Kinakabahang naglalakad si Patricia nang gabing iyon. Ang hindi niya alam, nararamdaman ito ng sanggol na nasa kaniyang sinapupunan. Nang nakarating na siya sa bahay ni Aling Rose, sinalubong siya nito ng isang tanong: Sigurado ka ba sa gagawin mo?
Naramdaman ng sanggol ang paghiga ni Patricia. Hinilot-hilot ni Aling Rose ang tiyan niya. "Masasaktan ka. Iyon ang isipin mo. Para mamaya, hindi ka na magugulat," sabi ng matanda.
Wala pang kasarian ang sanggol. Ngunit, ipapangalan ko sa kaniya ang Totoy, pansamantala.
"Baka huli na ito," dugsong ni Aling Rose. "Naaawa na kasi ako sa dalaga ko, kay Jocelyn. Aba, itinanan no'ng damuhong si Sergio. Wala raw dapat sa teritoryo ko si Jocelyn, masama raw kasi ang ginagawa ko."
Patuloy ang paghilot ng matanda sa tiyan ni Patricia. Nasasaktan na si Totoy. Papabilis nang papabilis ang tibok ng puso nito. At sa pagluha ng kaniyang mga mata, naisip ko, bubúhayin ko ang sanggol na ito. Ipararanas ko sa kaniya ang maliit, ngunit masaklap na mundo. Isusulat ko si Totoy bago pa siya tuluyang mawala, upang kahit papaano, magkaroon ng bisa ang aking panulat.
Ilang minuto ang lumipas, matapos ang pagkamatay ni Totoy sa aking kuwento, sa kaniyang sariling kuwento, nailabas na rin siya sa mundong ibabaw . . . na kahit kailanman ay hindi na niya masisilayan pa.
Pawis na pawis na umalis si Patricia sa bahay ng mang-aagas. Namumutla ang mukha, lumuluha. Pagkauwi niya sa kaniyang sariling tahanan, nakita niya ang lalaking naging dahilan ng pagkawasak ng kaniyang puso
"Julius?"
Niyakap siya ng lalaki. Humagulhol si Patricia. "Wala na ang baby natin, Julius. Ito ang gusto mo, 'di ba? Babalikan mo na ulit ako?"
Hindi nagsalita ang lalaki. Kumalas ito sa yakap at dali-daling umalis papalabas ng bahay. Nasaktan si Patricia. At hindi na siya nagulat.
WAKAS