Umuulan. Hindi ko maiwasang kabahan dahil ngayon ang unang araw ko sa sekondarya . Hindi ako nakatulog kagabi dahil sa kaiisip kung ano ang mga puwedeng mangyari. Bagong mga guro, bagong mga kaklase, bagong búhay. Iniisip ko rin kung paano ako makikisalamuha sa kanila.
Nakita ko ang paglabas ni Jocelyn sa pintuan ng kaniyang kuwarto. Natulala ako. Bagay sa kaniya ang bagong uniporme. Nang makita niya akong nakatingin sa kaniya ay tinaasan niya ako ng kilay.
"Nakatitig ka na naman sa akin, Totoy. Alam kong maganda ako. Hindi mo na kailangang ipangalandakan," sabi niya.
"Alam mo namang hindi ka libro. 'Wag kang makapal," tugon ko.
Inirapan niya lang ako at pumunta sa kusina. Habang tumatagal ay lumalala ang aming barahan. Pero habang tumatagal din, lalong nagugulo ang aking isipan. Hindi ko alam pero gusto ko siya na laging nakikita. Gusto ko siyang inisin. Mayroon akong nararamdamang kakaiba sa tuwing nagagalit siya. Nakalulungkot man, pero minsan, iyon na lang ang paraan para mapansin niya ako.
Pumunta na rin ako sa aming kusina. Inihanda ni Nanay ang aming almusal. Napangiti ako dahil ang daming pagkain. Talagang pinaghandaan niya ang aming unang araw sa high school.
"Ang dami namang pagkain. Hindi namin 'to mauubos," sabi ko.
"Problema ba 'yon? Kaya nga naandiyan ang Tatay ninyo, e. Uubusin niya 'yan.
Habang tumatawa kami ni Jocelyn ay biglang sumulpot si Tatay.
"Rose, sobrang takaw ba ang tingin mo sa akin para sabihin 'yon?" kunwaring nagtatampong saad niya.
Umirap si Nanay. "Ang arte. Totoo namang matakaw ka. Tingnan mo 'yang tiyan mo. Daig mo pa ang buntis," sabi ni Nanay.
Nabalot ang buong kusina ng kasiyahan. Nawala nang kaonti ang aking kaba dahil sa kanila. Pero naisip ko, para saan nga ba nerbiyos ko? Ipakikita ko lang naman sa kanila kung sino talaga ako. Maraming nagsasabi na dapat daw ay matandaan ka ng lahat sa unang araw ng pasukan. Ngunit para sa akin, hindi iyon mahalaga. Karamihan kasi sa kanila, hindi totoo ang ipinakikita. Mas mangingibabaw pa rin ang alaala na tatatak sa kanilang puso't isipan kung hanggang sa huli ay nagpakatotoo ka.
Pagkatapos namin kumain ay lumabas na kami ni Jocelyn ng bahay. Katulad noon, nasa harap pa rin si Lola Matilda ng kaniyang tindahan habang nagwawalis. Nang mapansin niya kami ay agad niya kaming kinawayan. Sinuklian namin siya ng ngiti.
Tumingin sa amin si Tatay. "Mag-ingat ka ro'n. Huwag makikipag-away. Sumunod sa utos ng inyong mga guro at maging magalang."
"Opo. Itong si Jocelyn lang naman po ang mataray sa amin. Hindi na normal kung mayroon siyang makakaaway."
"Grabe 'to. Lagi mo na lang akong inaaway!"
"Tama na 'yan. Sumakay na kayo ng tricycle at baka mahuli pa kayo," sabat ni Nanay.
Yumakap kami sa kanila at umalis na ng bahay. Dahan-dahan ang aming hakbang dahil maputik. Habang naglalakad ay tumingin ako sa aking likod. Nakita kong nakangiti ang aming magulang. Nakita ko sa kanilang ngiti ang tunay na kasiyahan. Sino nga ba naman ang mag-iisip na mapag-aaral nila kami hanggang sekondarya dahil sa hirap ng aming búhay noon?
Habang nakasakay kami ng tricycle ay dinarama ko ang haplos ng malamig na hangin sa aking balat. Muling bumalik sa aking kamalayan ang kaba. Kahit anong pilit ang gawin ko para maiwasan ito ay bumabalik pa rin nang bumabalik.
"Totoy, kinakabahan ka, ano?"
Bigla akong nagulat dahil kay Jocelyn. Hindi ko namalayan na nakatulala na naman ako.
Umiling ako. "H-Hindi. Baliw ka. Bakit naman ako kakabahan?"
Natawa siya sa aking sagot. "Bakit iba ang ikinikilos mo sa sinasabi mo? Lokohin mo Lelang mo! Kilalang-kilala na kita. Alam ko kung kinakabahan ka, kung malungkot, kung pilit ang tawa o natatae."
Hindi ko na siya sinagot. Wala akong takas sa kaniya. Siguro nga't bukod sa sarili ko ay siya ang nag-iisang tao na kilala ako.
Pagkarating namin sa aming bagong eskuwelahan ay sumalubong sa akin ang isang malaking arko.
Tipaklong National High School.
Naalala ko nang sinabi sa amin ni Nanay ang pangalan ng aming bagong paaralan. Hindi ko maiwasan matawa. Pero sinabi niya, kahit ganoon daw ang pangalan ng eskuwelahan na 'yon ay nangunguna ito sa aming lalawigan. Doon daw nanggagaling ang mga batang kampeon sa iba't ibang larangan.
Nakita ko ang mga estudyante sa loob ng paaralan. Ang iba'y nagtatawanan. Mayroong magkahawak ang kamay sa isang tabi na parang ayaw nang humiwalay sa piling ng isa't isa dahil nagkahiwalay sila sa loob ng maraming taon. Mayroong patingin-tingin sa paligid. Tipikal na sekondarya. Tipikal na Tipaklongians.
Pumunta kami ni Jocelyn sa aming magiging classroom. Napansin kong halos lahat ng silid ay kulay berde. Talagang itinerno nila sa pangalan ng eskuwelahan. Sana naman ay walang paligsahan dito sa pataasan ng pagtalon.
Hindi pa nakabukás ang pintuan ng aming silid kaya nasa labas pa ang aming magiging kaklase. Kami lang ni Jocelyn ang lumipat mula sa dati naming eskuwelahan kayat kami lang ang magkakilala. Pero dahil alam ko na ang ugali ng aking kapatid, hindi na ako nagulat nang mayroon agad siyang kausap. Babae ito. Maputi ang kaniyang kutis at maikli ang kaniyang buhok. Medyo may katabaan na sumakto sa lakas ng kaniyang boses. Marahil naghahanap siya ng bagong makakasama dahil lumipat na sina Miraquel ng lugar. Suhestiyon ito ni Mang Ismael para raw magbagong- búhay sila ng kaniyang pamilya.
Nangunguna sila ni Jocelyn sa pag-iingay habang kami ng aking mga bagong kaklase ay tahimik lang. Naputol ang kanilang pag-uusap nang dumating ang isang babae na marahil ay magiging guro namin. Biglang naging tahimik ang lahat. Sa tindig pa lang nito ay alam mong isa siyang istrikta. Matangkad siya at maputi. Nakapusod ang kaniyang itim na itim na buhok.
Nakatingin lang kaming lahat sa kaniya. Kinuha niya ang susi sa kaniyang bag at binuksan ang pintuan.
"Humanay kayo sa dalawa. Sa kaliwa ang babae at sa kanan ang lalaki. Papások lang kayo kapag tinawag ko ang inyong pangalan."
Hindi ko alam pero bigla akong kinilabutan sa kaniyang boses. Alam kong naramdaman din ito ng aking mga kasama dahil sa reaksyon ng kanilang mukha. Dali-dali kaming humanay.
"Alfonso, Jed, doon ka sa pinakadulo," saad niya.
Bago pa lang papasok ang matabang lalaki ay kinuha niya ang earphones na nakalagay sa tainga nito.
"Tandaan, bawal gumamit ng gadgets sa aking klase. Sa oras na makakita ako sa inyo na gumagamit nito ay kukuhanin ko at ibabalik ko lang sa huling araw ng taon. Pagbibigyan ko lang kayo ngayon dahil unang araw, pero kapag nakakita ulit ako nito sa tainga ninyo, lalakasan ko ang volume ng gadgets ninyo nang todo at hindi ko aalisin ang earphones sa loob nang limang oras," dire-diretso niyang sambit. "Alcantara, Patricia Anne, kalapit mo si Mr. Earphones."
Sunod-sunod niya kaming tinawag. Gusto ko ang puwesto dahil nasa tabi ako ng bintana.
Pumunta ang aming guro sa unahan na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam ang pangalan.
"Okay. Bago ko sabihin ang mga patakaran ko, gusto ko munang magpakilala. I'm Mrs. Candy Ice T. Lamig. . ." hindi niya pa tapos ang kaniyang sinasabi ay tumawa na ang ilan sa aking mga kaklase.
"Tahimik! Walang nakakatawa sa sinabi ko kaya wala kayong karapatang tumawa. Ako ang magiging Adviser ninyo at ako rin ang magiging guro ninyo sa Filipino. At ngayong kilala ninyo na ako, gusto kong kayo naman ang magpakilala. Pero dahil ayaw ko ng gasgas, gusto kong maging kakaiba ang unang araw ninyo ng pasukan. Magpapakilala kayo sa paraaang patula, pakanta at pag-arte. Kayo na ang bahalang pumili sa nais ninyong gawin. Bibigyan ko lang kayo ng limang minuto para maghanda," pagpapatuloy niya.
Narinig ko ang mahinang reklamo ng aking mga kaklase. Alam kong naiinis na sila ngunit hindi nila masabi dahil natatakot silang mapagalitan.
"Grabe naman siya. Kung alam ko lang, naghanda ako nang bongga," sabi ng aking kalapit na babae. Napansin ko ang ganda ng kaniyang mukha. Singkit ang kaniyang mata at payat ang kaniyang katawan. Maganda rin ang kaniyang boses na tila ihehele ang sinomang makarinig.
Natawa na lang ako sa kaniyang sinabi. Hindi ko alam ang gagawin ko.
"Tapos na ang limang minuto. Uulitin ko, dahil ayaw ko ng gasgas, hindi tayo magsisimula sa unahan. Unang lalaki na nasa gitna, simulan mo!" sabi niya. Hindi ko alam pero biglang gumaan ang kaniyang boses.
Tumayo ang lalaki at pumunta sa unahan. Maliit siya at medyo malaki ang tainga.
Huminga siya nang malalim. "Ako nga pala si Pietro Molina.
Maliit man tingnan, cute naman sa tuwina.
Sana'y maging kaibigan ko kayo
Huwag mag-alala, mabait naman ako."
Nagtawanan ang aking mga kaklase nang siya ay matapos. Kahit ako ay hindi ko maiwasang mapangiti dahil sa liit ng kaniyang boses. Bagay na bagay sa laki ng kaniyang katawan.
"'Yong totoo, Pietro? Naligaw ka yata ng pinasukan. Hindi rito ang elementarya," sabi ni Mrs. Lamig. Natawa ang aking mga kaklase dahil sa sinabi niya. Sumunod ang ilan ko pang kaklase. Mayroong seryoso, mayroong kinakabahan at mayroong parang nagwawala lang sa unahan.
Nang si Jocelyn na ang pumunta sa unahan ay natahimik ang lahat. Seryoso ang kaniyang mukha. Alam ko ang takbo ng utak niya. Alam kong may naisip na naman 'yon. Ilang segundo lang siyang seryoso sa unahan at walang emosyon. Nabigla ang aking mga kaklase nang bigla siyang umiyak nang malakas. Sabi na nga ba.
Natatawa ako sa reaksyon ng lahat. Tunay ngang magaling umarte si Jocelyn. Matapos niyang umiyak ay bigla naman siyang tumawa na parang baliw. At unti-unti, naging seryoso muli ang kaniyang mukha.
"Ako nga pala si Jocelyn Gutierrez. Sana ay maging kaibigan ko kayong lahat. Pasensya na dahil ginulat ko kayo kanina. Sabi kasi ni Madam Ice, puwede raw umarte. Kaya 'yon, todo sigaw ang lola ninyo. Babaeng bakla ako kaya sana hindi na kayo manibago. Bye. Mwah!" masigla niyang pakilala na nagpatawa sa aking mga kaklase maging ang aming guro.
Nawala na ang tensiyon sa aming silid. Mukhang magiging masaya ang aking taon.
Sumunod na ang aking kalapit. Kumanta siya at umarte. Nalaman kong Star ang kaniyang pangalan. Bagay sa kaniya. Nagniningning.
"'Toy, nakatulala ka diyan. Ikaw na ang kasunod. Nabighani ka yata masyado kay Star," pagbibiro ni Mrs. Lamig.
Kinilig ang aking mga kaklase sa sinabi niya. Hindi ko alam ang gagawin ko. Ayaw ko ng ganitong pakiramdam.
"Bakit ka namumula?" natatawang tanong ni Star.
Hindi ko na lang siya pinansin at pumunta na ako sa unahan. Nakatingin sa akin ang lahat.
" Totoy ang itawag sa akin, iyan ang tandaan.
Hindi man kagaya ng iba na kumintal sa inyong isipan,
Laging isipin na lahat ay mayroong pagkakakilanlan.
Gusto kong makilala ako sa natural na paraan
Lapitan, tanungin, magsalita upang hindi magulumihanan.
Ako'y laging naandito lang, hindi mawawala
Silipin ako minsan, sa tabi ng bintana."
Tahimik lang sila habang naglalakad ako papunta sa aking upuan. Hindi ko alam kung bakit kung ano-ano ang lumabas sa aking bibig. Marahil dahil sa aking kaba, sa boses ni Star o sa aking guro na nakangiti sa akin habang ako ay nagsasalita.
"Ang galing mo, Totoy. May makata pala akong kaklase," sabi sa akin ni Star habang nakangiti.
Ngumiti na lang ako sa kaniya at yumuko. Ngunit nang tumunghay ako ay nakita ako si Jocelyn. Nakatingin sa amin na tila hindi maipinta ang mukha.
MABILIS na lumipas ang mga araw sa unang taon namin sa sekondarya. Dalawang buwan na lang ay magtatapos na ang kabanatang ito ng aming búhay.
Hindi ko namamalayan na ganoon kabilis tumakbo ang oras. Tila nakipagkakarerahan ito. Habang ang mga tao ay sumasabay sa pag-usad ng nagbabagong lipunan, unti-unti ring humuhulma ang pagbabago sa aking sarili. Mabilis akong naiirita sa aking paligid. Minsan ay gusto ko na lang mapag-isa kaya hindi ko maiwasan na masungitan si Jocelyn. Walang araw na hindi kami nagbabayangan sa paaralan man o sa bahay kaya lagi kaming napapagalitan nina Nanay.
Isang beses, nagkaklase kami sa Filipino nang naramdaman kong nakatingin siya sa akin.
"Ano?" pabulong kong sambit.
"Totoo ba na nililigawan mo si Star?"
Umiling ako. "Saan mo naman narinig 'yon?"
"Aba. Hintayin muna nating matapos ang pagbubulungan nina Don Fernando at Donya Valeryana bago tayo tumungo sa Ikalawang Kabanata ng Ibong Adarna," saad ni Mrs. Lamig. Matagal ko bago naisip na kami pala ang pinatutungkulan niya kaya biglang nagtawanan ang aking mga kaklase. Dahil dito, pinatayo niya kami sa unahan at kami ang nag-ulat ng ikalawang kabanata.
Hanggang sa bahay ay hindi ko siya pinapansin. Umiinit ang ulo ko sa tuwing nakikita ko siya dahil naaalala ko na nasira ang aking imahe sa aking paboritong guro dahil sa kaniya.
"OA ka, Totoy. Pansinin mo na ako. Ang drama mo."
"'Wag mo muna ako kausapin, puwede? Nakaiinis ka na," naiirita kong sambit.
"Bakit ba lagi ka na lang masungit? Para kang laging may dalaw!"
"Bakit ba lagi kang papansin?"
Alam kong nasaktan siya sa aking sinabi kayat tumungo siya sa kaniyang kuwarto at ibinalibag ang pintuan. Nasanay na ako sa gawain niyang ito dahil ito ang lagi niyang ginagawa sa tuwing nagsasagutan kami. At katulad pa rin ng dati, lalapitan ako ni Nanay upang tanungin ang aming pinag-awayan.
Bukod kay Jocelyn, kahit ang aking mga kaklase ay lagi ko ring nasusungitan. Pero sa likod nito, may isa pa ring tao na kahit kailan ay hindi ko magawang pagtaasan ng boses. Si Star.
Ilang buwan ko na siyang gusto. Isa lang ang pinagsabihan ko sa aking mga kaklase tungkol dito ngunit kinabukasan ay tila apoy ito na mabilis kumalat sa buong silid. Hiyang-hiya ako noon kay Star. Akala ko ay hindi na niya ako papansinin. Gusto ko sanang suntukin 'yong nagpakalat no'n ngunit nagulat ako dahil sa tuwing kausap ko siya ay tila normal lang ang lahat at wala siyang nalaman. Iniisip ko na ginagawa niya lang 'yon para hindi masira ang samahan namin bilang magkaklase. Ngunit minsan, pumapasok pa rin sa aking isipan ang ideya na marahil gusto niya rin ako at gusto niyang maging malapit pa kami lalo sa isa't isa.
Minsan, nakikita ko siyang nakatingin sa akin tuwing nagkaklase kami. Tuwing wala kaming ginagawa, nilalapitan niya ako upang makipagkuwentuhan. Kapag mayroon kaming gawain na pandalawahan, nilalapitan niya ako at kami na lang daw ang magkapares. Hindi ko kasalanan na umasa dahil sa mga ipinapakita niya.
Kumalat ang balitang nililígawan ko siya. Nagulat ako nang malaman ko iyon dahil wala pa iyon sa aking isipan. Kahit alam ko ang konsepto ng panlilígaw, sa tingin ko ay wala pa ako sa tamang edad para gawin ang bagay na 'yon. Sa tuwing nakakikita ako ng taong magkasintahan sa aming paaralan ay hindi ko maiwasan na mapaisip. Siguradong ang 'pagmamahalan' nila ngayon ay hindi tunay dahil masyado pa silang bata para sa pag-ibig. Marahil naghahanap lang sila ng panandaliang libangan para matakpan ang puwang sa kanilang puso. Binubulag lang sila ng kanilang emosyon. Marami pa akong paniniwala tungkol sa mga magkasintahan kaya nainis ako nang malaman ang balitang 'yon.
Ngunit, hindi ko alam pero mayroong kumikiliti sa aking kamalayan na itanong kay Star kung gusto niya rin ako.
Ilang araw kong inihanda ang aking sarili para tanungin siya. Inisip ko na ang gagawin at iisipin ko kung sakaling gusto niya rin ako. Ganoon din kung hindi. Inihanda ko na ang aking puso't isipan para sa mangyayari.
Tanghali. Niyaya ko siyang kumain sa labas. Natuwa ako nang pumayag siya. Mukhang natutupad na ang aking plano.
Habang kumakain kami ay bigla kong tinawag ang pangalan niya. Bumibilis nang bumibilis ang tibok ng aking puso. Para na akong hihimatayin sa sobrang kaba.
"Bakit?" nagtataka niyang tanong.
"M-May, gusto s-sana akong it-itanong."
"Ayos ka lang ba?" natatawa niyang sabi. Lalong lumiit ang kaniyang singkit na mga mata. Isa ito sa dahilan kung bakit nagustuhan ko siya. May kakaiba akong nararamdaman sa tuwing nakatitig ako sa mga ito. Para akong dinadala sa sarili niyang mundo at doon kami magsasama. Magkahawak-kamay kaming maglalakbay patungo sa walang hanggan. Kaming dalawa lang. Walang sagabal. Walang kahit sinoman ang makapagpapatumba sa moog na dulot ng naming pagmamahalan.
Isa rin sa nagbago sa aking sarili ay ang pagiging corny ko. Nakaiinis na minsan.
"Oo. S-sorry, iyon nga. May gusto akong itanong."
"Akala ko naman kung ano na. Mukhang matatae ka kanina na ewan."
Tumawa ako nang pilit. "Alam ko namang alam mo na may gusto ako sa'yo 'di ba? Gusto ko sanang itanong kung parehas ba tayo ng nararamdaman sa isa't isa."
Sa wakas. Naisambit ko rin ang aking gustong sabihin.
Bigla siyang napatigil. Pakiramdam ko ay tumahik ang paligid at tanging ang tibok ng puso ko lang ang naririnig.
"S-Sandali lang," saad niya at dali-daling tumayo patungo sa banyo.
Mahigit sampung minuto ang itinagal niya bago siya nakabalik sa aming puwesto.
"Totoy, mabait ka, maalagain," sabi niya, "pero, hanggang kaibigan lang talaga ang tingin ko sa'yo. Pasensya na. May boyfriend ako sa probinsya namin. Dalawang taon na kami. Sorry kasi hindi ko nasabi sa'yo agad. Baka kasi kung sakaling malaman mo, lumayo ka. Ngayong alam mo na ang sagot ko, sana naman hindi masira ang pagkakaibigan natin."
"A-Ano ka ba. Ayos lang 'yon. Nangyayari naman talaga ang ganito. Ayos lang na hindi mo sinabi agad na may boyfriend ka. 'Wag kang mag-alala, hindi ako lalayo. S-Sige, aalis na ako. Nakalimutan ko may bibilhin nga pala ako para kay Jocelyn. Bye!" tugon ko sa kaniya at umalis na sa kainan.
Pagkalabas ko ay bigla akong napapikit. Hindi ito ang plano ko. Hindi ko alam kung bakit ganoon ang aking naging reaksyon. Ngayon ko napatunayan na kahit anong paghahanda ang gawin mo para sa isang bagay, hindi maiiwasan na hindi mo magamit ang paghahandang iyon dahil lalamunin na ang iyong pagkatao ng kalungkutan. Masakit pala malaman na iba ang tingin sa 'yo ng taong gusto mo. Ang balak ko noon, kung sakali man na sabihin niya sa akin na hindi niya ako gusto ay tatawanan ko na lámang siya at sasabihin na nagloloko lang ako. Pero iba pala talaga kapag naandoon ka na mismo sa sitwasyon.
Tuwing gabi ay hindi ko maiwasan na isipin si Star. Naiinis ako sa aking sarili dahil nagawa ko pang magsinungaling sa kaniya na hindi ko siya iiwasan. Pero no'ng nagdaang mga araw, alam kong ramdam na ramdam niya ang pag-iwas ko. Nakikita ko ang kalungkutan sa kaniyang mga mata sa tuwing nakasasalubong ko siya at hindi pinapansin.
Hindi ko na rin masyadong sinusungitan si Jocelyn. Sa kaniya ko lang sinabi ang nangyari. Akala ko ay pagtatawanan niya lámang ako pero iba ang nangyari.
"Ganoon talaga. Hindi naman natin kayang iwasan ang masaktan. Kung iiwas ka nang iiwas dito, hindi mo namamalayan, mapapagod ka na sa pagkukunwari. Bata ka pa, Totoy. Marami pang babae diyan," sabi niya sa akin at bigla akong niyakap.
Biglang tumigil ang aking pagmumuni-muni nang tumayo na ang aking mga kaklase. Tapós na pala ang klase ngayong araw. Tumayo na rin ako at kinuha ang aking mga gamit.
"Totoy," tawag sa akin ni Star.
"Bakit?"
Siguro ay lolokohin ko muna ang aking sarili ngayon. Kunwari, wala na sa akin ang alaala na nangyari sa aming dalawa.
"Pumunta ka sa birthday ko. Sa isang araw na 'yon. Ini-invite ko na rin si Jocelyn kanina. Alam mo na naman ang bahay ko 'di ba?" masigla niyang sabi.
"Susubukan ko kapag wala na akong ginagawa."
"Anong susubukan? Pumunta ka!"
Tumango na lang ako bilang tugon. Nagpaalam na siya sa akin at lumabas na ng pinto.
Nang nakita kong handa na si Jocelyn papaalis ay niyaya ko na siya upang umuwi. Habang naglalakad kami papuntang paradahan ay naririnig ko ang mahinang hagikhik niya.
"Ano ba? Anong tinatawa-tawa mo diyan?"
"Ang sungit mo na naman. Wala! Nakita ko lang kasi kayo kanina ni Star na nag-uusap. Ang cute mo. Para kang ewan."
"Ewan ko sa'yo. Niyaya niya kasi ako na pumunta sa birthday niya. Pinag-iisipan ko nga kung sasama ba ako o hindi."
"Bitter! 'Wag kang ganoon, masama 'yon. Pumunta ka na. Kasama mo naman ako, e."
"Bahala na."
"Alam mo, kung buong high school life natin ay ganiyan ka sa kaniya, siguradong pagsisisihan mo 'yon sa huli. Mag-move on ka na," seryoso niyang sabi. Nakita ko ang kaniyang mga mata na nakatitig sa akin. Matalas makatingin ang mga ito na tila kapag nagkamali ako ng sagot ay bigla akong sasaktan.
"Wala naman talagang moving on. Ang kailangan lang, tanggapin ang nangyari. Hindi ko lang pa rin kasi matanggap hanggang ngayon. Pero alam ko naman na sa huli ay mawawala rin ang nararamdaman ko para sa kaniya."
"At gumaganiyan ka na ngayon?"
Pagkarating namin sa bahay ay bigla akong humiga sa kama. Hindi ko alam pero pagod na pagod ang aking katawan. Wala naman kaming ginawa ngayong araw na 'to. Marahil ay epekto lang ito ng pag-iisip ko kay Star. Kailan ko kaya makalilimutan 'yon? Sana ay tuluyan nang lumabo ang bituin na 'yon sa aking isipan.
"UMALIS na tayo rito. Hindi ko talaga kaya," sabi ko kay Jocelyn habang hinihila niya ako papasók sa loob ng bahay nina Star. Mula sa labas ay naririnig ko ang malakas na tugtog na sinasaliwan ng kuwentuhan at tawanan ng mga tao.
Hindi ko talaga gusto ang ganitong klaseng lugar. Mas gugustuhin ko pang magmukmok sa isang sulok at magbasà ng mga nakasasakit sa ulong kuwento na isinalin sa Filipino na nakalagay sa modyul namin. Ayaw ko makipagsabayan sa mga táong nagpapayabangan o kaya naman ay nagpupumilit maging sosyal. Naroon din ang ibang tao na walang ginawa kung hindi kumuha nang kumuha ng pagkain na tila walang kabusugan.
Pero, parang may bumubulong sa aking isipan na hindi naman talaga 'yon ang mga dahilan kung bakit ayaw kong pumunta sa birthday ni Star.
Ayaw mong pumunta kasi naiilang ka. Crush mo kaya 'yon. Unang pagkasawi mo sa pag-ibig, sabi ng maliit na boses sa aking utak.
"Duh. Para kang tanga. Minsan lang tayo pumunta sa ganito."
"Wala ka kasi sa kalagayan ko, Jocelyn," naiinis kong sabi.
"Galit 'agad? Napakasungit mo talaga. Daig mo pa ako kapag 'nagkakaroon'."
"Totoy! Jocelyn! Ano pang ginagawa n'yo diyan? Pumasok na kayo," sigaw ni Star. Hindi ko maiwasang matulala sa kaniya habang lumalabas siya ng kanilang bahay. Bagay na bagay sa kaniya ang pulang dress.
"Nag-iinarte pa kasi 'tong si Totoy. Parang mamamatay kapag lumalapit ka," natatawang sabi ni Jocelyn.
Nakita ko ang pag-iiba ng ekspresiyon ni Star. Ngunit mabilis niya 'agad itong nabawi sa pamamagitan ng isang pilit na ngiti.
"'Wag kang maniwala sa kaniya, S-Star. Hindi ako naiilang sa'yo. Hindi ako kinakahaban sa tuwing kinakausap mo ako. Minsan nga hindi ko na maintindihan kung ano ang sinasabi mo kasi nakatingin lang ako sa mukha mo. Buwisit. Ano'ng ginawa mo sa akin? Nababaliw na yata ako."
Puta. Nasabi ko ba talaga 'yon? Sana, bigla akong sagasaan ng isang malaking sasakyan.
"Ha? P-Pasok na kayo," tugon ni Star. Halatang hindi niya malaman kung ano'ng gagawin niya dahil sa sinabi ko. Nakaiinis kasi si Jocelyn. Sinabi ko na sa kaniya na ayaw ko pumunta rito pero nagpumilit pa rin siya. Ganito tuloy ang nangyari.
Tawa nang tawa si Jocelyn habang papasók kami sa bahay. Kung nakita ko lang daw ang hitsura ko kanina pagkatapos kong sabihin ang mga bagay na 'yon, siguradong maiiyak ako sa sobrang kahihiyan.
Hindi ko na lang siya pinansin. Balang araw, makagaganti rin ako sa mga kalokohan niya.
Napatingin sa amin ang mga tao sa loob. Namumukhaan ko ang ilan dahil mga kaklase ko ang mga ito at ang iba naman ay Tipaklongians din. Hindi naman pala ito ganoon kasama kagaya ng aking inaasahan. 'Agad akong iniwan ni Jocelyn at nilapitan ang aming mga kaklase. Nakaiinis talaga ang babaeng 'yon. Isinama niya ako rito tapos iiwan din pala?
Narinig ko ang kuwentuhan nila tungkol sa pagbabagong anyo no'ng Carrot man na hindi ko naman kilala. Nagtitilian pa ang ilan sa kanila habang ang mga lalaki ko namang kaklase ay nakatutok sa kanilang mga gadgets habang naglalaro ng kung ano-ano. Mga tipikal na kabataan.
"Guys, kain na kayo!" pagyaya ni Star sa amin. Tumayo na ang mga tao at pumila na para sa pagkuha ng pagkain. Nakisunod na rin ako sa kanila bago pa ako malapitan ni Star. Oo, umaasa ako na kakausapin niya ako dahil sa sinabi ko sa kaniya kanina. Wala namang masamang umasa. Marami lang tao ang nagsasabi na masakit daw kapag hindi ito natupad. Para sa akin, nasasa 'yo naman iyon kung aasa ka na lang basta at hindi iisipin ang mga puwedeng mangyari. Kaya lang naman sila nasasaktan ay dahil iniisip nila na masakit. Sila rin naman ang may kasalanan. Sino ba ang may sabi na umasa sila?
Kinuha ko ang mga pagkain na nagpatakam sa aking kalamnan bago muling pumunta sa upuan. Nakalapit ko si Jed, ang mataba kong kaklase. Sandali akong napatingin sa kaniyang pagkain. Halos mapunô na ang kaniyang plato.
"Alam ko ang iniisip mo. Pasens'ya na. Gutom, e," natatawang sabi niya sa akin. Gusto ko sanang sabihin na lagi naman siyang gutóm pero hindi ko na lang ginawa dahil baka magalit pa siya. Sa halip, ngumiti na lang ako sa kaniya bilang tugon.
Ilang sandali pa ay nilapitan ako ni RJ. Wala akong balak na pansinin siya dahil siguradong kung ano-ano na naman ang sasabihin niya. Pero hindi rin pala epektibo ang ginawa kong 'yon dahil nagsimula na siyang magsalita.
"Alam mo, 'wag dapat , masyadong maraming kinakain. Sa isang araw, one-third lang naman ng lahat ng ating kinakain ang nagagamit ng ating katawan. 'Yong iba, nakadaragdag na sa ating taba. Kaya nga ako, sinisigurado ko na ang lahat ng aking kinakain, sakto lang," saad niya habang kumakain ng hamburger. Wala ba akong makakausap na matino ngayon?
"Ganoon?" tugon ko. Kunwari may pakialam ako sa sinasabi niya para hindi masabihan nang bastos. Ganoon naman talaga minsan. Kailangang magpanggap hindi dahil gusto nating magsinungaling. Nagagawa ito ng isang tao dahil wala nang pagkakataon na makatakas pa sa isang situwasyon. Kagaya nito, wala na akong uupuan kung tatakas ako. Puwedeng hindi ako magsalita kung ang kalapit ko lang ay si Jed. Kain lang naman kasi siya nang kain. Pero kalapit ko rin si RJ na napakaraming sinasabi at halatang nanghihingi pa ng opinyon.
"Alam mo ang napapansin ko sa'yo? Masyado kang tahimik. Parang wala kang wika. Oo nga pala, alam mo ba kung saan nagmula ang ating wika?"
"Hindi. Puwede bang kumain muna ako? Nakagugutom na rin kasi," naiirita kong sagot.
"Ayon sa mga iskolar, mayroong anim na maaring maging dahilan ng pagkabuo ng ating wika. Ang una rito ay ang Teoryang Bow-wow. Ang wika raw ng tao ay nagsimula sa panggagaya sa mga tunog ng kalikasan. Siyempre wala pa namang alam ang mga tao noon kaya ganoon ang nangyari. Kaya 'di ba, ang tawag sa tuko ay tuko dahil iyon ang tunog na inilalabas niya?
"Pangalawa, Teoryang Pooh-pooh. Nagsimula naman daw ang wika sa pagbulalas ng mga salita nang hindi sinasadya kapag nakararamdam ng sakit, tuwa, sarap at iba pa. Tingnan mo tayo, kapag nakaramdam na sakit, hindi ba't "Aray" 'agad ang sinasabi natin?
"Pangatlo naman ay ang Teoryang Yo-he-ho. Natuto naman daw magsalita ang tao dahil sa tunog na nalilikha kapag tayo ay nag-eeksert ng puwersa. Katulad na lang ng tunog na inilalabas sa tuwing nagbubuhat tayo ng mabigat na bagay o kaya naman ay sumusuntok.
"Pang-apat ay ang Teoryang Ta-ra-ra-boom-de-ay. Marami kasing ritwal ang mga sinaunang tao. Kaakibat ng mga ritwal na 'yon ang pagsasayaw, pagsigaw at incantation o bulong. Nagsimula raw ang wika sa mga tunog na nalilikha sa mga ritwal na 'yon na nagpabago-bago at nagkaroon na ng iba't ibang kahulugan," dire-diretso niyang sabi.
"Alam mo, RJ. Mamaya ka na lang magkuwento. Kakain muna ako. Sige na," naiirita kong sagot.
"Ayaw mo bang marinig ang Teoryang Ta-Ta at Dingdong? Sayang naman ang pagsasaulo ko no'n mula sa librong Sining ng Pakikipagtalastan na inilimbag noong 2000," malungkot nitong sabi.
Hindi ko na lang siya pinansin at sinimulan ko na ang pagkain. Kaya walang kaibigan si RJ ay dahil napakarami niya laging sinasabi. Palagi siyang iniiwasan. Minsan ay naaala ko sa kaniya si Betong kaya gusto ko siyang lapitan. Ngunit kapag naiisip ko na baka ako'y malunod sa mga impormasyon na binibitawan niya, itinitigil ko na ang aking balak.
Matapos kong kumain ay dumiretso ako sa kusina upang mailagay sa lababo ang aking pinagkainan. Nagulat ako nang makita ko roon si Star.
"N-Nasa likod na sila ng bahay. May kaonting sayawan kasi ro'n," naiilang niyang saad.
"Uuwi na rin siguro ako. Ilalagay ko lang 'tong pinagkainan ko. Pasensiya na, wala akong regalo sa'yo."
"Uuwi ka na kaagad? Sayang naman 'yong moment. Minsan ka lang magsaya. At ayos lang na wala kang regalo. 'Yong pagpunta mo rito, higit pa sa mga natanggap ko," nakangiti niyang tugon.
Bigla na namang bumilis ang tibok ng aking puso. Hindi ako makatingin sa kaniya. Mas lalong nag-iba ang tibok nito nang hinalikan niya ako sa labi. Bigla akong nanginig. Isa . . . dalawa . . . tatlong segundo nang nakadampi ang kaniyang labi sa akin. Hindi ko malaman ang aking gagawin. Dahil sa aking panginginig ay naihulog ko ang pinggan sa sahig. Nabasag ang mga ito na nagdulot ng paghihiwalay ng aming labi.
Parehas kaming nagulat ni Star. Hindi dahil sa nabasag kung hindi dahil sa kaniyang ginawa. Kahit kailan ay hindi ko inisip ang bagay na ito.
"Ano'ng ginawa mo?" mahina kong tanong.
"Hindi ko alam, Totoy. Hindi ko alam. Sorry, nadala lang siguro ako ng emosyon. Kalimutan na natin 'yon. Walang ibig sabihin ang halik na ibinigay ko. Isipin mo na masaya lang ako kaya ko 'yon ginawa," mabilis niyang paliwanag. Hindi rin siya makatingin sa akin nang diretso.
Dali-dali niyang dinampot ang nabasag. Bago ko pa siya masabihan na baka magkasugat siya ay napadiin na ang hawak niya sa isang bubog. Unti-unting tumulo ang maraming dugo sa kaniyang kamay.
"Star! Bakit mo kasi kinamay? Masakit ba?"
Ilang saglit pa ay may dumating na isang lalaki. "Babe, bakit dumurugo ang kamay mo?" pagtatanong niya kay Star. Marahil, siya ang boyfriend nito. Hindi ko alam pero bigla akong nasaktan. Alam kong mali pero iyon ang aking nararamdaman.
Tumingin sa akin si Star. Hindi ko alam ang kahulugan ng titig na iyon. Tila mayroon siyang gustong ipaliwanag pero hindi niya masambit dahil naroon ang kaniyang nobyo. O baka nag-iisip na naman ako ng kung ano-ano dahil nasasaktan ako?
"A-Ayos lang ako. Pinulot ko kasi 'yong nabasag na plato."
"Babe naman. Birthday mo pa naman din tapos nagkasugat ka. Tara ro'n sa taas at gagamotin natin 'yan."
Itinayo no'ng lalaki si Star at inakay na niya papaalis. Dali-dali akong lumabas ng bahay nang hindi nagpapaaalam kay Jocelyn. Alam ko kasing pipigilan niya ako. Hindi ko na kayang tumagal sa bahay na 'yon. Hindi ako makapaniwala na hinalikan ako ni Star sa labi. Oo, may gusto ako sa kaniya ngunit parang hindi ko dapat 'yon natanggap. Mahalaga ang halik para sa akin. Ibinibigay ito kung mahal ng dalawang tao ang isa't isa. Ang halik na 'yon ay makahuhugan.
Pero 'yong nangyari sa amin ni Star, hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin. Sabi niya nga, wala lang daw 'yon. Ganoon na rin siguro ang dapat kong isipin. Hindi ko rin naman kasi masisi ang aking sarili kung bakit ako nagkakaganito. Sino ba naman ang hindi mahihibang kung hinalikan ka sa labi ng babaeng hindi kayang tanggapin ang pagmamahal mo dahil may boyfriend siya?
At iyon ba talaga ang boyfriend niya? Bakit iyon ang napili ni Star? 'Di hamak na mas guwapo ako sa lalaking 'yon. Bahala sila. Itutulog ko na lang 'to pagkauwi.