Chapter 14 - 14

NAKASIMANGOT na lumabas si Joelle ng bahay pagpatak ng alas-otso ng umaga pagkatapos siyang ipagtulakan ng mga kapatid. Nasa labas na raw kasi ang 'Prince Charming' niya at hindi niya dapat pinag-iintay. Ang sarap talagang pagbabatukan ng mga kapatid niyang iyon. Mas excited pa ang mga iyon kaysa sa kanya mismo.

Tinignan niya ang suot na damit saka lalong napasimangot. She was wearing a pink lace casual dress na may maikling sleeves at hindi umabot ang haba sa tuhod niya. Iyon na kasi ang pinaka-acceptable na dress na nakita niya sa 'upgraded' daw na wardrobe niya courtesy of her Kuya Craig. Mukhang pinagplanuhan ng mabuti ng mga kapatid ang date niyang iyon dahil habang natutulog siya noong nakaraang gabi, isinakatuparan ng mga pasaway na kapatid ang plano. Hindi niya alam kung saan pinaglalagay ng mga kapatid ang mga damit niya ngunit naglaho ang lahat ng iyon sa kuwarto niya at napalitan ng mga pambabaeng damit. Babaeng-babae to be exact. There were sleeveless dresses, skirts at kung anu-ano pang never pa niyang naisuot sa tanang buhay niya. Pati ang mga sneakers niya ay naglahong lahat at napalitan ng iba't ibang style ng pambabaeng sapatos na hindi naman niya alam kung anong tawag. Sa huli ay nauwi na lang rin siya sa isang flat na white shoes. Kung bakit kasi all-out ang mga kapatid sa pag-aasikaso sa kanya sa date na iyon at talagang dinaig pa siya.

Eh kung sila kaya ang makipag-date sa lalaking iyon! Sa loob-loob ni Joelle habang padabog na lumabas ng malaking gate nila. Muntik pa siyang mapatalon sa gulat nang ibang mukha ng lalaki ang bumungad sa kanya sa nakabukas na gate.

"Hi!" he said smiling.

"Who are you?" kunot-noong tanong niya sa lalaking nakatayo sa harap niya. Gwapo ang lalaki lalo na kapag nakangiti ito ng ganoon. Matangkad din ito ngunit masasabi niyang mas matangkad pa rin si Ridge sa lalaki.

Ridge na naman...

Agad niyang pinalis sa isipan ang huling naisip. Bakit ba nai-compare pa niya ang lalaki kay Ridge eh magkaibang tao naman ang mga ito. Isa pa, hindi niya kilala ang lalaking nasa harap niya ng mga oras na iyon.

"Si Alexis 'to, don't you remember me anymore?"

"Alexis?" lumalim ang kunot sa noo niya sa pagpipilit na maalala ang lalaki. Isa lang ang kilala niyang Alexis at malayong malayo ang itsura ng uhuging batang kalaro niya dati sa lalaking nasa harap niya. Maganda ang pangangatawan ng lalaki na taliwas sa naaalala niyang patpating katawan ng kalaro niya noon. Nagsusumigaw din ang self-confidence sa katawan ng lalaki na walang wala sa mahiyaing kalaro noon.

"Ako si Alexis, 'yong binubugbog mo noon." Nakangiti pa ring sabi nito na parang wala lang na ginawa niya itong walking punching bag noon. Teka, seryoso ba ito?

"Alexis Grant Silvestre, ikaw na yan?"

"Yup. Ang gwapo ko na noh? In love ka na ba sa akin ngayon?" nakangising sabi nito sa kanya.

"Magkape ka nga muna. Nananaginip ka pa yata." Pambabara niya rito. Gwapo ito, oo, ngunit hindi niya ito type.

Eh ano pala 'yong type mo? Iyon bang lalaking matangkad at gwapo na kaya kang bara-barahin at kahit inis ka sa kanya eh naa-attract ka pa rin sa ngiti niya? wika ng isang bahagi ng isip niya.

Lihim niyang pinagalitan ang sarili sa itinatakbo ng isip niya. Napasukan na ata ng masamang hangin ang utak niya kaya kung anu-ano nang bagay ang napu-formulate ng isip niya.

Bumalik naman siya sa realidad nang marinig niya ang tawa ng lalaking kaharap. Mukhang hindi naman ito napikon sa mga sinabi niya rito. Sayang naman...

"Hindi ka pa rin pala nagbabago maliban riyan sa pananamit mo. I like that dress though. It looks nice on you." Sabi nito nang tumigil sa pagtawa ngunit naiwan pa rin ang mga ngiti sa labi nito. "Tayo na lang kaya ang mag-date? Single naman ako at saka----" hindi na nito natapos ang sinasabi nang may isang kamay na tumulak sa mukha nito kaya napaurong din ito pagilid. Pumalit sa puwesto nito ang nakakunot-noong si Ridge na nakasuot ng white v-neck shirt na napapatungan naman ng black cardigan na naka-close ang tatlong butones. Naka-jeans lamang ito pero napaka-fashionable ng dating nito.

Mukha itong hindi nag-prepare ng husto sa araw na iyon dahil kung tutuusin ay simple lang naman ang damit nito but he still looked expensive. Sabagay, kelan niya ba ito nakitang nagsuot ng damit na hindi bagay rito. Bigla parang nahiya siya sa suot niya. Ibang-iba kasi ang suot niya sa nakasanayan nitong makitang suot niya at baka isipin pa nitong nagprepare siya para rito.

"Aray naman pare! Nananakit ka na naman!" narinig niyang reklamo ni Alexis na siyang nagpabalik sa kanya mula sa pag-iisip.

"Sinong may sabing pwede mo siyang kausapin?" nakakunot pa rin ang noo ni Ridge nang sabihin iyon sa kaibigan.

"Easy lang pare, kinukumusta ko lang naman ang kababata ko, highblood agad?"nakangisi pang sabi ni Alexis na parang hindi man lang natakot sa inis na expression ng kaibigan.

"Umuwi ka na nga!. Bakit kasi sumama-sama ka pa eh." Hinarap siya ni Ridge nang hindi pa rin nawawala ang pagkakakunot ng noo. Bakit ba napaka-seryoso nito ngayong umaga? "Let's go." Hinawakan nito ang kamay niya at saka siya hinila papunta sa nakaparadang sasakyan nito.

"Hey! Iiwan niyo na lang ba ako rito?" tanong ni Alexis habang kinakatok ang salamin ng bintana ng sasakyan. Ibinaba naman ni Ridge ang bintana.

"We don't need a third wheel!" sabi ni Ridge saka isinara ulit ang salamin ng bintana bago pinaharurot ang sasakyan nito nang hindi na siya kinakausap pa. Hindi niya masiguro kung galit ba ito o ano pero ang weird talaga nito ngayong araw. Nagulat pa siya nang tumigil sila nang mag-red light ay harapin siya nito. "And you! Never wear a dress next time."

Para namang nainsulto siya sa sinabi nito. Bakit? Pangit ba sa kanya ang suot niya at nasabi nito iyon?

"Ano bang pake mo sa suot ko? Sabihin mo na nga lang kung nakakasuka ako sa suot ko!" ibinaling niya sa bintana ang tingin saka bumulong. "'yong ex niya nga kung makapag-miniskirt parang araw-araw summer tapos..."

"It's not that, okay?" Parang frustrated na sabi nito na nagpalingon naman sa kanya. Hindi kasi siya sanay sa ganoong tono nito. Sanay siyang binibiro-biro at binabara nito ang sinasabi niya ng nakangiti. "You look very pretty in that dress." Saglit siyang natulala sa sinabi nito. Ano raw iyon? Very pretty?

"E-eh ano palang problema mo sa suot ko?" Nagawa pa niyang itanong sa kabila ng pag-atake na naman ng tibok ng puso niya.

"You're attracting too much attention and I hate it." Seryosong sabi nito na lalong nagpalakas sa tibok ng puso niya. "I hate it when other men look at you." Sabi nito bago pinaharurot ang sasakyan.

What was that? Nahilo ata siyang bigla sa sinabi nito.