Chereads / TOTOY [Filipino Novel] / Chapter 9 - Pag-asa

Chapter 9 - Pag-asa

Hinahabol ako ng mga anino. Hindi nila ako tinitigilan. Naririnig ko ang kanilang mga tawa at panlalait. Sumasakit ang aking ulo dahil dito, hindi ko alam ang aking gagawin. Mayroon akong nakitang liwanag. Nakatayo roon ang isang lalaki at babae. Kinakawayan nila ako. Malabo ang kanilang mukha. Tama bang pagkatiwalaan ko sila o isa na naman silang ilusyon?

Tumutulo na ang mga luha sa aking mukha. Nanginginig na ang aking buong katawan. Malapit na ako sa kanilang dalawa. Ngunit, bigla akong napatigil dahil sa bulong ng babae.

"Anak," umiiyak nitong sabi.

Anak? Hindi ito maaari. Hindi ako sasama sa aking magulang. Kinalimutan na nila ako. Kinasusuklaman ko sila.

Mas gugustuhan kong magpatangay sa mga aninong humahabol sa akin. Papayag ako kahit saan nila ako dalhin. Ang mahalaga, mailalayo nila ako sa aking tunay na ama at ina.

Naramdaman kong hinawakan nila ako sa braso. Itinalikod sa aking magulang. Naririnig kong isinisigaw nila ang aking pangalan.

"Totoy! Ibalik ninyo ang anak ko!" sigaw ng lalaki.

Pamilyar ang kaniyang boses.

Tito Julius?

***

Napaupo ako sa aking kama. Hindi ako makapaniwala sa aking panaginip. Bakit parang totoo ang lahat? Bakit boses ni Tito Julius ang aking narinig?

Tumayo ako sa kama at pumunta sa kusina. Uminom ako ng tubig. Pinunasan ko ang aking pawis at pumikit. Hindi iyon totoo. Kailan ba nagkatotoo ang panagip? Kabaligtaran iyon ng katotohanan.

Narinig kong bumukas ang isang pinto. Lumabas si Nanay mula sa kuwarto nila ni Tatay. Humikab ito habang gulo-gulo pa ang kaniyang buhok.

"Totoy? Ang aga mo naman gumising. Matulog ka na muna. Maghahanda lang ako ng umagahan ninyo."

"Hindi na po. Nanaginip po kasi ako tapos bigla na lang akong nagising," saad ko. Huminga ako nang malalim. "Nanay, búhay pa po kaya ang totoo kong magulang?"

Napabuntong-hininga si Nanay. "Hindi ko rin alam ang sagot sa tanong mo. Pero kung nagkataon at kinuha ka nila sa amin, sasama ka ba?"

"Hindi po. Kahit kailan, hindi 'yon mangyayari. Hindi ko kayo iiwanan." Lumapit ako sa kaniya at niyakap siya.

"O, sige na. Ang aga naman ng drama. Magluluto muna ako."

Pinanood ko si Nanay habang nagluluto. Lumipas ang ilang oras na tahimik lang kaming dalawa. Hanggang sa nagising na si Jocelyn at si Tatay.

Nang naliligo na ako ay hinahayaan ko lang na humagod ang tubig sa aking katawan. Nakapikit ang aking mga mata habang inaalala ang lahat. Bigla akong napangiti dahil para akong bida sa isang pelikula na puno ng pagsubok sa búhay. Ganito kasi kadalasan ang eksena nila.

Pagkatapos kong maligo ay itinapis ko ang tuwalya sa aking katawan at tumungo sa aking kuwarto. Mabilis lang akong magbihis. Hindi kagaya ng iba na mayroon pang iba't ibang rituwal sa katawan. Tinitigan ko ang aking mukha sa salamin. Ngunit bigla akong nagulat nang lumitaw ang mukha ni Tito Julius. Nakangiti ito. Ipinikit ko ang aking mga mata at mabilis na iminulat. Isa na namang ilusyon ang aking nakita. Sarili ko na lámang muli ang nasa salamin.

Lumabas ako sa aking kuwarto. Hindi pa rin tapos si Jocelyn sa paliligo.

"Jocelyn! Bilisan mo naman! Late na tayo."

"Ito na nga! Papalabas na! O.A. ka lagi."

Umiling na lang ako at lumabas ng aming bahay. Naramdaman ko ang hanging pang-umaga. Ngunit bigla kong naalala na mamaya lang ay mapapalitan na ito ng mainit at maalikabok na hangin. Nagwawalis na naman si Aling Matilda sa harap ng kaniyang tindahan. Walang araw na hindi ko siya nakikitang hindi nagwawalis. Sumasalubong lagi sa aking harapan ang nakangiti niyang bunging ngipin. Puti na ang lahat ng hibla ng kaniyang buhok.

Kahit na kami lang halos ang bumibili sa kaniyang tindahan ay hindi niya pa rin ito sinasara. Ito na lang daw kasi ang tanging alaala ng kaniyang asawang namayapa.

"Magandang umaga, Aling Matilda."

Ngumiti siya. "Magandang umaga rin, Totoy," pagbati rin niya. "Hindi ba't sinabi ko sa'yo na Lola na lang ang itawag mo sa akin? Miss ko na kasi ang mga apo ko."

"Oo nga po pala, Ali─Lola Matilda. Nakalimutan ko na po kasi."

"Bakit hindi ka pa pumapasok? Baka ma-late ka niyan."

"Hinihintay ko pa po kasi si Jocelyn. Ang bagal niya kasi kumilos."

"Ganoon talaga ang mga babae. Hayaan mo na."

Ngumiti na lámang ako at lumingon sa aming bahay. Nakita kong papalabas na si Jocelyn sa pintuan. Sinusuklay niya ang kaniyang buhok at maputi pa ang kaniyang mukha dahil sa pulbo.

"Gorabels na, Totoy."

Tumingin siya kay Lola Matilda at kaagad niya itong binati.

"Ayusin mo nga ang mukha mo, Jocelyn," naiirita kong sabi.

Inirapan niya lang ako at ikinalat niya ang pulbo sa kaniyang mukha. Biglang lumitaw ang kaniyang kagandahan na nitong mga nakaraang araw ko lang napapansin.

"Makatitig ka. Baka naman matunaw ako. Kawawa ang mga boys na may crush sa akin," maarte niyang sabi habang tumatawa.

Hindi ko na lang siya pinansin at nauna na ako sa paglalakad.

Pagkarating namin sa aming classroom ay naroon na ang aking mga kaklase. Mabuti't wala pa si Sir Durian. Naroon na rin si Miraquel. Mukha namang maayos na sila dahil siya ang nangunguna sa pag-iingay.

"Jocelyn! May bago ang crush!" sabi niya pagkatapos ay tumili nang sobrang lakas.

Sinabayan ni Jocelyn ang tili nito kaya mas lalong umingay.

"Sino naman? 'Yong nasa kabilang classroom ba na sinasabi mong pogi?"

Umirap si Miraquel. "Si Richard ba? Hindi 'no. Wala 'yon kay Alden ko."

"Sino naman si Alden?" taas kilay na tanong ni Jocelyn.

"'Yong sa AlDub! Trending kaya 'yon lagi. Sana, ako na lang si Yaya Dub," sabi niya habang ikinakaway ang kaniyang kamay.

"Hindi ko 'yon kilala. May picture ka? Patingin ako!"

Natigil ang pag-uusap ng dalawa nang dumating na ang aming guro.

Pumunta na si Jocelyn sa kaniyang upuan at ganoon din si Miraquel.

Parang kinalimutan na nila ang nangyari kagabi. Mas maganda na siguro iyon kaysa maging malungkot. Ngayon ko lang naisip na matapang pala talaga si Miraquel. Idinaraan niya ang lahat sa kulit.

Kailangang mahanap ang tamang anggulo upang makatira nang maayos sa laro ng búhay. Dahil kapag sala ang ibinato, maaaring matapos ang laro at manalo ang kalaban. Maaaring manalo ang mundo.

Ngunit minsan, mas magandang huwag na lang kumilos dahil ang mismong kalaban ay ang larawan na nakikita tuwing nakatingin ka sa salamin.

Nagsimula nang magturo si Sir Durian. Habang may sinasabi siya ay biglang may nagsalita. Si Tito Julius. Nakatayo ito sa may pinto at nakatingin sa akin.

"Maaari ko bang makausap si Totoy, Sir Durian?" seryoso nitong tanong.

"Oo naman, Sir Mercado."

Tumayo ako at bigla akong sinalubong ni Tito Julius ng yakap.

"Kumusta ka naman, Totoy?"

"Ayos naman po. Kayo? Saan po ba kayo galing?

"Iniayos ko lang ang búhay ko. At ngayon, mukhang alam ko na kung paano ito sisimulan," sabi niya habang nakatingin sa akin.

Nakita ko ang malakristal niyang mata dahil sa namuuong luha. Hindi ko alam kung bakit ganoon ang kaniyang titig.

"Susunduin kita mamaya. May sasabihin ako sa'yo."

Tumango na lámang ako at bigla siyang nagpaalam. Pagkaupo ko ay naiisip ko pa rin ang ikinilos kanina ni Tito Julius.

Habang nagsasalita si Sir Durian sa unahan ay hindi ko maiwasan na matulala. Napakaraming tanong na iniwan sa akin ni Tito─mga tanong na kanina ay isang tuldok, ngayon ay tila mga linya na bumubuo sa isang kakaibang obra na nagpapaikot sa aking isipan.

"Totoy, kanina ka pa tulala. May problema ba?" sabi ni Sir Durian. Nakakunot ang kaniyang noo samantalang nakatingin naman sa akin ang aking mga kaklase. Ayaw ko ng ganitong pakiramdam. Para kang kriminal na pinagbintangan ngunit wala kang magawa dahil sa bawat maling kilos mo, maaaring may bumaril sa'yo.

"W-Wala po," saad ko habang nakatungo.

Umiling na lang ang aming guro at nagpatuloy sa pagtuturo.

Hindi ko namalayan ang oras. Uwian na pala at ako na lang ang tanging nakaupo sa aming lahat. Tumingin ako sa paligid upang hanapin si Jocelyn ngunit hindi ko siya makita. Marahil ay nasa banyo na naman at nagpapaganda. Hindi ko alam kung bakit ganoon ang mga babae. Bakit kailangan pa nilang magpaganda gayong maganda na naman sila? Mas gusto ko sa isang babae ang simple, walang make-up, walang arte.

Bigla kong naalala si Romelyn. Hindi ko makalilimutan ang simple niyang kilos, ang simple niyang pananalita, ang simple niyang pagkatao. Ngunit kung aalahanin ko ang ginawa niya sa akin, doon ko napatunayan na hindi lahat ng ipinakikita sa labas, ganoon din sa loob ng puso at isipan. Akala ko, sa mga istorya o palabas ko lámang mababasà o makikita ang mga ganoong klaseng tao. Mayroon din pala sa totoong mundo. At ang mas masakit, ako pa ang nakasaksi sa kanila.

Narinig ko ang pagbukás ng pinto. Kasama pala ni Jocelyn si Miraquel sa loob ng banyo. Dala ni Miraquel ang isang pouch. Baka laman nito ang kanilang mga pampaarte. Hawak niya rin ang kaniyang cellphone. Itinapat sa kanilang mukha, at bigla na lang ngumiti. Nakita ito ng aking mga kaklase kayat dali-dali silang lumapit at nakisali sa mga pakulo ng dalawa. Umiling na lámang ako sa aking nakita at tumayo mula sa aking upuan. Kailangan ko munang malaman ang mga sagot sa aking mga katanungan bago ko asikasuhin ang mga pagbabago ngayon sa ugali ng mga kabataan.

Sumilip ako sa bintana at nakita ko si Tito Julius. Kumaway sa akin. Kung hindi ako nagkakamali, pabebe wave?

Napatawa ako sa kaniyang ginawa at lumabas na ng aming silid-aralan.

"Kumusta naman ang pag-aaral mo, Totoy?"

"Ayos naman po," tugon ko. Hindi ko lang masabi na kanina pa ako tulala dahil sa ginawa niya kanina.

"Saan mo gusto kumain? Bakit nga pala hindi mo hinintay 'yong kinakapatid mo?" seryoso niyang tanong. "Si Jovelyn ba 'yon?"

"Jocelyn po," natatawa kong sagot. "Hindi na po kami laging nagsasabay. Mayroon na po siyang bagong pinagkakaabalahan ngayon."

Hindi na siya nagsalita pagkatapos. Sumunod lang ako sa kaniya hanggang makarating kami sa isang restaurant. Tumingin ako sa paligid. Magaan ang lugar. Masarap tingnan ang kulay asul na pader. Agaw-pansin din ang salamin na pintuan. Ang magarbong ilaw. Ang magandang sahig. Naririnig ko ang buga ng malaking aircon na nasa aking likuran at tunog ng mga kutsara at tinidor na dulot ng mga tao sa paligid. Hindi masyadong marami ang kumakain, napansin ko na ako lámang ang nag-iisang bata na naandito.

Niyaya niya akong umupo. Lumapit sa amin ang isang waiter at hiningi ang aming order.

Habang naghihintay kami ay tumingin sa akin si Tito Julius.

"Napansin ko kanina na mahilig kang mag-observe. Parehas pala tayo," pagbasag niya sa pader ng katahimikan. Isang walang patutunguhang pahayag.

"O-opo. Kung makakapagsalita nga lang po ang utak ko, malamang wala nang tigil. Kahit saan po kasi ako pumunta, marami akong komento. Marami akong nasasabi. Hindi ko nga lang po talaga maibulalas."

"Hindi naman kasi lahat ng nasa isip, kailangang iwaksi, Totoy. Minsan, mas magandang maging tahimik na lang tayo dahil maaaring sa bawat salita na ating sasambitin, maaaring may matuwa o masaktan."

Hindi ko alam kung bakit ganito ang aming pinag-uusapan. Ang alam ko, sinundo niya ako dahil may sasabihin siya sa akin na kanina ko pa gustong malaman. Nahihiya naman akong tanungin sa kaniya na mayroon akong mga tanong na kanina pa bumabagabag sa aking pagkatao.

"Alam kong may gusto kang sabihin base sa mga kilos mo. Ano 'yon? Siguro naman hindi ako masasaktan diyan sa sasabihin mo."

"T-Tungkol po ro'n sa sinabi ninyo sa akin kanina. Ano pong gusto ninyong sabihin sa akin? Paano n'yo po sisimulan ang pag-aayos ng búhay ninyo? Naguguluhan po ako."

Ngumiti lámang siya. Lumipas ang ilang minutong katahimikan nang hindi niya sinasagot ang aking mga tanong. Hanggang sa dumating na ang aming kakainin. Napatingin ako sa ipinatong ng waiter sa aming lamesa. Mukhang masasarap ang mga ito na bago sa aking mata. Hindi ko alam ang tawag. Napaghahalataang wala akong alam sa lugar ng mga mayayaman.

Mukhang nakalimutan nang sagutin ni Tito Julius ang aking mga tanong. Nagsimula na siyang kumain nang kumain. Hindi ko alam ngunit napansin ko na mukhang gutom na gutom na siya. Ngayon ko lang din nakita na medyo namayat na ang kaniyang katawan. Pumutla rin siya nang kaonti.

Sinimulan ko na ring kumain. Masarap ang lahat ng nakahain sa mesa. Hindi ko na lang pinahahalata. Baka ikahiya ako ni Tito Julius dahil magmumukha siyang may kasamang gusgusin at patay-gutom. Bigla akong natawa sa aking naisip.

Napansin ito ni Tito Julius kayat napatigil siya sa pagkain. Kinuha niya ang pamunas at ipinahid sa kaniyang bibig. "Pasensiya ka na. Gutom kasi ako. Hindi pa ako kumakain simula no'ng bumalik ako rito mula sa ospital," saad niya. "Ikaw kaagad ang pinuntahan ko dahil sa ngayon, ikaw lang ang napaglalabasan ko ng mga nangyayari sa búhay ko. Nakakatawa nga dahil hindi ko maisip ang aking sarili na nakikipagkaibigan sa isang bata."

Kaibigan? Ganoon. Kaibigan.

"Ano pong ginawa ninyo sa ospital?" tanong ko. Hindi ko ipinapahalata na medyo nalungkot ako sa kaniyang sinabi. Akala ko, anak na ang turing niya sa akin. Kasi ako, ngayon ko lang napagtanto na gusto ko rin siyang maging ama. 'Yon pala, magkaibigan lang kami.

"Actually, hindi siya simpleng ospital. Mental hospital." Huminga siya nang malalim. "Naandoon kasi ang asawa ko. Ilang taon ko siyang hinanap. Hanggang sa may nakapagsabi sa akin na nabaliw ito sa pang-iiwan ko sa kaniya at dahil sa pang-iiwan nito sa aming anak.

"Sobra akong nalungkot, Totoy. Galit na galit ako sa sarili ko. Sa mga ginawa ko. Noong nakita ko siya sa ospital na 'yon, maganda pa rin siya kagaya noon. Pero malalim ang itim sa kaniyang mga mata. Nakatulala. Gusto ko siyang lapitan pero binalaan ako ng doktor. Baka raw masaktan lang ako dahil nananakit na raw ang aking asawa kapag ginulo. Iyak ako nang iyak pagkatapos. Kahit magmukha akong tanga o baliw sa ospital na iyon, wala akong pakialam. Gusto ko lang ilabas ang lahat ng sakit, lahat ng pagsisisi. Bumalik ako ro'n sa napagtanungan ko kung may alam ba siya tungkol sa aking anak. Kung mayroon bang nakakita sa ginawa ng asawa ko. Ang sabi niya, mayroon daw. Pero umalis na raw ito sa kanilang lugar. Nasa Cebu na raw ito ngayon."

Nagulat ako sa kaniyang sinabi. Ganito pala talaga ang mundo. Ilang kuwento pa ba ang daraan sa akin at maririnig ko? Alam kong marami pa. At isa lang ang masasabi ko. Hindi pa rin ako handa hanggang ngayon.

Nagpatuloy lang siya sa pagkukuwento. "Pinuntahan ko ang taong iyon. Kahit mahirap, ginawa ko, matagpuan ko lang ang mga sagot sa aking mga tanong. Matanda na 'yong lalaki.

"Gabi raw noong makita niya na dala ng asawa ko ang isang kahon. Gusto niya raw lapitan pero parang galit na galit daw ito. Kung titingnan ang mga mata, puno ito ng kalungkutan. Sinundan niya raw ng tingin ang aking asawa hanggang sa inilapag nito ang kahon. Umalis na raw ito pagkatapos. Nag-isip daw 'yong matanda nang matagal kung titingnan niya ang laman pero nakita niya na mayroong mag-asawang nangangalakal na nakatagpo rito. Nagulat daw siya noong kinuha no'ng babae ang isang sanggol. Hindi raw siya nakakilos sa kaniyang puwesto hanggang sa dinala na ng mag-asawa ang bata."Bigla siyang napangiti. "Ngayong alam ko na buháy pa ang anak ko, bigla rin akong nabuhayan ng loob. Alam kong balang araw, makikita ko siya. At iyon ang bubuo sa aking pagkatao. Ito na ang simula ng pag-aayos ko sa búhay ko, Totoy."

Nakita ko ang kaniyang mga mata. Alam kong masaya siya. Masayang-masaya. Samantalang ako, nalungkot. Umasa ako. Akala ko, ako ang dahilan ng pag-aayos niya sa kaniyang búhay. Asyumero. Gusto kong sapakin ang aking sarili. Bakit ba ako nagkaganoon kanina? Balewala ang mga pag-iisip ko. Wala akong kinalaman sa búhay niya.

Masakit pala talagang umasa.