Chapter 9 - 9

"SAAN ka naglagalag kagabi ha?" tanong ni Maddy kay Joelle. Nakasubsob kasi ang mukha niya sa desk ng armchair niya. Pakiramdam niya ay naubos ang lahat ng enerhiya niya at antok na antok din siya. Kairitang lalaki kasi iyon. Hindi siya pinatulog ng mga sinabi nito nang nagdaang gabi.

"Asa bahay lang ako magdamag, itanong mo pa sa katulong namin." Sagot niya na hindi man lamang iniangat ang tingin sa kaibigan.

"Eh bakit mukha kang magdamag na dilat?"

"Maddy, pwede bang mamaya mo na ako tanungin. I need some sleep" hinang hinang sabi niya. Nabuhay ata ang lalaking iyon para guluhin ang buhay niya, guluhin ang sleeping routine niya for starters.

"Sige na nga matulog ka na lang muna diyan. Bibili lang ako ng pagkain. Gutom na ko eh."

"hmmm.." yun lang ang isinagot niya rito at pinilit na makatulog kahit saglit bago sila magklase ulit. Baka hindi na kasi niya kayaning panatilihing bukas ang mga mata niya kapag hindi siya nakakuha ng kaunting sandali ng tulog.

Hindi siya sigurado kung ilang minuto na siyang nakatulog pero naalimpungatan siya nang may malamig na bagay na dumampi sa pisngi niya. Ang guwapong mukha ni Ridge ang nabungaran niya nang imulat niya ang mga mata. Hindi niya sigurado kung nananaginip pa siya kaya kusang umangat ang kamay niya at hinaplos ang pisngi nito para masigurado niya kung nananaginip pa nga ba siya. Naramdaman niya ang mainit na pisngi nito. She blinked countless of times. Doon niya na-realize na hindi na siya nananaginip at totoong pisngi ang hawak niya.

Agad niyang binawi ang kamay mula sa mukha nito at napaayos ng upo. Kinapa din niya ang mukha kung may dumi man doon or what and to make sure na hindi kahiya-hiya ang itsura niya rito.

"Here" iniabot nito sa kanya ang isang lata ng iced coffee. Kung hindi siya nagkakamali, iyon ang malamig na bagay na idinikit nito sa pisngi niya kanina. "Hindi nito matatanggal ng tuluyan ang antok mo but I think this could help to keep you awake atleast up to the end of your classes today."

Parang hindi pa din nagigising ang diwa niya kaya hindi niya nagawang abutin iyon o sagutin man lamang ang mga sinabi nito. Mukha namang naintindihan nito iyon dahil hinawakan na nito ang kamay niya at ito na mismo ang naglagay ng inumin sa kamay niya. Pagkatapos ay tumayo na ito at naglakad na palabas ng classroom. Pero bago pa ito tuluyang makalabas ay nilingon siyang muli nito.

"Next time, 'wag kang matutulog kung nag-iisa ka. Someone might take advantage of the situation." Iyon lang at tuluyan na itong lumabas ng classroom.

Hindi niya masyadong naunawaan ang sinabi nito. Siguro dahil inaatake pa rin siya ng antok. Tinitigan niya ang iced coffee na ibinigay nito and she smiled. Hindi niya alam kung bakit siya napapangiti, ang alam lang niya ay nangingiti siya at hindi na niya pinag-aksayahan ng lakas na pigilin pa iyon.

"Bestfriend!" nabura ang ngiti niya at parang saka lang nagising nang marinig ang matinis na boses ng kaibigan. Hinihingal pa ang bestfriend niya nang pumasok ito sa classroom at lapitan siya. "Bestfriend!"

"Ano?"

"Si ano... si ano!" habol nito ang hininga habang nagsasalita at halata sa mukha nito ang excitement sa kung ano mang dahilan.

"Sino? Umayos ka at hindi kita maintindihan!" sita niya rito.

"Si ano... Si Ridge, nandito!"

So hindi naman pala siya nananaginip lang kanina. He was really here at ang coffee na nginingitian niya kanina ay talagang dito galing.

"I saw him. Nandito lang siya kanina bago ka dumating." Nakaismid na sabi niya. ano ba ang nasa isip niya at parang natuwa pa siya sa presensya nito kanina. Dapat galit siya rito dahil inilagay siya nito sa alanganing sitwasyon at ito rin ang dahilan ng pagkapuyat niya. Baka naman dahil wala lang siya sa huwisyo kanina dahil kakagising lamang niya.

Oo, tama. Lutang lang ang utak ko kanina.

"Nakasalubong ko siya kanina. Dito pala siya nanggaling. Pero hindi lang iyon bestfriend! May narinig din akong balita bago ko pa siya makita!"

"Kung ano man yan, wala na akong pakialam. Bahala siya sa buhay niya." balewalang sabi niya at bumalik sa puwesto niya kanina bago pa lumitaw sa harap niya ang lalaking iyon. Hindi niya dapat ito pinag-iisip dahil sasakit lang ang ulo niya.

"Bestfriend! He's been admitted on our school. Dito na siya mag-aaral!" Hindi nagpaawat na sabi ng kaibigan.

"What!"