"Umupo na ang lahat at humanda na sa pag-aalay," sabi ng tagapagsalita sa simbahan. Nagsimula nang kumanta ang choir habang naglalakad ang tatlong tao na may hawak na basket.
Napatingin ako sa paligid. Naroon ang mayamang mag-asawang Mendoza na laging nagsisimba at nagbibigay ng malaking salapi sa simbahan. Naghulog sila ng dalawandaan sa basket.
Kilala silang relihiyoso ngunit, nasisira ang kanilang imahe dahil sa kanilang anak na drogista na laging napababalita sa aming bayan. Naroon din ang mga babae na halos buong búhay nila ay ibinubuhos para paglingkuran ang Panginoon. Handa na raw silang magpakuha kay Lord kahit anong oras. Ngunit, nagtataka ako. Bakit sa tuwing nagkakaroon sila ng sakit, umiinom pa rin sila ng gamot? Paano kung 'yong pagkakasakit pala nila ang daan para kuhanin sila ni Lord? O kung mayroong magpapasabog ng bomba, malamang ay magmamakaawa sila at sasabihing, "Huwag mo iyan gawin. Paano na ang pamilya namin?" Hindi ba't dapat ay magpasalamat na lang sila sa táong magpapasabog dahil mas mapadadali ang pagpunta nila sa langit?
Mahigit kumulang tatlondaang taóng sinakop ng mga Kastila ang Pilipinas na nagdulot ng paglaganap ng Katolisismo sa bansa. Ito na ang naging relihiyon ng marami. Ngunit, naroon pa rin ang katotohanan na mayroon pa ring ibang paniniwala ang mga tao. Dahil dito, nagbago ang pagtingin ko sa búhay.
Hindi na ako naniniwala sa relihiyon, sa bibliya, sa langit o sa impiyerno. Ngunit, naniniwala ako na mayroong Diyos na nagbabantay sa bawat isang tao. Nagsisimba lang ako dahil ito ang gusto ng aking pamilya. Wala rin namang nakaaalam na ganito ang aking paniniwala. Minsan, tinatanong ako ni Jocelyn kung bakit daw ako laging nagpapapilit para sumama sa simbahan. Hindi ko siya sinasagot, sa halip ay sasaraduhan ko na lang siya ng pinto upang magbihis para sa pagsimba. Naalala ko tuloy 'yong isang pagkakataon na nahuli niya akong nagme-Mary palm.
Maraming nagtataas ng kilay at hinugusgahan ang karamihan sa mga Atheist o 'yong mga tao na mayroong perspektibo na taliwas sa karamihan. Hindi sila naniniwala sa Diyos o relihiyon. Lahat ng tao ay mayroong sariling paniniwala. Ngunit, walang nakaaalam kung ano at sino nga ba ang tama. Naroon ang pag-aaway ng iba't ibang relihiyon na nagdudulot ng giyera sa isang bansa.
Kahit kailanman, hindi naging basehan ang relihiyong pinaniniwalaan sa ugaling ipinakikita ng isang indibiduwal. Maaaring ang kilala mong banal noon ay maging kriminal dahil sa hirap ng búhay o ang kilala mong hindi naniniwala sa Diyos ay siya pang magbigay ng tulong sa nangangailangan. Oo, isinilang ang isang tao sa mundong ito na mayroong dadalhing paniniwala o relihiyon dahil sa kanilang mga magulang. Ngunit, nasa tao pa rin naman iyon kung tatanggapin niya ito o hindi. Hindi kailangang sa lahat ng bagay ay mayroon dapat panigan dahil puwede namang tahakin ang daan kung saan mayroon kang pinaniniwalaan ngunit wala kang tinatapakang iba.
"Hoy, Totoy!" sigaw sa akin ni Joceyn. Nakakunot ang kaniyang noo. "Alam mo bang hanggang sa matapos ang misa, nakatulala ka? Nababaliw ka na ba?"
Napatingin ako sa kaniya. "May iniisip lang ako. Naririnig ko naman ang mga ginagawa n'yo."
Tumayo na kami nina Nanay para kumain dahil oras na ng panananghalian. Ito ang gusto ko sa tuwing magsisimba kami. Laging diretso sa masarap na kainan kung saan naroon ang malaking bubuyog na laging nagsasayaw para mapasaya ang mga uto-utong bata. Inaamin ko, naging isa rin ako sa mga uto-utong iyon noon. Lagi kong hinihintay ang mascot niya pero, ilang beses ko pa lang siya nakita dahil minsan lang kaming kumain dati rito. Hindi pa kasi kami nakaaahon sa kahirapan noon. Hindi kagaya ngayon na kahit papaano, nakakaain na kami ng masasarap sa Dyolibi.
Pagkapasok namin ay dumiretso na si Nanay sa counter upang um-order. Pinapunta na niya kami sa taas ni Jocelyn para maghanap ng mauupan. Marami kasing tao sa ganitong panahon. Nagulat ako nang lumabas ang malaking bubuyog. Nagsimula na ring sumigaw ang mga bata dahil sa tuwa. Dali-daling kumuha ng gadgets ang mga magulang para kuhanan ng litrato ang mascot na kasama ang kanilang mga anak. Tumunog ang masayang musika kaya nagsimula nang sumayaw si Dyolibi.
Iba na talaga ngayon, wala na siyang epekto sa akin. Kaya masarap maging bata, nagagawa mong maging masaya kahit sa maliit na bagay. Mahirap kapag ganito na ang iyong edad. Hindi mo alam kung paano ka magiging masaya. Mayroon kang hinahanap na hindi mo matagpuan. Ngunit kahit anong kapa mo sa bagay na 'yon, hindi mo makita dahil minsan, hindi mo alam kung ano nga ba ang iyong hinahanap.
Sa pasukan ay Grade 9 na kami ni Jocelyn. Napakarami nang nangyari. Simula no'ng halikan ako ni Star, hindi na siya nagpakita sa akin. May nagsasabing lumipat na siya sa ibang lugar. Ngunit ang mas nagpagimbal sa aking pagkatao ay ang balita na nabuntis daw siya ng kaniyang boyfriend. Ilang gabi rin akong nalungkot dahil umasa ako na babalik siya at kakausapin ako. Ngunit, nakalimutan ko rin siya nang tumuntong na ako sa Grade 8. Nakasali ako sa paggawa ng aming diyaryo. Nagalingan kasi ang aking mga guro sa paraan ng aking pagsusulat kaya isinali nila ako sa samahan na 'yon. Samantalang si Jocelyn, miyembro na siya ng aming teatro. Nakilala siya sa aming paaralan dahil sa galing niya sa pag-arte.
Nang nakahanap na kami ni Jocelyn ng mauupuan ay naunahan siya ng isang lalaki sa pag-upo rito. Itim na itim ang kasuotan nito. Malalim ang kaniyang mga mata, maputi at halatang matangkad.
"Hoy, puwede ba, paupo na kami diyan. Humanap ka ng ibang mauupuan mo!" sigaw niya sa lalaki. Walang ekspresyon ang mukha nito.
Ibang klase talaga 'tong si Jocelyn. Iskandalosa. Napatingin tuloy sa amin 'yong ibang tao.
Inilabas ng lalaki ang kaniyang cellphone at nagsimula nang maglaro.
"Wala ka bang naririnig? Bingi ka ba?" naiinis niyang sabi. Nararamdaman ko na ang pagkainit ng kaniyang ulo.
Tumingin ang lalaki sa kaniya. "Hindi ko naman kasalanan na mabagal kayo. Wala naman pati akong nakita na pangalan mo rito," walang gana niyang tugon at nagsimula na muling magkalikot ng kaniyang hawak.
"Jocelyn, pabayaan mo na siya. Maghintay na lang tayo. Matatapos na rin naman 'yong iba."
Inirapan niya lang ako. "Ang kapal ng mukha mo!" Lumapit siya sa lalaki at kinuha ang cellphone nito. "At magsalita ka nang maayos, daig ka pa ni Chiz Escudero . . . este ng robot!"
Nakita ko ang pagkagalit sa mukha ng lalaki. "Puta! Bakit mo kinuha 'yong cellphone ko? Lintik naman, matatapos ko na 'yong nilalaro ko! napakabobo mo!"
"Mahal ko, ano'ng nangyayari?" narinig kong sambit ng isang pamilyar na tinig boses. Parang anghel, para kang inooyayi. Hindi nga ako nagkamali. Pagkalingon ko ay nakita ko si Romelyn. Nakita ko ang pagkagulat sa kaniyang mukha. Nanginig ang kaniyang kamay kayat mukhang babagsak na ang hawak niyang pagkain.
"Ang kapal ng mukha mong babae ka! Bakit ka pa buma─". Hindi ko na pinatapos ang pagsasalita ni Jocelyn. Hinigit ko na siya papunta sa lamesang bakante. Naroon pa ang pinagkainan ng kaaalis lámang na mag-ina.
Umupo kaming dalawa ni Jocelyn. Walang nagsasalita. Ang kaninang galit sa kaniyang mukha ay unti-unting napalitan ng awa.
Pumunta sa amin ang isang lalaki at nilinis ang lamesa. Doon ko napagtanto na wala na palang masayang tugtog, wala na si Dyolibi at wala na rin ang nagkakagulong mga bata.
"Totoy, kilala mo naman si John Paul 'di ba? 'Yong manliligaw ko?" tanong ni Jocelyn. Alam ko namang gusto niya lang ako libangin para mawala sa isip ko si Romelyn. Ito ang gusto ko sa kaniya. Sa tuwing alam niya na malungkot ako, ginagawa niya ang lahat ng kaniyang makakaya para maibsan ang kalungkutang iyon. Ngunit minsan, kahit ano'ng magagandang salita ang ipukol sa'yo, hindi pa rin nito napaglalaho ang katotohanan na malungkot ka. Na mayroong parte sa iyong pagkatao na sa sobrang sakit, hindi mo na nararamdaman ang pagmamalasakit ng iba dahil natatakot ka na baka kapag naalis na ng taong iyon ang iyong kalungkutan at napasaya ka niya, isang araw, hindi mo na magawa pang lumaban mag-isa sa kalungkutan dahil hinahanap-hanap mo na siya.
Kumusta na kaya si Romelyn ngayon? Narinig ko kanina na tinawag niya 'yong lalaki na 'Mahal ko'. Malamang, boyfriend niya ang taong 'yon. Hindi niya naman 'yon tatawagin ng ganoon kung kuya niya 'to o pinsan.
Napansin ko na nakatitig pa rin sa akin si Jocelyn. Nawala sa isip ko na mayroon nga pala siyang itinanong sa akin.
"Si John Paul? Oo, tanda ko siya. Ano'ng mayroon?"
Napayuko siya. "Feeling ko kasi, crush ke ne s'ye," maarte niyang sambit.
Nagulat ako. Hindi ko inaasahan na sasabihin niya sa akin ang bagay na ito. Parang mayroon akong kakaibang naramdaman. Nagagalit ako kasi mayroon siyang gusto at doon pa talaga sa nanliligaw sa kaniya. Marahil, ganito ang nararamdaman ko dahil bilang isang kapatid, gusto kong sa akin lang nakatuon ang kaniyang atensiyon. Siguro ganoon nga.
"Ano? Bakit? Kailan pa?"
"Bago lang. Bigla ko siyang na-miss. Dati, naiinis ako kapag lagi niya akong nilalapitan at kinakausap sa school. Pero nitong bakasyon, hinahanap-hanap ko siya."
Sinamaan ko ng tingin si Jocelyn. "Nami-miss mo lang pero hindi mo gusto!"
"Bakit ka ba nagagalit? Sinasabi ko lang naman! Marunong ka pa sa nararamdaman ko."
Bago pa ako sumagot ay dumating na sina Nanay. Hawak ni Tatay ang tray na naglalaman ng aming mga pagkain. Inilapag niya ito sa lamesa.
Umupo na sila. Tumabi sa akin si Tatay habang si Nanay naman ay tumabi kay Jocelyn. Nagsimula na kaming kumain. Habang kumakain ay hindi ko maiwasan na mapatingin kay Romelyn at sa kaniyang boyfriend. Habang nagsasalita siya ay nakatutok lámang sa cellphone ang lalaki. Hindi ko alam pero nalulungkot ako para sa kaniya. Sa nakikita ko, parang walang pakialam ang lalaki sa kaniya.
Bitter ka lang, sabi ng isang maliit na tinig sa aking utak. Bigla akong natawa. Baka nga.
Napatingin din si Romelyn sa akin. Nagkatitigan kami. Muling bumalik ang koneksyon na matagal nang naputol. Nabuo muli ang pisi na napigtas, nabuo muli ang puso ko na unang tumibok sa pag-ibig. Ngunit hindi rin ito nagtagal dahil umiwas siya bigla ng tingin. Itinuloy ko na lang muna ang aking pagkain. Napakaraming taón na ang lumipas. Bumalik na naman sa aking isipan ang nakaraan. Ang panloloko niya sa akin, ang pagbugbog sa akin nina Sergio, ang Tropang A.S.O.
Ngunit, sa likod nito ay naroon ang masayang katotohanan na wala na ang sakit. Ang lahat ay nakaraan na lámang. Sabi nga ng isang karakter na si Intoy sa It's not that Complicated ni Eros Atalia, "Nakaraan na ang lahat ng ito. Mahirap mabúhay sa lumipas. Ayoko naman na pangarapin nang husto ang darating na bukas. Tama siguro ang sabi ng ilang matatanda na ang nabubúhay sa kahapon ay nabubúhay sa buntong hininga at ang nabubúhay sa kinabukasan ay nag-aaksaya ng hininga. Ngayon ako humihinga. Ngayon ako dapat mabúhay."
"Grade 9 na kayo. Galingan n'yo lalo sa pag-aaral," biglang saad ni Tatay. Sumubo siya ng spaghetti. "Bawal muna magkaroon ng boyfriend, Jocelyn. At ikaw Totoy, wala ka pang sinasabi sa akin na nililigawan mo."
"Bakit po si Totoy, puwede? Bakit ako, hindi?" pagtatanong ni Jocelyn. Natawa kaming tatlo nina Nanay. Naalala ko noong nagpapaturo ako kay Tatay kung paano manligaw dahil gusto ko si Romelyn. Hindi niya 'yon sinagot dahil bata pa raw ako. Ngayon, siya na ang naghahanap ng ipakikilala ko sa kaniya na nililigawan ko.
"Babae ka, Jocelyn. Iyang si Totoy, walang mawawala sa kaniya kaya ayos lang," sabi ni Tatay.
"At uso ngayon ang maagang pagbubuntis. Mapupusok na ang mga kagaya ninyo," sabat naman ni Nanay.
"May nanliligaw na po kay Jocelyn."
Napainom siya ng softdrink. "A-Anong nanliligaw! Sinungaling ka!"
"Totoo naman! Sabi mo pa nga kanina, crush mo rin 'yong lalaki," pangungulit ko.
"Totoo ba 'yon, Jocelyn! Aba, 'wag mo muna isipin 'yon," pangaral ni Nanay.
"Hindi naman po kasi 'yon totoo," naiiyak na sagot ni Jocelyn.
Wala nang nagsalita sa amin pagkatapos. Alam kong nagalit sa akin si Jocelyn dahil sa pagiging madaldal ko. Hihingi na lang siguro ako ng patawad sa kaniya mamaya.
Nagulat kami nang biglang mayroong nagdabog. Napatingin ako sa puwesto nina Romelyn. 'Yong boyfriend niya pala ang gumawa ng ingay.
"Ayaw ko na. Sawang-sawa na ako!" saad nito at dali-daling iniwan ang lumuluhang si Romelyn. Gusto siyang lapitan at yakapin ngunit tila hindi ako makagalaw sa aking puwesto. Tumayo na rin siya at umalis.
"Gago 'yong lalaking 'yon. 'Wag kang gagaya sa kaniya, Totoy. Nakaaawa naman 'yong babae," sabi ni Tatay.
Nang natapos na kaming kumain ay nadaanan ko ang lugar kung saan nakapuwesto sina Romelyn kanina. Nakita ko ang isang panyo na nakapatong sa lamesa. Marahil naiwan niya ang bagay na 'to.
Kinuha ko ang panyo at inilagay sa aking bulsa. Nang nakalabas na kami sa Dyolibi ay mayroong matandang namamalimos sa tabi. Sa harap niya ay naroon ang isang lata na lalagyan ng barya. Patakan ng awa. Nanghingi ito ng limos sa amin. Hindi ko alam ngunit kapag nakakikita ako ng isang matandang pulubi, sobra akong nalulungkot. Kapag mga bata ang namamalimos, naiinis ako. Nagagalit pa kasi sila kapag maliit na halaga ang ibinigay mo.
Binigyan ni Nanay ng bente ang matanda. Sumakay kami ng jeep para umuwi. Pagkababa namin ay nakita ko ang isang babae na pamilyar ang mukha kahit malayo. Matagal din siyang nawala. Hindi ko makalilimutan ang kaniyang buhok. Tanaw na tanaw ko ang makukulay na pang-ipit. Ngunit, may isang parte ng kaniyang katawan ang tinutukan ko ng pansin. Malaki ang kaniyang tiyan. Napansin ko rin ang suot niyang damit na mahaba.
Bigla akong kinilabutan. Hindi ako makapagsalita.
Buntis si Miraquel.
"Jocelyn, si Miraquel ba 'yon?" tanong ko sa aking kapatid. Inialis niya ang kaniyang tingin sa kaniyang cellphone at tumingin sa aking itinuro.
Kumunot ang kaniyang noo. "Hindi. Ang laki kaya ng tiyan. Ano 'yon, buntis siya?" natatawa niyang tugon at naglakad na kasunod ng aming magulang.
Susunod na rin sana ako nang biglang nahimatay ang babae. Kitang-kita ko ang pagbagsak nito sa kalsada. Hindi nakakilos ang mga nasa paligid nito. Ang mga taong kumakain sa karinderya ay napatigil sa pagnguya, ang naglalarong mga bata ay napanganga at ang naglalakad na magkasintahan ay napasigaw. Dali-dali akong tumakbo. Lalong bumilis ang tibok ng aking puso. Tama nga ang hinala ko. Si Miraquel ang buntis na babae. Putlang-putla ang mukha nito. Kahit mabigat ay pinilit ko siyang buhatin.
"'Toy, kilala mo ba 'yan? Ilang araw na 'yang pagala-gala rito. Nanghihingi nga ng pagkain. Binibigyan ko ng sabaw at bahaw pero naiinis na ang mga costumer ko dahil ang kulit niya kaya hindi ko na siya pinapayagang pupunta rito," saad ng may-ari no'ng karinderya.
"Opo. Kaibigan ko po siya."
Nakita kong lumapit sa akin sina Nanay. Dali-daling tiningnan ni Jocelyn si Miraquel. "Si Miraquel nga! Bakit siya ganiyan? Ano'ng nangyari. Bakit siya nabuntis?" mabilis niyang pagtatanong. Kitang-kita ang pagtataka, pagkatakot at pangamba sa kaniyang mukha.
"Diyos ko. Nasaan kaya sina Mirasol?" tanong ni Nanay.
Kinuha sa akin ni Tatay si Miraquel. Siya naman ang nagbuhat dito. "Tara, dalhin natin siya sa bahay."
Habang naglalakad kami pauwi ay hindi ko maiwasang matulala. Alam kong lahat kami ay pare-parehas na mayroong katanungan. Bakit sa murang edad ay nabuntis si Miraquel? Sino ang ama ng batang dinadala niya? Nasaan ang kaniyang magulang?
Ngunit ang mga tanong na iyon ay tanging siya lámang ang makasasagot. Base sa kuwento no'ng babae kanina, ilang araw nang pagala-gala si Miraquel. Kung ganoon, maaaring naglayas ito sa kanila o kaya naman ay siya mismo ang pinalayas. Pero sa tingin ko, hindi naman sapat na dahilan ang pagkabuntis ng isang menor de edad na babae para itakwil ng kanilang mga magulang. Oo, nagkamali ito. Pero kaya nga sila naging magulang dahil para ituwid ang baluktot na ginawa ng kanilang anak. Kahit ano'ng mangyari, dugo at laman nila ang bumubuo rito. Parte ng kanilang pagkatao. At kahit kailanman, hindi dapat maputol ang pisi ng relasyon nila ng kahit na anong pagkakamali.
Ganoon din 'yong mga magulang na pinipilit ipagawa sa kanilang anak ang mga bagay na gusto nila. Tama nga na dapat nilang gabayan ang mga ito ngunit mali naman na gawin nila itong tila isang laruan na mayroong mga pisi na kanilang kinokontrol. May sarili itong isip at damdamin. Minsan, kailangan din ng mga ito na magdesisyon para sa kanilang sarili.
Nang nakarating na kami sa bahay, inihiga ni Tatay si Miraquel sa kama na nasa kuwarto ni Jocelyn.
"Magluluto muna ako ng makakain ni Miraquel. Sigurado, gutom na gutom na 'yan kaya nahimatay," mahinang sabi ni Nanay. Magkasabay sila ni Tatay na lumabas ng kuwarto.
Napatingin ako kay Jocelyn. Nakatulala ito habang nakatingin sa kaniyang kaibigan na matagal niyang hindi nakasama. Marahil ay naramdaman niya ang titig ko kaya biglang bumalik sa normal ang kaniyang kamalayan.
"Parang kailan lang, sabi sa akin ni Miraquel, kapag nagkita ulit kami, magugulat ako dahil mas lalo siyang gumanda. Dapat daw, ganoon din ako," naiiyak na sabi nito. "Pero bakit ganito siya ngayon? Sana, pinilit ko na lang sina Ka Ismael na huwag na sila lumipat ng bahay. Kung ginawa ko siguro 'yon, baka okay pa rin siya ngayon."
Hinaplos ko ang kaniyang braso. "Jocelyn, wala kang kasalanan sa nangyari. Hayaan mo, kapag nagising si Miraquel, malalaman mo ang lahat. Dapat nga matuwa ka kasi narito na ulit siya. May kasama ka na ulit sa pakikipaglandian."
Napatawa si Jocelyn sa aking sinabi. Mayroong luha na tumulo sa kaniyang mukha. Ang drama talaga nito.
Napatingin kami kay Miraquel nang gumalaw ito. Dahan-dahan niyang iminulat ang kaniyang mga mata. Nang naaninag na niya kami, biglang nag-iba ang ekspresiyon ng kaniyang mukha. Gulat na gulat siya.
"Totoy!" malakas niyang sambit habang niyakap ako nang mahigpit. Bigla siyang humagulhol. Nagkaroon ako ng kakaibang pakiramdam. Parang ayaw ko nang kumalas sa kaniyang yakap. Damang-dama ko na kailangan niya ng makakausap, ng makasasangga. Marahil ang tingin niya, nag-iisa na lámang siya sa mundo. Alam ko ang ganoong pakiramdam. Na tila gusto mo nang takasan ang lahat. Na sawang-sawa ka na dahil wala kang karamay.
Kumalas siya sa pagkakayakap. Napatingin siya kay Jocelyn. Dali-dali niya ring itong niyakap. Magkasabay na umiyak ang dalawa.
"A-Ano ba ang nangyari sa 'yo?" tanong ni Jocelyn.
"Napariwara na ako. Sorry, hindi ko matutupad ang pangako natin sa isa't isa."
Pinahid ni Miraquel ang kaniyang luha gamit ang kaniyang kamay. Kinuha ko ang panyo sa aking bulsa at iniabot sa kaniya. 'Yong panyo ni Romelyn na naiwan niya sa Dyolibi.
Muling pumasok si Nanay sa kuwarto dala ang isang mangkok. Umuusok ang laman nito. "Gising ka na pala, Miraquel. Ipinagluto kita ng sopas. Kumain ka muna." Ipinatong niya ang mangkok sa lamesa na kalapit ng kama ni Jocelyn. Kinuha 'agad ni Miraquel ang kutsara at sinimulan na ang pagkain. Halatang gutom na gutom ito dahil hindi niya iniinda ang init nito.
"Magbihis na muna kayong dalawa. Iwanan n'yo muna si Miraquel dito. Ako ang bahala sa kaniya."
Muli akong tumingin kay Jocelyn bago lumabas ng kuwarto. Nakita ko si Tatay na nanonood ng Showtime. Natatawa ito kay Vice Ganda dahil todo ito kung gumiling na tila wala nang buto sa katawan. Nang nakita niya ako ay bigla siyang ngumiti sa akin. "Kumusta 'yong kaibigan ninyo?" tanong niya.
"Kumakain na po."
Tumango lang si Tatay. Pagkapasok ko sa aking kuwarto ay dali-dali akong nagbihis. Kailangan kong mapuntahan ulit si Miraquel upang alamin kung bakit ganoon ang nangyari sa kaniya. Kahit inis na inis ako sa kaniya noon, kahit papaano ay naging parte rin siya ng aking búhay. 'Yong nakaiinis niyang pagsasalita, 'yong makukulay niyang mga ipit sa buhok.
Nang papások na ako sa kuwarto ni Jocelyn ay narinig ko ang boses ni Miraquel. "Si Sergio po ang ama."
Biglang uminit ang aking ulo. Puta, hanggang ngayon ba ay hindi pa rin tumitigil ang demonyo na 'yon?
Sa lahat ng tao, si Sergio pa talaga. 'Yong lider ng Tropang A.S.O. na nagpaikot sa isip ni Romelyn. 'Yong nagpabugbog sa akin. 'Yong nanlait kay Betong. Kahit kailan, hindi ko siya makalilimutan. Humada siya kapag nagkita kami, mapapatay ko talaga siya.
"Bakit si Sergio ang ama niyan? Naging boyfriend mo ba siya?" pagsisingit ko sa kanilang usapan. Nagulat si Jocelyn dahil sa aking boses. Hindi pa rin pala siya nakapagbibihis.
"Oo. Noong lumipat kami ng bahay, nagulat ako dahil naandoon siya," sagot ni Miraquel. Hindi na siya masyadong namumutla ngayon.
Lumapit ako sa kanila. "Alam mo namang wala sa matinong pag-iisip ang tao na 'yon, bakit pumayag ka pa na maging kayo?" naiinis kong sabi.
"Totoy! Bakit ganiyan ka magsalita kay Miraquel? Alam kong galit ka kay Sergio pero huwag mo idamay ang kaibigan mo," pangaral ni Nanay. Masama ang tingin niya sa akin.
"Noong una, hindi ako pumayag. Pero nang napagtanto ko na kailangan ko ng makakapitan, hindi na ako nagdalawang-isip pa na sagutin siya. Palaging wala si Tatay. Naglalasing. Si Nanay naman, wala nang pakialam sa aming magkakapatid. Hindi na kami nagpapansinan. Parang hindi na kami isang pamilya. Sa tingin ko, nag-iisa na ako sa búhay. Pero, no'ng naging kami ni Sergio, hindi ko na nararamdaman ang pag-iisa."
Napatango ako. "Pero . . . ano ang nangyari?"
"Tumagal kami nang ilang taon. Natuto akong uminom at minsan, gumamit ng droga. Madalang na akong umuwi sa bahay namin. Sa kanila ako nakitutulog. Wala rin naman 'yong mga magulang niya. Nagtatalik kami palagi pero wala namang nabubuo. Hindi ko inasahan na mabubuntis ako. Noong una, itinago ko kay Sergio ang bagay na 'to dahil alam kong iiwan niya ako kapag nalaman niya.
"Pero isang beses, nakita niya akong nagsusuka. Pinaamin niya ako. Noong sinabi ko na nakabuo kami, bigla niya akong sinampal. Ang tanga ko raw. Wala raw siyang maipapakain sa amin ng magiging anak ko. Pinalayas niya ako sa kaniyang bahay. Lahat, ginawa ko. Lumuhod ako sa kaniyang harapan, hinalikan ko ang paa niya. Napakababa na ng tingin ko sa sarili ko noong mga panahon na 'yon pero kailangan ko 'yong gawin para tanggapin niya ako.
"Pero, hindi niya pa rin ako tinanggap. Simula no'n, isinumpa ko siya. Kahit kailan, hindi niya mahahawakan ang anak namin. Umuwi ako sa aming bahay. Inamin ko na buntis ako. Noong una, hindi matanggap ni Nanay. Galit na galit siya sa akin. Pero hindi niya ako natiis. Sabi niya, huwag ko raw muna sabihin kay Tatay dahil hindi niya alam kung ano'ng mangyayari. Baka raw magkagulo pa lalo."
Habang nagkukuwento ay patuloy pa rin ang pagluha ni Miraquel. Wala talagang kuwenta ang Sergio na 'yon. Parang hindi siya tao. Mas masahol pa nga yata siya sa hayop.
"Nasaan na ang magulang mo ngayon?" pagtatanong ni Jocelyn.
Lalong lumakas ang pag-iyak ni Miraquel. "Noong nalaman ni Tatay na buntis ako, pinalayas niya ako sa bahay. Magiging pabigat daw ako sa kanila. Pero, nanlaban si Nanay. Ipinagtanggol niya ako. Noong panahon na 'yon, lasing na lasing si Tatay kaya hindi niya alam ang ginagawa niya. Habang nagtatalo silang dalawa, nakakuha 'agad ng kutsilyo si Tatay. Sinaksak niya si Nanay sa dibdib."
Nagulat ako dahil sa kaniyang sinabi. Hindi ko inaasahan na magagawa ni Mang Ismael ang pumatay ng tao. At asawa niya pa talaga. Oo nga't, pinapahirapan siya noon ng kaniyang asawa ngunit hindi naman 'yon sapat na dahilan para patayin niya ito. Nangako sila sa altar, sa harap ng Diyos. Ganoon ba talaga ang pag-ibig? Na kapag nawala ito, mapapalitan na ng poot ang lahat hanggang sa ang taong minahal mo noon ay hindi mo na makita bilang isang tao na naging magandang parte ng iyong búhay?
"Diyos ko. Sumalangit nawa ang kaluluwa ni Mirasol. Nasaan na si Ismael?" saad ni Nanay.
"Nakakulong na po. 'Yong mga kapatid ko, hindi ko na rin makita. Nagpalaboy-laboy na ako sa kalsada. Salamat po, tinulungan n'yo ako."
Muling niyakap ni Jocelyn si Miraquel. "Mula ngayon, kami na ang pamilya mo."
Kumalas si Miraquel sa yakap. "Talaga?" masaya niyang tanong. Napatingin siya sa amin ni Ina. Nakita ko ang ningning sa kaniyang mga mata. Kung kanina, ang mga ito ay tila isang kapirasong langit na walang bituin, ngayon, punong-puno na ito ng mga tala na nagpapakinang sa kaniyang pagkatao.
"Oo naman. Dito ka na titira. Aalagaan natin 'yang anak mo. Magkakaroon na ako ng apo," maligayang sambit ni Nanay.
"Teka, malaki na 'yang tiyan mo. Lalaki ba 'yan o lalaki?" tanong ko.
Napatungo si Miraquel. "Hindi pa, Totoy. Wala kasi kaming pera."
"Hayaan mo bukas, papatingnan natin 'yan sa doktor," singit ni Tatay sa aming pag-uusap. Nakangiti siya habang nakasandal sa pintuan.
Tumulo muli ang luha ni Miraquel. "Salamat po talaga."
"Tama na ang drama, sis. Sayang ang beauty natin. Bukas, papagandahin ulit kita. Ano ba'ng gusto mong pangalan sa anak mo? Siguro kapag babae, Lyn ang pangalan. Para malapit sa pangalan ko at maging kasing ganda ko siya. Kapag lalaki naman, huwag mo ilalapit sa pangalan ni Totoy. Ang pangit. Kadiri," sabi ni Jocelyn. Mukhang masayang-masaya siya dahil nagkaroon pa kami ng kapatid. Parang kailan lang, ako lang ang kasama nina Ina. Tapos ngayon, tatlo na kaming iniampon nila. Siguro, makalipas pa ng ilang taon, bahay-ampunan na 'tong bahay namin. Napatawa ako sa aking naisip.
Kinabukasan, maaga akong nagisíng dahil sa ingay na nasa labas ng aking kuwarto. Mga tawanan. Marahil, sina Jocelyn at Miraquel 'yon. Napakunot ang aking noo. Ayaw ko pa naman na magigising ako nang maaga lalo na kung puyat ako. Kagabi kasi, nag-isip pa ako ng maraming bagay bago nakatulog. Kagaya ng, ano kaya ang mangyayari sa búhay namin ngayong dumagdag na si Miraquel? Kapag nanganak siya, kamukha kaya ni Sergio 'yong bata? Sana naman hindi. Dahil kapag kamukha niya, maaalala ko lang 'yong hitsura ng demonyo na 'yon. Baka lahat ng galit ko sa kaniya, sa anak niya maibunton.
Pero hindi ko rin maiwasan na mapaisip na ano kaya ang pakiramdam ngayon ng sanggol na nasa tiyan ni Miraquel? Nararamdaman kaya nito ang nangyayari sa kaniyang ina? 'Yong pag-iyak nito, pagkagutom, paglalakad sa lugar na hindi alam kung saan tutungo. Alam kaya ng sanggol na 'yon na ligtas na sila sa piling ng aming pamilya?
Parang gusto ko muling maranasan maging sanggol. Naalala ko ang kuwento ng ilan na kapag namatay raw ang isang tao, muling magbabalik ang búhay nito sa katawan ng isang sanggol. Reincarnation kung tawagin nila. Kaya raw natatakot tayo sa mga bagay na hindi natin alam kung ano'ng dahilan kung bakit tayo natakot, iyon ay dahil sa dati nating búhay. Naging parte raw ang mga ito ng masasamang tagpo o minsan, naging dahilan ng ating kamatayan noon. Kung minsan naman, sinasabi rin na maaaring hindi tayo tao dati. Puwedeng halaman, hayop at iba pang mayroong búhay na makikita sa paligid.
Maaaring totoo ang mga iyon. Ngunit kung ako ang tatanungin, kung gusto kong mabuhay muli, ayaw ko nang mangyari ang mga bagay na sumubok sa aking kakayanan. Napakahirap. Mabuti na 'yong ako na ang nakaranas. Kaysa naman sa susunod na Totoy.
Pero, paano kung isa na rin pala ako sa produkto ng panibagong búhay mula sa isang tao? Paano kung dati pala akong mayaman? Pero hindi naman ako takot at nandidiri sa mga mahihirap. Kung dati akong pulitiko, hindi naman ako mukhang pera. Kung dati akong artista . . . puwede siguro. Guwapo naman ako.
Napakaraming misteryo ng búhay. Napakaraming haka-haka at teorya na kahit sino, hindi masabi kung totoo nga ba o hindi.
Bumukas ang pinto ng aking kuwarto. "Totoy, sasama ka samin? Papatingnan namin si Miraquel sa doktor," sabi ni Jocelyn. Napansin ko na nasa likod niya ang aming bagong kapatid. Totoo nga ang sinabi ni Jocelyn na papagandahin niya ito. Kung kahapon, halatang-halata na mayroong problema si Miraquel, ngayon, mukha na siyang anghel. Hindi kagaya noong mga bata pa kami na inis na inis ako sa pagmumukha niya. Wala na rin ang iba't ibang kulay na ipit niya sa buhok. Isang hairclip na lang ang nakakabit na nagbigay sa kaniya ng isang napakagandang imahe.
Parang isang obra na iginuhit ng isang mahusay na pintor. Napapikit ako. Hindi maaari. Kapatid ko na siya ngayon. Naiinis ako. Kahit si Jocelyn, pinupuri ko na rin. Mabuti pa noon. Naglalaitan lang kami. Hindi ko gusto ang ganitong pakiramdam.
"Hindi na. Inaantok pa ako," sagot ko.
"Bahala ka. Aalis din sina Nanay. Mag-ingat ka rito," sabi ni Jocelyn. Isinara niya ang pinto. Ilang sandali pa ay narinig ko na rin ang pagsasara ng gate. Nakaalis na silang lahat.
Masyado pang maaga, ayaw ko pang bumangon. Muli kong ipinikit ang aking mga mata. At unti-unti, idinuyan ako ng hikayat ng pagtulog mula sa pagitan ng misteryo ng daigdig at hibla ng kamalayan.
"LAGI na, si Rizal ay tinatalakay bilang isang lalaking mayroong malalim na pag-ibig sa bayan. Subalit tulad din naman ng isang karaniwalang nilalang ay marunong din siyang humanga at magmahal sa mga anak ni Eba," saad ni Ma'am Boryong habang kumakain ng mani. "Sinasabing ang unang pag-ibig ni Rizal ay nangyari noong siya'y labing-anim na taong gulang pa lámang. Naramdaman niya ang pag-ibig sa una nilang pagkikita. Ang babaeng iyon na nagpatibok sa kaniyang puso ay ang binibining taga-Lipa na si Segunda Katigbak."
Sari-saring komento ang sinabi ng aking mga kaklase. Na maaga raw rin palang lumandi si Rizal at uso raw pala 'yon noong panahon niya. Hanggang sa napunta na ang usapan sa babaeng nasa kabilang pangkat na buntis daw kaya lumalaki ang dibdib nito, sa isang gurong mayroon daw karelasyon na estudyante, sa pagpunta ng isa naming kaklase sa Boracay noong bakasyon, sa bagong shota ng paborito nilang artista at sa sex video ng dalawang mag-aaral sa kolehiyong kalapit ng aming eskuwelahan.
Pinalo ni Ma'am Boryong ang kaniyang lamesa. Kitang-kita namin ang pag-angat ng mga balat ng mani na kaniyang kinain. "Marunong din naman pala kayong manahimik," seryoso niyang saad. Tinaasan niya kami ng kilay. Mukhang bagong ahit na naman ang mga ito. "May kaliitan si Segunda. Mayroong mga matang nangungusap. Ngunit ang pinakanagustuhan ni Rizal sa dalaga ay ang pagpapakita nito ng marubdob na damdamin."
Biglang naging malungkot ang mukha ng aming guro. "Kay Segunda naramdaman ni Rizal ang isang hindi maipaliwanag na bighani. Ngunit, nagtapós ang kanilang kuwento sa isang mapait na pangyayari." Muli siyang kumuha ng ilang piraso ng mani at kinain. "Sa kasamaang palad, si Segunda ay nakatakda nang ikasal sa kaniyang kababayang si Manuel Luz."
Nalungkot ang aking mga kaklase. Ang kaninang mga nagkukuwentuhan ay napatitig na lámang sa kawalan. "Ngayon, gusto kong magsulat kayo ng liham. Isipin n'yo ang una ninyong pag-ibig. Alalahanin ninyo ang unang beses ninyong pagkikita, ang paggising ng inyong kamalayan sa isang napakasarap na pakiramdam. Gawin ninyong inspirasyon sina Jose at Segunda. Sa tingin ninyo, ano ang pakiramdam ni Rizal na ang kaniyang unang pag-ibig ay naging ganoon kapait? Para makakuha kayo ng mataas na marka, kailangan kong maramdaman ang sinseridad. Kailangan n'yong haplusin ang aking puso. Bibigyan ko kayo ng thirty minutes para matapos ang inyong liham. Simulan n'yo na."
Nagsimula nang magsulat ang aking mga kaklase. Nakita ko si Jocelyn na tila kinikilig pa habang nagsusulat.
Tinitigan ko ang aking papel. Iniisip ko kung sino nga ba ang aking unang pag-ibig. Hindi ko alam ngunit itinaas ko ang aking kamay.
"Ano 'yon, Totoy?" pagtatanong ng aming guro.
"Puwede po bang nanay ang ilagay bilang unang pag-ibig?"
Napasinghap siya. "Totoy, sabi ko, isipin n'yo na kayo si Rizal at susulatan n'yo si Segunda. Ang itinutukoy ko ay romansa sa pagitan ng isang babae at lalaki. Wala naman akong sinabi na isipin n'yong kayo si Rizal at sulatan n'yo si Donya Teodora."
Natawa ang aking mga kaklase. Napayuko ako dahil sa kahihiyan.
Isa lang ang naiisip ko. Si Romelyn ang aking unang pag-ibig. Ngunit, hindi ko maisulat dahil pakiramdam ko, mali. Mali na sulatan ko siya tungkol sa kung paano niya ginising ang aking kamalayan sa pag-ibig. Marahil totoo, ngunit, siya rin ang gumising sa akin sa katotohanan na masakit din ang magmahal.
"Totoy, labinlimang minuto na lang ang natitira. Magsulat ka na. Ikaw ang magbabasà mamaya ng liham mo rito sa harapan," saad ni Ma'am Boryong.
Magrereklamo pa sana ako ngunit tinaasan niya ako 'agad ng kilay. Makalipas ang ilan pang minuto, hindi ko alam na nagsusulat na pala ako. Bahala na kung ano ang kalalabasan nito.
Sa pagtatapos ko ng liham, inianunsyo ni Ma'am na tapos na ang aming oras. "Basahin mo na ang gawa mo rito, 'Toy."
Tumayo ako at lumakad papunta sa harapan. Huminga ako nang malalim.
"Para sa babaeng nagbigay sa akin ng kahulugan ng unang pag-ibig,
"Salamat sa pagpaparinig sa akin ng isang napakagandang musika. Sa bawat salita na iyong sinasambit, dinaig mo pa ang mga kumakanta sa Opera. Alam kong napakabata pa natin noong panahon na 'yon. Itinanong ko pa nga kay Tatay kung paano sumuyo ng isang babae. Gusto ko kasi, maging akin ka. Na wala kang kakausapin at iisipin kung hindi ako lang.
"Sabi ni Tatay, hindi sa lahat ng pagkakataon, iikot ang mundo mo sa akin. Pero napagtanto ko na sa oras na tumigil na ang pag-ikot ng mundo mo para sa akin, bibigyan at bibigyan pa rin kita ng isang bagong mundo. Isang mundong ikaw lamang at ako ang maninirahan. Gagawa tayo ng isang himlayan na habambuhay kukubli sa ating pagkatao," pagbabasà ko. Nakita ko ang reaksyon ni Ma'am Boryong at ng aking mga kaklase. Mukhang naramdaman nga nila ang aking liham. "Alam kong alam mo rin na sinaktan mo ako. Ikaw ang nagbigay ng pinakamatamis na 'Kumusta' at ikaw rin ang naghandog ng pinakamapait na 'Paalam'. Alam kong alam mo na winasak mo nang paulit-ulit ang aking puso.
"Ngunit sa huli, naroon pa rin naman ang katotohanan na naging parte ka ng aking buhay. Ikaw ang aking unang pag-ibig. Hindi na magbabago 'yon. Hanggang sa aking kahuli-hulihang hininga at pagpikit ng aking mga mata, hindi ka mawawala sa aking alaala.
"Salamat sa lahat, R. Salamat.
Nagmamahal, Totoy."
Nagpalakpakan ang aking mga kaklase samantalang pinahid naman ni Ma'am Boryong ang kaniyang luha. Umupo ako sa aking upuan habang nakatungo.
"Napakaganda naman no'n, Totoy. Sino ba si R?" tanong ni Ma'am.
Nakisabat din ang aking mga kaklase at pilit akong kinukulit. Napatingin ako kay Jocelyn. Walang reaksiyon ang kaniyang mukha. "W-Wala po. Hindi na po 'yon mahalaga."
Natapos na ang aming klase. Hinanap ko si Jocelyn ngunit nauna na raw itong umuwi ayon sa isa kong kaklase.
Narinig kong kumulo na ang aking tiyan. Hindi ko alam ngunit parang gusto kong kumain sa Dyolibi. Tiningnan ko ang aking pitaka at nakita kong mayroon akong pambili kahit burger lang.
Pagkarating ko sa kainan, nakita kong muli ang babaeng tinutukoy ko kanina sa liham. Si Romelyn. Mag-isa itong kumakain habang nakatulala. Kitang-kita na mayroon siyang problema.
"Sir? Sir?"
Bigla akong nagulat sa pagtawag sa akin ng lalaking nasa aking harapan. Malaki ang ngiti nito. "A-Ano? Bakit?"
Napatawa siya. "Ano po ang order n'yo, Sir?"
"Sorry," natatawa kong sambit. "Isa ngang burger at Coke."
Kinuha niya ang aking bayad. Hanggang ngayon, nakangiti pa rin siya. Hindi ko alam pero minsan, naaawa ako sa mga kagaya niya. Minsan kasi, mayroon akong nakasabay na customer. Sobrang sungit. Nilait niya 'yong kumukuha ng order niya. Kahit ganoon, nakangiti pa rin 'yong kaniyang nilalait. Pero, kitang-kita ko sa mga mata nito na nasaktan siya sa sinabi no'ng customer. Kung papatulan niya nga naman, baka masisante siya.
Sa mga ganitong lugar, naroon pa rin ang sistema ng tatsulok. Ngunit bigla kong naisip na hindi naman mawawala ang sistema na 'yon. Dahil kahit baliktarin mo man ang tatsulok, hindi pa rin ito mababalanse. Magkakaroon pa rin ng nasa itaas at nasa ibaba. Hindi na 'yon magbabago.
Siguro ang dapat na mangyari, maging bilog na lang ang sistema. Isang siklo. Isang walang katapusang pagbabago. Walang itaas, walang ibaba.
"Sir? Sir?"
Muli na naman pala akong nawala sa sarili. "Ano?"
Natawa na naman 'yong lalaki. "Heto na po ang order n'yo. Enjoy!" masaya niyang sambit.
"Sorry ulit. Salamat," tingnan ko ang name tag niya "Ace".
Naalala kong naroon pa rin si Romelyn sa puwesto niya. Nakatulala pa rin siya. Ang kaibahan lang, wala na siyang kinakain.
Tinibayan ko ang aking loob at umupo ako sa upuan na nasa harapan niya. Nakita ko ang pagkagulat sa kaniyang mukha. "T-Totoy?"
"Romelyn."
Nangibabaw na ang katahimikan sa aming dalawa. Naririnig ko ang paghinga niya. Marahil, kinakahaban siya.
"Mahilig ka pala kumain dito," pagbasag ko sa katahimikan. Alam kong napakawalang kuwenta ng pahayag na 'yon.
Napatungo siya. "O-Oo. Naging paborito ko na kasi 'to. Dito kami laging kumakain ni . . ." Hindi niya naituloy ang kaniyang sasabihin dahil bigla na siyang umiyak.
"Ayos ka lang?" pagtatanong ko. Alam kong napakagasgas ng tanong na 'yon at wala ring kuwenta dahil kitang-kita naman na wala siya sa maayos na kalagayan. Hindi ko alam kung bakit ako nagkakaganito.
"Ang sakit, Totoy. Minahal ko siya. Siya ang first love ko," saad niya.
Bigla akong nasaktan. Bakit ko nga ba naman inisip na ako rin ang una niyang pag-ibig? Isang napakalaking kahibangan. Siguro nga, ginamit niya lang talaga ako para makapasok siya sa Tropang A.S.O. Akala ko, kahit kaonti, mayroon siyang naramdaman para sa akin.
Huminga ako nang malalim. "Ano ba ang nangyari?"
"Siya si Pochollo. Grade 7 ako no'ng naging boyfriend ko siya. Mas matanda siya sa akin nang dalawang taon. Minahal ko siya nang sobra, Totoy. At alam kong minahal niya rin ako nang ganoon," sambit niya. "Noon pa man, adik na talaga siya sa mga computer games. Sinusuportahan ko siya lalo na kapag nananalo siya. Pero kahit ganoon, mayroon pa rin naman siyang oras para sa akin. Lagi niya akong dinadala rito sa Dyolibi para kumain."
Kaya pala galit na galit siya no'ng kinuha ni Jocelyn ang cellphone niya habang naglalaro siya. Ganoon siya kaadik.
"Bigla na lang siyang nagbago. Biglang lumayo ang loob niya sa akin. Mas naadik na rin siya sa paglalaro. Alam kong mayroon siyang problema at hindi niya 'yon masabi sa akin. Hindi kasi siya magaling maglabas ng mga saloobin niya. Pero, hindi naman 'yon sapat para iwanan niya na lang ako bigla, 'di ba? Sabi niya, sawang-sawa na raw siya."
"Ano ang plano mo ngayon?"
"Gusto ko siyang kalimutan. Pero, kahit saan ako tumingin, siya ang naaalaala ko. Iba ang idinulot niyang pagmamahal sa akin. Siya ang una kong pag-ibig. At baka, siya na rin ang huli."
Tiningnan ko siya sa mata. "Romelyn, naiisip mo lang ang mga bagay na 'yan dahil nasasaktan ka. Kailangan mong tanggapin na tapos na ang kuwento niyo. Kung magpapakulong ka sa kaniya habambuhay, para mo na ring tinuldukan ang lahat. Tayo ang manunulat ng sarili nating búhay. Kung sasabihin mo na siya na ang una at huli mong pag-ibig, isa kang napakawalang-kuwentang manunulat. Sayang ang ganda ng búhay, sayang ang mga pagkakataon."
"Bakit ka ganiyan, Totoy? Bakit mo ako kailangang bigyan ng advice? Dapat, galit ka sa akin. Dapat, hindi mo ako kinakausap ngayon."
"Gusto ko kasing maging makabuluhan ang búhay ko. Isipin mo, kung habambuhay akong magagalit sa 'yo, mayroon kang kausap ngayon? Baka kung hindi kita nilapitan, langawin ka na lang diyan habang iniisip 'yong walang kuwentang "first love" mo."
Tumayo na ako at kinuha ang aking binili. Hindi ko namalayan na nawala na pala ang gutom ko.
Pagkauwi ko sa aming bahay, narinig kong nag-uusap sina Jocelyn at Miraquel. Nasa kuwarto sila kaya hindi nila nakita ang pagdating ko.
"Nakaiinis naman kasi. Alam naman niyang sinaktan siya ni Romelyn. Bakit 'yong impakta pa rin na 'yon ang sinulatan niya ng liham? Minsan, bobo rin talaga 'yong si Totoy," naiiritang sabi ni Jocelyn.
"Sis, 'wag ka ma-stress, naririnig ka ni Baby Kirvy," saad ni Miraquel habang hinahaplos niya ang kaniyang tiyan. "Baka naman kasi first love niya talaga si Romelyn. Wala naman tayong magagawa ro'n. Alam mo na . . . boys."
"Basta, naiinis ako!"
"Wala kang dapat ikainis, Jocelyn."
"'Tang-ina naman, siya ang sinulatan ko sa letter. Si Totoy 'yong first love ko! Nakaseselos. Kasi si Romelyn, walang ginawa kung hindi saktan siya. Tapos ako, nagpapakatanga. Lagi kong ipinaparamdam kung gaano ko siya kamahal. Hindi niya naman ako magawang mahalin pabalik."
Napatigil ako sa aking kinatatayuan. Naihulog ko sa sahig ang burger na aking binili. Narinig ito nina Jocelyn. Gulat na gulat silang napatingin sa akin.
"Kanina ka pa riyan?" kinakabahang tanong ni Jocelyn.
"Watdapak!" sambit ni Miraquel.