Ilang araw ko nang dinarama ang aking bagong mundo. Ngunit, tanging pagtangis lámang ang aking nagagawa, pagtangis na kahit ako ay hindi ko gusto ang tinis at lakas. Gustong iwaksi ng aking bibig ang mga salita na nabubuo sa aking isipan. Gusto kong ipagsigawan kung gaano ako kasaya na isílang.
Pero sa likod ng mga pagkagustong ito, naroon ang kaonting panghihinayang. Ang akala kong mabait at mapagmahal na ina ay hindi ko pa nakikita. Lagi niya akong sinisigawan. Sa tuwing nagugutom ako at iiyak, hinahampas niya ako ng kaniyang mabibigat na mga kamay, tuwing gusto kong kausapin niya ako, lagi niya akong tinatalikuran, at sa tuwing gusto kong masilayan ang kaniyang magagandang mga mata, gálit at poot ang aking nakikita ko sa mga ito.
Masakit ngayon ang aking braso. Dinala kasi ako niya ako sa ospital upang paturukan. Naamoy ko na naman ang pinakaunang lugar na nasilayan ko. Ang puting suot ng mga tao, ang kanilang mga aparato.
Kasalukuyan akong umiiyak. Gusto kong mawala ang sakit ng braso ko. Pero, hindi niya ako pinapansin . Tinititigan niya lang ang larawan ng isang laláki habang lumuluha. Hindi ko na matiis. Mas lalo kong nilakasan ang pag-iyak ko. Nagulat ako nang lapitan niya ako habang lumuluha siya. Mayroong gálit sa kaniyang mga mata.
Pinisil niya nang mariin ang aking braso. Mas lalo akong nasaktan. Bakit siya ganito? Wala akong ginagawang kasalanan. Kasalanan ko bang masakit ang turok na iyon? O kalasanan kong mabuhay at isilang?
"Tumigil ka!" nanggigigil niyang sigaw. "Ikaw ang dahilan kung bakit niya ako iniwan! Salot ka sa búhay ko."
Tumagos sa aking pagkatao ang mga salitang iyon. Mas masakit pala ang mga 'yon kaysa sakit ng katawan ko. Iba ang sakit sa puso. Para kang pinapatay nang paulit-ulit.
Nagulat ako nang binuhat niya ako bigla. Ibinalot niya ako sa puting tela at inilagay sa isang kahon. Isinara niya ito. Hindi ako makahinga.
Naramdaman kong binuhat niya ang kahon. Mabilis siyang naglakad. At maya-maya pa'y dali-dali siyang tumakbo na tila mayroong tinataguan.
Inilapag niya ako. Binuksan niyang muli ang kahon at nakita ko ang kaniyang mukha. Lumuluha pa rin ang kaniyang mata. Ilang sandali pa'y muli niya itong isinara. Narinig ko ang papalayo niyang mga yabag at ang kaniyang papahinang pagtangis
Hindi ako gumagalaw. Bakit kailangan niya 'tong gawin? Siguro nga isa akong malaking kasalanan. Nabuo ng isang pagkakasala at hindi ng pagmamahal. Isinilang ako sa mundo kung saan hindi ako tanggap, kung saan hindi ko mararanasan ang sayá sapagkat pinapatay lámang ito ng pagdurusa.
Habang nakatulala ay nakarinig ako ng isang kariton. Pinapatay ng langingit ng gulong nito ang bagsik ng katahimikan.
"Mario," sabi ng isang babae. "Tingnan mo 'yong kahon, baka mayroon táyong makuha."
"Wala 'yan. Umuwi na tayo, gabí na."
"Ewan ko sa 'yo. Malay mo, pera pala ang laman no'n."
Narinig ko ang papalapit na yabag. Dahan-dahang binuksan ang kahon na aking pinaglalagyan. Nakita ko ang mukha ng isang babae. Halatang nagulat ito sa kaniyang nasaksihan. Nakipagtitigan ako sa kaniya nang ilang segundo
"Baby! Baby ang laman ng box, Mario!"
Dali-daling lumapit ang kasama niya. Gulát na gulát din ito. "Ano ang gagawin natin diyan? Iwan mo na lang ulit 'yan at umuwi na táyo. Baka tiyanak 'yan."
"Baliw ka ba?" sabi ng babae. "Basta, iuuwi natin 'to."
Napahinga nang malalim ang laláki. "Rose, kaya nga hindi táyo nag-aanak kasi wala táyong pera. Tápos ngayon, gusto mong iuwi natin 'yan?"
"Tinanong mo ba ako kung ayaw ko pang magkaanak? Ikaw lang naman ang nag-iisip no'n." Hinaplos niya ang braso ng laláki. "Pumayag ka na. Alam mo namang mamahalin pa rin kitá kahit may baby na táyo."
Napatawa ang lalaki. "Huwag mo akong idaan sa mga ganiyan mo."
"Pumayag ka na kasi."
"Bahala ka na nga."
Binuhat ako ng babae. Nakita ko ang masasayá niyang mga mata. Hindi ko namalayan na gumuhit ang ngiti sa aking mukha. Ito ang pinakaunang pagkakataon na ngumiti ako sa mundong ito. Para nabigyan muli ako ng pag-asa.
"Tingnan mo, Mario. Ngumiti siya!"
Napatawa na lang ang lalaki. "Nakikita ko naman. 'Wag ka masyadong lumapit sa kaniya, ang baho mo kayâ. Amoy basura ka pa."
"Buwisit ka!"
"Ano na ang balak mo ngayon? Ano'ng ipapangalan mo sa kaniya?"
Napakunot ang noo ng babae. "Naku, wala ka pa nga palang pangalan." Tumingin ito sa itaas. "Mamaya ko na iisipin sa bahay." Hinipo niya ang aking gitna.
"Pero ngayon, Totoy na lang muna ang itatawag ko sa 'yo."
Totoy. Simula no'n, iyon na ang naging bansag sa akin. Hindi na nabago pa . . . kahit noong nakarating na kami sa kanilang bahay.