Chereads / PAANO MAGING TAO? (mga aral, leksyon, biro at sekreto ng buhay) / Chapter 56 - Ang mga ilan pang negosyo sa'min o mga negosyante at Ang gitaristang si Rommel Guevara.

Chapter 56 - Ang mga ilan pang negosyo sa'min o mga negosyante at Ang gitaristang si Rommel Guevara.

Kung tutuusin naging mahirap ang pamumuhay ng halos karamihan sa'min noon. Ngunit kung may diskarte ka ay makakasurvive din. Mabilis ang pera 'don lalo na't kung may mga patok kang pwedeng pagkakitaan sa'min dahil sa dami ng mga tao sa'ming lugar at mga mamimili doon. Kadalasan din dinadayo pa ito ng ibang mga nagnenegosyo o mga negosyante. Mga sari-saring nagtitinda at nag-aalok ng mga bagay-bagay na paraan din ng kanilang kabuhayan noon.

"Kung naaalala n'yo pa ang ilan sa mga taong ito hanggang ngayon tiyak minsan ka din nakabili sa kanila o nabigyan ng kanilang mga serbisyo."

Si kuya Batangueno at ang kanyang asawa ay malimit noon sa'ming lugar lalo na kapag weekend. Naging kumpare din 'yon ni papa at nakakainuman n'ya din minsan. Sabi sa'kin ni papa noon kaya batangueno ang tawag sa kanya dahil taga Batangas daw ito.

Madalas s'yang pumunta noon sa Labas-Bakod lalo na kung weekend o araw ng sabado't linggo. Makikita mo s'ya noon na nakatambay sa plaza at sa mga umpukan ng mga tao. Maganda din lagi ang kanyang bihis sa tuwing pupunta s'ya sa'min. Nakapolo s'yang damit at maong na pantalon. Lagi rin nakatuck-in ang kanyang damit at makikita mo rin ang kanyang leather na sinturon. Lagi din s'yang nakasapatos na top-sider o minsan naman nakasandals s'ya na goma.

Naging negosyo noon ni kuya ang magpahulugan ng mga items. Si papa noon madalas kumuha sa kanya ng hulugang pantalon, (levi's) may mga damit din s'yang dala, meron din s'yang mga kumot at banig. Nakakuha rin kami noon ng banig sa kanya. Maliit pa lang din ako madalas ko na s'yang makita noon. Hindi ko rin malilimutan na noong binyagan si Dandie, nasa amin din s'ya 'non. Kasama s'ya sa inuman noon sa aming balkunahe. Meron din s'yang kuha ng litrato kalong-kalong n'ya si Dandie na noo'y baby pa lang. Sayang nga talaga ang mga lumang litrato na 'yon! Kumbaga maituturing itong isa ng kayamanan! Ang aking kamusmusan, ang mga kuha namin sa Labas-Bakod kasama ang ilang tao doon. Ang mga panahon na 'yon ay sobrang sarap sariwain ngayon. Napunta lang kay Ondoy ang mga masasayang ebidensya na 'yon. "NAKAKAPANGHINAYANG TALAGA!!!"

Naging bahagi rin ng buhay ng Labas-Bakod si kuya Batangueno. Nasaksihan n'ya rin kung paano unti-unting nagbago ang aming lugar noon, maging ang mga awayan na rin ng mga lasing kapag weekend. 🥊🙃 Siguro kung minsan, iniisip n'ya rin na naging masaya s'ya dito bukod sa kanyang negosyo. Kung paano s'ya tinanggap ng mga tao sa'min at pakisamahan din s'ya. Naging kaibigan n'ya ang mga tatay sa'min noon dala na rin siguro ng maganda n'yang pakikisama sa'ming lugar noon.

Habang lumilipas ang panahon, hindi ko na noon nakikita si kuya Batangueno. May isang araw noon, noong ako'y binata na at may trabaho na, muli ko s'yang nakita noon sa aming lugar. Ganon pa rin parang walang pinagbago ang kanyang pananamit ngunit parang tumanda na nga lang ang kanyang itsura. Muli s'yang nakapasyal noon sa'min. Malamang namiss n'ya rin ang lugar namin! Nagkatinginan pa kami ni kuya 'non, siguro iniisip n'ya na ito 'yung batang maliit dati na anak ni pareng Boy. Hehehe Iyon na rin ang huling araw ng makita ko s'ya.

Sino rin ang nakakaalala kay kuya Alex at ate Malou? At ang kapatid din ni kuya Alex. Sila ang dalawang mag-asawa na nagtitinda ng taho sa umaga. TAHOOO!!! Sigaw ni kuya Alex. Halos araw-araw noong inaabangan ng mga bata si kuya Alex sa aming lugar tuwing umaga. Naging malapit din sila sa mga tao sa'min, maging sa pamilya ko rin noon.

Naaalala ko pa dati na nahaharang ng mga manginginom si kuya Alex at kapatid nito sa inuman sa aming lugar. O, baka sila na mismo na rin ang gustong uminom sa'ming lugar. Minsan nadadatnan ko sa bahay namin si kuya Alex ng katanghalian, kainuman noon sila papa. Maging ang kapatid n'ya rin ay nakainuman na rin ni papa. Pinamigay n'ya noon sa'min ang mga tirang taho na kanyang paninda.

Nakikita ko rin noon na nakakainuman n'ya sila kuya Patrick at ilang pang mga bisaya sa gilid ng daan katabi ng plaza. Ang kanyang panindang mga taho ay nagiging tokwa na noon, hehehe! Pinamimigay n'ya na rin ang kanyang mga tirang taho sa mga bata kapag s'yay tinatamaan na ng alak. Naging parte rin talaga sila noon ng Labas- Bakod. "TahoooOO, PutooO't kutsintaaaAA mga suki!" 😊

Sino rin ang nakakaalala kay kuya Taba? S'ya 'yung isa sa mga naglalako ng mga isda noon sa aming lugar. Naging kaklase ko rin ang kanyang anak na babae sa highschool, at nagka-crush sa'kin ito. Lagi n'ya akong tinatapunan ng ngiti noon, kahit na noong nakakasama s'ya sa pagtitinda ng isda sa kanyang tatay sa tuwing nakikita n'ya ako. Nalaman ko na lang sa isa kong kaklase na naging chrush daw ako ng anak ni kuya Taba. 🙂 Madalas din kami noong bumili sa kanya ng isda. Kaya n'ya rin magpautang ng kanyang panindang isda sa mga ilang taga sa amin noon. May dalawa s'yang bitbit ng may kalakihang timba, habang pasan-pasan n'ya ito sa kanyang balikat gamit ang sanga ng kawayan. Laging ubos ang mga paninda n'yang mga isda noon sa tuwing magtitinda s'ya sa'min.

Dati sa halagang bente pesos at trenta pesos makakabili ka na ng isang kilong galunggong sa kanya, at may kasama pa 'yon hiling o pasobra. Sa ngayon, ang mahal na ng kilo nito! Umaabot na ng 240 pesos ang kilo hanggang may pagdaan pang 300 pesos kada kilo dito sa Lipa.

Sari-sari noon ang kanyang mga dalang isda sa umaga! May pagdaang galunggong, tamban, dalagang bukid, sapsap, bangus, tambakol, tulingan, espada, tursilyo, bisugo, alumahan, banak, pusit, tahong at iba pa.

Nagpapataya din s'ya ng iligal na jueteng noon sa aming lugar. At dati, naging mainit s'ya sa aming lugar! Mga 11 to 12 years old ako noon. Habang naglalaro kami noon nila Eking, Raffy, Nestor, Lucky at ilang pang mga kabataan sa plaza. May lumapit sa'ming tatlong kalalakihan na nakasibilyan na mga nakajacket at mga nakashade. Ibinili kami ng mga lalaki sa tindahan ni aling Paz (Dicky) ng mga tsitserya at dalawang bote ng pop cola. Nakisalo sila sa pag-inom ng softdrink sa'min habang kami'y tinatanong o nag-i-imbestiga kay kuya Taba.

[Wika ng mga tao sa amin o mga pulis]

"Mga bata, kilala n'yo 'yung lalaking tawagin ay Taba na nagtitinda ng isda?"

"Opo kuya!!!" Sagot namin habang kumakain.

"Mga anung araw kaya s'ya pumupunta dito???"

"Sa umaga po, kalimitan mga sabado at linggo po." "At sa hapon din po!"

"Ah, s'ya sige, salamat sa inyo ha!"

[Umalis na noon ang mga lalaki]

Bukod kay kuya taba, may mga nagtitinda din noon ng isda sa'min. Nakikita ko rin noon 'yung lalaking may dalang dalawang malaking bilao na bitbit din sa kanyang balikat gamit ang kawayan. Ang mga dala naman n'ya ay kalimitan mga isdang tabang. Meron din s'yang tindang tulya at maliliit na mga hipon. At ang kanyang kiluhan ay maliit lang na nasa kanyang bulsa.

Si Tita o si Manang na nagpipicture noon. Kilala n'yo rin ba? 📷🎞 Madalas s'ya sa Labas-Bakod lalo na kapag weekend. Bitbit ang kanyang may kalakihang bag na punong puno ng mga parapelnalya sa paglilitrato. At lagi s'yang may hawak na camera. Ang kanyang malapugad na tikwasang buhok, meron pa s'yang chalekong suot na pang media. S'ya lamang ang "Dakilang maglilitrato sa Labas-Bakod!" Hindi pa noon uso ang mga cellphone, mga smart phone, android phone, nabuhay na s'ya sa mundo ng mga manual. Hehehe! Halos lahat na yata ng kabataan noon sa Labas-Bakod ay kanya ng napicturan o nakuhanan ng litrato. Madalas ang mga kabataan noon kapag linggo ay mga nakaporma para sa pagdating ni manang ay litratuhan na. May ilang mga kuha din ako sa kanya! May litrato ako na solo noon. Meron din kaming dalawa ni pareng Nestor. Mga 19 years old pa lang ako noon at nasa akin pa rin ang litrato na iyon. (nasa pitaka ko pa hanggang ngayon) Meron din kaming kuha ni Alvin o ni Boy Itik na magkasama. Ang back ground namin ang jeep na "zambalas" na naiwan sa Sta. Rosa kila mama. Meron din dati kaming kuha nila Boknoy, Tutoy Rosal, Bryan Taga, Alvin, Lindol, Aljon, Kikay at iba na hindi ko na matandaan kung sino. Sa bukana ng Anastacia Village kami kinuhanan ni Manang noon. (nawala na rin 'yon) At ilan pang kuha namin ng kabataan sa kanya.

Hindi ko rin malilimutan ang kanyang smiling face! 🤗 Napakaapproachable n'ya din sa mga tao. Sa tuwing punta n'ya sa aming lugar, lagi n'yang dala sa bag n'ya ang mga nadevelop na noong mga litrato na tinutubos naman ng mga nagpapakuha sa kanya. Kalimitan mga pocket size! Ang iba ring mga litrato sa kanya ay hindi na natubos o sadyang hindi na tinubos kaya, sa mga litrato na iyon may lugi na rin s'ya doon. Malimit din talaga s'ya noon sa aming lugar kaya kilalang kilala din s'ya ng mga tao sa amin.

Pamilyar din ba kayo kay tatay Otap? Si lolo na may bitbit na mga otap at sari-saring mga biskwit na tinitinda n'ya dati sa Labas-Bakod. Parang si lolo ay hawig kay "balut o pugo" na komedyanteng artista noon. Nakakabili din dati kami sa tinda n'yang mga otap na nakalagay sa kanyang basket. Bukod sa pagtitinda n'ya ng mga otap, marunong din s'yang manghilot. Minsan, nakikita ko s'yang naghihilot ng ilang kabataan sa tabing daan. Nakikita ko rin s'ya noong nasa tambayan ng mga nanay at tatay, nakikisama s'ya sa mga usapin noon.

May mga nagtitinda rin ng mga ice cream sa'min sa tabing kalsada ng plaza tuwing sabado at linggo. Sila mamang sorbetero na inaabot din ng maghapon sa Labas-Bakod noon. Meron din dumadaan na nagtitinda ng binatog. Meron din 'don pumupunta na nagtitinda ng pop corn. Meron din mga naglilibot sa mga bahay-bahay ng palit bote kapalit ang kanyang dalang isang malaking plastic ng tsitserya. May mga pumupuntang nagpapabunot din doon kapalit ng mga sisiw at itik na tumatambay sa plaza. May nagtitinda ng tinapa at daing tuwing hapon. May mga naglilibot din ng mga gulay. Mayroon din mga naglilibot na "repair payong, sapatos!" May nagtitinda din ng mga plastic na kagamitan, mga planggana, tabo, timba, sandok at kung anu-ano pa. Mga nagtitinda ng mga damit pambata. May dumadaan din 'don na nagpapahulugan ng mga poon, folding bed, aparador at sari-sari pa.

Kumusta na kaya sila ngayon? Sila Batangueno, kuya Alex at ate Malou, kapatid ni kuya Alex, si kuya Taba, si Manang na maglilitrato at si tatay Otap. Namimiss din kaya nila ang dating Labas-Bakod? Naging parte rin sila ng buhay doon at marahil minsan naging masaya din sila ating lugar.

Si mama noon, marami din s'yang napagkakitaan sa amin lalo na noong nawalan ng trabaho si papa at kami'y maliliit pa lang. Nakapagtinda noon si mama ng halo-halo sa tapat nila ate Taba noon. Nagtinda rin kami ng mga ihaw-ihaw noon 'don, maging ng mga lutong ulam. Ang asawa ni kuya Biloy nagtitinda noon ng ice cramble sa amin. Si ate Perlita naman ay nagtinda rin noon ng hot cake sa halagang 50 centavos at piso pa lang. Nakapagtinda rin dati si mama ng mga kakanin, atshara, labanos. Nagpapaorder din dati si mama ng Avon. Si papa natutunan ang mag-laminate ng mga litrato. Marami rin ang nagpagawa sa kanya noon sa'min. Natutunan din nilang maghilot at magtawas ni mama noon.

Noon, malimit akong utusan ni papa na magpaihaw kay ate Eva at ate Alice ng mga ihaw-ihaw, ulo ng manok at leeg ang naging paborito noon ni papa kapares ng beer tuwing linggo. Nakailang balik dati ako sa kanilang ihawan sa gilid nila aling Percy. Malimit din akong bumili ng dugo, isaw ng manok, adidas kay ate Alice. Piso pa lang noon ang dugo at isaw ng manok. Si ate Alice din noon ay nagtitinda ng paborito kong ice buko na may monggo ang ibabaw. Kaya ko noong umubos ng limang ice buko sa araw ng linggo. Nabibili ko 'yon sa kanya noon sa halagang dalawang piso. Si pareng Nestor nakapagtinda rin dati ng ice cream sa'min. Si 'te Neneng naman, nagtitinda noon ng mga pang meryenda at isa na ang palitaw. Maging si ate Yolly rin ay naglalako din dati ng mga kakanin at meryenda. Si ate Alice din at aling Perla nagtitinda tuwing hapon ng meryendang ginataan. Si ate Tining naman, gumagawa noon ng puto at nilalako 'yon nila Mandy. Sila ate Amy at ang kanyang pamilya ay almusal sa umaga at meryenda sa hapon. Ang kuya ni Anding nagluluto noon ng mga fish ball, kikiam, squidball, hotdog. Si kuya Efren duling, balut at penoy sa gabi. Halo-halo rin kay 'te Sara. Si ate Bell na nanay nila Japeth ay may tinda din noong mga nakasabit na chicharon at kropek at palamig sa tabing bahay nila. Malimit din dati kaming tumambay sa kanilang bahay noon. May nagtitinda din dati sa aming lugar na taga Anactacia Village. Si ate na kulot ang buhok na may kaputian. At ang kanyang anak na babae ay may kagandahan habang ang lalaki ay may pagkabakla. (Pangalanan n'yo na lang sila 🤓) Ang kanilang tinda noon ay ihaw-ihaw din at kalaunan mga fried chicken naman. Nakapwesto sila sa loob ng bakuran nila ate Paz Mariano dati. At mga sari-sari pang tinitinda ng mga taga sa amin na pumatok noon.

Natutunan din naming mga kabataan ang pagtitinda noon ng pandesal sa umaga at pan de coco at ilang tinapay sa hapon. Nagtinda rin kami ng ice cream on stick noon. Abot dati ako sa N.G.I sa pagtitinda ng ice cream noon. Habang ang mga kababaihan at ilang kabataan ay nagpapa-ending. 😝

*TUNOG KALYE~TUNOG LABAS BAKOD*

Si pareng Rommel Guevara noon ang naging gitarista ng kanilang henerasyon. Maliit pa ako noon, malimit ko na s'yang makitang may hawak na gitara. Malimit din dati akong pumunta sa kanilang bahay. Minsan, nakinuod kami sa kanila ng palabas noong "Shaider". Inabutaan kami noon ng kanyang ama sa loob ng kanilang bahay 'nung hapong iyon at natuwa s'ya sa aming mga kabataan. Naging kumpare din s'ya noon ni papa ang erpat ni kuya Rommel na kung tawagin sa'min ay kuya Guevara. Si Barang noon ang naging kaedaran ko sa mga kapatid n'ya, naging kaklase ko rin at madalas naming nakakalaro noon si Barang. Dati rin napatama ko sa ending si aling Ligaya.

Although, hindi naman kami naging magtropa noon ni Rommel dahil ahead sila sa'min ng ilang mga taon. Sila kuya Jun at Paloyloy ang mga naging tropa nila noon. At ang naging bunso nila ay si Kuting. Natatandaan ko pa na madalas sila noon sa bahay ni Raypaks. Nag-iinuman sila doon at nagkakantahan ng mga tunog kalye sa saliw ng hawak n'yang gitara. May kamay noon si Rommel sa paggigitara at s'ya rin ay marunong kumanta. Minsan, nasa tambayan sila sa plaza o 'di kaya'y sa tambayan kila kuya Rommel Rosal noon, naggigitarahan at nagkakantahan. May pagkakataong din na nakikinuod ako sa kanila at sumasabay din sa kanilang mga pagkanta.

Natigil na lang noon ang pagtambay nila sa bahay ni Reypaks ng si kuya Rey ay nagpagamot sa Rehabilataion Center. Noong nakalabas na si kuya Rey, para s'ya noong robot kung maglakad. Nakarecover din noon si kuya Rey sa paglipas ng mga buwan at muling s'yang nakapagtinda ng mga basahan sa N.G.I. Meron din s'ya noong gitara na minsan kong nahiram. Nasaksihan ko din noon ng masunog ang bahay ni kuya Rey. Maraming taga sa'min noon ang nagtulong-tulong na maapula ang apoy. Tumulong din noon si papa sa pagpatay ng apoy, mga lasing na sila noon o may inom na ng sila'y rumespundi sa nasusunog noong bahay ni kuya Rey. Marami daw nakuhang barya sa loob ng bahay ni kuya Rey noon. Ang naging pinagmulan ng sunog ay ang kanyang gaserang napabayaan. At noong dumating na ang mga bombero, wala na ang sunog.

Sa mga lamayan hindi rin nawawala ang tugtugan ni pareng Rommel. Ang tambayan sa mga lamayan habang nagkakantahan. Hindi ko rin noon malilimutan ng s'yay sumayaw sa sayawan sa plaza. Lasing yata s'ya noon ng s'yay sumayaw dahil matumba-tumba s'ya 'non sa kanyang pagsayaw. Nu'ng matapos na ang tugtog nakita ko na lang ang suot n'yang pantalon at damit ay punong puno ng alikabok. Ha! Ha! Ha! Naaalala ko sa kanya noon si Kurt Cobain sa tuwing maaalala ko 'yon. Ang kanya noong one lenght na buhok na hanggang balikat, at sa magkabilaang gilid ay undercut na gupit. Ang paggulong-gulong n'ya noon sa lupa habang sumasayaw na parang galawan ni Kurt Cobain ng Nirvana.

May isa pang pangyayari ng hapon noong kami'y nagmimido (uri ng sugal) ni Mandy sa harap ng bahay ni ate Paz sa tabing kalsada, sumali s'ya noon sa amin ni Mandy. Nang pinagulong na namin ang mga pamatong piso, halos magpantay sila ni Mandy ng sukat ng kanilang pamatong barya mula sa semento hanggang sa lupa. Sumukat na ng sumukat at gumuhit silang dalawa sa pagpapantay at palayuan.

"Mano ako!"

"Hindi, mano ako!"

"Tingnan mo mas malayo ang sa'kin!" At "mas malapit sa'yo!"

[Si Mandy noon, sumukat na ng sumukat, habang si Rommel ay nababadtrip na sa kanya]

Nagtagal ang kanilang pagtatalo noon! Ako naman ay nakatingin lang sa kanila. Wala akong kinampihan sa kanilang dalawa dahil halos magkalapit lang talaga ang kanilang mga pamatong barya. Sa badtrip ni Rommel at hindi talaga magpatalo si Mandy, kinuha nito ang kanyang tsinelas at sinampal sa mukha ni Mandy. 🤣 Binigay n'ya na lang ang kanyang piso kay Mandy at umalis na. Napansin ko rin noon na mapula ang kanyang mga mata ng siya'y sumali sa amin. Hindi ko alam kung bakit! Hahaha... Si Mandy iyagak noon!

Nawala na lang noon si Rommel ng magkaroon sila ng kaguluhan sa inuman ni kuya Erick at kanilang magtotropa noon. Matagal na taon s'yang nawala noon at malamang marami s'yang namiss sa Labas-Bakod.

Muling nakita ko si pareng Rommel taong 2005, ng magupitan ko s'ya sa pinapasukan ko noong barber shop sa N.G.I. Nagkakwentuhan kami noon habang ginugupitan ko s'ya. Nasabi n'ya sa'king may asawa na s'ya 'non. Nasabi ko na lang sa kanya noon na, "Ang tagal mo ring nawala noh!"

May isang araw na hiniram n'ya ang aking gitara. Masama na ang tunog 'non! At ng kanyang binalik sa akin, gumanda ang tunog ng gitara ko! Inayos n'ya raw ang tono nito. May isang gabi rin na nakatambay kami sa gilid ng bahay dati nila ate Taba nila pareng Charlie. Naggigitara kami noon at si Charlie boy ang aming gitarista. Dumating noon si pareng Rommel at nakijamming sa amin. Hiniram n'ya ang gitara at s'yay tumogtog din. Nabigkas na lang sakin noon ni Laleng na, "si kuya Rommel Guevara 'to pre noh!?" Dati daw 'yang magaling maggitara sa Labas-Bakod! Dagdag pa n'ya sa'kin. Nagkantahan kami ng gabing iyon at naging dalawa ang naging gitarista namin. Pinakita n'ya rin noon sa'min na maganda sa gitara ang kanta ni Jocelyn Enriquez na "Do you miss me". Tinipa n'ya 'yon at kinanta n'ya rin habang ako'y sumabay ng bahagya sa pagkanta. Masasabi kong maganda nga sa gitara 'yung kantang 'yon!

"Ayon na din ang huli at muling nakita ko si pareng Rommel." 🍻🤘