Chereads / Fulfilled Duties (Tagalog) / Chapter 22 - Chapter 22

Chapter 22 - Chapter 22

DEBORAH'S POV

"E-Einon?" gulat na sambit ko.

Makailang beses akong napakurap dahil nakita ko kung gaano kaseryoso ang hitsura ni Einon ngayon habang nakatingin kay Bavi.

"Who are you?" nakangiting tanong naman ni Bavi.

Nang hindi magsalita si Einon ay sumabat na ako sa kanilang dalawa.

"Ah Bavi... si Einon nga pala. Kaklase ko siya saka kaibigan... kaibigan ni Byeongyun," sabi ko saka tiningan si Bavi.

"Oh, nice to meet you," bati naman ni Bavi.

Lumingon ako kay Einon saka ko sinabing, "Siya si Bavi, CPE President."

Matapos ng ginawa ko ay bigla naman akong naguluhan. Bakit ko nga ba sila ipinagkikilala?

Nang mapansin ko pang pareho pa rin silang nakahawak sa magkabilang braso ko ay agad ko iyong hinigit mula sa kanila.

"Sandali nga! May mga braso naman kayo, iyon na lang ang higitin ninyo!" sabi ko saka binalingan ng tingin si Einon.

"Bakit ka nga pala narito, Einon?" tanong ko sa kaniya.

Tila bumalik siya sa kaniyang huwisyo at kapagkuwa'y napakamot sa kaniyang ulo.

"Gusto lang kitang... ihatid sa inyo kasi... kasi wala si Byeongyun ngayon," aniya na hindi makatingin nang maayos sa akin.

Naagaw ni Bavi ang aking atensiyon nang bigla siyang huminga nang malalim. Nang makita ko siya ay nakangisi siya't nakapamulsa na.

"Mexico," aniya saka ako tiningnan, "do want to come with me or you want him to take you home?"

Ilang segundo akong napatitig kay Bavi. Mahinahon lang niya iyong sinabi suot ang isang maaliwalas na mukha habang nakalitaw ang ngiti sa kaniyang labi.

Kahit naguguluhan ako sa ikinikilos ni Einon ngayon ay sa kaniya rin ako sumama sa huli dahil bukod sa nagpaubaya na si Bavi at kahit sinabi kong kaya ko ng umuwi mag-isa ay pareho pa rin nila akong gustong ihatid.

Wala na ang araw. Madilim na sa paligid at puno na ng mga ilaw ang daan. Habang nakaangkas ako sa motor at nakakapit ako sa baywang ni Einon ay bahagya akong napasulyap sa kaniya.

Kung tutuusin ay naiilang ako dahil bukod sa hindi naman kami ganoong kalapit sa isa't isa ay ito ang unang beses na lapitan niya ako at boluntaryong ihatid ako pauwi.

Purong Pilipino si Einon. Kayumanggi ang balat niya at hindi nalalayo ang taas niya kay Byeongyun. Kung tutuusin ay taglay niya ang guwapo ng isang Pilipino.

Pagkarating namin sa harap ng bahay ay agad akong bumaba ng sasakyan niya.

"Salamat sa paghatid, Einon," sabi ko saka iniabot sa kaniya iyong helmet na suot ko kanina.

"Ang cute ng bahay ninyo," sambit niya habang nakasulyap sa aming munting bahay saka nag-alis ng sarili niyang helmet.

"Cute?"

"Oo. Maliit pero cute. Parang," aniya sabay lingon sa akin, "ikaw."

Unti-unti ay kumurba ang aking mga labi dahil sa kaniyang sinabi.

"Lait na puri?" usal ko na tinawanan naman niya.

Makaraan ang ilang segundo ay naisip ko ng magpaalam sa kaniya para sana pumasok na sa loob. Ngunit hindi pa man ako nakakapagsalita ay tinawag naman niya ang aking pangalan.

"Ah Deborah," aniya.

"Um?"

"Ano... congrats. Naipanalo mo iyong pagsulat ng sanaysay kanina. Ang... ang galing mo," bati niya sa akin na bakas sa boses ang hiya.

Bahagya akong natawa.

"Salamat. Hindi ko rin naman inaasahan iyon. Pero pansin ko lang," sabi ko saka siya nilapitan, "kanina ka pang nauutal. Bakit?"

"H-ha?" Bahagya siyang napaurong mula sa akin kaya napangiti ako.

"Sa totoo lang, nagulat ako sa ginawa mo ngayon," sabi ko.

Napatingin siya sa akin bago siya muling magsalita. Napakamot pa siya sa kaniyang batok.

"Pasensya ka na. Kahit ako, nagulat rin ako sa ginawa ko. Hindi ko lang mapigilan at hindi ko na kaya pang pigilan," aniya kaya nangunot ang aking noo.

"Ha? Hindi mapigilan? Ang... ang alin?"

"Ano kasi..."

Napakagat siya sa sarili niyang labi. Panay rin ang pagpaling ng kaniyang ulo sa iba't ibang direksyon.

"Ayos ka lang ba, Einon?" tanong ko kaya't napatingin na siya sa akin.

"Naisip ko lang kung iyong lalaki ba kanina sa library ay iyong lalaking kasama mo rin kanina?"

Saglit akong natigilan.

Dagdag pa niya, "Nabanggit ko sa iyo kanina na nakita ko na may kayakap ka sa library kaso hindi ko naman nakita kung sino iyon. Naitanong ko lang din dahil pamilyar iyong suot niya."

Nang marinig ko iyon ay agad kong naisip ang usapan namin kanina sa harap ng clinic.

"Einon?"

"Okay na siya, Deborah. Sa katunayan ay nang magising na siya kanina ay agad ka niyang pinuntahan sa library kaso..."

"Kaso?"

"Kaso nakita ka niya doon sa loob na may nakayakap sa iyo. Hindi ako sigurado..."

"N-nakayakap?"

Tumango ako. Sabi ko, "Oo. Si Bavi iyon."

"Ah... okay."

"Iyon ba ang dahilan kung bakit... kung bakit hindi na ako nilapitan ni Byeongyun? Dahil may kayakap ako?"

Nagkatitigan kami ni Einon. Bakas sa mukha niya na para siyang nagulat nang banggitin ko si Byeongyun.

Maya-maya'y bigla rin siyang napayuko.

"Siguro?" aniya.

"Ano kasi... mali. Mali kayo ng iniisip," sabi ko.

Tumunghay siya. "Hindi mo siya... boyfriend?"

Dahil sa tanong niya ay napaawang ang aking bibig kasabay ng pamimilog ng aking mga mata.

"A-ano? Boyfriend? Si Bavi? Hindi!" natatawa-tawa kong tugon. "Imposible, Einon!"

Hindi kaya katulad rin ng iniisip ni Einon ang iniisip ni Byeongyun? Pero bakit? Saka bakit kasama niya si Soobin? Kailan pa sila naging okay?

Pagkasabi ko noon ay tila nagliwanag ang kaniyang mukha. Nakita ko rin kung paano sumilay ang ngiti mula sa kaniyang mga labi.

"Imposible? Mukha ngang may gusto siya sa iyo e," aniya na lalong nakapagpatawa sa akin.

"Alam mo Einon, umuwi ka na. Kung anu-ano ring sinasabi mo e!" pabiro ko pang sabi dahilan para mapangiti si Einon.

Hindi ko mapigilan na hindi rin mapangiti dahil talagang nakakadala ang kaniyang mga ngiti.

"Teka lang," aniya sabay talikod sa akin at binuksan ang kaniyang bag. Nakita kong may kinuha siyang isang nakarolyong puting kartolina.

"Ano iyan?" tanong ko ngunit sa halip na sagutin ako ay ibinigay niya iyon sa akin.

"Tingnan mo," usal niya na ngiting-ngiti pa.

Agad ko namang inalis sa pagkakabilot iyong kartolina saka iyon tiningnan.

Nagulat na lang ako dahil iyon ang larawan na ipinakita kanina sa malaking screen ng stage na nanalo sa poster making category.

"Wow! Ikaw pala ang gumawa nito? Ang galing! Congrats!" bulalas ko at pagtunghay ko para tingnan siya ay suot na niya ang medal na kaniyang natanggap.

"Hindi ko alam na ikaw pala ang lalaban para rito," sabi ko. Bigla naman siyang ngumuso.

"Masyado ka kasing busy kay Byeongyun," tugon niya dahilan para mapasingahap ako.

"Biro lang," agad na dugtong niya. "Biglaan lang din ang pagsali ko kasi nagkasakit iyong dapat na representative ng ating Department."

"Wow!" usal ko pa saka siya tiningnan nang may paghanga. "Magaling ka pala mag-drawing. Deserved mo iyan. Ang ganda nito!"

Habang tinitingnan ko ang bawat detalye ng kaniyang ginawa ay maya-maya'y nakita ko siyang lumapit sa akin.

"Sa iyo na iyan," aniya.

"Ha? Bakit?"

"Basta."

"Eh?"

"Tanggapin mo na," sabi pa niya bago tumingala sa langit. "Mukhang uulan."

"Um?" Agad din akong tumingin sa taas at nakita kong wala ngang mga bituin sa langit.

"Paano ba iyan, kailangan ko na ring umuwi. Baka kasi mabasa ako kung aabutin ako ng ulan sa daan."

Ibinalik ko sa pagkakabilot iyong kartolina bago siya tiningnan.

"Sige. Salamat ulit sa paghahatid sa akin saka rito," sabi ko saka iwinagayway iyong kartolina.

Ngumiti siya sa akin bago niya inubos ang distansiya na naghihiwalay sa aming dalawa.

Sa bilis ng mga pangyayari ay tanging panlalaki na lang ng aking mga mata ang aking nagawa matapos ang sunod niyang ginawa.

"Good night," sambit niya matapos niya akong halikan sa aking pisngi.

Pagkatapos noon ay nakita ko na lang papaalis na siya sakay ng kaniyang motor habang ako ay naiwang tulala sa aking puwesto, nakanganga at hindi makapaniwala sa kaniyang ginawa.

Habang hawak ang aking pisngi ay naalala ko ang mga sinabi ni Bavi sa akin kanina.

"Mexico," aniya saka ako tiningnan, "do want to come with me or you want him to take you home?"

Hindi ako agad na nakaimik at dahil doon ay muling nagsalita si Bavi.

"Alright. You should come with him, Mexico. I think may gusto siyang sabihin sa iyo," sambit niya.

"Ha?"

Ngunit bago siya tuluyang umalis ay nilapitan niya ako saka may ibinulong sa aking tainga na bahagya kong ikinagulat.

"I think he likes you."

"King ina!" sambit ko sa aking sarili saka kinurot ang sarili kong pisngi.

Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko. Ang tanging alam ko lang ay nag-iinit ang mukha ko.

Hindi naman umamin sa akin si Einon kaya posibleng mali ang iniisip ni Bavi. Pero bakit... bakit niya ako biglang hinalikan?

Dahil sa aking mga iniisip ay nawala ang higpit ng pagkakahawak ko sa kartolina kaya nahulog iyon mula sa aking kamay at bahagya pang nadala nang biglang humangin nang malakas.

Nawala sa pagkakarolyo iyong kartolina. Kumunot na lang ang noo ko nang makita kong may kung ano pa ang nakalagay sa likod niyon na hindi ko napansin kanina.

"T-teka ako... ako ba talaga ito?"

Pagpulot ko kasi sa kartolina ay laking gulat ko nang makita ko na iginuhit pala ni Einon ang aking mukha sa likod ng kartolina na iyon.

Paglapag pa ng aking mga mata sa ibabang bahagi ay nakaramdam ako ng pagbilis ng tibok ng aking puso nang mabasa ko ang nakasulat doon.

"Gusto kita, Deborah."