Chereads / TOTOY [Filipino Novel] / Chapter 4 - Pagpasok

Chapter 4 - Pagpasok

Biglaan ang lahat.

Isang umaga, ginising kami ni Nanay mula sa mahimbing na pagkakatulog. Ang ganda pa naman din ng panaginip ko. Mawawala na raw ang Tropang A.S.O sa mundo. Pero, tuwang-tuwa si Nanay. Alam kong may maganda siyang balita kayâ biglang nawala ang antok ko.

"May trabaho na ako sa pabrika. Makakapag-aral na kayo," masayang-masaya niyang anunsyo sa amin.

Tuwang-tuwa kami ni Jocelyn noon. Niyakap namin si Nanay. Kasabay no'n ang pagdating ni Tatay dala ang aming gagamitin sa pagpasok.

Ngayon, nasa harapan kami ng paaralan. Hindi ko alam kung ano ang aking mararamdaman sa oras na ito. Magkahalo ang kaba at sayá. Magkahalo ang pangambang bakâ pagtawanan ako at ipahiya dahil sa aking edad.

Alam na namin ang aming classroom dahil sinamahan kami ni Nanay sa pagpapalista. Sa dilaw na pinto ng aming classroom ay may nakalagay na Grade 1. Sa ibaba nito ay nakalagay ang pangalan ng magiging guro namin. Ms. Kagandahan O. Catacutan.

Dahan-dahan kaming naglakad papasók.

Hiyang-hiya ako, lalo na't nakatingin sa amin ang mga magulang ng mga bata. Marahil ito rin ang nararamdaman ni Jocelyn. Kami kasi ang pinakamatanda sa mga estudyante rito. Siguradong pagtatawanan kami dahil sa edad namin. Labing-isang taóng gulang na, tapos nasa Grade 1 pa rin? ito siguro ang iisipin ng mga kaklase ko.

"Huwag ka ngang matakot. Dalawa naman táyo rito. Kung may mang-aaway man, ipagtatanggol kita," bulong sa akin ni Jocelyn.

"'Toy, 'neng, hindi rito ang room ng Grade 4. Naliligaw yata kayo," sabi sa amin ng isang matabang nanay.

Tumawa si Jocelyn. "Hindi po. Grade 1 po talaga kami. Late po kasi kaming pumasok."

Tumango-tango na lámang ang babae. Napatingin ako sa paligid. Maaliwalas ang kuwarto. Maraming nakadikit sa dingding na iba't ibang poster. Mayroong alphabet, iba't ibang bahagi ng katawan ng tao, mga naging presidente sa Pilipinas, at marami pang iba. Nakaupo rin ang mga batang nagsusulat lang sa isang tabi. Ang iba'y nakatayo at naglalaro, ang iba naman ay umiiyak.

Ngunit, natuon ang aking atensiyon sa isang batang lalaki na nakatulala habang tumutulo ang laway. Hindi ko alam kung matatawa ako o pagsasabihan siya. Pero sa huli ay nanatili na lang akong tahimik at umupo kalapit si Jocelyn.

Tumayo sa unahan ang aming guro nang mahalata na kumpleto na ang kaniyang estudyante. Pinalabas niya muna ang mga magulang. "Good morning, class. I am Miss Kagandahan O. Catacutan but you can call me Teacher K," sabi niya.

Balingkinitan ang katawan. Singkit ang mga mata. Morena. Hindi naman siya mukhang masungit kaya hindi na ako kinabahan. Habang nagsasalita siya ay nakatingin siya sa akin. Parang kinikilatis ang isa sa kaniyang matandang estudyante. Kapansin-pansin naman talaga ako dahil medyo malaki na ang katawan ko dulot ng pagbubuhat ko sa mga nakalakal ni Tatay. Mayamaya ay nakita kong ningitian niya ako. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kayâ bigla akong tumingin sa ibaba.

Nagsimula na siyang magturo. Hindi naman ako nahirapan. Kahit naman papaano ay marunong na akong magbasa. Pinababasa niya kami ng ABAKADA nang malakas. Medyo nabibingi ako dahil sa tinis ng boses ng mga kaklase ko. Mas lalo kong naramdaman na hindi ako nababagay rito.

Lumipas ang ilang oras at panahon na upang magmiryenda. May báon kaming dalawa ni Jocelyn kayâ hindi na namin kailangang pumunta sa canteen. Walang imik kaming kumakain nang bigla kaming nilapitan no'ng lalaking nakatulala kanina habang tumutulo ang laway.

"Yo! Pahingi ako nito, ha," sabi niya. Nagulat ako nang kinuha niya ang kinakain kong isang piraso ng Hansel biscuit. Gusto ko sana siyang awayin ngunit, naalala ko ang sinabi ni Nanay na 'wag daw kaming makikipag-away dahil patitigilin niya kami sa pag-aaral kung ginawa namin 'yon.

"Bakit ang tahimik n'yo? At ang laki n'yong dalawa. Sana, ganiyan din ako," sabi niya habang kumakain at nakatingin sa kisame. Wala akong maisip na ibang salitang makapaglalarawan sa kaniya maliban sa mukha siyang bangkay. Sobrang payat niya at maputla ang bálat.

"Matanda na kasi kami," sagot ni Jocelyn.

Tumingin siya sa amin. "Ako nga pala si Betong."

Sa amin na siya lumapit simula no'n. Habang nagtuturo si Teacher K ay nagkukuwentuhan kami tungkol sa mga planeta, kakaibang nilalang, kung natutulog ba ang Diyos, kung paano umiyak ang isda at napakarami pang iba. Nalaman kong kakaiba ang utak niya kung ikukumpara sa mga kaklase kong kasing edad niya. Samantalang si Jocelyn, tahimik lang na nakikinig kay Teacher K.

Nang uwian na, napansin namin na nakasunod pa rin sa amin si Betong hanggang paglabas ng eskuwelahan.

"Sasabay ka ba pag-uwi?" tanong ko sa kaniya.

Umiling siya. "Hindi. Maghihintay lang ako dito hanggang gabi. Makikipagtitigan sa buwan at mga stars. Makikipag-away ako sa anino ko, hanggang sa makalimutan ko na ang búhay ko."

Akala ko'y sasabihin niyang biro lang iyon. Pero sa huli, nalaman ko na seryoso siya sa lahat ng sinabi niya. Tumitig siya sa kalangitan. Doon ko napagtanto na may kakaiba talaga sa kaniya. Biglang may pumasok sa aking isipan. Pamilyar ang mukha ni Betong dahil kamukha niya si Mang Berting, ang laláking kilala na nagbebenta at gumagamit ng droga sa lugar namin.

***

"Alam mo, minsan nagtataka ako. Ipinanganak ba talaga táyo sa mundo para mabuhay o isinilang lang táyo para ipakita kung gaano kahirap ang búhay?" sabi ni Betong habang kumakain kaming tatlo sa kantina.

Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko. Masarap kasama si Betong ngunit, hindi pa rin ako sanay na ganoon siya magsalita. Napakalayo sa isang normal na bata.

Noong una'y nag-aalangan pa kaming sumama ni Jocelyn sa kaniya dahil nalaman namin na anak nga siya ni Mang Berting. Ngunit, dumating sa punto na naawa kami sa kaniya. Napansin namin na pumapasok siya nang walang baon, nang hindi kumakain. At minsan daw, sabi niya noong kinausap namin siya, pinipilit na lang siya ng kaniyang tatay na gumamit ng mga kemikal na ginagamit nito upang mawala ang gutom nila. Dahil dito, nagkasundo kami na paghatian ang kaniyang kakainin at gawin na siyang kaibigan. Hindi na ako nagtataka kung bakit ganoon siya kumilos at magsalita. Marahil ay epekto iyon ng mga bagay na pinapagamit sa kaniya ng kaniyang tatay.

Tatlo raw silang magkakapatid. Siya ang bunso. Ang kanilang panganay na kuya ay lumayas na ng kanilang bahay dahil sa paulit-ulit na bugbog na ginagawa rito ng tatay nila. Ang pangalawa naman niyang kapatid na babae ay sumama na sa kaniyang boyfriend. Kayâ ngayon, siya na lang ang laging pinag-iinitan ng ulo ng tatay niya.

Habang kumakain ay nilapitan kami nina Sergio. Akala ko noon, sa lugar lang namin sila naghahari-harian, iyon pala ay idinamay na rin nila ang eskuwelahan sa mga teritoryo nila.

Pumunta si Sergio sa harapan namin. "Magkakasama na naman ang tatlong mahihirap. Ang dalawang ampon at ang anak ng adik!" sigaw nito sa amin kasabay ng tawanan ng mga kasamahan niya. Lumapit siya sa akin at kinuha ang orange juice ko na nasa maliit na baso. Bigla niya itong ibinuhos kay Betong. Hindi ko namalayan na bigla akong napatayo at tumitig sa kaniya nang masama. Gusto kong sirain ang mukha niya. Maaari niyang gawin sa akin ang kahit ano pero, huwag lang sa kaibigan ko.

"Lalaban ka na? Ano bang gusto mong mangyari? Dalawa lang 'yan. Susuntukin mo ako. O pagtutulungan ka namin," paghahamon niya.

Bigla akong nakaramdam ng kaba. Unti-unting nawala ang aking tapang. Biglang tumayo si Jocelyn. "Alam mo, Sergio, napakalaki ng katawan mo pero may mga alalay ka pa. Duwag!" Lumapit siya kay Sergio. "Akala mo ba, hindi ko alam na niloloko mo lang ang mga 'yan? Hindi ba't may mga kaibigan ka rin sa kabilang kanto at pinagkukuwentuhan ninyo kung gaano mo utuin 'yang mga kasama mo."

Biglang namutla si Sergio at tumawa nang pilit. "H-hindi 'yon totoo." Tumingin siya sa mga kasama niya. "Maniwala kayo sa akin. Tara na nga, iwan na natin 'yang mga sinungaling na 'yan!"

Pagkaalis nila ay binigyan ko ng panyo si Betong upang punasan ang nabasâ niyang damit. Wala akong nakitang gálit sa mga mata niya. Parang walang búhay ang mga ito. Parang sanay na sa paulit-ulit na pananakit, sa paulit-ulit na pamamahiya. Ang akala kong larawan ng bangkay na bata ay larawan pala ng isang batang pinagkaitan ng awa.

"Hindi n'yo naman kailangang gawin 'to," sabi ni Betong. "Káya kong mabúhay mag-isa. Hindi n'yo ako kailangang samahan, pakainin, at gawing kaibigan. Kasinlakas ko kaya si Superman!" Tumuntong siya sa upuan at itinaas ang kanang kamao. "Minsan nga, iniisip ko na káya kong lumipad. Ang paglipad lang kasi ang naiisip kong solusyon para makawala sa mundong ito. Para matakasan ang búhay na ibinigay sa akin, para maranasan kong maging malaya."

Hindi na kami nakasagot ni Jocelyn. Niyakap na lang namin siya. Alam kong hindi puwedeng habambuhay namin siya sasamahan. Kailangan niyang tumayo at lumaban. Ngunit sa panahon ngayon na wala siyang lakas, kailangan niya ng sandigan.

Pagkatapos namin kumain ay bumalik na kami sa aming classroom. Nagsimula nang magturo si Teacher K. Hindi ko alam pero madalas siyang tumitig sa akin at ngumiti. Ngunit ang kaibahan, wala akong nakikitang kinang sa kaniyang mga mata. Kakaibang tingin. Parang may kahulugan.

Masaya ako dahil ilang buwan simula ng magpasukan, mas naging magaling na akong bumasa at káya ko nang isulat ang buo kong pangalan nang walang kahirap-hirap.

"Maliliit na gagamba umakyat sa sanga. Dumating ang ulan at itinaboy sila," narinig kong kumakanta si Betong. Ngayon lang ito nangyari. Nakatitig lang siya sa isang gagamba at bigla niya itong hinampas ng palad niya. "Totoy, tingnan mo," sabi niya sa akin. "Wala silang reklamo 'di ba? Kahit patay na sila, hindi nila alam na patay na sila. Sana, ganiyan din táyo. Mabubúhay nang hindi nila nalalaman. Mamamatay nang walang pakiramdam."

Kinilabutan ako sa mga sinasabi niya. Parang may gusto siyang ipahiwatig.

Uwian na at sabay-sabay kaming lumabas sa aming classroom. Habang naglalakad ay bigla kaming pinagbabato ng basura, lupa, at kung ano-ano pa ng mga bata. Napakarami nila. Lahat, nagtatawanan. Nangunguna rito si Sergio. Biglang lumabo ang panginin ko sa sobrang gálit. Parang gusto kong sumabog.

Bigla kaming hinila ni Betong. "Hayaan n'yo na sila. Pumunta táyo sa mataas na lugar para masaya," sabi niya.

Pumunta kami sa building ng Gade 5 at Grade 6. Umakyat kami sa bubong nito. Tahimik kaming umupo. Magkakasama kaming marumi sa lugar na ito. Tama nga si Betong. Masarap takasan ang mundo.

Bigla siyang tumayo. "Salamat dahil sinamahan n'yo ako rito." Tumingin siya sa amin ni Jocelyn. "Makikita n'yo kung paano ako tumakas sa masasamáng mga tao. Lilipad ako na parang si Superman. Lilipad ako nang masaya at malaya─nang nakangiti, dahil kayong dalawa ang kasama ko."

Hindi ko alam ang ibig niyang sabihin ngunit nagulat ako nang bigla siyang tumalon. Kitang-kita ng mga mata ko ang pagkahulog niya at ang pag-agos ng dugo mula sa kaniyang ulo. Tila napako kaming dalawa ni Jocelyn sa aming puwesto. Hindi ko alam ang aking gagawin. Gusto kong magwala. Naramdaman ko na lang ang pagtulo ng luha ko.

Bumaba kaming dalawa ni Jocelyn at humingi ng tulong. Hindi ako makapaniwala na makikita ko ang pagkamatay ng aking kaibigan. Gusto kong sisihin ang sarili ko dahil hindi ko siyang napigilan.

Walang tigil ang pagluha namin ni Jocelyn.

Unti-unti ko ulit narinig ang kaniyang pagkanta. Ngayon ko lang napagtanto na sa unang pagkakataon, ipinakita niya kung gaano siya kalungkot.

Paalam, Betong.