Chereads / TOTOY [Filipino Novel] / Chapter 12 - Pag-ibig

Chapter 12 - Pag-ibig

"Totoy," sambit ni RJ habang kumakain ng burger. Napansin kong pangatlo na niya ito. Hindi ko inaasahan na sa liit ng kaniyang katawan, ganoon siya kalaki kung kumain. Ayon sa naaalaala ko, sinabihan niya ako noon na sinisigurado niyang sakto lang ang kaniyang mga kinakain. Ngunit, bakit ngayon, iba ang nangyayari?

"Bakit?"

"Anong bakit? Alam kong alam mo kung bakit kita tinawag. Kakaiba ang ikinikilos mo ngayong araw. Kanina, noong nagkaklase tayo sa Math, hindi ka sumasagot no'ng tinatawag ka ni Ma'am. No'ng Filipino naman, nagdo-drawing ka lang ng kung ano-ano sa notebook mo. Base sa pagkakaaalam ko, paborito mo ang subject na iyon. Imposibleng hindi ka interesado. Tapos ngayon, niyaya mo ako ngayong recess na kumain. Alam mo bang ito ang unang beses na magkasama tayong kumain sa school?"

Nagulat ako sa lahat ng kaniyang sinabi. Hindi ko namamalayan ang mga ginagawa ko ngayong araw. Nang narinig ko ang lahat ng sinabi ni Jocelyn, hindi na ito mawala sa aking isipan.

Hindi ko alam kung bakit ko niyaya si RJ na kumain. Alam ko kasi na hindi ko makasasabay ngayon si Jocelyn na magmiryenda dahil hindi niya ako kinakausap mula kahapon. Hindi rin niya magawang dapuan ako ng tingin.

Sabagay, lagi namang mag-isa si RJ. Minsan nga, hindi na siya lumalabas ng room. Kapag recess, nagbabasa lámang siya ng kung ano-ano.

Napatawa ako nang pilit. "Hindi ko alam," sagot ko. "Gusto lang kitang samahan kasi lagi kong nakikita na mag-isa ka. Baka kailangan mo ng makakausap? Ng kaibigan?"

"Kung talagang iyon ang pakay mo sa akin, sana noon pa man, kinausap at sinamahan mo na ako. Alam kong hindi iyon ang dahilan, Totoy. Gusto mo lang ng kasama dahil mayroon kang problema."

"Paano mo nasabi 'yon?"

"Nag-aaral ako ngayon ng Psychology. Alam ko kung mayroong kailangan ang isang tao."

Napayuko ako. Wala na akong takas sa kaniya. Marahil, mayroon naman talagang dahilan kung bakit siya ang niyaya ko. Maaaring dahil naghahanap ako ng isang kasagutan mula sa isang taong mayroong masasabi sa lahat ng bagay. Siguro, mabibigyan niya ng paliwanag ang lahat ng nangyayari. "Alam kong napakalabo nitong itatanong ko. Pero . . . ano ang gagawin mo kung nalaman mo na mahal ka pala ng isang taong matagal mo nang nakakasama? H-Halimbawa, bestfriend mo."

Nakita ko ang pagkagulat sa kaniyang mukha. "Sa lahat naman ng itatanong mo, tungkol pa sa pag-ibig. Pasalamat ka, mayroon akong idea sa Psychology of Love," sabi niya. Napansin kong wala na siyang kinakain ngayon. Kitang-kita ko sa kaniyang mukha ang kasiyahan na magagamit na niya ang kaniyang pinag-aaralan sa totoong buhay. "Pero, sasagutin ko ang sagot mo sa pamamagitan ng pilosopikal na kasagutan. Sa Philosophy kasi, mayroong tinatawag na World of Ideas at World of Senses. Sa World of Ideas, nangyayari ang lahat ng perpektong bagay. Halimbawa, iyang lamesa na nasa iyong harapan. Masasabi mo bang perpekto 'yan?"

Umiling ako. "Pero, nasa isipan mo ang imahe ng isang perpektong lamesa, 'di ba?" pagpapatuloy niya. "Ang "tableness" ng table ay nasa World of Ideas. Ngunit, lahat tayo, mayroong iba't ibang perspektibo sa isang perpektong lamesa. Ibig sabihin, ang "tableness" ng table, iba-iba, base sa isang tao. Sa World of Senses naman, ito 'yong nakikita mo gamit ang iyong mga mata. Basta, nagagamit mo 'yong senses mo. Ibig-sabihin, ito 'yong realidad. Ito 'yong nakikita mo ngayon."

Napakunot ang aking noo. "Ano ang kinalaman no'n sa tanong ko?"

"Totoy, sa pag-ibig kasi, maraming tao ang nakalilimutan ang pagkakaiba ng World of Ideas at World of Senses. Hindi nila alam ang pagkakaiba ng katotohanan at kathang-isip lang. Maaaring ang akala mo, mahal na mahal mo ang nobya mo. 'Yon pala, iniisip mo lang na umiibig ka dahil gusto mong ipakita sa marami na mayroon kang girlfriend."

"Sinasabi mo ba na kapag nalaman mo na mahal ka ng bestfriend mo, maaaring mali siya dahil ang "loveness" ng love niya ay nasa World of Ideas?"

Tumango-tango siya. "Puwede. Pero, maaaring ikaw ang mali."

"Paano?"

"Sa pag-ibig, uso ang umaasa. May mga situwasyon na nagkakamali ng pagkakaintindi ang mga tao dahil iyon ang gusto nilang paniwalaan. Kung nalaman mo na mahal ka ng bestfriend mo, hindi ibig-sabihin, kailangan mo rin silang mahalin pabalik. Nasa isipan mo lang iyon. Nasa World of Ideas ang konsepto na kapag mayroong nagmamahal sa 'yo, kailangan mo rin silang mahalin. Nasa World of Senses ka. Dito ka humihinga. Dito ka nabubuhay. Kaya kapag nalaman mong mahal ka ng bestfriend mo, hayaan mo lang. Siguraduhin mong walang magbabago sa relasyon ninyong dalawa."

Hindi ako nakapagsalita. Pumatlang ang katamikan sa aking dalawa.

"Depende na lang kung mahal mo rin talaga siya," pagpapatuloy niya.

"Salamat sa sagot mo," sambit ko.

Tumango lámang siya bilang tugon. Pagkatapos ng aming pag-uusap, dumiretso na kami sa classroom.

Dapat ko ba talagang kausapin na si Jocelyn at isipin na wala akong nalaman? Kahit ano ang mangyari, alam kong mayroong magbabago. Totoong kapatid na ang turingan namin sa isa't isa. Mali kung mayroon siyang kakaibang pagtingin sa akin.

Pero, paano kung ganoon din pala ang nararamdaman ko sa kaniya? Paano kung mahal ko na rin pala siya? Imposible. Kung ano-ano ang iniisip ko. Kailangan kong makatakas sa World of Ideas na sinasabi ni RJ.

Bakit niya ba kasi ako minahal? Ano ang nakita niya sa akin? Kaya pala noon pa man, lagi na niya akong inililigtas. Ngayon ko lang napagtanto na napakarami na palang nagawa sa akin ni Jocelyn. Akala ko, ginagawa niya ang mga bagay na 'yon dahil ang tingin niya, kapatid na niya talaga ako. Iyon pala, iba ang totoong dahilan.

Napakakomplikado ng mga pangyayari. Hindi ko na kayang mag-isip nang normal.

Nakatulala pa rin ako hanggang mag-uwian. Mag-isa lang akong naglakad pauwi. Nang nakarating ako ng aming bahay, naghahanda na si Nanay ng tanghalian. Katulong niya si Miraquel. Malaki na ang tiyan nito. Ilang buwan na lang, ipangaganak na niya si Kirvy.

"Totoy? Nasaan si Jocelyn? Bakit hindi mo kasabay?" pagtatanong ni Nanay.

"H-Hindi ko po alam. Akala ko, nauna na siya sa akin pag-uwi."

Umubo si Miraquel. "Tita Rose, nakalimutan ko pong sabihin na hindi pala makauuwi si Jocelyn ngayong tanghali. Birthday raw kasi no'ng kaklase nila. Ililibre raw sila," sabat niya.

Birthday? Wala naman akong maalala na mayroon akong kaklase na birthday ngayon. Marahil, gusto niya lang talaga akong iwasan. Napabuga ako ng hangin. Hindi ko alam kung paano kami magkakaayos. Sana, kayang burahin ng isang tao sa kaniyang utak ang mga bagay na hindi niya inaasahan na marinig.

"Hindi man lang siya nagpaalam sa akin," sabi ni Nanay. "Sige na, kumain na tayo."

Pumunta na ako sa hapag upang kumain. Napangiti ako sa ulam. Adobo. Sa lahat ng adobo na natikman ko, iyong kay Nanay ang pinakamasarap. May halong tamis kasi ito. Malapot din ang sabaw. Hindi kagaya no'ng iba kong natitikman na maalat o kaya naman minsan, sobrang asim.

Tahimik kaming kumakain. Nagpapakiramdaman. Alam kong nararamdaman ni Nanay na mayroong iba sa mga nangyayari.

Hindi ko maiwasang mapasulyap kay Miraquel. Alam kong alam niya ang lahat.

Nang natapos na kami, nagpresinta na si Nanay na siya na lámang ang magliligpit at maghuhugas ng pinggan. Pumunta kami ni Miraquel sa sala.

Bukas ang TV. Nakatingin lámang dito si Miraquel. Tatawa-tawa. Pero alam kong alam niya na mayroon akong gustong sabihin kaya patingin-tingin ako sa kaniya.

"May gusto kang sabihin, 'no?" mahina niyang tanong.

Tumango ako. Nilapitan ko siya sa kaniyang upuan. "Hindi ba talaga ako kayang kausapin ni Jocelyn?" mahina kong sabi. Mahirap na. Baka marinig ni Nanay ang pinag-uusapan namin. Siguradong hindi 'yon titigil sa pagtatanong.

"Aba, ewan ko. Ang kikiri n'yo kasing dalawa."

"Ano? Kailangan ko siyang makausap. Sabihin mo mamaya kapag dumating siya."

Napatingin siya sa akin. "Totoy, umamin ka nga," sambit niya. "Mahal mo rin ba si Jocelyn?"

Nagulat ako. "Mahal? Oo. Bilang kapatid."

"Sigurado ka?" Inilapit niya ang kaniyang mukha sa akin. "Baka naman, may something na. Hindi mo lang inaamin."

Lumayo ako sa kaniya at bumalik sa inuupuan ko kanina. Nakangiti siya sa akin. Iyong kakaibang ngiti. Halatang mayroong halong pang-iinis. Naalala ko ang hitsura niya noon. Nagbago man ang hitsura niya, hindi pa rin nagbabago ang kaniyang pag-uugali.

Tumayo ako at pumunta na sa lababo. Katatapos lámang ni Nanay maghugas ng pinggan.

"Magtu-toothbrush lang po ako."

Tumango siya at pumunta sa kaniyang kuwarto.

Habang nagtu-toothbrush, muli na namang pumasok sa aking isipan si Jocelyn. Naiinis na ako. Kailangan ko na talaga siyang kausapin.

Dali-dali akong umalis ng bahay pagkatapos kong mag-toothbrush. Hindi na ako nagpaalam kay Nanay o kay Miraquel.

Pagkarating ko sa eskuwelahan, nakita ko na nakaupong mag-isa si Jocelyn sa court. Nakatulala lámang siya. Lumapit ako sa kaniya. "Jocelyn. Mag-usap tayo."

Hindi niya ako pinansin. Nang akmang tatayo na siya, hinawakan ko ang kaniyang kamay. Nakita ko ang pagkagulat sa kaniyang mukha. Hindi ko alam ngunit bumilis ang tibok ng aking puso.

Ito ang unang pagkakataon na nahawakan ko ang kaniyang kamay nang ganito ang aking naramdaman. Posible nga kayang mahal ko rin siya?

Nang napagtanto ni Jocelyn kung ano ang nangyayari, dali-dali siyang bumitiw sa pagkakahawak. "Wala na tayong dapat pag-usapan, Totoy."

"Hindi puwede 'yon. Hanggang kailan mo ako iiwasan?"

"Hindi ko alam," naiiyak niyang sagot.

Napasapo ako sa aking noo. "Hindi puwedeng ganoon. Masakit para sa akin na iniiwasan mo ako. Kung akala mo, madali para sa akin ang lahat matapos kong malaman ang pagtingin mo, hindi. Hirap na hirap na rin ako, Jocelyn. Kaya please, kausapin mo na ako."

Tuluyan nang umagos ang luha sa kaniyang mukha. "Oo na. Mahal kita, Totoy. Masaya ka na? Sinabi ko na sa harap mo mismo! Mahal kita."

Napayuko lámang ako. Gusto ko siyang sagutin ngunit hindi ko magawa.

"Ano? Akala ko ba gusto mong kausapin kita? Bakit wala kang masabi? Sumagot ka, Totoy. Sabihin mo sa akin na hindi mo ako kayang mahalin. Sabihin mo na hindi tama 'tong nararamdaman ko. Sabihin mo na─" Hindi ko ipinatuloy ang kaniyang sasabihin dahil hinalikan ko siya sa labi.

Hindi ko alam kung bakit ko ginawa ang bagay na 'yon. Parehas kaming nagulat sa nangyari. Sinampal niya ako at dali-dali siyang umalis.

Napasuntok ako sa pader na nasa aking gilid. Lalo ko lang pinagulo ang mga pangyayari.

Pumunta ako sa classroom nang dumurugo ang kamay. Napansin ito ng aking mga kaklase kaya dali-dali silang kumuha ng gamit para gamutin ako. Itinatanong nila kung ano raw ang nangyari, kung saan daw ba ako nanggaling. Napakaraming tanong. Ngunit, kahit isa, wala akong sinagot. Nakatitig lámang ako kay Jocelyn. Napatingin siya sa akin. Halata na kagagaling niya lang sa pag-iyak.

Umiwas na siya ng tingin at humarap na sa blackboard. Napansin ko rin si RJ na patingin-tingin sa direksiyon naming dalawa. Mukhang alam na niya kung ano ang problema.

Nang natapos na ang paglalagay ng benda sa aking kamay, nagpasalamat ako sa kanila. Dumating na rin ang Math teacher. Wala akong naiintindihan sa mga sinasabi niya kahit gusto kong makinig. Punong-puno na ang aking utak.

Naalala ko ang unang beses na nakita ko si Jocelyn. Bungi pa ang kaniyang ngipin. Sobrang nakaiirita rin ang kaniyang boses. At sa pagkakataon din na 'yon, hinalikan niya ako sa pisngi. Hindi ko makalilimutan ang halik na iyon kahit kailan.

At ngayon, hinalikan ko siya sa labi. Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya pagkatapos ng nangyari. Maaaring gulong-gulo na rin siya.

Napansin ko na mayroong ipinatong ni RJ ang isang papel sa aking armchair. Malapit lang kasi siya sa akin.

World of Ideas o World of Senses?

Ito ang nakalagay sa papel. Hindi ko alam kung ano ang kaniyang ibig-sabihin. Tumingin ako sa kaniya na mayroong pagtatanong sa mukha.

Ngumiti lámang siya sa akin at nakinig na sa aming guro.

Ano ba ang gusto niyang sabihin? Kung nasa World of Ideas o World of Senses ang nangyayari ngayon? O kung ano na ang aking nararamdaman?

"Excuse me po," sabi ng isang lalaki. Nagulat ako nang nanggaling kay Tito Julius ang boses na iyon. "Naandiyan po ba si Totoy?"

"Yes. Sino sila?"

"T-Tito niya ako, Ma'am. Puwede ko ba siyang makausap?"

Tumingin sa akin si Ma'am at tinanguan ako. Lumabas ako ng classroom at pinuntahan si Tito Julius.

Bigla niya akong niyakap nang nakita niya ako. "Kumusta ka na, Totoy?"

"A-Ayos lang po," sambit ko. "Ikaw po? Kumusta?"

Hindi ko inaasahan na muli ko siyang makikita. Kahit papaano'y nawala ang bigat sa aking kalooban nang niyakap niya ako.

"Maayos naman. Na-miss kita, Totoy."

"Na-miss din po kita, Tito. Saan po kayo galing? Bakit ang tagal ninyong nawala?"

Ngumiti siya. "Iniayos ko lang ang búhay ko, ang lahat-lahat."

"Mabuti naman po. Pero, bakit pinuntahan n'yo ako rito sa school?"

"Gusto ko lang makita ang anak ko."

"A-Anak?"

Tumawa si Tito Julius. "Oo. Masama bang tawagin kitang anak?"

Gusto kong sabihin na oo, masama iyon. Pagkatapos mong sabihin noon na kaibigan lang ang turing mo sa akin, pagkabalik mo, tatawagin mo akong anak?

Pero, hindi ko sinabi. Hindi ko kaya. Mayroong mga bagay na kailangan ko munang unahin bago ang paghihimutok na ito.

"Hindi naman po. Nakakapanibago lang." Tumawa akong nang pilit.

Yumuko siya. "Magaling na 'yong asawa ko, Totoy."

"Mabuti naman po. Nakauwi na po ba siya sa inyo?"

"Malapit na," sagot niya. "Magsisimula raw kami mula sa umpisa. Humingi siya ng kapatawaran sa mga ginawa niya, sa pagtapon niya sa anak namin."

"Maganda po 'yon. Iyon naman kasi talaga ang dapat. Kalimutan ang lahat at magsimulang muli."

Ngumiti siya. "Bago pa tayo magkaiyakan dito, magpapaalam muna ulit ako. Pagkalabas ni Patricia sa ospital, pupunta na kami sa Bicol, sa probinsya ko." Muli niya akong niyakap. "Salamat, Totoy. Sa lahat."

Doon ko huling nakita si Tito Julius. At sa pag-alis niyang iyon, naramdaman ko na mas lumaki ang puwang ng aking puso. Paalam, Tito Julius.

"BAKIT ba ang arte n'yong dalawa? Hinalikan mo na siya, 'di ba? Ibig-sabihin, mahal mo na rin. Ano pang problema?" sabi ni Miraquel habang hinahaplos ang kaniyang tiyan. "Nakaka-stress kayo. Baka manganak ako nang 'di oras."

"Ano bang gusto mong ipahiwatig?"

"Duh." Umirap siya. "Malamang, maging 'kayo' na."

"Baliw ka ba? Magkapatid kami,'no."

"Magkapatid daw, pero hinalikan naman sa labi."

Hindi ako nakapagsalita. Kahit saang anggulo tingnan, mali ng ginawa ko.

"Natahimik ka, 'di ba?" dugsong ni Jocelyn. "Iyan kasi. Nalaman lang na in love 'yong tao, sinamantala mo naman."

Tumingin ako sa kaniya nang matalim. "Hindi ko nga kasi sinasadya. Mahirap bang intindihin 'yon?" naiirita kong saad. "Kung kaya ko namang pigilin ang sarili ko no'ng panahon na 'yon, ginawa ko na."

Umiling si Miraquel. Dahan-dahan siyang tumayo at naglakad na papunta sa kuwarto nila ni Jocelyn.

Huminga ako nang malalim. Pumikit nang mariin. At sa aking pagmulat, nakita ko ang mukha ni Jocelyn na nakatingin sa akin. Wala akong makitang emosyon sa kaniyang mukha. Blangko. Umupo siya sa aking tabi. Palabas sa T.V. ang pelikulang 'Flipped'. Nakatingin siya sa rito, ngunit alam kong hindi niya iniintindi ang palabas. Para siyang lumulutang. Kasama ko, ngunit hindi ko maramdaman. At sigurado, ganoon din ang pakiramdam niya ngayon sa akin.

"Somehow the silence seemed to connect us in a way like words never could," narinig kong sabi ng bidang babae na si Juli Baker.

Napaisip ako. Kakaiba nga nagagawa ng katahimikan. Mayroong mga pagkakataon na mas maingay pa ito kaysa sa isang lugar na napakaraming tao. Dahil ang katahimikan, hindi man naririnig, nagdudulot ito ng pagkabingi. Sa tagpong ito, sa kabila ng katamikan namin ni Jocelyn, nararamdam kong binging-bingi na rin siya sa mga bagay na dapat niyang gawin, sa mga bagay na nagdirikta kung ano ang tama at mali.

"Norms," naalala kong sabi ni RJ. "Kaya lang naman kayo nagkakaganiyan dahil sa bagay na 'yon. Iniisip n'yo na mali ang ginagawa n'yo dahil mali ang tingin ng society sa mga magkapatid na magshota." Ngumiti siya. "Pero, news flash: Hindi kayo tunay na magkapatid. Hindi nga kayo magkaparehas ng apelyido, e. 'Di ba, hindi naman Gutierrez ang ginagamit ni Jocelyn? 'Yong apelyido pa rin ng totoo niyang tatay'?"

Umiiyak si Jocelyn. At alam kong hindi iyon dahil sa palabas. Commercial ang nasa T.V. ngayon.

"Bakit?" tanong ko.

Napatingin siya sa akin. "Anong bakit? Gago ka ba?"

"Hindi." Napatawa ako. "Itinatanong ko lang naman kung bakit ka umiiyak. Masama ba 'yon?"

"Oo. Masama kasi alam mo naman ang dahilan, alam mo kung sino ang may dahilan."

"Sorry," mahina kong sabi.

Pinunasan niya ang kaniyang luha. "Okay lang. As if naman na may magagawa ang sorry mo."

Niyakap ko siya. Naramdaman ko na muli siyang umiyak. Iyong mag-iyak na may halong sakit. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin. Sabihin ko bang mahal ko siya? Madali lang naman 'yon. Ang mahirap, 'yong pag-alam kung ano nga bang klaseng pagmamahal ang kaya kong ibigay.

"Bakit mo ba ako ginaganito, Totoy?" sabi ni Jocelyn. "Ang sama mo, alam mo 'yon? Minamahal lang naman kita, e. Pero, bakit ako nasasaktan?"

"Hindi mo naman kailangang masaktan. Puwede mo namang itigil ang pagmamahal sa akin kung gugustuhin mo."

"Pero, hindi iyon madali." Kumalas siya sa aming yakap. Inilapit niya ang kaniyang mukha sa akin. "Hindi mo ba talaga ako kayang mahalin?"

Hindi ako sumagot. Nakipagtitigan ako sa kaniya nang ilang minuto. Muli na namang nabalot ang paligid ng katahimikan. Ngunit sa sandaling ito, naramdaman ko ang koneksiyon naming dalawa. At hindi ko namalayan, nakadampi na sa isa't isa ang aming mga labi.

Hindi ko namalayan na hinawakan ko ang kaniyang braso. Ang mayuming paghawak na iyon ay mas naging mapusok sa paglalakbay. Hinawakan ni Jocelyn ang aking batok. Ang kapusukan ay napunta na sa kaniyang dibdib. Naririnig ko ang maliit na boses sa aking utak na kailangan ko nang tumigil, ngunit, mas makapangyarihan ang pag-ibig. O kung pag-ibig nga ba itong maituturing?

Napaungol si Jocelyn sa aking ginagawa. Malakas ang aming paghinga. Pumasok sa aking isipan ang imahe ni Teacher K. Ang kaniyang pang-aakit, ang kaniyang dahan-dahang paghuhubad. Ang mga butiki sa kisame. Napatingin ako sa itaas. Patay ang ilaw. Walang mga butiki. At doon ko napagtanto, hindi nga pala si Teacher K ang aking kaharap, kung hindi si Jocelyn, ang aking kapatid. Napabitiw ako mula sa aking pagkakahawak sa kaniyang dibdib. Itinigil ko na ang aking paghalik.

"Sorry," hinihingal kong saad.

"Sorry rin." Muli na namang tumulo ang kaniyang luha. "Puta, bakit natin 'yon ginawa, Totoy?"

"Hindi ko alam, Jocelyn. Sorry talaga."

Tumayo siya. Iniayos ang kaniyang damit. "Susubukan kong pigilin ang nararamdaman ko," sabi niya. Pumunta na siya sa kuwarto nila ni Miraquel. At muli, narinig ko na naman ang nakabibinging katahimikan.

Tanghali na ako nagising kinabukasan. Nagulat ako nang nakita kong umiiyak si Nanay. Ngayon ko lang siyang nakita na ganito.

"Bakit po?" nag-aalala kong sabi.

"'Yong tatay mo." Mas lalong lumakas ang kaniyang pag-iyak. Kitang-kita ko kung gaano kasakit ang kaniyang pinagdaraanan. "Iniwan na tayo."

"Ano po? Bakit? Saan po pumunta."

"May iba na siyang mahal."

Doon humina ang kaniyang pag-iyak. Ngunit alam kong hindi ito nangangahulugan na naggiing maayos na ang kaniyang pakiramdam. Mas lalo siyang nasasaktan. At marahil, pagod na siyang lumuha. Pagod na pagod.

Hindi ko alam kung paano 'yon nagawa ni Tatay. Gusto kong magalit, ngunit, hindi ko pa alam kung ano ang totoong nangyari. Ang akala ko, walang mangyayaring ganitong problema sa aming pamilya. Akala ko, normal lang ang pag-uwi ni Tatay nang gabi, ang pananahimik ni Nanay sa bahay, ang tahimik naming pagkain nang sama-sama. Ngunit, mayroon na palang nangyayari. At matagal na iyong alam ni Nanay, hindi niya lang sinasabi sa amin.

Pero ngayon, lumabas na ang katotohanan. Tumingin ako sa paligid. Wala sina Jocelyn at Miraquel. Naisip ko na magpapa-check up nga pala si Miraquel ngayon sa doktor.

Lumapit ako kay Nanay. "Ano po bang nangyari?"

"Matagal ko nang alam," sabi niya. Hindi na siya humahagulhol, ngunit patuloy pa rin ang pagbagsak ng kaniyang luha. "Hindi ko lang siyang tinatanong. Natatakot akong malaman ang katotohanan, e."

"Paano po nangyari 'yon? Hindi ko po maisip na magagawa 'yon ni Tatay."

"Kahit ako, hindi ko rin naisip." Ngumiti siya nang mapait. "Pero, kahit pala ilang taon mo nang kasama ang isang tao, hindi mo pa rin siya magagawang kilalanin nang lubos."

"Bakit niya po tayo iniwan? Sino po 'yong iba na niyang mahal?"

"Nabuntis niya raw kasi 'yong babae, sabi niya sa akin kagabi. Hinamon ko naman siya, sabi ko, ayos lang sa akin, basta, pagkapanganak no'ng kabit niya, sa atin na siya ulit uuwi. Ang tanga ko, 'di ba?" Humagulhol siya. "Pero, mas mahal niya na raw 'yong babae. Wala na raw siyang nararamdaman na pagmamahal sa akin."

Niyakap ko si Nanay. Kahit kailan, hindi ko inisip na mangyayari ang bagay na ito.

Maaga kaming pumunta sa kaniya-kaniyang kuwarto kinakagabihan. Ngunit alam naming lahat na hindi pa kami makatutulog. Gulat na gulat din sina Jocelyn nang nalaman nila ang ginawa ni Tatay. Nag-iyakan sila nina Nanay. Hindi ko alam kung bakit hindi ko magawang umiyak. Sawang-sawa na ako sa mga nangyayari sa búhay ko. Kung isa lang akong tauhan sa kuwento, puta, gusto ko nang sumuko. Kung sino man ang nagsusulat ng kuwento ko, mumurahin ko siya. Pero, hindi naman ako basta tauhan lang. At iyon ang mas nakalulungkot dahil totoo kong nararamdaman ang mga bagay na ito. Nasasaktan ako. Umiiyak.

Habang nakatulala ako sa kisame, nakarinig ako ng ingay mula sa labas. Dali-dali kong binuksan ang pinto ng aking kuwarto. Nakita ko si Tatay, hawak ang isang malaking bag.

"Mario, maawa ka," umiiyak si Nanay. "Paano kami ng mga anak mo?"

"Hindi ko sila anak, Rose! Hindi natin sila anak!" sigaw ni Tatay. Kakaiba ang hitsura niya ngayon. Mapula ang mga mata. Magulo ang buhok at damit. "Wala akong pakialam kahit mamatay 'yang mga 'yan. Hindi ko sila kadugo."

Nasaktan ako sa kaniyang sinabi. Naalala ko noon, halos araw-araw niyang sinasabi na mahal na mahal niya kami, na masuwerte siya dahil kami ang naging mga anak niya.

"Sa akin? Hindi ka ba naaawa? Hindi mo na ba ako mahal?"

Kaawa-awa ang hitsura ni Nanay. Gusto ko siyang lapitan, ngunit hindi ko magawa. Nakita kong lumabas na rin sina Jocelyn at Miraquel mula sa kanilang kuwarto.

"Hindi na, Rose. Bumalik lang ako rito kasi kinuha ko 'yong mga gamit ko," maangas na sabi ni Tatay. Sa hitsura niya ngayon, hindi ko maiwasang isipin na gumagamit siya ng droga. "Mas mahal ko na si Ellena."

"Sino ba 'yong Ellena na 'yon?" sabat ni Jocelyn. "Sigurado ka bang mahal mo siya? Nahihibang ka na."

"Huwag kang makikialam dito!" gigil na sabi ni Tatay. "Bahala na kayo sa búhay n'yo, mga walang kuwenta!"

Susubukan sanang habulin ni Nanay si Tatay ngunit, kaagad ko siyang nilapitan.

"'Wag na po. Maawa po kayo sa sarili n'yo," saad ko.

Niyakap ako ni Nanay. At sa ikalawang pagkakataon, humagulhol siya sa aking balikat. Umiiyak na rin sina Jocelyn. Hindi ko alam kung ano'ng mangyayari pagkatapos nito. Wala na si Tatay, mababa ang suweldo ni Nanay sa pabrika. Dalawa kaming nag-aaral ni Jocelyn. Manganganak pa si Miraquel. Marahil, ito na ang panahon upang ako naman ang kumilos.

"Hindi na po ako mag-aaral," sabi ko. "Maghahanap ako ng trabaho. Hindi natin kailangan si Tatay. Mas kailangan natin ang isa't isa ngayon."

Kumalas sa yakap si Nanay. "Hindi puwede, Totoy. Mag-aaral ka kahit ano'ng mangyari. Magtatapos kayong dalawa ni Jocelyn."

"Pero, hindi po natin kaya. Maghahanap na ako ng trabaho. Búkas na búkas din." Tumingin ako kay Jocelyn. "Ikaw, mag-aaral ka. Mas matalino ka naman sa akin."

Hindi ko alam kung paano ko nasabi ang bagay na iyon sa kaniya sa kabila ng nangyari sa amin. "At ikaw naman, Miraquel, manganganak ka nang normal. Palalakihin mo si Kirvy nang tama," dugsong ko. "Mahal na mahal ka namin, 'nay"

Ilang minuto rin naming pinatahan si Nanay. Sasamahan muna siya ni Jocelyn sa pagtulog.

Pumunta na ako sa aking kuwarto. Isinara ang pinto. Hindi ko namalayan na tumulo na ang aking luha. Búkas, magbabago na ang lahat sa aking búhay.

At sa unang pagkakataon, naisip ko na mas magandang maging tauhan na lámang sa isang kuwentong kahit kailanman ay hinding-hindi magkakatotoo.