Chereads / PAANO MAGING TAO? (mga aral, leksyon, biro at sekreto ng buhay) / Chapter 55 - Ang mga tindahan pa lang sa'min noon!... "Tinuruan kaming magbasketball ni kuya Jun o si Tagoy."

Chapter 55 - Ang mga tindahan pa lang sa'min noon!... "Tinuruan kaming magbasketball ni kuya Jun o si Tagoy."

*MALAKAS ANG LOOB KONG UMUTANG KAY ALING ANING*

Madalas dati akong mangupit ng mga barya sa pitaka ni mama. Kung hindi naman kapag weekend, at si papa 'non ay nasa amin, kinukuha ko ang pantalon n'yang nakasabit sa aming pintuan tuwing umaga. Maraming laman na mga barya 'yon. Minsan, tulog pa sila sa umaga. Nagigising na ako para bumili sa tindahan nila aling Precy o Percy o 'di kaya'y tatakbo ako sa taas para doon bumili kila mang Leo o si Bro.

Noon mangilan-ngilan pa lang ang may tindahan sa'min at mabibilang mo lang 'yon sa daliri mo. Wala pa din noon ang tindahan ni ate Ida, ate Sara, ate Paz Mariano, ate Paz Cordova, ate Alice na nanay ni kuya Christopher, ate Diana na nanay ni Daren, ate Perla at ilang pang naging tindahan sa taas o sa aming lugar. Naabutan ko na noon ang ilang tindahan pa lang sa'min, tulad ng tindahan ni ate Percy, tindahan ni aling Aning, tindahan nila mang Leo, tindahan ni aling Ludi at 'yung tindahan sa dulo, limot ko na ang pangalan ni nanay na may salamin sa mata.

Madalas dati akong tumakbo sa tindahan nila ate Percy! Minsan, si kuya Tony ang mabibilhan ko, minsan naman, si Lola na nanay yata ni ate Percy o ni kuya Tony. At madalas, si aling Percy ang nasa tindahan kapag ako'y bumibili. Maliit pa din noon si ate Bibe na kanilang anak. Sila na yata ang may kumpletong may mga sari-saring paninda sa aming lugar noon.

Dati, kahit singkong duling pwede mo ng ibili ng kendi sa kanila. Makakabili ka din ng pagkain sa kanila kahit 10 centavos lang ang pera mo. Sari-sari ang mabibili mo sa kanilang mga tinda, mga tsitsiryang nakasabit sa taas, mga kendi at biskwit na nasa garapon, pati bubble gum na nasa garapon. Mga tinapay na nakalatag sa kanilang patungang semento, may hopia din, at 'yong stick bread na nasa garapon, 50 centavos lang ang isa 'non. May saging din na kulay green na nakabitin sa gilid, meron pa dati silang mangga at sinkamas na nasa malaking garapon na may tubig sa loob, habang may kasama din itong alamang. Dati, nabibili ko sa kanila ang mangga at sinkamas na may alamang sa halagang 50 centavos pa lang. May mga ulam din silang tinda! Ang gulay, limang piso lang ang order. Ang karne at isda ay sampung piso naman. Pwede ka pang humingi ng sabaw sa kanila noon. May sari-saring mga de lata, noodles, miswa, sotanghon. May mga condements din, mantika na nakarepack sa plastik ng ice candy sa halagang piso, toyo, sukang de takal, asin, paminta, patis, betchin. (wala pa noong magic sarap) Mga sibuyas, kamatis, bawang, luya, laurel, bulaklak ng saging, hibe at iba pa. May de takal din na alamang at bagoong isda. Meron ding tuyo, dilis, daing at itlog. Asukal, gatas, kape, milo. Marami din silang alak na tinda, gin, brandy, beer. Mga iba't-ibang sigarilyo. Makakabili ka din sa kanila ng yelo, ice tubig at ice candy. Meron pang mga zesto, soft drinks at meron din silang samalamig o palamig na tinda noon. May thumb tacks din, scotch tape, sinulid, karayom, floor wax, tawas, kandila, katol, posporo, gas o kerosene etch. Mga sabon panligo, shampoo, sabong panlaba, zonrox, clourine, oxalic, dyobus, harina, gaw-gaw, ilang school supply at iba pa.

Nakakabili din dati ako ng mga laruan sa kanila, tulad ng holen, tecks, goma o lastiko, plastic baloon, sundot kulangot. Mga sampalok na may nakadikit na mga maliit na kabayo, indian, vintage na kotse, tautauhan, play money, at kung anu-anu pa. Madalas din dati akong bumili ng "Araw-araw" na tsitsirya na may laman na barya sa loob. Pati na rin ang "Basta't Pinoy" na tsitsirya na may nakadrawing na bayanihan ng mga taong nagbubuhat ng bahay kubo, may pusa pang nakangiti sa bubong 'non. May laman din 'yon na laruan sa loob. Pom-poms, Sarimanok at iba pa. Ang mga Oishi, Pee Wee, Kornicks, Green peas, Richie, Snacku, Rimbee, Clover at ilan pang mga snacks ay mabibili mo lang noon ng 2.50 hanggang 3.00 pesos. Meron din silang palabunutan noon na piso-piso. Nakakapangutang din dati ang mga taga sa'min sa kanilang tindahan maging kami noon.

Meron pa silang poso. Dati isa pa lang 'yon! Noong tumagal naging dalawa na ang kanilang poso na magkabilaan. May malaking piraso pa noon ng ginayat na gulong na ginawang sahuran ng tubig sa kanilang poso. Madalas dati akong maligo noon 'don! Nagbababad ako sa gulong na 'yon! Saktong-sakto lang ang katawan ko sa goma na 'yon noon, humihiga din ako 'don. Madalas din may kasama akong mga kalaro ko sa paliligo sa kanilang poso. Pinapasirit namin dati ang kanilang poso kapag hindi sila nakatingin sa amin. 😜

Meron pa dati doong puno na napakaraming mga higad. Pinutol na rin 'yon 'nung tumagal. Sa tabi ng puno may mahabang kahoy na upunan, doon madalas dating tumambay ang mga tatay para magkwentuhan. Maging kami rin noon mga kabataan ginagawa namin 'yung tambayan. Hindi rin nawawala ang mga asong alaga ni kuya Tony. Ang isa 'ron nakagat na ako noon. Nagagawa n'yang turuan ang mga aso n'ya na maghanap ng mga bayawak sa bangin ng kabilang ibayo. May mga alaga ding mga manok.

Madalas din napupuno ang kanilang sala maging ang pintuan sa labas sa mga nakikinuod sa kanilang t.v. Malimit din dati akong makinuod sa kanila. Kapag si kuya Tony ang nanunuod, malimit boksing at mga action na pelikulang pilipino. Isa rin talaga sila sa mga bigatin na taga roon o masasabing mapera noon sa Labas-Bakod. Kumuha rin sila noon ng ilang tindera sa kanilang tindahan.

Ang isang kakompetensya nila aling Percy ay sila aling Aning at kuya Roger. Marami din silang mga tinda noon ngunit mas marami pa rin kila aling Percy. Kapag maraming bumibili kila aling Percy, lumilipat ako kila aling Aning. Madalas si kuya Roger ang mabubungadan mo sa tindahan nila. Sari-sari din ang mga tinda nila, may mga ulam din, tinapay, biskwit, tsitsirya, candies, de lata, condements, mga soft drinks, yelo, ice candy. Meron din silang mga laruang pambata.

Meron din silang poso, paupahang kwarto at mga alagang baboy. May garden din si kuya Roger malapit sa ilog.

Noong naging magkaaway noon si mama at ate Precy. Hindi na kami nakikiigib sa kanilang poso. Madalas din noon kila aling Aning na kami bumibili ng mga pagkain. Noong pumapasok na ako sa eskwela bilang elementary, madalas akong umutang ng pagkain kila aling Aning pagkalabas ko galing school. Minsan, napuna na ako ni aling aning ng napadalas ang pag-utang ko sa kanilang tindahan. Madalas din akong humingi ng sabaw sa kanila. Pwede mo na din 'yon iulam kapag wala kang maulan sa bahay.

"Aling Aning, pautang daw po si mama ng isang balot na tinapay."

[kukuha na ako ng tinapay na naturo ko!]

"Dederetso na ako sa bahay o 'di kaya'y sa labas at kakainin ko na 'yon."

(Kinabukasan, ganon na naman!)

"Aling Aning, pautang daw po ulit ng isang balot na tinapay si mama."

[Sabi sa'kin ni aling!]

"Hindi naman yata sabi ng nanay mo, baka ikaw lang ang nangungutang." 🤔

(Ngunit bibigyan pa din ako ni aling Aning ng tinapay)

[Pagsapit ng linggo!]

"Nagbayad ako sa tindahan ni mareng Aning... Bakit ang laki ng binayaran ko!?" Wika sa'min ni mama sa bahay.

"Tahimik lang ako 'non, hehehe." Talagang nadagdagan ang utang ni mama dahil araw-araw akong nangungutang kay aling Aning ng hindi n'ya nalalaman. 🤣

Kahit hindi na kami nakikiigib ng tubig noon kila ate Percy, nakikiligo pa din ako minsan sa kanilang poso at bumibili pa din ako sa kanilang tindahan. Tumagal din noon ang hindi pag-iimikan ni mama at aling Percy. Talagang tumagal! Noong binata na ako ay saka pa lang sila nagkaayos at muli ng nag-uusap. Pumupunta na rin sa bahay si aling Percy. Wala na din noon ang ibang taga sa'min, nasa Bulacan na ang iba ng sila'y magkaayos ng muli ni mama. Tansyahin n'yo 'yon kung gaano katagal nilang magkaaway noon! 🙏

Ang isa pa ay sa taas. Ang malayo-layong tindahan ni mang Leo. Halos mautal-utal ang mga kabataan sa pagbigkas ng pangalan ni mang Leo. "San mo binili 'yan?" "Doon, kila mang Yelo!" Ha! Ha! Ha! Marami din silang mga tinda noon, mga sari-sari din. Madalas akong tumakbo doon tuwing umaga noong ako'y musmos pa. Doon lang sa tindahan nila mabibili mo noon ang choknat na may nakiipit na pictures ng mga transformer na mga robot. Madalas din akong utusan ni ate kila mang Leo para bumili ng plastic baloon.

Halos silang tatlong may tindahan noon ang mga naging bigatin sa aming lugar o mga mayamanin. Sila na mga negosyante ay kalaunan na nagkaroon ng mga kani-kanilang sariling mga jeepney.

At isa pa dati ay sa dulo, naging kumare 'yon ni mama, 'yung may tindahan dati doon! Hindi ko na rin maalala ang pangalan ni nanay na nakasalamin..??? Si aling Tereng ba? Minsan, inuutusan ako ni mama na bumili sa kanilang tindahan. O minsan naman may pinapakuha s'yang bagay sa'kin doon." May tindahan na rin noon si aling Luding. Madalas din akong bumili noon ng ice candy sa kanila. Ang kanilang bahay din noon ay napupuno ng mga bata na nakikipanuod sa kanilang malaking t.v ng mga pelikula, mapatagalog man o english.

Hanggang sa magkaroon na ilang pang mga tindahan sa amin. "Tindahan ni aling Ida", "Tindahan ni aling Paz", "Tindahan ni aling Diana", "Tindahan ni aling Alice", "Tindahan ni ate Sara", "Tindahan ni aling Paz dicky", "Tindahan ni aling Perla" at ilang mga tindahan na nagbukas noon. Matagal na rin noong may munting tindahan sila aling Santa, meron din sila noong mga palamig, chitcharon, kropek with suka, at ilang pang mamemeryenda. Kila Edren o Biboy madalas din mapuno ang kanilang bahay sa mga nakikinuod ng mga palabas sa kanilang t.v, maging kila ate Diana din.

May mga pang almusal din na mga paninda kila ate Letty Lugto noon, may pansit, sopas, spagethi, kakanin at meron ding meryenda. Malimit din dating mapuno ang kanilang bahay ng mga bata sa pakikinuod din sa kanilang balck and white na t.v noon. Malimit din dati ako sa kanilang bahay at binibigyan ako ni 'te Letty noon ng mga tirang sopas sa umaga.

Nakakailang takbo dati ako sa mga tindahan kapag nakakakuha ako ng mga barya sa pitaka ni mama. Lalo na kapag may mga nauusong mga laruan tulad ng holen at teks. Halos maya't-maya ang pagbili ko noon kila aling Percy ng mga holen. Magugulat na lang si mama na gumagaan daw ang kanyang coin purse. 😁

Noong sila kuya Jun at Christopher pa ay mga binata palang, kapag nakakasalubong ko si kuya Christopher malimit ko s'yang batiin ng, "kuya Christopher pengeng piso." Madalas din sila noon sa sunugan ng mga basura sa tabing ilog tuwing hapon sa dati'y hindi pa plaza. Naglalaro din sila noon ng mga apoy sa basurahan gaya rin ng mga ginagawa rin namin nila Raffy noon. Nakikinuod ako sa kanila at minsan ay nangungulit din ako sa kanila. Madalas ko din sila noong nakikitang nagtatatsing nila kuya Ejie. Mga malalaking mga barya pa noon at maliliit na mga sentimo.

Ang mga nakikita kong mga magbabarkada o mga magkakalaro noon na mga binatilyo o mga binata na noon sa Labas-Bakod ay sila-sila kuya Sonny, kuya Barok, kuya Erick, kuya Erwin, kuya Tirong, kuya Ferdinand, kuya Leo, kuya Rico, kuya Panget, kuya Daniel, kuya Danny Ngongo, kuya Arot, kuya Nonie, kuya Christopher, kuya ni Bugoy, kuya Pinoy, kuya Boyong, kuya Buboy (taga taas), kuya Joel Taba at ilan pa. Habang ang iba ay sila kuya Paloyloy, kuya Ejie, kuya Jun/Tagoy, kuya Gary/Gasyong, kuya Rommel Rosal, Kuya Karot, kuya ni Anding, kuya Rommel Guevara, kuya Onie, kuya Buboy, kuya Ricky, kuya Tupe, kuya Dowe, anak ni kuya Bert, kuya Baoy, kuya Jayson, kuya ni Rodel at ilan pa. Habang and'yan din sila kuya Eking/Ikoy, kuya Victor, Rhenz/Nunoy Ida, Rommel/Bugoy/Golem, Rolly, Rogelio, Ronald/Ngipon, Christian/Kapre, Zandro/Andro, Rogelio, Anding, Kuray, kuya ni Tawe, Iway, Bokbok, Pinoy, Sherwin at ilan pa. Ang mga ahead sa'min ng ilang taon tulad nila Joel/Tatang, Jun/Tubol, Erny/Kuting, Eson, Bunso/Raul, Joey/Tikol, Nilo/Ido, Nunoy Luga, Melvin, Joel/Nugs/Tawi, Proke/Nuknoy, Ente, Jong-jong, Burnok at ilan pa. 👍👋

Ang mga babae naman o mga dalaga pa noon at mga bata pa noon ay sila ate Karen, ate Lisa, ate Ukay, ate Nineng, ate Marilou, ate Marichu, ate Perlita, ate Carla, ate Carol Mariano, ate Raquel, ate ni Ebyang, ate Maribel, ate Nine, ate ni Tata, ate Nilda, ate Noymie, ate Daday, ate Ana, ate ni Teteng Arbo/Joan , ate Eva, ate Maling, ate Tilin, ate Taba, ate Jennifer, ate ni Christian, ate ni Tatang, ate ni Jun igit, ate ni Marilou Rosal, ate Elma, ate Angie, ate Badet at iba pa. Habang ang iba ay sila Ebyang, Angie, Roda, ate ko/Judy, Jasmine, Rina, Len-len, May, Cathlyn, Cathy, Tin-tin, Aileen Botor, Catherine, Shiela, Payangyang, Bibe, Marilou Rosal, kapatid ni 'te Nine, 'te Bundat, Jenny at Joan mga kapatid ni kuya Jayson, kapatid ni ate Angie na ate ni Alex at ilan pa. 👍👋

Hindi ko na maalala kung sino ang kasama ko noon sa Anastacia Village. Nadatnan namin 'don si kuya Jun/Tagoy na naglalaro sa basketball court ng mag-isa. Nakisali kami noon sa kanya. Mataas pa sa paningin ko noon ang ring na 'yon kaya, 'nung pinasa n'ya sa'min ang bola, hindi 'yon namin maishoot o mapaabot sa ring. Laging kapos ang bawat tira namin noon. Tinuruan n'ya kami kung paano hawakan ang bola at kung paano ito ititira. Pinakita pa n'ya sa'min kung paano ito gagawin. Tinira n'ya ang bola sa ring at namangha kami. Sinabi n'ya sa'min na, "ganito ang pagtira at paghawak ng bola." Lagyan din daw namin ng pwersa ang pagtira. Nakailang shoot kami 'non bago namin maipaabot sa ring ang bola.

Ang dating "condo" nila aling Perla o nila kuya Victor na ilang palapag noon ay dati lamang maliit na bahay nila Joel Rapsing o ng kanilang pamilya. Nawala noon ang kanyang tatay at nanay maging ng mga ilan n'yang kapatid sa Labas-Bakod. Noong dumating ang mag-asawang ate Perla at kuya Atoy at kanyang pamilya sa Labas-Bakod. Naglagay sila ng bahay 'don, hanggang sa paglipas ng panahon ay unti-unti na itong lumalaki. At ang bakanteng lote sa kanilang likod bahay ay naging palaruan din dati noong maliit pa ang bahay na iyon. Naglagay din dati ang mga kuya ni Joel ng basketbolan 'don, wala nga lang net ang ring ngunit napakaraming mga bata ang naglalaro 'don maging ng mga matatanda. Maging sa kawayanan kila Buboy Botor ay naging palaruan din noon. Doon ko nakikitang nagtatatsing dati sila kuya Ejie.