Chapter 12 - 11

NAPABALIKWAS ng bangon si Anikka at nasapo ang sikmura nang mag-ingay iyon. Napangiwi siya. Mukhang hindi siya patatahimikin ng sikmura niya sa magdamag kung hindi niya lalamnan iyon. Kung bakit kasi nagmatigas pa siya kanina at nagkunwaring tulog nang tawagin siya ni Menriz para maghanpunan kanina. Feel lang niyang magrebelde sa kinahinatnan niya kasama ito kaya naman nagkunwari siyang tulog ng tawagin siya nito. Malay ba niyang hindi kakayanin ng tiyan niya ang mabakante ng magdamag?

Lumipad ang tingin niya sa orasan sa bedside table. Pasado alas-onse na ng gabi. Tulog naman na siguro si Menriz. Kung bababa siya at hahalughugin ang kusina nito para makahanap ng makakain, hindi naman na siguro siya nito mahuhuli?

"Bahala na nga!" sabi niya saka bumangon sa kama at tinungo ang pinto. Tuloy-tuloy siya sa ibaba at sa kusina. Patay na ang lahat ng ilaw at hindi na siya nag-abala pang buksan ang ilaw sa takot na magising ang mukhang natutulog nang binata.

Nakahinga siya nang maluwag nang walang aberyang nakarating siya sa tapat ng refrigerator kahit pa hindi siya nagbukas ng anumang ilaw. Binuksan niya iyon at naghanap ng makakain. Nauwi ang tingin niya sa isang maliit na container doon. Binuksan niya iyon at inamoy. Napangiti siya nang mapagtantong Pork Adobo iyon. Hindi pa iyon matigas kaya marahil iyon ang tira sa iniluto ni Menriz para sa hapunan.

"Shouldn't you be opening the lights first?"

"Ay palaka!" Sa gulat nang marinig ang boses na iyon ay lumipad ang container na hawak niya mula sa mga kamay niya. Tinangka niyang saluhin iyon ngunit dahil nga walang ilaw ay hindi siya nagtagumpay. Tuloy-tuloy na nalaglag ang pobreng container sa lapag kasabay ng pagbukas naman ng ilaw. Tumambad sa mga mata niya ang nakataob nang container sa lapag. Parang gusto niyang maiyak. Mukhang ang sarap pa naman ng adobong iyon lalo pa at nagwawala na ang mga alaga niya sa tiyan.

"Wala nang pag-asa iyan!"

Tinignan niya ng masama si Menriz na ngayon ay nasa likod na niya. Agad namang tumaas ang mga kamay nito.

"What? Hindi ako ang naghulog niyan." Depensa nito.

"Kung hindi mo ako ginulat, hindi sana masasayang iyan!" balik niya.

"Kung kumain ka sana kaninang tinawag kita, hindi ka sana pupuslit rito na parang magnanakaw at hindi sana kita magugulat." Saglit siyang natigilan.

May punto ito ngunit wala siyang balak aminin iyon kaya naman ibinalik niya ang tingin sa adobong imbis ang sikmura niya ay ang lapag ang nakinabang.

"Ang pagkain ko!" himutok niya.

"You cannot eat that now." Pumalatak pa ito.

"Alam ko! Kaya nga ipinagluluksa ko na lang iyan at ang sikmura ko!" she sniffed.

Ngali-ngaling batukan niya ito nang marinig niyang tumawa ito. Tama ba namang pagtawanan pa ang kamiserablehan niya sa buhay?

"Hey, don't look all murderous now." Nakangiti pa ring sabi nito. "You clean that up. I'll make you something to eat."

Doon naman siya parang natauhan. She was not supposed to talking to him. Dapat naiinis siya rito dahil nauwi siyang kasama nito sa iisang bubong nang sila lang. Kaya nga hindi siya bumaba kaninang tinawag siya nito.

"H-huwag na! Ako na lang ang magluluto ng makakain ko." Pairap na sabi niya at saka binalikan ang refrigerator ngunit pinigilan nito ang pinto niyon. Tinignan niya ito ng masama.

"I can't let you ruin my kitchen. Alam kong wala kang kaalam-alam sa kusina."

"At paano mo naman nalaman iyan?" taas ang kilay na sabi niya.

"You can't even fry an egg when we were in highschool."

"Highschool pa tayo noon. Marunong na akong magluto ngayon."

"Kung marunong ka nang magluto ngayon, eh di sana kanina ka pa nag-insist na ipagluto ang sarili mo hindi iyong hinintay mo akong makatulog para makakuha ka ng pagkain sa kusina, tama?" naitikom niya ang bibig. Tama naman ito. Kaya nga lutong pagkain na ang hinalughog niya sa ref nito. "You clean that up. Tutal ikaw naman ang nagkalat niyan." Sabi nito saka siya hinawing palayo sa ref nito.

Gusto man niyang sumagot ay hindi na niya ginawa. Tama naman ito, what's the point in arguing. Isa pa kung ipagpipilitan niyang ipagluto ang sarili niya, baka hindi rin niya makain ang kung anumang maluluto niya. Or worst, magliyab ang buong kusina nito.

Tahimik na lamang na kumuha siya ng pamunas at nilinis ang nagkalat na pagkain sa lapag. Napabuntong-hininga pa siya nang muling masilayan ang nasayang na pagkain.

"Huwag mo nang dasalan ang mga 'yan." Narinig niyang komento ng lalaki kaya namang bumalik ang tingin niya rito saka ito sinimangutan. "Alam kong nagugutom ka na kaya 'yong madaling lutuin na lang ang gagawin ko. Omelette na lang, okay ba sa'yo?"

"K-kahit ano, basta makakain." Sagot na lamang niya saka tahimik na nilinis na rin ang pagkain. Saglit lang naman niyang ginawa iyon kaya naman wala na rin siyang nagawa nang matapos kung hindi ang panoorin ang ginagawa nito.

Naupo siya sa lamesa habang nakatingin pa rin dito. Nakasuot na ito ngayon ng printed na apron. Kung iba siguro ang may suot niyon ay maasiwa, but he looked really confortable. He even looked gorgeous wearing the ridiculous apron. O baka naman sa paningin lamang niya iyon? Baka sadyang gutom lang siya.

Gayunpaman ay hindi niya maialis ang tingin dito habang abala ito sa pagluluto. Bagay rito ang naka-suit at nagmamando sa opisina ngunit ngayon din lamang niya nalamang bagay din pala ito sa kusina. Kahit pa madalas ay nakatalikod ito sa kanya habang nagluluto ay hindi niya maiwasang titigan ito. Even his broad back was perfect.

"Enjoying the view?" bigla ay tanong nito.

"Ha?" gulat na sabi niya.

Pinatay naman nito ang niluluto at pagkatapos ilagay iyon sa plato ay inihain nito iyon sa harap niya. PAgkatapos niyon ay sumandok ito ng kanin na ininit nito saka inihain din sa lamesa.

"Wala. Kumain ka na." sabi nito saka naupo sa harap niya.

Nahihiya man ngunit nang maamoy niya at matignan ang nakakatakam na niluto ay dinampot na rin niya ang kubyertos saka sinimulang kumain. Napapikit siya sa unang tikim pa lamang sa omelette na niluto nito. Paanong naging ganoon kasarap ang itlog lang naman sa pagkakaalam niya.

Narinig naman niya ang pagtawa nito kaya bigla siyang nahiya. Ano ba ang itsura niya nang kainin niya ang niluto nito.

"'Wag ka ngang tumawa!" saway niya rito habang nararamdaman niya ang pag-iinit ng mga pisngi niya. Kung bakit kasi ang OA ng reaksiyon niya nang matikman niya ang luto nito.

"Sorry. Ang cute lang kasi ng reaksiyon mo. Is it good?"

"Kailangan pa bang sabihin. Nakita mo na nga ang reaksiyon ko, hindi ba?" Pinagtawanan mo pa nga.Dugtong niya sa isip.

"Malay ko ba kung kaya ka lang nag-react nang ganoon dahil gutom ka." Hirit pa din nito.

"Ewan ko sa'yo!" pairap sa sagot niya bago ipinagpatuloy ang pagkain. Bahala na itong pagtawanan siya basta nagugutom siya. Pilit inignora ang mga mata nitong ramdam niyang pinapanood pa din siya. "'W-wag mo kong tingnan, baka hindi ako matunawan."

"Ipapa-ospital na lang kita kapag hindi ka natunawan. Mayaman naman ako." Sabi nito at nangalumbaba pa sa harap niya.

"Mayabang kamo." Nakasimangot na balik niya rito.

"At mayaman pa rin ako." Sabi nito saka ngumisi sa kanya. Ngali-ngaling isalaksak niya rito ang tinidor na gamit niya kung hindi nga lang baka makulong siya kapag nagkataon.

"Mayaman ka nga, nananakit ka naman ng babae. Wala din." Bato niya rito nang bumalik sa alaala niya ang babaeng umiiyak na lumabas ng opisina nito.

"At saan mo naman napulot 'yan?" kunot ang noong sabi nito.

"'Wag mo nang subukang ikaila. Nakita ko kaya 'yong babaeng umiiyak na lumabas ng opisina mo. Hinabol mo pa nga eh." Napapalatak siya. "Hindi ka naman nananakit ng babae noon eh, well not directly. Nagbago ka na."

Saglit na nag-isip ito pagkatapos ay bahagyang dumukwang sa lamesa at inilapit ang mukha sa kanya. Napalunok siya. May binabalak na naman ba ito?

"Aray!" daing niya nang walang anu-ano'y pitikin nito ang noo niya. "Hoy! Bakit nananakit ka? Idedemanda kita!" banta niya rito habang hinihimas ang nasaktang noo at pinanlilisikan ito ng mga mata.

"Napaka-judgmental mo talaga." sabi nito bagaman nakangiti naman sa kanya. Praning talaga.

"Hindi ako judgmental! Ibinase ko lang sa nakita ko ang conclusion ko."

"Eh di judgmental ka nga."

"Hindi nga sabi!" pilit pa rin niya.

Ngali-ngaling batuhin niya ito ng plato nang bigla itong humagalpak ng tawa. Pagkatapos nitong akusahan siyang judgmental, tinatawanan naman siya nito ngayon?

"Tumigil ka nga kung hindi ipupukpok ko talaga sa'yo 'tong plato." Nakasimangot na saway niya rito.

"S-sorry." Tumatawa pa ring sabi nito. "Natutuwa lang ako dahil hindi ka naman pala talaga nagbago."

"Hoy, anong hindi nagbago? Tumangkad kaya ako!"

"Not physically of course. You're prettier now." Sabi nito na bahagyang nakapagpatigil sa kanya. "Ang ibig kong sabihin, hindi ka nagbago. Ang sama pa rin ng tingin mo sa'kin." Nailing na sabi nito kahit nakangiti naman.

"A-at natutuwa ka na gusto pa din kitang dikdikin hanggang ngayon?" kunot ang noong tanong niya.

"I told you, it doesn't matter even if you hate me. As long as I'm the only one you're thinking about." Napatingin siya sa mga mata nito. Iyon ang pangalawang beses na narinig niya iyon mula rito, at kagaya ng unang beses ay dumagundong na naman ang dibdib niya.

"B-baliw ka talaga kahit kelan!" sabi niya na pilit itinago sa pag-irap ang nararamdamang kakaiba sa dibdib.

Ngumiti lang naman ito saka tumayo na.

"Aakyat na ako. May pasok pa tayo bukas." Sabi nito saka naglakad na ngunit tumigil pa ito sa gilit niya at sa gulat niya ay tinapik-tapik ang ulo niya. "Thanks for the evening, Anikka."

Napatanga na lamang siya roon kahit pa wala na ito. Anong "Thanks for the evening" ang sinasabi nito? Wala naman siyang ginawa kung hindi ang makipagdiskusyon rito?

Ngunit ang lalong nagpapagulo sa kanya ay ang ayaw paawat na puso niya. He just patted her head for Pete's sake! Ngunit bakit hanggang ngayon ay nagwawala pa ring tibok niyon?