'"Mari…."'
'"Mari…."'
Huminga ako nang malalim bago ko iminulat ang mga mata ko. Sumandal ako sa sanga at tumingala sa langit. Sadyang napakapayapa pagmasdan ng paglubog ng araw, may kakaibang sensasyon itong hatid sa akin, pakiramdam ko nasa tabi ko lang si nanay.
Idagdag pa ang panaginip ko noong nagdaang gabi sa kakaibang sensasyong narararamdaman ko sa sunsets, totoong-totoo siya na nakalimutan kong nananaginip lang ako.
'"Mari…."'
'"Mahal na mahal kita."'
Muling bumalik sa akin ang mga kataga ng estranghero sa panaginip ko. Hindi naman ako naniniwala sa reincarnation pero baka lover ko iyon sa nakaraang buhay.
'"Minahal kita buong puso ko ngunit nasa kanya parin ang pagtingin mo."'
Naalala ko na puno ng pait ang mga katagang iyon o baka imahinasyon ko lang iyon?
"Ate Maribel, bumaba ka na dyan sa puno. Bawal daw umakyat diyan sabi ni Sister Ade." Saway sa akin ni Anjo.
"Malaki na ako boy. Huwag niyo nalang ako gayahin." Depensa ko habang bumababa ako sa puno. Paboritong puno namin iyon ni Pinang, dati nagpapaligsahan pa kami paakyat. Hindi namin alintana ang mga babala ng mga madre noon. Sa ganda ba naman ng view sa itaas ng puno, kita ang buong bahay ampunan, mula sa entrance hanggang sa hardin ng mga bulaklak at palayan. Kita rin ang mga maliliit na burol sa malayo na laging tinataguan ng araw sa tuwing dapithapon.
"Kumbaga don't try this at home." Pagpapatuloy ko nang tuluyan na akong nakababa.
"Ate nakita ka namin kaninang nag-iimpake, kadarating mo nga lang noong byernes aalis ka na agad?"
"Babalik din naman si Ate, may pupuntahan lang."
"Saan naman?" Usisa sa akin ni Angelica. Isa sa mga batang kalaro ni Anjo.
"Hahanapin ko si G." Desidido kong sagot. Alam kong konti ang possibilidad na mahanap ko ang ama ko sa kakarampot na kwentas lang na may nakaukit na letrang G. Pero wala namang masama kung susubukan ko. Karapatan ko rin naman iyon. Patay man o buhay ang ama ko ngayon, may pamilya man o wala, kahit konting impormasyon tungkol sa kanya mapunan lang ang kakulangan na nararamdaman ko sa pagkatao ko.
Maayos akong nagpaalam sa mga madre at mga bata nang araw ding iyon. Pumunta ako sa terminal at sumakay sa bus papuntang Santa Barbara. Hindi alintana kung nakailang hinto ang bus sa himbing ng tulog ko sa byahe. Paggising ko nasa terminal na ako ng Santa Barbara.
"Kuya ano po bang dapat sakyan papunta sa Rendezvous."
"Yung lodge ba? Sakay ka na dito miss, hintayin lang nating mapuno bago tayo lumarga."
ALAS dyes na ng gabi bago ako nakarating sa lodge. Swerte dahil updated ang google maps at still operating parin ang lodge. kaya habang nasa ampunan ako kanina nakapagpareserve na agad ako. Naghanap rin ako ng mga attraction spots sa lugar para naman may mapasyalan din ako.
🌷
'"Dito tayo ikakasal, mahal." Hinalikan ng lalaki ang kamay ko. Nasa loob kami ng simbahan at nakaupo sa pinakamalapit na upuan sa altar. Nakasandal ako sa bisig niya habang hawak-hawak niya ang mga kamay ko.
"Masasaksihan ng buong bayan ang kasal natin at sisiguraduhin kong magiging engrande iyon." Dugtong niya.
"Hmmmm! Bolero. Kasal agad? Seryoso ka ba?"
"Sa tingin mo ba aalukin kita ng kasal kung hindi ako seryoso?"
Umayos ako ng pagkakaupo at tinitigan ko siya. He cupped my face. Suddenly, I wasn't in front of him. Nagulat ako nang makita ko ang sarili ko na hinahalikan ng lalaking blurred ang mukha. Lalapit na sana ako nang bigla kaming nawala.
Naguguluhang pinasadahan ko ang buong paligid. Wala na ako sa simbahan at nasa gitna ako ng talahiban. Madilim ang paligid at napakalakas ng hangin. Tanging ang buwan ang nagsisilbing ilaw ko sa paligid. Hinawakan ko ang laylayan ng saya ko na tinatangay ng hangin.
Doon ko lang napansin ang hugis ng tiyan ko. Bakit malaki ang tiyan ko?
Bigla akong nagpanic.
"Tulong!" Ang tanging nasigaw ko. Hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko. Anong nangyayari?
"Tulong!"
"Tulong!"
Ang nakakabinging putok ng baril ang nagpatigil sa akin. Mayamaya may babaeng lumabas mula kung saan at tinutukan ako ng baril.
"Nilason mo ang isipan ni Alejandro. Sisiguraduhin kong mamamatay ka at ang bata sa sinapupunan mo Ma—"'
🌷
"Ma'am, gising."
"Ha! Ano—"
"Kanina pa po kami kumakatok sa pinto, tanghali na po kasi kaya napilitan na po kaming buksan ang pintuan. Nakaligtaan niyo na po ang agahan ninyo."
Habol-Habol ko ang hininga ko habang tumatango ako. "Okay lang po kayo?"
"Pasensya na ate, masamang panaginip lang. Pakilagay na lang ng almusal ko diyan." Agad na umalis ang babae at iniwan ako sa kwarto. Nagpunas ako ng pawis at binuksan ang malaking bintana ng silid, siguro magiging maayos ang pakiramdam ko kapag nakalanghap ako ng sariwang hangin.
"Alejandro." Mahinang usal ko.
Sino si Alejandro? Nanindig ang balahibo ko nang maalala ko ang panaginip. Napagtanto ko na sunod-sunod ang mga weird kong panaginip at parang eksena ito sa telebisyon na pwede kong pagdugtungin.
Mas kakaiba nga lang ang kagabi, may pangalan na involved, buntis ako at talagang ikakasal pa ako. Kung hindi man iyon ang past life ko sana hindi rin naman iyon ang future ko.
MAS MINABUTI ko nalang na lumabas ng lodge at pumunta sa pinakakilalang simbahan ng bayan kaysa naman magmukmuk ako sa kwarto. May wishing well daw ang simbahan at sabi-sabi na hanggang malinis ang intensyon mo ay magkakatotoo ang hiling mo.
Isang green floral dress ang napili kong suotin na hanggang sa tuhod ang haba at green step-in sandals. Hinayaan kong nakalugay ang buhok ko at sinukbit ang maliit kong sling bag sa balikat bago ako umalis. Tanging cellphone at wallet ko lang ang laman ng bag.
Sobrang namangha ako nang makita ko kung gaano katibay at katanda ang simbahan ng Santa Barbara – San Roque Parish. Nasa itaas ito ng bundok at napapalibutan ng mga puno. Hindi naman pahirapan ang transportation dahil may mga naka-rotang habal-habal at tricycle sa lugar.
Hindi ko inaasahan na malaki pala ang wishing well nila. Pinupulot din kaya ng mga taga-simbahan ang mga barya? Sayang naman kapag hinayaan lang na nakababad sa tubig.
Pumasok ako sa simbahan at natigilan nang makita ko ang altar. Kaparehong-kapareho sa panaginip ko. Kung saan kami ikakasal ng estranghero! Anak ng teteng. Baka future ko nga iyon!
"Neng, okay ka lang?" Puna sa akin ng matanda.
Wala sa sariling naitanong ko sa kanya. "May kilala po ba kayong Alejandro?"
"Aba, eh, ano bang apilyedo niya?"
"Hindi ko po alam eh."
"Neng, dalawang Alejandro lang ang kilala ko sa buong bayan ng Santa Barbara at pareho na silang patay."
Huminga ako nang malalim. Ngayon, sigurado na akong hindi si Alejandro ang future ko. Malamang wala na akong makikilalang Alejandro sa bayang ito.
"Salamat po."
Tumango ang matanda at umalis. I-i-erase ko na si Alejandro sa isipan ko at magfofocus na lamang sa paghahanap sa tatay ko.
Pumunta ako sa wishing well at humiling na sana bigyan man lang ako ng hint ni God kung sino si G. Kunting tulong lang po Lord.
---
SA HINDI KALAYUAN, sa likod ng malaking puno ng narra, tahimik na nakamasid ang isang anino kay Maribel. Mataimtim na nagdadasal ang dalaga bago tinapon ang barya sa wishing well. Biglang umulan at tumakbo ang dalaga patungo sa maliit na pasilungan ng simbahan.
Alas 6 na ng gabi nang humupa ang ulan. Nagsimula ng dumilim ang paligid, ngumiti ang anino. Sa wakas magagawa narin niya ang ipinag-uutos sa kanya.