisa ng mapagod na mga mangkukulam, pinilit bumilis ang mga paa upang maka-layo sa likod ng paaralang pinangyarihan ng tagpo. Tumungo sa isang lugar na naiisip niya, hindi sa nakahiligang sanktuwaryo ng kapila, kundi sa lugar na kung tawagin ng mga taga-ruon ay "Bukid".

Ang "Bukid" ay tina-taniman ng mga taga-ruon ng mga sari't saring gulay na nabubuhay kahit na sa may hindi nawawalang mababaw na tubig tulad ng gabi at kangkong na hilig nilang gawing ginataan na gulay, may sahog man o wala, basta't may tig-sampung pisong panlasa. Mula sa may gitna ng bukid ang may ga-talampakang tubig, at nakita ng dalagita na may isa hanggang dalawang tao ang matiyagang nangangarap makahuli ng mga hito batay sa kanilang pangarap, o ang mas makatotohanang nangunguha ng kohol upang isahog kahit pangpa-lasa lamang sa pang-hapunang pagsasaluhan.

Sa "Bukid" ay sinasaway ang sino mang magtayo dito ng barong-barong, pawid o plywood na bahay kaya't walang nakatirik na bahayan. Mas malaki ang pagka-bakante ng Bukid nuong 6-taon pa lang siya, ang unang pumasok sa isipin ni Nimfa nung araw na iyon. Unang napako ang kanyang mga mata sa mga impraestruktura sa bandang kabilang ibayong sakop ng katapat na Purgatoryo, marami na ang mga naka-hilera at nakapilang Solar Panels na mga itim na salaming bahagyang nakatingala sa langit, may tig-galawang mga paa. Mga tila sundalong naka pormasyon tulad ng sa kanilang eskwelahan kapag nag-eensayo ang mga nag a-ROTC. Sa kanyang imahinasyon, at tulad nung napanuod niya minsan sa kapit-bahay na mga sundalo na barahang humahabol kay Alice sa Wonderland - at siya si Alice na isang araw mabubuhay ang tinatanaw niya at tutugisin din siya, dahil siya ang pinaka nakaka-muhing nilalang.

Tahimik at mahangin sa "bukid" sa araw na iyon, na-aalala niya nuon ngang mga anin na taon pa lang siya ay madalas ang pag-gawa niya ng saranggola habang nagtatago sa kapilya. Dito niya sa bukid pinali-lipad ang lahat ng saranggolang maingat niyang nabubuo habang binubulong sa mga kalarong kaluluwa ang mga inaasam niyang pag-tigil ng mga paulit-ulit na trahedya sa buhay niya, lumaon ay kasama na din sa mga bulong na mahinto din yaong trahedyang nakikita niyang nag-uumpisa nang pag-dadaanan ng kaniyang dalawang kapatid na nakakabata sa kanya, habang maingat na binubuo ang mga munting saranggola.

Nuong puno pa ng pag-asa ang bata, kapag umalagwa na ang saranggolang pinalipad niya at matayog na sa langit, sadyang pinuputol niya ang lubid at panunuorin ang mga ito sa kanilang pag-lipad ng mag-isa sa himpapawid. Sinusundan niya ng tingin ang mga kaka-layang mga saranggola kung hanggang saan makakarating, kadalasan ay nakikita niya ang pag-balik sa lupa kapag binitawan na ng hangin. Ngunit may mga pagkakataon na ang iba nama'y lumalayo ng lumalayo at lalong pumapa-itaas hanggang ang mga ito'y hindi na n'ya makita. Duon siya unang nakaranas ng mga luhang hindi galing sa dalamhati ngunit sa galak ng pag-asa, habang nakangiti ang mumunti niyang labi mula sa murang edad niya nuon na anim na taon.

Mahalagang maranasan ang galak sapagkat kahit papaano ay may ga-munggong bahid ito ng pag-asang may kabuluhan ang buhay. Kaya't iyon ang nag udyok sa paglikha niya ng napaka-raming saranggola na nagsisilbing tila pamaskong palamuti sa mga poste, puno at bubong sa may kabilang ibayo. Bihira lang kasi mangyari ang puma-alapaap ang mga nilikhang ito, kaya't samo ng isip niya, sana ay sa mas maraming pagkakataon pang maranasan niya ang tila masayang kalayaan para sa mga munting likha, na siyang sumamo niya sa sarili sa pinaka-likod ng kaniyang isip. Ito din ang kaisa-isang pangyayaring nakapagbi-bigay sa kanya ng estangherong pakiramdam na mabuti, ang makita at maramdaman mula sa mga saranggolang pumasa-langit ang kanilang mga alay na ritwal para sa kanya.

Ang mga alay na para sa isang walang silbi at kamuhi-muhing nilalang na sa kanila'y lumikha. Isang ritwal na nakaka-aliw, mahiwaga at makasaysayan ang alay sa kaniya habang ang mga ito'y masigasig at puno ng gaslaw na sumasayaw sa alapaap, isang makabuluhang imahinasyong hudyat sa kanilang pag-likha na tila puno ng pagmamahal at pasasalamat sa pagka-layang gantimpala mula sa kanila'y lumikha. Isang nakakalungkot ngunit puno ng pag-asang pagpapa-alam, bago maka-layo ang mga ito sa kanyang paningin. Dahil ito ang pinanghahawakan niyang pangarap ng mangyari sa kaniya isang araw: Ang makawala, ang makalipad ng maka-layog at tumaas sa alapaap, makalayo sa lupa na puno ng kasamaan, mga pagdurusa, walang humpay na kalungkutan, mga pighati at sakit.

#

Nang matapos niya ang seremonyas ng paglakad ng paluhod patungo sa altar, ay naupo na si Nimfa sa harap na bangko sa gilid na tabi ng isla ng simbahan sa Quiapo. Nung mangalahati siya sa unang rosaryo niya sa araw na iyon ay biglang naramdaman niya ang malakas na pwersa at hangin na nanggaling sa kanyang kaliwa at bandang likuran kasabay ng panginginig ng sanlibutan. Bago siya bumagsak sa sahig mula sa pagkatulak ng pwersa ng tila malakas na hangin, ay dumating sa magkabilang tainga niya ang pwersa naman ng ingay ng pagsabog. Naramdaman niyang bumara ang puwersa ng ingay sa magkabilang lagusan ng tainga niya na umagaw sa kaniyang pandinig at pinalitan ng nakaka-iritang ugong na walang patid.

Bago siya nawalan ng ulirat ay nakita niyang nagliwanag ang buong paligid, hanggang sa bawiin na ito ng kadiliman sa pagka-pikit ng kanyang mga mata sanhi ng kawalan ng malay. Na-alimpungatan siya nung kasalukuyan na niyang nababawi ang pandinig, may nag-salita, sinimulan niyang angatin ang ulo para tignan ang pinagmulan ng tinig. Sa muling pag-ulit ng mga karagdagang kataga ng may-ari ng boses na tila pamilyar o panaginip lang sa pakiwari niya.

"Sam, dito. Si lola muna unahin naten, tulungan mo akong alisin tong mga nakadagan." Ahh, nasa eskwelahan pala siya, pero hindi, naglalaro sa kanyang balintataw habang nagsisimula palang humupaw ng pagka-tuliro na bumabalot sa kanyang buong pagka-tao. Unti-unting nagbabalik na sa kanya ang mga impormasyon kung nasaan siya, kung ano ang mga nangyari bago siya nawalan ng ulirat.

"PERO BAKIT NANDITO SI AMIHAN? Sinundan n'ya ba ako? Hindi pa ba sapat yung ginawa ng gang niya saken two months ago na sigurado akong ini-utos niya, at kahit na nag drop na ako ay sinusundan pa din ako ni Amihan?" Kabadong tumaghoy sa isip ng dalagita habang nakatingin sa ginagawa ni Amihan at ng kasama niya mula sa kaniyang pagkaka-higa sa sahig. Pinipilit niyang huwag huminga ng malalim at galawin ang kanyang mga kasu-kasuan upang hindi siya mapansin, makita at makilala ni Amihan.

Nang nakalabas na yung dalawa na akay ang matandang hinukay nila sa pagkaka-dagan, inisip niyang tumakbo papalayo, sa hindi makakasalubong ng ka-iskwela niya, inisip niyang tumalon sa labas mula sa butas sa gilid ng simbahan, ngunit sa dami ng naglaro sa isipan hindi siya nakagalaw, hanggang sa may bumuhat sa kanya pa-palabas at dineposito siya sa mga grupo ng mga sugatan sa plaza sa harap ng simbahan. Gumitna pa siyang lalo sa karamihan. Gusto niyang magtago upang hindi makita ng ka-iskwela. Nakita niya ang ilang balik ni Amihan at nung batang buntot niya na may akay-akay sa tuwing lalabas ang dalawa upang ideposito sa karamihan na ngayo'y isa-isa ng sinusuri ng mga paramedic. Inuna ang mga malulubhang kalagayan tulad ng mga naputulan ng bisig at mga nag a-agaw buhay upang ang mga ito'y madala sa mga kalapit na ospital, sunod ang may mga malulubhang sugat upang mapag-pasyahan kung sino ang kailangan ding ma-ospital na agaran, hanggang sa mga magagaan na mga kaso na maari ng mabigyan ng agarang lunas duon mismo.

Kasabay ng pag-hanga ni Nimfa sa bawat nasaksihan niyang ginawa ni Amihan at ng kasamang bata, ay nararamdaman din niya ang unti-unting pagbu-buo ng poot sa ka-iskwelang mapang-api sa kanya.

"Ikaw ang dahilan kung bakit nag umpisa akong ka-puotan ng gang mo na malamang lahat na silang mga ka-iskwela, ka grade natin at yung sa iba pang baitang. Hindi mo ako tinantanang alipustain sa harap ng gang mo, walang araw na hindi mo ako pinagsasabihan at pinag-iinitan, hanggang sa utusan mo silang pagka-isahan ako sa likod ng building. Mayaman kayo, mahirap lang kame. Mataas ang tatay mo, ang itay ko naman ay isang malaking tinik ko. Hindi n'yo nalang dapat ako pinansin, hindi n'yo dapat ako pinag-initan. Bakit pati kayo na hindi ko kadugo ay umaapi sa akin?" Sa isip ni Nimfa na kahit walang natamong sugat sa trahedya ay may mas malalim pang kupkop na pinsala.

#

Muling nagbalik kay Nimfa ang araw na iyon, dalawang buwan at mahigit sa kanyang nakaraang pinag-kaisahan siya ng gang ni Amihan habang naka-upo sa umpok ng mga taong biktima mula sa pag-sabog sa simbahan sa Quiapo. Agaw-dilim na nung nagpasiya siyang umuwi nuon mula sa pag-titig sa bukid, ngunit ang diwa ay nasa malayo at sa kawalan, hindi nag-iisip ng kung anong makahulugang bagay, naglalakbay na tila hindi alam kung saan napupunta ang balintataw. Minsa'y sa mga nakaraan tulad nang pag-sasaranggola niya nung anim na taon pa lamang siya, minsan nama'y sa pangarap na may lumapag na ibang nilalang at tangayin siya at itapon sa isang lugar na walang tao, na siya lang ang tanging nanduon.

Pag dating niya sa kanila ay ang itay pa lang niya ang nanduon, tumingin lang sa kalagayan niyang may mga punit at mantsa ng lupa ang damit, ang may bahid ng nanuyong dugo mula sa tainga papunta sa may panga, ang mga pasang ngayo'y naglilitawan na sa mukha, leeg, braso at binti. Walang sinabi ito, habang nag-umpisa ng mag saing ang dalagita, hindi muna inasikaso ang sarili. Nuong gabi habang sila nalang ng inay niya ang gising, nagpa-alam itong ayaw na niyang mag-aral at tutulong nalang sa pagpapa-aral ng dalawa niyang nakababatang kapatid, pinaki-usapan ang ina na ipasok siya sa club na pinapasukan nito.

Tumitig ang inay niya sa kanya bago sumagot, "Sige ipapasok kita, pero kapag may nagtanong huwag na huwag mong sasabihin na katorse ka palang, ang sabihin mo ay magi-eighteen ka na, kapag may naka-alam ako ang mapapahamak, ok?"

"Opo, salamat po inay, hinding-hindi po kita ipapahamak kailan man, pangako po inay." Tugon ni Nimfa.

#

"Alpha to Phoenix overwatch, team on extract two. Enroute to base, over."

"Roger Alpha. Proceed to COP until debrief, 'Fiery Phoenix' overwatch, out."