Ang eskinita ay binabalutan ng dilim ng gabí at natatalsikan lámang ng kakarampot na liwanag ng buwan. Habang naglalakad at dala-dala ang ipinabili ni Nanay na kamatis ay tiningnan ko ang kalangitan. Punô ito ng mga talà, samantalang ang mga bubong ng mga bahay ay tila maruruming mukha na gawa sa yero, iba-iba ang sukat, at lahat, kalawangin. Ang iba'y may nakapatong na gulong ng trak o mabibigat na bato upang sa pagdating ng malakas na hangin ay hindi ito tangayin. Sa lugar na ito ako nagkaisip. Dito ko binuo ang aking mga pangarap.
Mukhang nakarating na si Tatay mula sa pagbebenta sa junk shop dahil nasa labas na ng pinto ang kaniyang tsinelas. Pumasok na ako sa aming bahay. Tagpi-tagpi ang dingding ito, may kalawangin ding bubong at mahuhunang mga kahoy kagaya ng mga bahay sa lugar namin. Isang makitid na parisukat. Naroon na ang lahat. Ang mga gamit sa kusina at ang banig na nasa isang sulok na katabi ng unan at kulambo na gagamitin sa pagtulog.
Natagpuan ko ang magulang ko na naghahanda ng aming hapunan. Ngunit may bago sa tagpong iyon. Kasama nilang naghahanda ang isang batang babae na kasing edad ko. Nakita ko ang bungi nitong ngipin dahil sa laki ng ngiti niya sa akin.
"Iyan na pala si Totoy," pagpansin ni Tatay sa presensiya ko. "Ilagay mo na 'yong kamatis dito para masarap ang kain natin."
"Totoy, si Jocelyn nga pala. Mayroon ka nang makakalaro," sabat ni Nanay. "Nakita raw siya ng Tatay mo sa kalsada kanina. Iniwan daw ng Papa niya."
Tumingin si Nanay kay Tatay. Tila sinasabi na sabihin na sa akin ang balak nilang mangyari.
"Aampunin na namin siya ng Nanay mo."
Kailan ba naging bahay-ampunan 'tong bahay namin? Alam naman nilang nahihirapan na kami, magdaragdag pa sila ng palamunin.
Hindi ako nagsalita. Umupo na lang ako upang kumain. Kukuhanin ko sana 'yong isang tuyo pero nakasabay ko rin si Jocelyn kayâ nahawakan ko ang kamay niya. Bigla ko itong inialis. Ayaw kong mahawakan niya ako. Naiinis ako sa kaniya. Nakaiirita ang mahaba niyang buhok, ang mapupungay niyang mga mata, ang mapula niyang labi. At lalo na ang bungi niyang ngipin!
Pagkakuha ko ng ulam at kanin ay tumayo na ako at lumayo sa kanila. Paano ako makakakain nang maayos kung nakikita ko ang mukha niya? Bakit pa kasi kailangan pa nilang ampunin 'yon? Paano kung magnanakaw pala siya? Sabagay, wala naman siyang makukuha sa amin. Pero paano kung may kasabuwat siya at bigla na lang kaming patayin?
Napailing ako. Bakit ba ganito ako mag-isip? Ang sakit sa ulo ng babaeng 'yon. Sino ba siya para ganituhin ako?
Pagkatapos naming kumain ay pinatulog na kami nina Tatay. Sa akin ipinalapit ni Nanay si Jocelyn dahil parang magkapatid na raw kami. Hindi ko naman magawang tumanggi dahil bakâ paluin pa nila ako.
"Okay lang ba sa 'yo na maging close tayo?" pagtatanong niya habang nakahiga na kami sa banig. Matinis at masakit sa tainga ang boses niya. Mas nakaiinis pa kaysa sa talak ni Aling Chichi sa tuwing umuutang ako. Hindi ko sana siya sasagutin ngunit, biglang sumabat si Tatay.
"Totoy, kinakausap ka. Huwag ka ngang bastos."
Mas lalong uminit ulo ko.
Tumingin ako sa kaniya. "Oo naman," walang gana kong sagot sa tanong ni Jocelyn.
Bigla akong nagsisi dahil nagsalita pa ako. Hinalikan niya kasi ako sa pisngi at nagpasalamat. Hindi ako makakilos. Para akong ipinako. Bakit naman kailangan pa niya akong halikan?
Nagtalukbong na lámang ako ng kumot habang iniaalis sa aking isipan ang mukha ng nakaiinis, nakaiirita, at nakaiinit sa ulo na babae.
Kinabukasan ay dali-dali akong gumising dahil kailangan ko pang makipagsagupaan sa mabibilis na sasakyan at nagmamadaling mga tao upang dalhin ang mga bote sa junk shop ni Aling Anna. Kailangan ko itong ipakilo upang maibenta. Natutulog pa nga si Jocelyn noong umalis ako.
Malapit na ako sa kaniyang tindahan nang bigla akong harangin nina Sergio. Kilala ang kanilang grupo bílang Tropang A.S.O o Astig, Sutil at Owsom.
Lagi nilang hinaharang ang mga batang kagaya ko para kuhanin ang mga nakolektang bagay na maaaring ibenta. Noong una'y gusto kong mapasali sa grupo nila pero bigla kong naalala na masama ang kanilang ginagawa.
Wala na naman akong magagawa ngayon. Naipit ako sa isang situwasyon na wala nang solusyon. Naipit ako sa mga táong walang alam kung hindi ang mang-agaw. At kung hindi ko ibibigay ang mga hawak ko, maaaring maipit ako nang literal dahil sa laki ng mga katawan nila.
Ibinigay ko na lang ang mga bote at dali-daling umalis sa kabila ng aking inis at poot.
Pagkauwi ko ng bahay ay nakita kong naglalaro si Jocelyn ng manikang gawa sa mga retaso ng tela. Gusto ko sana siyang inisin pero nangingibabaw pa rin sa akin ang gálit kay Sergio. Sino ba siya para ganituhin kami?
Naalala ko nga minsan ang sinabi ni Nanay habang nakinonood kami ng balita sa maliit na T.V. nina Aling Cristina, iyong kabit-bahay naming nagtitinda ng kendi, sigarilyo, at pamunas sa bangketa. Sinisisi ng isang babae ang gobyerno dahil wala raw itong nagagawa upang matulungan ang kagaya niyang mahirap. Lagi kong naririnig ang reklamo ng mga tao sa balita at ilang beses na rin akong nakasaksi ng mga nagra-rally.
Nagulat ako nang biglang nagsalita si Nanay. "Hindi rin naman kailangan laging umasa sa pagbabago ng mga 'yan. Bakit kailangang magreklamo kung mismo nga silang may problema, hindi gumagawa ng solusyon? Nakakainis!" Iniayos niya ang kaniyang upo. "Hoy, Cristina, pabili nga ng kendi, naii-stress ako."
Natuwa ako dahil sa sinabi niya ngunit, medyo nahiya rin dahil nakikinood lang kami.
Habang nakaupo ako ay nilapitan ako ni Jocelyn. Hindi siya nagsasalita. Nakatingin lang siya sa manika niya na kung hindi ako nagkakamali ay pinangalanan niyang "Ganda". Noong una ay tawa ako nang tawa dahil sa pangalan nito.
Wala naman kasi talagang maganda sa manikang walang mukha. Bigla siyang umiyak no'ng sinabi ko iyon sa kaniya. Napakaarte.
Lumapit pa siya nang kaunti pero bigla akong lumayo. Ayaw na ayaw ko talaga siyang makalapit. Naiirita ako.
"Alam mo ba kung bakit Ganda ang pangalan niya?" mahina niyang tanong.
"Bakit naman?"
"Ginawa kasi 'to ni Nanay. Siya lang ang gumawa ng laruan para sa akin kayâ mas maganda pa ito kaysa mga mamahaling Barbie. Ito ang pinakamaganda dahil gawa ito ng pinaka-love kong nanay."
Napakunot ang noo ko. "Pinaka-love? Wala ka bang totoong nanay? Dapat, iyon ang pinaka-love mo."
"Iniwan na niya kami ni Papa, e."
"Tapos iniwan ka rin ng Papa mo, 'di ba?" Iyon ang naalala ko sa sinabi ni Nanay sa akin kung bakit nakita ni Tatay na mag-isa siyang nakaupo sa bukana ng eskinita namin habang umiiyak.
Hindi ko alam kung bakit hindi ko siya inaaway ngayon. Ang gusto ko lang ay marinig ang kuwento ng búhay niya dahil kahit isang beses, hindi pa niya binabanggit ang dahilan kung bakit siya iniwan nito.
"Hindi niya naman ako iniwan," malungkot niyang sabi. Nanginginig ang kaniyang katawan. Bigla siyang umiyak. "Ako ang umalis."
"Bakit mo naman iniwan? Sinasaktan ka ba?"
Tumango siya. "Lagi," mahina niyang sagot, "lalo na kapag hinahalikan niya ako sa lips tapos hindi ako pumapayag. Ang sakit-sakit kasi, lalo na kapag ipinapasok niya 'yong ano niya sa akin araw-araw."
***
Nagdadalawang-isip ako. Gagawin ko ba talaga ito para kay Jocelyn? Gagastusin ko ba talaga ang iniipon ko para maging masaya siya? Pero, humahanga kasi ako sa kaniya dahil sa kabila ng pagiging bata, nagagawa niya pa ring maging masaya sa kabila ng mga ginawa ng kaniyang Papa.
Napapikit ako nang tinaga ko ang kawayan kong alkansiya. Nagkalansingan ang mga baryang inipon ko para makapag-aral.Tumakbo ako nang mabilis para pumunta sa palengke. Kailangan kong bilisan para sa paggising ni Jocelyn ay makita niya kaagad ang regalo ko.
Nang nakarating ako sa palengke, hinanap ko kaagad ang tindahan ng mga laruan at natuwa ako nang makita ko ang aking hinahanap.
"Ano'ng sa 'yo, bata?" tanong ng tindera habang nakataas ang manipis niyang kilay.
Bigla akong nahiya. Ngayon ko lang naisip na nakahihiya ang gagawin ko bílang isang laláki.
"Magkano po ito?" pagtatanong ko habang hawak ang isang Barbie doll.
Nakita kong mas tumaas pa ang kilay ng babae habang humahaba ang nguso nito. "250 lang."
Tiningnan ko ang perang naipon ko. Sakto. Iniabot ko ito sa babae.
Nang ibinigay niya ang laruan sa akin ay narinig ko ang pagbulong niya ng "Bili ka ulit dito, baby girl."
Gusto ko sana siyang sagutin pero bigla kong naalala na nagmamadali nga pala ako. Muntik ko nang mabangga ang isang tindera ng sigarilyo dahil sa bilis ng takbo ko.
Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, bigla akong nadapa at tumama ang mukha ko sa kalsada. Tiningan ko ang paligid at nakahinga ako nang maluwag nang makita kong walang nakakita sa akin. Siguradong pagtatawanan nila ang isang batang laláki na nadapa habang tumatakbo at hawak ang isang Barbie doll.
Napasimangot ako dahil pagkarating ko sa aming bahay, nakita kong gisíng na si Jocelyn. Nasíra na ang aking plano.
Dali-dali siyang lumapit sa akin. ""Totoy, bakit may bukol ka sa noo?" nag-aalala niyang tanong.
Noon ko lang napagtanto na ang lapit na ng mukha niya sa akin at akmang hahawakan ang aking noo. Bigla akong lumayo sa kaniya at sinabing nauntog lang ako sa pader.
"Bakit nga pala may hawak kang Barbie?" Mas lalo akong napasimangot dahil sa tono ng kaniyang pagtatanong. "Bakla ka, 'no? Kaya siguro lagi mo akong inaaway kasi naiinggit ka! Gusto mo ng mahabang buhok ano?"
Hindi ko alam ngunit hindi ako makasagot.
"'Wag kang matakot, hindi naman kita isusumbong kay Tatay dahil siguradong sasaktan ka no'n. Pero, hindi naman siguro magagalit si Nanay," dugsong niya.
Lumapit ako sa kaniya at bigla siyang binatukan. "Anong bakla? Para sa iyo 'yan, buang."
Biglang nabuo ang luha sa kaniyang mata. Ngunit alam ko, ang luhang iyon ay hindi luha ng pighati, kung hindi luha ng kasiyahan. At aaminin kong ang sarap sa pakiramdaman dahil ako nagdulot sa kaniyang ng kasiyahan na iyon.
"Salamat." Bigla niya akong niyakap at hindi na ako pumalag.