DEBORAH'S POV
Halos sampung minuto na rin akong naglalakad patungong school. Mainit at sobrang nakakapawis. Mas makakamura kasi ako sa pamasahe kung sa kabayanan lang ako magpapababa at lalakarin na lang hanggang school.
Oo, ganito ako katipid ngayon. Tatlumpung piso kasi ang pamasahe mula sa bahay hanggang sa school at kung maglalakad ako pagbaba sa bayan ay makakatipid ako ng sampung piso.
Hindi ko alam kung hanggang kailan ko gagawin ito. Kailangan kong maglakad kahit sobrang kainitan. Wala na kasi akong iba pang aasahan maliban sa pagpupursigi ko sa pag-aaral.
Tatlong araw na kasi simula nang mabatak ang hinuhulugang tricycle ni Tatay. Noong gabi kasing nagalit ako dahil sa pangungutang ng pera ni Tatay kay Byeongyun ay nalaman kong tatlong buwan na pala iyong hindi nahuhulugan.
Hindi siya makapamasada at wala siyang trabaho ngayon. Wala rin namang pinagkukuhanan ng pera si Mama. May apat pa akong kapatid na nag-aaral din at mas naging mahirap ngayon dahil hindi namin alam kung saan kukuha ng pera para sa lahat ng kagastusan.
Paubos na ang allowance ko mula sa scholarship ko. Malayo pa ang second semester at hindi ko rin alam kung paano ako makakapasok pa sa mga susunod na araw.
Nang makarating na ako sa school ay dumiretso muna ako sa CR para mag-ayos dahil tagaktak ang aking pawis dahil sa paglalakad.
Paglabas ko'y saglit akong napatigil sa bukana ng CR para tingnan ang aking telepono at wallet.
Mag-aalas dose na ng tanghali at isang oras mula ngayon ay magsisimula na ang klase ngunit hindi pa ako kumakain simula kaninang umaga.
Napabuntong-hininga ako.
Umusad ang aking paglakad, dahan-dahan habang tinitingnan ang laman ng aking wallet.
Pagdukot ko doo'y iisang papel na pera na lang ang laman niyon, singkuwenta na lang iyon at ilang barya. Saan pa ba aabot ang pera kong ito? Pamasahe na lang pag-uwi.
Pagtunghay ko'y may nabangga akong babae kaya agad akong humingi ng paumanhin.
"Nako, pasensya na. Hindi ko—"
Para akong binuhusan ng malamig na tubig dahil sa nakita ko. Dahilan din iyon para mapipi ako't mabato sa kinatatayuan ko.
"It's okay. Oh, wait. You're familiar. May I know your name?" sambit niya nang tingnan niya ang mukha ko.
Ngumiti siya sa akin na animo'y isang anghel. Sigurado akong kaedad ko lamang siya at mas mataas din siya kumpara sa akin.
Pamilyar daw ako. Paano niya nagawang hindi masigurong ako nga ito?
"Bakit ka n-narito?" tanging nasabi ko sa pagkuyom ng mga palad ko.
"Mexico? Are you Mexico?" tanong niya na parang hindi pa makapaniwala.
"Bakit ka sabi narito?" may diin kong ulit kahit ramdam ko ang panghihina ng aking mga tuhod.
"Omg! Is that... is that you? Really, Macalintal? Oh, wow!" bulalas niya sabay takip pa sa kaniyang bibig.
Hindi ako nakaimik. Nakatitig lang ako sa kaniya habang sinisipat niya ang kabuuan ko.
Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa na parang gulat na gulat siya. Parang siyang diring-diri na nakita niya ako.
Dumadaloy pa rin talaga hanggang ngayon sa dugo niya ang pagiging demonyita.
"So how have you been? It's been six years since the last time we met," aniya pa habang nilalaro ang buhok niya.
Hindi ko alam kung bakit gusto niyang maging kontrabida sa buhay ko na kahit hanggang ngayon ay uungkatin pa rin pala niya ang mga nangyari noon.
"Bakit ka napipi riyan? Ano ba? Hindi mo man lang ba ako... yayakapin? I'm your friend after all!"
Nagngitngit ang mga ngipin ko dahilan para sagutin ko siya.
"You were my friend... before. Matagal na akong walang kaibigang katulad mo!" giit ko.
"Wow! Matapang ka na ngayon? May ipagmamalaki ka na ba? Omg! This is really unbelievable! After so many years, makikita pa pala ulit kita? But infairness, sa magandang school pa talaga? Mayaman na ba kayo?"
Nakita ko kung paano niya ako binigyan ng isang mapang-asar na ngiti. Dahilan din iyon upang magpanting ang aking tainga.
"Teka, mali. Paano naman kayo yayaman, 'di ba? Hindi na ako magtatanong kung paano ka nakapasok sa private school na katulad nito pero gusto ko lang malaman, kanino naman nangutang ang tatay mo?"
Umakyat ang lahat ng dugo sa mukha ko. Kung may buhay lang ang wallet at telepono ay kanila pa silang patay dahil sa higpit ng hawak ko sa mga ito.
Gusto ko siyang patulan at sampalin, na hindi ko nagawa noon. Gusto ko siyang saktan dahil sa pangmamaliit niya noon sa akin at sa amin ng pamilya ko. Gusto ko siyang durugin nang pino dahil sa pangungutya niya at sa pagkakalat ng kung anu-anong kuwento tungkol sa amin.
Kaso bakit hanggang ngayon, gusto ko pa ring tumakbo palayo?
"Tumigil ka na, Miho," nauutal kong sabi. Doon ko lang naramdaman ang pamumuo ng luha sa aking mga mata.
"Mayaman din ba? For sure, mayaman 'yon kasi ang mahal ng tuition dito e! So kanino?" nakataas na kilay niyang sambit habang naghihitay sa aking isasagot.
Gusto ko siyang sabunutan.
Isa, dalawa... humakbang ako dahan-dahan papalapit pa sa kaniya ngunit ilang saglit lang ay halos tumilapon ako sa lakas ng pagbangga ng isang estudyante mula sa likuran ko.
Tumilapon mula sa aking kamay ang aking telepono at ang nakabukas kong wallet.
"Ops, mian." Ops, sorry.
Pagpihit ng ulo ko upang tingnan kung sino iyon ay mas nagngitngit ang galit sa dibdib ko. Si Choi Soobin, si Selena at Wyn.
Apat na sila ngayon laban sa akin.
"Who are you?" tanong ni Miho doon kay Soobin.
"Masyado yatang napalakas ang ginawa mo kay Mexico, but yeah. I admit, I liked what you did. I'm Miho... Miho Real, Mexico's high school ex bestfriend."
Pumihit ang ulo ni Soobin kay Miho saka niya inilahad ang palad niya rito upang makipagkamay.
"Choi Soobin, Wyn and Selena. We are her classmates," sambit ni Soobin sabay ngisi.
"Oh, really? Hi, girls!" pagbati pa ni Miho sa ka-uri niyang alagad ng mga plastik.
"Glad that you ended your friendship with her," usal ni Soobin saka pinagkrus ang kaniyang mga braso.
"Well, yeah. I don't want to be friends with her in the first place. She's a scammer."
"A scammer? How come?" usisang tanong ni Soobin.
Bakas din sa boses niya na interesado siya sa mga panlalait ni Miho sa akin.
Ano'ng laban ko kung papatulan ko sila?
"Mahilig mangutang ang tatay niya. If I know, baka kung sino lang ding mayaman ang inutangan nila just to study here."
Tumawa si Miho. Isang nakaririnding tawa na nagtutulak sa akin upang busalan ang kaniyang bibig. Ngunit ayoko. Ayokong makipag-away.
"Aalis na ako," tanging nasabi ko ngunit bago pa man ako makahakbang paalis ay natigilan din ako.
"Teka, kay Deborah ba iyon?" biglang tanong ni Wyn saka itinuro ang isang bagay na nasa semento.
Ang wallet ko.
Namilog ang mga mata ko dahil nalaglag nga pala ang lahat ng laman niyon.
Kukuhanin ko na sana iyon kasama ang aking telepono ngunit mas naging mabilis si Miho sa akin.
"Wait. Ano 'to? Fifty pesos and... and 6 peso coins? Ito na lang ba ang laman nitong wallet mo?"
Gusto ko na lang sanang lumubog mula sa aking kinatatayuan nang ibandera ni Miho sa ere ang aking pera na agad na napansin ng mga estudyanteng dumaraan.
Nilapitan ko siya at pinilit na inabot ang wallet at pera ko mula sa kaniya.
"Are you that broke, my dear classmate?" natatawang sabi ni Soobin. "Kawawa ka naman pala."
"Ibalik mo sa akin iyan, Miho!" sigaw ko ngunit patuloy niyang iniiwas ang wallet ko.
"No!" natatawa pa niyang tugon sa akin.
"Why don't you scam persons to have more money, Deborah? I'm sure you're a pro... that would be easy for you," dagdag pa ni Soobin.
Doon na pumatak ang mga luhang kanina ko pang pinipigilan.
"Choi Soobin, puwede bang huwag ka nang makialam? Wala ka namang alam e!" garalgal na sabi ko sabay baling muli nang tingin kay Miho.
"Miho, ibalik mo na iyan sa akin!"
"Aw. Deborah's crying," mapang-asar pang sabi ni Miho bago nila ako sabay-sabay na tinawanan.
"Beg, Deborah. Beg!" nakatawa pa niyang sabi.
"Give me that," usal ni Soobin saka kinuha ang aking wallet, pera, at telepono mula kay Miho.
"Tigilan ninyo na ako," halos pabulong ko nang sabi sa pagitan ng aking mga paghikbi.
"You want this? Here," sabi ni Soobin saka lumapit sa akin.
Muli niya akong itinulak dahilan para mapabagsak ako sa semento. Doon niya isinampal isa-isa sa akin ang mga hawak niya.
"Don't block my way next time, you poor girl. Okay?"
Marahil ay dahil sa gutom ang dahilan kung bakit mas nanghihina ako ngayon. Wala akong kakayahang ipagtanggol ang sarili ko ngayon dahil sa mga problema ko.
"Don't worry, Mexico. Hindi ako rito nag-aaral kaya hindi mo ako makikita araw-araw. I'm just here for my cousin. So sad, right? Pero I'm relieved na may Choi Soobin sa tabi mo."
"Don't worry, I got you," tugon ni Soobin.
Basta talaga magkaka-uri ay mabilis magkasundo.
Nang bahagya akong makabawi nang lakas ay tumayo na ako habang hawak-hawak ang telepono't wallet ko.
"Omg. Is she going to fight back?" sambit pa ni Soobin ngunit hindi ko siya pinansin.
Tiningnan ko si Miho na hanggang ngayon ay suot pa rin ang nakakalokong ngiti, na walang ipinagbago simula pa noon.
"Sana nawala ka na lang nang tuluyan, Miho," sabi ko.
Literal na nalaglag ang kaniyang panga dahil sa aking sinabi. Agad din niya akong nilapitan.
"A-ano? Ano'ng sinabi mo?"
Bigla siyang nag-alab sa galit. Nakita ko kung paano niya itinaas ang kaniyang palad diretso sa aking mukha.
Masakit.
"Sige, magsalita ka pa! Ano?" bulyaw niya sa akin.
Pero ngumiti na lamang ako na alam kong makakapagpalukot sa kaniyang mukha. Mukhang nakatulong ang sampal niya sa akin upang bumalik ako sa aking huwisyo.
"Nag-aalala lang ako na baka paglabas mo rito sa school ay may hindi magandang mangyari sa iyo," seryoso kong sabi.
Napatingin siya roon sa tatlo saka ibinalik ang pokus sa akin. Napahawak ako sa aking pisngi bago ako napangisi.
"What the hell are you talking about?" singhal niya sa akin.
"Mabilis dumating ang karma sa iyo, hindi mo ba napapansin? Akala mo hindi ko alam kung ano'ng nangyari sa iyo matapos mo akong ipahiya noon?" sabi ko.
Nakita ko kung paano gumalaw ang lalamunan niya. Napalunok siya dahil sa aking sinabi.
"What nonsense are you saying, Deborah? Come on—"
"Tumahimik ka, Choi Soobin!" saway ko sa kaniya na nakapagpanganga sa kaniya.
Marahas kong hinawi ang buhok na nakatabon sa aking mukha saka pinunasan ang basa kong pisngi.
"Wow! Ano 'to? Lumalaban ka na? Sige, ano'ng sinasabi mo ha?" pasaring na banta pa niya sa akin.
Bakas din naman sa hitsura niyang takot siya sa maaari ko pang sabihin kaya mas lalo akong ginanahan.
"Hindi ko alam kung ano'ng himala ang ibinigay sa iyo e. Himala ba mula sa Diyos o himala mula kay Satanas? Ano'ng pakiramdam na mabangga ng isang sasakyan matapos mo akong ipahiya at maliitin sa harap ng maraming estudyante noon? Ang bilis ng karma mo, 'di ba? Naaksidente ka kaagad. Hindi ka ba natatakot na baka maulit ulit iyon dahil sa ginawa mo sa akin ngayon? Hindi ka ba nag-aalala para sa buhay mo?" mahabang litanya ko.
Doon ko nakita ang pare-pareho nilang reaksiyon. Gulat. Pero nakita ko rin ang pagkuyom ng mga palad ni Miho.
"Alam mo? Dapat sa iyo kinakalbo e! How dare you! Ang kapal ng mukha mo—"
"Per favore, basta!" Please, enough!
May biglang pumagitna sa amin ni Miho. Dahilan iyon para mapaurong siya at mahinto ang patatangka niyang sugurin ako.
"Smettila, per favore!" Stop this, please! aniya pa.
"Oh, wow! Sino 'to, Mexico? Isa rin ba ito sa mga hinuhuthutan mo?" asik ni Miho.
"Stop insulting Mexico, okay? If you don't have any respect, just... just don't speak."
Humarap ang pumagitna sa amin ni Miho at doon ko nakita ang mukha ni Bavi.
"B-Bavi," usal ko.
Tila nabunutan naman ako ng tinik nang makita ko siya. Sa wakas ay may mag-aalis na sa akin mula sa kahihiyaang ito.
"B-Bavi..." muli ko pang sabi.
Hinawakan niya ang kamay ko kaya't napatingala ako sa kaniya.
"Are you okay? Come with me."