Chereads / TOTOY [Filipino Novel] / Chapter 8 - Paghintay

Chapter 8 - Paghintay

Nakatitig ako sa nagsasalita sa unahan. Unang araw na naman ng pasukan, ngunit marami na kaagad siyang ibinigay na gawain. Hindi ko maiwasang mainis sa nagsasalita sa unahan. Si Sir Durian.

Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung ano ang kaniyang pangalan. Mula sa kaniyang balingkinitang katawan, sa malaki niyang mata, sa itim niyang buhok at sa maputi niyang kutis ay tinititigan ng marami. Siya ang kauna-unahang nagbigay sa amin ng assignment, sabagay dalawa lang naman silang teacher namin ngayong Grade 6. Kailangan pa naming pumunta ni Jocelyn sa computer shop para makapag-search.

Tuwang-tuwa ako nang sinabi niya na uwian na. Nagkagulo ang aking mga kaklase habang papauwi. Hinintay ko pa si Jocelyn dahil pumunta siya sa banyo. Dala niya ang pulbos, suklay at pabango. Mag-aayos lang daw siya. Para saan? Mayroon na ba siyang crush? Hindi puwede. Masyado pa siyang bata para roon. Grade 6 pa lang kami. Pero sabagay, ako nga noon kay Romelyn, Grade 2 pa lang.

Lumabas na si Jocelyn sa banyo. Nakaipit ang kaniyang buhok at mas pumuti ang kaniyang mukha dahil sa pulbo. Ngunit bigla akong nairita nang lumapit siya sa akin. Ayaw ko sa amoy niya. Parang kendi na may halong prutas. Nakasasawa ang amoy. Masyadong pambabae.

"Tara na, Papa Totoy."

Napakunot ang aking noo. "Bakit ganiyan ka magsalita?"

"Wala naman. Ginagaya ko lang 'yong ipinapanood sa akin ni Miraquel. Pabebe na rin ako."

"Iyan, mga ganiyan ang mga napapala mo kay Miraquel. Puro kakirihan."

Bigla siyang natawa. "Paepal ka. Sa tingin mo, bagay sa akin magpaahit ng kilay?"

"Hindi. Magmumukha kang kalabaw," sagot ko. "Tara na nga. Marami pa tayong gagawin."

Kumindat lang siya sa akin at naglakad nang kumekembot ang puwet at balakang.

Pagkarating namin sa computer shop ay natagpuan namin si Miraquel na may pinapanood. "Jocelyn, tingnan mo. Gayahin natin bukas," sabi niya.

Sinilip ko kung ano iyon at nakita ko ang dalawang babaeng nagsasalita na tila may inaaway. Sila raw ang 'Pabebe Girls' at may sumingit pang boses na "Tama na 'yan."

"Ay, sige. Bet ko," sabi ni Jocelyn. Nang nakita niya na parang naiinis na ako, tinanong niya si Miraquel. "May nahanap ka na bang assignment natin?"

Lumayo na ako sa kanila. Hindi ko kayang marinig ang mga boses na ganoon. Parang iniipit na ewan. Pero bigla kong naalala, hindi ako marunong gumamit ng computer. Hindi naman ako kagaya ni Miraquel na laging tambay sa lugar na ito.

Nilapitan ako nina Jocelyn at Miraquel. Binuksan nila ang computer na nasa aking harapan.

"Oo nga pala, wala pa kayong Facebook ano?" tanong ni Miraquel. Mabuti naman at bumalik na sa normal ang boses niya.

Tumango si Jocelyn. "Oo. Ipaggawa mo nga ako," natutuwa na sabi ni Jocelyn.

"Anong Facebook? Mamaya na 'yon. Baka gabihin na tayo rito. Simulan na natin 'tong ipinapagawa ni Durian," naiirita kong sabi.

Inirapan ako no'ng dalawa. Sinimulan na namin ang aming gawain. Si Miraquel na ang nasa harapan at siya ang nagta-type. Bibigyan niya na lang daw kami ng kopya.

Nang matapos na siya ay nakita ko na binuksan niya ang Facebook. Sabi ni Nanay, 'wag na raw muna kaming gumamit ng ganoon. Baka masira ang pag-aaral namin.

"Jocelyn Gutierrez ang pangalan mo sa Facebook. Ano'ng gusto mong profile picture?" tanong ni Miraquel sa nakangiting si Jocelyn.

"Artista na lang muna. Ilagay mo si Julia Montes. Kamukha ko naman iyon."

"Ang kapal naman!" sabi ni Miraquel. "Mas maganda naman ako ro'n."

Habang nagkakasiyahan ang dalawa ay tumingin ako sa paligid.

Mayroong mga batang naglalaro. Kung hindi ako nagkakamali, DOTA. Isinasama ako ni Leo sa paglalaro noon pero lagi akong tumatanggi. Maraming nagmumurahan at nagsisigawan. Ang iba naman ay gumagamit lang din ng Facebook. Ang iba ay gumagawa ng takdang-aralin. Walang pakialam ang kahera. Nakasuot lang siya ng headphones at parang mayroong pinapanood.

"Naiinip ka na, Totoy?" tanong ni Jocelyn. " Gusto mo rin magkaroon ng FB? Ang ganda. Friend ko na 'yong mga kaklase natin. Iba pala ang mukha ni Allana sa computer. Ang puti ng mukha niya."

"Malaman, nakailang patong 'yan ng filter. Todo edit kaya 'yan sa mga pictures niya," mataray na sagot ni Miraquel.

"Hindi na. Umuwi na tayo, Jocelyn. Baka pagalitan tayo ni Tatay."

"Kahit kailan KJ ka talaga. Parang ikaw ang babae sa inyo ni Jocelyn. Hindi kayo uuwi hanggat hindi ka pumapayag na magpagawa ng Facebook," matigas na sambit ni Miraquel.

Gusto ko siyang sigawan ngunit dahil ayaw ko ng gulo, pumayag na ako sa sinabi niya. Tuwang-tuwa namang sumigaw ang dalawa.

"Ano'ng gusto mong pangalan, Totoy? Ang korni kasi ng pangalan mo."

"Edi ibahin mo na lang," walang gana kong sabi.

"Dahil masungit ka, Boy Sungit na lang ang ilalagay ko. O baka naman, Boxcz Sunqit ang gusto mo?" tanong niya sa akin habang itina-type ang mga pangalan na sinasabi niya.

"Ano bang mga pangalan 'yan? Huwag ganiyan," naiirita kong sagot.

"Julius na lang kaya? Kamukha mo naman si Sir Julius, e," suhestiyon ni Jocelyn.

Bigla kong naalala si Tito. Matagal na rin kami nang huli kaming nag-usap. Nagbakasyon kasi siya sa probinsiya para magnilay-nilay.

"S-Sige," sagot ko. "Bahala kayo."

"Julius Gutierrez ang pangalan mo. Ano'ng DP ang gusto mong ilagay?"

"DP?" nagtataka kong tanong.

"Da Pak, Totoy. Nakakainis naman. Hindi ka naman tagabundok pero hindi mo 'yon alam? Display Picture 'yon. Iyon ang lalabas na mukha mo sa internet," dahan-dahan niyang sabi na parang tinuturuan niya ang isang sanggol.

Hindi ko alam kung ano'ng nagustuhan ni Jocelyn sa ugali niya. Naiinis ako sa mga pananalita niya. Nakaiirita. Mas gugustuhin ko pang manahimik na lang sa isang tabi kaysa makausap at makasama ang isang kagaya niya.

"Ikaw ang bahala. Ikaw ang gumagawa, e."

"Suplado! Itim na lang ang ilalagay ko. Bitter ka kasi," mataray niyang tugon.

Natawa na lang si Jocelyn sa aming pag-uusap. "Ang cute n'yo. Baka mamaya, kayo ang magkatuluyan. Nakakakilig," sabi ni Jocelyn.

"Tumigil ka nga! Nakakadiri!" sabay naming sambit ni Miraquel.

"Grabe naman. Sige, tatahimik na," sabi ni Jocelyn.

"Kapag marunong na kayo sa Facebook, tuturuan ko kayong magpalit ng password. Dapat, kayo lang ang nakaaalam no'n. Kapag may nakaalam na iba, puwede nitong sirain ang dignidad n'yo," seryosong sabi ni Miraquel.

"Oo na. Tara, Jocelyn. Gabi na," walang emosyon kong sabi.

"S-Sige. Bye, Miraquel. Video tayo bukas, ha."

Kinuha na namin ang aming assignment at iniwan si Miraquel sa loob ng computer shop.

Habang naglalakad kami papauwi ni Jocelyn ay may nakita kaming nagkakagulo. Nagwawala si Mang Ismael, ang ama ni Miraquel. Hawak nito ang isang itak habang lumuluha. Ito ang unang pagkakataon na makita ko siyang ganoon. Nag-away na naman ba sila ng asawa niya?

Inaawat si Mang Ismael ngunit hindi pa rin ito nagpapapigil. Marami ang nagtangkang kumuha ng kaniyang itak ngunit, wala silang nagagawa. Pumasok sa isipan ko si Miraquel na kasalukuyang nagpapakasaya pa rin sa loob ng computer shop.

Ano kaya ang nangyayari sa kanilang pamilya? Laging tampulan ng tsismis ang mag-asawang iyon. Walang araw na hindi sinisigawan ni Aling Mirasol si Mang Ismael. Hindi raw nito ginawa ang gawaing-bahay. Hindi ko alam kung bakit tumagal sa búhay na 'yon ang tatay ni Miraquel. Marahil ay dahil sa pag-ibig, marahil ay dahil sa sinumpaang pangako. Pero natatakpan ba no'n ang katotohanan na iginagastos lang ni Aling Mirasol ang kanilang pera sa sugal?

"Lumayo kayo sa akin! Hindi ko kayo kailangan!" sigaw ni Mang Ismael. "Ilabas n'yo si Mirasol at susuklian ko ang mga ginagawa niya sa akin!"

Tumingin ako kay Jocelyn. "Tawagin mo na si Miraquel. Bilisan mo. Tumawag na rin kayo ng puwedeng tumulong sa atin."

Mabilis na tumakbo si Jocelyn. Nakita ko ang mata ni Mang Ismael. Puno ito ng sakit, ng poot. Siguro ay naputol na ang pisi na matagal na niyang iniingatan. "Ismael, itigil mo na ang kalokohang iyan. Ang lahat ng problema ay magiging maayos sa pamamagitan ng masinsinang usapan," sabi ng isang lalaki.

"Nagawa ko na ang bagay na iyon pero wala pa ring nangyari. Sawang-sawa na ako sa búhay ko," tugon ni Mang Ismael habang tumutulo ang luha sa kaniyang mukha.

Nagkagulo ang mga tao nang lumabas si Aling Mirasol. "Ismael, tigilan mo na iyan. Mag-usap tayo sa bahay. Nakakahiya ka!"

"Ngayon ka pa nahiya? Pagkatapos mong ipangalandakan sa maraming tao kung gaano ako kababa, ngayon mo pa naisip 'yan?"

Tahimik lámang ang mga tao. Parang nanonood ng isang teleserye. May inaabangang tagpo. May inaabangang pagtatapos.

Umiyak na rin si Aling Mirasol. Marahil ay napagtanto niya ang lahat ng kaniyang ginawa.

"Bakit ka ba naging ganiyan? Hindi tayo ganito dati, Mirasol. Kailangan bang humantong sa ganito ang lahat? Kailangan bang gumawa ako ng malaking eksena para matauhan ka?" umiiyak na saad ni Mang Ismael. "Pinakasalan kita dahil alam kong para tayo sa isa't isa. Pero bakit ganito ang iginanti mo sa akin? Ilang taon akong nagtiis dahil alam kong magbabago ka pa. Pero wala na. Nagsawa na ako. Ngayon ko lang napagtanto na hindi lahat ng naghihintay, may inaabangan."

Napaisip ako sa sinabi niya. Siguro, isa sa pinakamasakit na katotohanan sa mundo ay ang katotohanan na hindi lahat ng tao ay magbabago. Kahit na pilit itong baguhin, hindi iyon mangyayari kung sarado ang kaniyang isipan, kung walang espasyo ang kaniyang puso para sa pagbabago.

"Tama na po! Nakakahiya na kayo. Lagi na lang bang ganito? Kailangan, laging may nakakakita sa pag-aaway n'yo? Hindi teleserye ang búhay natin, Tatay, Nanay!" sabi ni Miraquel. Kasama nila ni Jocelyn ang mga tanod ng baranggay. "Sige! Kung gusto niyong magsaksakan diyan, bahala kayo. Huwag n'yo isipin na mayroon pa kayong anak!"

Napatulala na lang si Mang Ismael kayat mabilis na nakuha ng isang tanod ang hawak nitong itak. Nang matauhan, naglakad na lang ito patungo sa kanilang bahay. Naiwan si Aling Mirasol na napaupo sa kalsada habang nakatulala.

Unti-unti nang umaalis ang mga tao dahil tapos na ang drama. Hinihimas ni Jocelyn ang likod ng tumatangis na si Miraquel.

"Uuna na ako. Balitaan mo na lang ako. Umuwi ka na rin kaagad para hindi ka masyadong gabihin," sabi ko kay Jocelyn.

"S-Sige, Jocelyn. Sumama ka na pauwi kay Totoy. Kaya ko na 'to," sabat ni Miraquel.

Ngayon ko lang nakita na magulo ang kaniyang iniingatang buhok. Hindi ko alam pero natatawa ako kahit ganito ang situwasyon. Pinipigilan ko na lang bilang respeto sa kaniya.

"Sigurado ka? Sige. Mag-ingat ka. Magkakaayos din kayo," tugon ni Jocelyn at tumayo na sa kaniyang puwesto.

Tahimik lang kaming naglakad. Masyadong maraming nangyari sa araw na ito. Pagkarating namin sa bahay ay nakita namin ang nag-aalalang mukha ni Nanay.

"Saan kayo galing? Pinapuntahan ko pa kayo sa tatay n'yo. Akala ko, hindi pa kayo nakaaalis sa school."

"Gumawa pa po kasi kami ng assignment sa computer shop kaya natagalan," sabi ni Jocelyn.

"Nakipanood din po sa live na teleserye sa kalsada," natatawa kong sambit.

"Anong teleserye?" nagtatakang tanong ni Nanay.

Nilakihan ako ng mata ni Jocelyn. Tumingin siya kay Nanay. "'Yong pamilya po ni Mang Ismael. Gumawa na naman ng drama kanina."

"Kayo talaga. Sa susunod ay huwag na kayo makikialam sa mga ganoon. Tsimoso't tsismosa."

Napatingin kami sa bagong dating na si Tatay."Buti naman at naandito na kayo. Muntik na akong magpatulong kanina sa mga pulis para mahanap kayo," sabi niya.

"Ang O.A. n'yo na naman po. May ginawa lang po kasi kaming mahalaga kaya natagalan," natatawang sabi ni Jocelyn.

"Mario, pagsabihan mo ang mga batang iyan. Lumalaking tsismoso at tsismosa. Nanood pa pala ng bangayan nina Ismael at Mirasol kanina kaya ginabi," seryosong sambit ni Ina.

"Malamang nagmana sa'yo," sabi ni Ama na nagdulot ng aming pagtawa.

"Hoy! Kahit kailan hindi ako nakisali sa ganoon. Ang suwerte mo nga dahil ako ang asawa mo."

Ang sarap nilang panoorin. Napakasuwerte ko dahil sila ang aking naging pamilya. Nagpapasalamat ako dahil nalampasan na namin ang hirap. Alam kong mayroon pang darating na ganoon ngunit alam ko rin na malalampasan ulit namin ang mga iyon dahil mayroon kaming pagmamahal sa isa't isa.

"Suwerte ka rin naman dahil ako ang naging asawa mo. Bukod sa guwapo na, masipag at mabait pa."

Napangiti na lámang si Nanay at umirap sa kindat ni Tatay.

Pagkatapos naming mag-usap-usap ay naglinis na kami. Pagkahiga ko sa aking kama ay bumalik sa aking isip ang tagpo kanina. Ngayon ay naiintindihan ko na si Jocelyn kung bakit kinaibigan niya si Miraquel. Alam niyang may problema ito sa pamilya. Alam niyang mabilis mawasak ang puso nito.

Naisip ko rin na hindi nga pala namin tunay na magulang ang aming tinutuluyan ngayon. Pero daig pa namin ang isang tunay na pamilya. Daig pa namin ang magkakadugo.

Puno ng sakit, pangamba, pagmamahal, galit, poot, kasiyahan at marami pang mga bagay ang mundo. Ngunit ang mundong iyon ay hindi mabubuo kung hindi mararanasan ang lahat. Dahil ang tunay na kasiyahan sa mundo ay makakamit lámang kapag nalampasan na ang lahat ng masasakit na tagpo ng búhay.

Alam kong matatapos din ang kasiyahan ko ngayon ngunit sisiguraduhin ko na kaya ko muli itong ibalik dahil kasama ko ang aking pamilya.

Sa ngayon ay ipipikit ko na lang muna ang aking mga mata. Hihintayin ang bagong umaga upang harapin ang bagong búhay. Kung ito man ay puno ng sakit, luha o kasiyahan.