Chereads / PAANO MAGING TAO? (mga aral, leksyon, biro at sekreto ng buhay) / Chapter 60 - Ang pagiging grade three... At ang ilang pang mga pangyayari sa Labas-Bakod noon.

Chapter 60 - Ang pagiging grade three... At ang ilang pang mga pangyayari sa Labas-Bakod noon.

Dumating na muli ang pasukan, pumasok ako bilang grade three sa St. Mary pa rin. At naging adviser namin noon si Ms. Concepcion. Bilang pisikal, maganda si Ms. Concepcion, maputi din s'ya at bagsak ang kanyang buhok na may bangs. May kakaiba nga lang kay mam! πŸ˜€

Naging pang-umaga kami noon. Naging kaklase ko na din noon sila Kimburt, maging si Nino/ Boneng ay naging kaklase ko na rin. Laging marami noong baon si Boneng na pera, madalas n'ya akong bigyan ng pagkain kapag recess tulad ng mais na tinda sa canteen. Nirepack na mga chocolates at kung anu-anu pa. Dati pa man ay galante na si Nino, kahit noong kami'y mga bata pa lang.

Hindi ko rin malilimutan noon ng mapagalitan na lang ako bigla ni Ms. Concepcion. Tinapon n'ya noon ang bag ko sa labas at sumabog ang mga laman nito sa lapag. Kinuha ko 'yon isa-isa habang may pumapatak na luha sa aking mga mata. Naging magulo at maingay din noon ang klase namin sa kanya kaya, madalas din kaming mapagalitan noon ni mam. Kapag nagagalit s'ya sa'min noon, laging namumula ang kanyang mukha. May pagdaan din naman na mabait s'ya sa'min at minsa'y nagiging malambing din sa amin. Ang ibang mga alaala ko kay mam ay hindi ko na matandaan o maalala pa.

Sa usapin naman sa Labas-Bakod nagkaroon na kami ng kuryente noon 'yun nga lang ay naki-TAP lang kami. May t.v na rin kami noon na black and white na medyo may kaliitan. Naalala ko pa noon na nakatap kami kila aling Luding. Naging magkumpare at magkumare sila noon ng mga magulang ko kaya natulungan nila kaming magkakuryente noon. Kapag umaakyat dati ako sa bubong nila ate Amy, madalas kong hinahawakan noon ang wire na nakakonekta sa'min patungo sa bahay nila aling Luding. Lagi rin akong binabalaan ni papa noon na 'wag ko daw galawin ang wire ng kuryente at baka daw ako makuryente.

Sumaya noon sa bahay dahil nagkaroon na ng liwanag ng buhay ang aming munting bahay noon. Madalas kami nila ate noong manuod ng mga pambatang palabas tuwing umaga at hapon. At lalo na kapag araw ng sabado at linggo. At sa usapin nila ng asawa ni aling Luding sa kuryente ay nagbibigay kami ng kaparte namin sa kanila.

May isang insidente rin ang hindi ko makakalimutan noon nu'ng nagkaroon na kami ng kuryente. Dahil sa pakikisama noon ni papa kila kuya Biloy, binahagian namin sila ng kuryente. Naki-jumper din sila noon sa amin ng kuryente. Marahil naging sekreto 'yon kila aling Luding kaya nagkaroon ng kumusyon noon sa pagitan ni kuya Biloy at sa asawa ni aling Luding.

Nalaman noon ng asawa ni aling Luding na nakijumper sa'min sila kuya Biloy, kaya nagkaroon noon ng pagtatalo sa kanilang dalawa. Galit na galit noon na sumugod ang asawa ni aling Luding sa distansya ng bahay nila kuya Biloy ng isang umaga. Nagkasagutan sila 'non at nagkainitan! Marami din ang mga taong nakikiusyuso noon sa kanilang pagtatalong dalawa, habang si papa ay wala noon dahil nasa kanyang trabaho. Naglabas noon ng itak si kuya Biloy habang umuwi ng bahay ang asawa ni aling Luding, kinuha nito ang kanyang revolver. Nagkaitan na sila noon hanggang sa may mga umawat na lang. At kapwa na lang tumigil din silang dalawa. Ang naging ending n'yon ay, kapwa kami noon nawalan ng kuryente. Hehehe!

May pagdaang noon na pinagbabawalan ako ni mama na 'wag makinuod kila aling Luding kapag may palabas noon sa kanilang betamax na mga pelikula dahil sa pangyayaring iyon. Pero kadalasan, nakikinuod pa rin ako noon. Wala akong pakialam sa mga naging pagtatalo nila noon, basta ang sa'kin makapanuod lang. πŸ˜‚At hindi naglaon, nagkaayos naman na sila noon. Parang may pagkakataon din noon na nakitap din kami ng kuryente kila mang Rosal na kumpare din ni papa.

Dumating din sa puntong nagkaroon na din kami ng sariling kuryente. Naging katulong ako noon ni papa sa paghihila ng mga wire magmula sa Anatacia Village hanggang sa amin.

Nang lumaon, nagtulungan noon ang mga tatay at kalalakihan sa'min sa paggawa ng mga poste ng kuryente sa'ming lugar. Nasaksihan ko din noon ang paghuhukay nila sa gilid ng kalsada nila aling Paz (Dickie) at pagitan ng bahay nila Joker at kila Kenny noon para paglagyan ng poste ng kuryente, maging sa ibang parte rin ng Labas-Bakod nakapaglagay din sila ng poste ng kuryente. Madibdibang pagbubuhos noon ng mga hinalong semento ang mga kalalakihan, buhangin at graba ang binubuhos sa mga abang na bakal pataas ng mga ginagawang poste ng kuryente. Dumami na rin noon ang nabahagian ng kuryente sa aming lugar. Si kuya Sonny naman ang kalimitan noong tinatawag sa usapin sa pagkakabit ng kuryente, maging si kuya Puto din.

Kapag bakasyon, asahan mo araw-araw lalo na kapag hapon ay punong-puno ang plaza ng mga kabataan. Parang fiesta noon ang plaza sa dami ng mga batang naglalaro at nagtatakbuhan noon doon. Andon na rin noon ang pamilya nila Nunoy/Edgar na mga taga dulo. Naalala ko pa noon ng bagong salta sila Nunoy ay naging kaaway namin s'ya nila Raffy. May katapangan din dati si Nunoy o may pagkasiga din. Naaalala ko pa noon na nagsuntukan sila ni Boneng at kapwa sila umiyak noon.

Nang lumaon, dumating na rin noon ang pamilya nila mang Popoy. Sa bukana ng Labas-Bakod noon ang naging pwesto ng bahay nila sa parteng pababa ng bangin. Naging trabaho noon ni mang Popoy ang magkumpuni ng mga nasirang mga refrigarator. At kalaunan, nagpapataya din s'ya ng jueteng noon.

Hindi ko rin noon makakalimutan kapag nakakapagpatama ng malaki si mang Popoy sa jueteng at nalalasing s'ya. Nagpapaalagaw s'ya noon ng mga barya sa plaza. Dambulan kami noon sa mga baryang hinahagis n'ya. At masaya 'yon!

May puno pa ng Santol noon sa pagitan ng likod ng bahay nila Raffy at harapan naman ng bahay nila Nestor. Tandang-tanda ko pa noon na hitik din kung mamunga ang santol na iyon kapag tagsantol. Si kuya Panget noon ang malimit 'don umakyat para manguha ng bunga. Naalala ko rin dati nu'ng umaakyat s'ya sa punong iyon para pitasin ang mga bunga nito. Maraming mga bata ang nakaabang noon sa baba para humingi sa kanya ng santol. Nabigyan n'ya ako noon ng dalawang pirasong santol, inihagis n'ya 'yon mula sa puno pababa at aming isa-isang sinasalo.

Hindi ko rin malilimutan noon ng kaming mga kabataan ay nakikinuod kila ate Letty Lugto ng pelikula noong "Enteng The Dragon" ni Dolphy at Vandolf ng katanghalian. Pagkatapos ng palabas, nawala lahat ng mga tsinelas namin na nakamtambak sa labas ng pintuan nila aling Letty. Tinali 'yon lahat ni kuya Panget at sinabit sa bubungan ng bahay. May punto din na paglabas mo ng bahay sa mga panuoran noon, ang kapares ng tsinelas mo ay tinago na o pinagtripan na ng mga nakakatanda noon sa amin.

Sa mga panuoran din, mababadtrip na lang kayo at biglang iingay at magtatayuan na lang kayo dahil sa pagsabog ng mga utot ng mga kabataan. 😁🀣🀧🀒 Ang singaw ng katawan ng bawat kabataan noon ay hindi mo alintana. Ang mga pawisan na katawan at mga amoy araw na humahalimuyak sa paligid ay talagang maninikit sa ilong mo. Lalo na ang maya't-mayang pag-utot ng mga katabi mong nakikinuod din. Ngunit dahil sa ganda ng mga palabas, naiitsa-pwera ang mga 'yon o hindi n'yo na din masyadong iniintindi ang mga mababahong amoy sa paligid. At kayo'y masayang-masayang nanunuod ng mga kababata mo.

*ANG UNANG VIDEOHAN SA'MIN O ARCADE GAMES*

Marahil sa mga mas bata pa sa'ming henerasyon noon o ay hindi na inabot ang unang videohan sa Labas-Bakod noon. Mga early 90's din ng magkaroon ng videohan kila ate Letty Lugto noon. Naging tambayan 'yon ng mga batang katulad ko noon para makinuod sa mga naglalaro sa kanilang videohan. Sila Rolly, Joel/Tatang, Jun na kapatid ni Tatang at ilan pa ang mga naging regular na player noon sa videohan tuwing umaga. Pagkatapos nila noong magtinda ng pandesal, kaIimitan, doon na ang bagsak nila. May tinda rin noon ng mga pang-almusal sila ate Letty.

Si kuya Beto ang naging taga bantay noon at maswerte s'ya dahil one to sawa s'ya sa kakalaro noon sa kanilang videohan kapag walang mga player. Naging games noon ang "ninja" na naghahagis ng shuricane at tumatalon na may madadaang mga kalaban. Meron din mga "mother" sa bawat dulo ng stage 'don. Ang pangalawa naman ang "helicopter" na panggera na giyera ang tema ng games o war games. May mga fighter jet, mga tangke, mga barkong pandigma.

Halos araw-araw ako noong tumatambay at nakikinuod sa kanilang videohan. At napupuno 'yon ng mga kabataan araw-araw. Naging hustler noon sa videohan ang taga dulong taas na kuya ni Rodel. Kapag s'ya ang player, tiyak puno ng mga meron ang videohan. Napalitan din 'yon ng ilan pang mga games ang kanila noong dalawang videohan. At ng lumaon, nawala na din ang mga iyon.

Ang mga bahay din noon sa Labas-Bakod ay unti-unting nagkakaroon ng malaking improvement. Habang tumatagal noon, dumadami ang mga nagpapakumpuni ng mga bahay o nagpapagawa ng de batong mga bahay. Makipot pa dati ang daan sa parteng Anastacia, kaya sa tuwing may bumili ng mga hollow blocks at semento, hanggang Anatacia village lang ang babaan ng mga materyales. Nagkakapera kami noon sa mga paghahakot ng mga hollowblocks sa halagang 50 centavos ang isa. At nu'ng kalaunan ay naging piso na ang presyo kada isang hollow blocks. Maging sa mga pinamiling mga paninda noon nilla aling Percy ay hinahakot din ng mga kabataan noong tulad namin, noong wala pa silang kariton at wala pa rin si kuya Dodong o si Bulado sa kanila.

"Simpleng-simple lang noon ang buhay sa Labas-Bakod. Kapag bata ka pa lang noon hindi mo alintana ang hirap ng buhay. Kung tutuusin nakafocus ka lang sa pag-aaral, paglilibang, paglalaro at pagtulog. At kung minsan pa nga, ang pagkain sa tamang oras ay talagang makakalimutan mo na."