Wala akong ideya noon kung anung meron sa loob ng Boystown. Nasisilip ko lang dati 'yon sa tuwing pumupunta ako kila ate Neneng o sa ate ni pareng Rommel. May butas na maliit sa pader sa gilid ng kanilang bahay noon 'don. Sa butas na iyon, sinisilip ko ang lupain ng Boystown. Tanging nakikita ko lang doon ay luntiang mga damuhan at mga punong nagtataasan. Hanggang doon lang ang nakikita ko sa butas na 'yon at hindi ko pa rin ito napupuntahan. May nakikita din akong bahay dati 'don mula sa tanaw ng butas. Tumatakbo noon sa isipan ko na parang gusto ko itong puntahan, ngunit sa paanong paraan!?
Si mama at papa noon, minsan, sinasabi nila sa'kin na 'wag daw akong pupunta doon dahil marami daw doong mga ahas na nagkalat, at mga maligno daw doon na nangunguha ng mga bata. Kapag tagsantol at tagkaimito, madalas akong nakakakita noon ng mga plastic-plastic na mga bungang iyon sa aming lugar, galing daw 'yon sa loob ng Boystown.
Hanggang sa isang araw ng madiskubre ko na lang ang daanan o lagusan sa likod ng bahay nila aling Auring patungong loob ng Boystown. May nagsama sa'kin 'don na kalaro ko noon. 'Yung lagusang iyon, doon dumadaan ang mga tubig galing Boystown kapag tag-ulan. At kalimitan doon din dumadaan ang mga kabataang gustong pumuntang Boystown, kung hindi man sa pag-akyat sa mga pader nito.
Malimit kaming pumunta 'don dati ni Andong para maglaro. Madalas ko din makita noon 'don si Tatang na nagpapastol ng kanyang mga alagang kambing noon. Sila kuting at Ison, madalas din kaming isama nila 'don para maglaro. Ngunit hanggang doon pa lang din ako sa bukana 'non o sa pastulan lang ng mga kambing ni Tatang. Hindi ko pa din noon nararating ang looban ng kayumituan dahil takot kami noon sa gwardyang nagrorobing 'don. At alam kong bawal din 'yung puntahan noon. Napalimit din noon ang pagsuot ko sa kanilang butas kahit wala akong kasama sa pagpunta 'don. May pagkakataon din na sinisigawan ako ni aling Auring kapag nakikita n'ya akong sumusuot sa kanilang butas. 😆
May isang insidente din noon noong kasagsagan ng bagyo, gumuho ang pader ng Boystown sa gilid ng taas papuntang dulo. Ang bangin 'don nagkaroon ng landslide kaya bumigay ang pader ng Boystown. Naging open na open ang lugar na 'yon. Madalas din kaming pumunta 'don para manguha ng mga tipaklong. Malilibang ka noon sa panghuhili ng mga tipaklong kahit may kahirapan din silang hulihin noon dahil sa bilis at taas nilang tumalon.
Naging kalaro din namin ang mga taga taas noon gaya ng magkapatid na Anding at Burnok, Bugoy, Joey, Leonel, Nunoy toklat at ilan pa. Madalas silang magfollow the leader sa damuhang iyon at ako bilang saling pusa lang noon. Madalas din kaming magbaril-barilan sa mga damuhan doon.
Nang magtagal pinagawang muli ng Boystown ang kanilang mga pader doon. Nakita ko rin noon kung paano 'yon nilagyan muli ng mga pader. Natakpan na noon ang aming ginawang laruan sa loob ng Boystown ng matapos ang pagtatayo 'don ng mga pader.
Sa kabilang ibayo naman o sa Greenland Subdivision, tanaw na tanaw 'yon mula sa aming lugar. Ang ilog ang naging pagitan nito sa amin patungong Anastacia Village, Tierra Vista Subdivision at Mira Verde Subdivision. Ganon kalaki ang subdivision na 'yon! Kumbaga higante talaga sa lawak!
Una akong naisama noon 'don nila Rolly ng kumuha sila ng mga natuyong dumi ng kalabaw para sa pataba sa lupa bilang assignment sa school. Namangha ako sa lugar na 'yon dahil luntian ang paligid at may magandang tanawin. Maraming mga puno ng fine tree 'don sa pagitan ng mga kalsada. At noon sa halos padulong kalsada 'non malapit sa plaza ng Labas-Bakod wala pa dating nakatayong bahay 'don. Ang katabi naman 'non na kalsada ay may isang bahay pa lang na nakatayo. Mula 'yon sa daan ng garden noon ni kuya Rosal. Ang garden din noon ni kuya Rosal ang isa sa mga naging daanan noon patungong kabilang ibayo.
Hindi pa rin ako noon marunong maghanap ng gagamba, kaya tanging pagsama lang noon ang ginagawa ko sa mga nangunguha noon ng mga gagamba na may mga edad sa'min. Sa kalsada 'don sa tapatan ng plaza ay may mga imburnal pa noon na mga nakatambak 'don sa parteng padulo. Madalas namin 'yon paglaruan dati. Pinapagulong namin 'yon at sasakay kami sa ibabaw 'non. Malimit din kaming tumambay 'don tuwing siesta time para magpalipad ng mga saranggola. Kasakasama dati kami kila Bugoy sa tuwing pupunta sila 'don. Sa padulo ng kalsada malapit na sa manggahan. Ang gilid dati 'non na tabing kalsada ay dating tambakan din ng mga basura. Marami dati akong nakikitang swelas 'don ng sapatos na pang soccer na tinatapon 'don. Nagkalat din doon ang mga sapatos na pang soccer o footballl na mga sira-sira na.
Naging daan din doon ang puno ng mangga sa bangin na naging pag-aari na ni kuya Roger. Halos tapatan din 'yun ng bahay n'ya. Madalas din kaming umakyat sa puno na 'yon para tumambay. Kapag namumunga 'yon, kinukuha din namin ang mga bunga n'yon. Doon na rin namin kinakain sa puno ng mangga ang mga bunga 'non, habang ang iba ay may bitbit na asin at minsan ay bagoong alamang.
Doon din dati kinukuha sa mga fine tree ng subdivision ng Greenland ang mga salagubang na pinaglalaban-laban namin noon kapag panahon ng mga salagubang. Gamit ang bubble gum o chiklet, pinagdidikit namin ang mga salagubang na magkatalikuran. Maglalaban na ang dalawang salagubang, palakasan silang dalawa. At kung sino ang may pamatong nakatayo habang ang isa ay nasa ibabaw, ayun ang panalo. Matindi din ang salagintong pamato. Makisig 'yon at makalas gumalaw! At kapag 'yon ang pamato mo, malimit ang magiging panalo mo.
Madalas din paglaruan namin ang mga kawawang salagubang noon. Puputulan namin 'yon ng mga paa tapos tatalian ng sinulid at papaliparin na para bang mga helicopter. Kapag hindi na kayang lumipad ng salagubang, papalitan lang ng isa pa at itatapon na ang kawawang salagubang. May pagdaan din na niluluto namin ang mga salagubang sa talahiban noon sa plaza, gamit ang lata ng gatas. At kinakain din namin ang mga 'yon. "Halos lahat ng mga kabataan noon ay nang murder ng mga kawawang salagubang." ðŸ˜
Madalas din ako noon manuod sa mga labanan ng mga gagamba. Sila Rolly, Anding, Bugoy, Nunoy luga at iba pa ang madalas noon manguha ng mga gagamba sa kabilang ibayo at Boystown kapag panahon din ng mga gagamba. Nakakasama ako noon sa kanila sa pangunguha ng mga gagamba. At nabibigyan din naman kami nila noon ng mga gagambang maliliit na nirereject nila.
Masarap din paglabanin ang mga 'yon. Natatandaan ko rin noon 'nung musmos pa alang ako, madalas akong magpahuli kay papa ng mga gagambang bahay sa paligid ng kabahayan sa aming lugar para ilagay sa bahay ng posporo at paglaruan.
*BILANG GRADE FOUR*
Naging kaklase ko noon ang magkapatid na Joel/Tawe at Joey/ Bibeng noong naggrade four na kami. Maging si Rosemarie o Bane ay naging kaklase din namin. Si Bane noon ang isa sa mga naging center of attraction sa klase namin. Maraming kaklase ko noon ang nagkachrush sa kanya dahil sa kanyang natural na kagandahan at pagiging magiliw o charming young lady. Minsan, nagkachrush din ako sa kanya noon. Si Florentino Queral ang isa sa mga nagkagusto sa kanya noon . May pagkakataon din noon na nagiging magkatabi kami sa upuan ni Bane at nakakasabay din namin s'ya sa pag-uwi.
Ang aming naging adviser noon ay si Mr. Tado na babagong salta palang noon sa St. Mary. May kalakihan din si Mr. Tado, at may kalakihan din ang kanyang katawan. Ang kanyang buhok ay makapal na bagsak na parang bang bunot. Malaki ang boses ni sir lalo na kapag s'yay nagagalit sa amin. Hindi naman s'ya mahilig mamalo noon, ngunit kapag napagalitan ka n'ya ay matatakot kang talaga dahil sa kanyang malakas na boses na buong-buo.
Ang nagiging parusa n'ya sa'min noon ay papatayuin n'ya kami sa harapan at bibilangan na makabalik agad sa upuan. Kapag hindi mo 'yon nagawa ng ilang beses, mananatili kang nakatayo sa harapan ng klase. At doon mapapahiya ka na. Malimit din s'ya noong magpatayo sa klase bilang kanyang parusa sa amin. Mahilig din s'ya noong mangduro sa amin kapag napansin ka n'ya na maingay sa klase. 🤣
Mahilig din s'ya noong magpagarden sa'min sa hapon, sa mga bakanteng lote ng likod ng Benson bakery at sa bahay ni Mr. Calero. Kada hapon noon laging 'don ang bagsak namin, mapuwera na lang kung nag-uulan. Si Joel/Tawe noon ang kanyang inaasahang madalas sa pagtatanim at pagbubungkal ng mga lupa. Sanay na sanay si Tawe noon sa mga ganong trabaho kaya naging mataas noon ang grades n'ya kay Mr. Tado. Nagkaroon kami roon ng tig-iisang garden at tinaniman namin 'yon ng mga petsay.
Naalala ko rin noon na kapag maraming natitirang mga tindang ice cream si Mrs. Espinosa. Dinadala nila 'yon sa aming garden'an para ipautang sa'min ang mga natirang ice cream. Naging masunurin kami noon kay Mr. Tado dahil iba s'ya sa mga naging teacher namin at dahil s'yay lalaki kaya nandoon ang mga takot namin kapag s'yay sumisigaw na.
Sa ibang klase lang kami noon nakakapag-ingay kapag iba na ang mga nagiging teacher namin. At kung minsan, kapag wala si sir Tado o absent.
Hindi na rin si Mr. Baybayon na ang aming principal noon. Napalitan s'ya noon ni Mrs. Villanueva na kamag-anak naman ni Joselito Villanueva na aming kaklase.
Kung tutuusin, hindi naman talaga ako kay Mr. Tado noon o malilipat sa kanila. Naging section one pa ako 'non. Naging kaklase ko 'don si Andong at ang naging adviser namin ay si Ms. Angilie. (hindi ko na matandaan ang kanyang apilyedo) Wala pa yata akong isang buwan sa pagiging section one ng malipat ako sa kabilang section na section two. Umiyak pa ako noon, noong kanya kaming ilipat sa kabila. Hindi ko na rin matandaan ang kasama ko ng kami'y ilipat ng section. Hindi ko rin alam kung bakit kailangan pang ilipat kami ng section. Siguro nahihinaan lang sila sa amin noon o mas karapat-dapat kami sa kabila kaya kami nilipat.
Kapag nagtuturo sa'min si mam noong nakalipat na ako kay Mr. Tado, madalas ni mam akong sabihan noon na, "Lumipat ka lang dito naging walang hiya ka na!" Parang sinabi n'ya na din na mga walang hiya ang mga kaklase ko 'don. He! He! He! "Hindi ka naman dating ganyan ha." [dagdag pa n'ya] Hindi naging maganda ang pagtingin n'ya sa'kin noon o impresyon ng mapalipat ako sa section two.
Bilang grade four din, 'yun ang kauna-unahan kong magcutting classes. Iniwan ko noon ang bag ko sa silong namin, itinago ko 'yon sa mga nakatambak noong mga hollow blocks sa aming silong. Nagpalit din ako ng damit pambahay 'non. At sa ilog ako noon namalagi maghapon kasama ko ang nabiling munting itik. At nu'ng hapon na, saka pa lang ako bumalik sa'min. Sinuot ko muli ang aking uniform at umakyat na ng bahay. Ngunit nalaman 'yon nila papa at napagalitan nila ako. May nagsumbong kasi sa kanila noon. 🤣
Kapag sinabi kasing section one noon, ibig sabihin matatalino at matitino sa klase. Kapag section two naman ay mga average lang o may ilang matatalino at may kaguluhan sa klase. At kapag section three naman ay mga kalimitan mas mahihina sa klase at lalong magugulo.
Kung iisipin hindi naman talaga makakatulong ang mga ganyang sistema sa mga bata o mag-aaral sa loob ng paaralan. Hindi naman kailangan magkaroon ng paghihiwa-hiwalay ng mga bata base sa kanilang mga kakayahan. Nagiging mas bobo lang kasi ang mga bata kung isasama mo pa sa mga bobong estudyante din o mahihina ang mga utak. At parang diskriminisasyon na rin ang lumalabas sa kanilang sistema kapag sinasala nila ang mga estudyante base sa kanilang mga kapasidad at kakayahan. At lalong mas nagiging magulo ang mga bata kapag pinagsama-sama lang ang mga magugulo o maiingay sa mga magugulong estudyante. Base na rin 'yon sa karanasan ko bilang elementary student noon! 🤡
May mga bagay na mali sa eskwelahan o kahit sa anu pang mga eskwelahan sa mga pangangasiwa nila. Tanging mga bata lang ang nakakaalam at nakakaramdam 'non dahil sila ang nakakaranas ng mga bagay na 'yon. May mga pagkakataon pa nga o punto sa isipan ng mga bata na mababa ang tingin ng mga section one sa mga lower section dahil sa ganong sistema. BOW!!!
Kasabay ng pagiging grade four. 'Yun din ang taon na pinalabas sa Pilipinas ang nakakaadik noong animei na "Ghost Fighter". Sinubaybayan ko 'yon araw-araw at talagang naadik ako 'don! Unang inere 'yon sa channel 13, mga 6:30 or 7:00 pm ang naging time slot n'yon. Bago pa man ipalabas 'yon ng paulit-ulit sa channe 7 noon, hinawakan na muna ng channel 13 ang "Ghost Fighter" noon. Sa umaga naman "Ang Mahiwagang Kwentas" na may submarine na "Nautilus" sa pagkakatanda ko pa. (Ngunit hindi ako sigurado) ". At naging palabas din noon ang "Thunder Jet". Tanda ko rin noon na nagdodrawing din ako sa papel ng palabas noong Biker Mice noong grade four namin.
Maraming enere noon ang ABS CBN at sa ibang mga channel na magagandang mga animei o cartoons na pampabata noong 90's na talagang sinubaybayan ng mga kabataan noon. Magmula sa umaga hanggang sa hapon at maging sa gabi rin.
Araw ng bakasyon, matapos ang pagiging grade four. Doon sa'ming lugar ay naging tunay na mga lalaki kami sa pamamagitan ni kuya Sonny Obsenares. Naging kasabay ko noon ang mga kababata ko sa pagpapatuli sa kanya. Ako, si Nestor, si Raffy, si Ricky at ilan pa. Si Leonel noon sa doktor yata nagpatuli. Masakit ang magpatuli mula sa pagiging bata. At kung hindi mo rin naman gagamitin ang sa'yo ay 'wag ka ng magpatuli. Ha! Ha! Ha! Marami din ang mga umiiyak at nangangayaw sa pagpatuli sa'ming lugar noon.
Pagkatapos ni Nestor noon, sinalang naman ako. Ramdam kong gumuguhit sa balat ko ang blade at para bang iniipit ang iyong balat sa sobrang sakit. Nilakasan ko na lang ang loob ko at nagawa kong hindi umiyak maging si Nestor man. Sa likod lang din ng bahay nila kuya Sonny kami nagtulian noon. At sa mga sumunod pa ay sa kabilang ibayo na malapit sa kanilang garden.
Sa akin na yata ang pinakamatagal noong gumaling. Dahil laging nababangga ang akin. At noong pagaling na ang sugat ng sa'kin, makailang ulit na dumugo 'yun sa tuwing makikipaglaro ako gaya ng basketball. Nangamatis din ng sobra ang sa'kin! Kila Raffy at Nestor noon ay magaling na, samantalang ang sa'kin ay sugat pa din.
Kada bakasyon noon, hindi nawawalan ng mga parokyano si kuya Sonny para magpatuli sa kanya. Hindi rin naman s'ya noon nagpepresyo at kung magkano lang din ang inabot mo sa kanya ay walang problema. Sa tuwing may mga tutulinin noong mga bata si kuya Sonny, madalas sumasama rin ako para makinuod dahil masaya 'yon lalo na kapag may iyakang nagaganap. 🤣ðŸ˜