Chereads / SIMPLY IRREPLACEABLE / Chapter 7 - PART 7

Chapter 7 - PART 7

NAIWAN siya sa bakanteng waiting room sa building ng College Of Education, nang biglang sumingit sa isipan niya si Louis. Nagpunta kasi sina Pau at Rhea sa library, at gaya nga ng sinabi ni Mr. Buenrostro, banned sila sa aklatan ng binata.

"Ang mokong, kundi dahil sayo di sana nasa library din ako ngayon at nagpapalamig!" nainis niyang bulong saka nagpaypay nang makaramdam ng alinsangan.

Nasa ganoong ayos siya nang biglang magbukas ang ceiling fan sa tapat kung saan siya nakaupo. Agad niyang nilingon ang gawi ng pinto para lang matigilan nang makita kung sino ang nakatayo roon.

Mabilis ang naging tugon ng kaniyang mga senses sa pagkakakita kay Louis. Agad na sumikdo ang matinding kaba sa kaniyang dibdib, lalo nang makita itong palapit sa kaniya.

"Pwede ka namang magbukas ng ceiling fan, kasama iyon sa binabayaran mong matrikula" anitong naupo sa bakanteng silyang katabi niya.

"Ano bang pakealam mo?" aniya saka ito matalim na tinapunan ng sulyap.

"Ang sungit mo naman, para nakikipagkaibigan lang ang tao."

"So? Baka nakakalimutan mong malaki ang atraso mo sa'kin? Para ipaalala ko sayo kaya nagtitiis ako dito sa pagpapaypay ay dahil sa lahat ng kawalanghiyaan mo!"

"Tsk...tsk...tsk...Alam mo, maganda ka nga pero sobrang taray mo naman. Paano ka maliligawan niyan kung daig mo pa ang Hungarian Horntail kung magalit?"

Ramdam niya ang pang-aasar sa tinig ni Louis. Pero hindi iyon ang nagpainit ng husto sa ulo niya. Kahit hindi pa niya nababasa ang book four ng Harry Potter ay alam naman niya kung ano ang sinasabi nitong Hungarian Horntail dahil tapos na niyang panoorin ang buong movie series. At iyon ang pinakamabangis na dragon na kasali sa Triwizard Tournament.

At anong karapatan nito para i-compare siya sa isang dragon? Wala ba talagang kahit kaunting gentleness na nasalo ang lalaking ito?

Padabog niyang isinara ang binabasang libro saka tumayo ng masama ang tingin sa binata. "Anong sinabi mo? Pakiulit nga!"

Lumapad ang pakakangiti ni Louis. Tumayo ito saka siya inakbayan na parang hindi sila mortal enemy.

"Huwag ka ngang umastang parang wala kang kasalanan sa akin!" aniyang galit na tinabig ang braso nitong nakaakbay sa kaniya.

"Saka isa pa huwag na huwag mo akong tatawaging Hungarian Horntail dahil alam ko kung ano ang sinasabi mo!"

Bakas sa mukha ni Louis na nag-eenjoy ito sa ginagawang pang-aasar sa kaniya. Dahil doon ay lalong umusok ang ilong niya sa galit. Kaya nang makita niya itong nagbuka ng bibig ay mabilis na umigkas ang kanang kamay niya.

Parang natauhang napatitig siya sa kaharap niyang blangko ang ekspresyon ng mukha. Gustuhin man niyang huwag ipahalata ang takot na nararamdaman ay nabigo siya.

"S-sorry."

Pero hindi umimik si Louis at sa halip ay nanatiling nakatitig lang sa kaniya. Halata namang hindi nito ininda ang malakas niyang sampal kahit nag-iwan iyon ng marka sa mukha nito.

"Alam mo bang ikaw palang ang nakagawa sa akin ng ganoon?"

Para siyang mapapaso sa init ng tensyon ng mga titig ni Louis. Lihim pa siyang napasinghap nang makitang humahakbang ito palapit sa kaniya.

"Kaya nga nagso-sorry eh!" balik na naman siya sa mataray niyang tono sa kagustuhang itago ang takot na nararamdaman.

Napatili siya nang saklitin ni Louis ang kaniyang baywang. Sandali muna siyang hindi nakakilos at makaraan ang ilang segundo ay saka niya itinukod ang dalawang kamay sa dibdib nito para pakawalan ang sarili. Pero nagulat siya at parang hindi makapaniwala nang makapa ang muscled chest ni Louis.

"Ano malaki ba?"

Nang tingalain niya si Louis ay nakita niyang umangat ang sulok ng labi nito saka nanunuksong ngumiti. Nag-init ang kaniyang buong mukha nang makuha ang ibig nitong sabihin.

Oo malaki at sobrang tigas! Pero mamamatay muna ako bago ko sabihin iyon sayo!

"Bitiwan mo nga ako!" awtorisado niyang utos.

Pero lalong hinigpitan ng binata ang pagkakahapit sa kaniya saka tuluyang inilapat ang katawan nito sa kaniya na para bang kahit hangin ay hindi makadaraan sa pagitan nila.

"At bakit ko gagawin iyon? Eh ang lambot-lambot ng katawan mo, ang sarap hapitin ng makipot mong baywang."

"Kapag hindi mo ako binitiwan sisigaw ako!"

"Kapag sumigaw ka, hindi ako magdadalawang isip na halikan ka" may warning sa tinig ni Louis saka pa nito tinitigan nang tila natatakam ito sa mga labi niya.

Sunod-sunod siyang napalunok.

"Ano sisigaw ka pa ba?"

Parang wala sa sariling napailing siya gawa ng matinding takot. Kapag hinalikan siya ni Louis, malaki ang posibilidad na may makakita. At malaking problema nanaman iyon.

Nakahinga siya ng maluwag nang pakawalan siya ng binata. Ngunit sa kabilang banda, may bahagi ng puso niya ang tila ibig magprotesta sa ginawa nito.

"Hihintayin kita sa parking lot mamaya, ihahatid kita sa inyo. Saka ano na nga pala ang cellphone number mo?" si Louis na ipinatong ang dalang binder sa ibabaw ng History book niya.

Nagsalubong ang mga kilay niya sa narinig at maging sa tonong ginamit nito. At dahil nga mas nangingibabaw sa kanya ang inis hindi niya napunang kasamang dinampot ng binata ang libro niya na nakailalim sa binder nito.

"Huwag ka ngang parang prinsipe diyan kung magsalita! Bakit ako sasabay sayong umuwi eh kanina lang muntik mo na akong manyakin? Saka wala akong cellphone! Mahirap lang ako at sa mahal ng mga cellphone na iyan hindi wais na bumili ako habang nagpapakahirap ang mga magulang ko sa paghahanap buhay para paaralin ako!"

"Ang haba ng sinabi para number lang ang hinihingi eh. Saka anong pinagsasasabi mo? Bakit naman kita mamanyakin?" anitong sinuyod siya ng tingin mula ulo hanggang paa.

"You're not my type!" pagkasabi niyon ay nakakaloko pa itong ngumisi.

"Aba't tarantado ka talaga!" aniyang inambahan ng kamao ang binata.

"Sige gawin mo yan nang marating mo ng wala sa oras ang langit sa pamamagitan ng mga halik ko" pagkasabi niyon ay tumalikod na ito palabas ng silid.

"Hihintayin kita sa parking lot" pahabol pa nito.

"Mayabang! Kukulapuhin ka sa kahihintay doon! Pangit!" humihingal sa galit niyang bulyaw.

Dinig na dinig niya ang nakakalokong tawang pinakawalan ni Louis habang papalayo ito.

Pabagsak siyang muling naupo saka natigilan nang mapunang nawawala ang History book niya.

Louis!

Dahil sa katotohanang iyon ay bugnot siyang napasimangot.