ILANG sandali narin siya doon nang mapuna ang isang lalaking naghahanap din ng libro. Naka-shades, nakapagtatakang pinayagan ito ng librarian sa ganoon ayos habang nasa loob ng library. Sa isiping iyon ay nagkibit lang siya ng balikat saka ipinagpatuloy ang ginagawa. At nang malanghap niya ang scent ng pabango nito ay mabilis na dumamba ang pinaghalo-halong kaba sa kanyang dibdib.
Naalala niya si 'Adam Sandler' dahil sa pabangong gamit ng lalaki. Isang buwan narin pala mula nang una niyang makita ang binata pero dahil hindi siya mahilig tumambay sa corridor, hindi na niya ito ulit nakita.
Maluwang siyang napangiti nang makita ang hinahanap. Umakma siya para kunin ang Harry Potter and the Prisoner of Azkaban nang bigla iyong dakmain ng lalaking kasama niyang naghahanap doon kanina pa.
Mabilis siyang nairita, lalo nang mapunang walang pakealam sa kaniya ang lalaki at parang wala siya doon kung umasta ito.
Antipatiko! Pero in fairness gwapo.
"Teka lang sandali mister, baka gusto mong ibigay sa akin iyang libro dahil ako ang unang nakakita niyan" pagtataray niya sa lalaking nang mga sandaling iyon ay parang namumukhaan na niya kaya minabuti niyang mas pakatitigan pa.
"Marami pa naman diyan miss," anitong itinuro ang ilang kopya ng Harry Potter nang hindi siya tinitingnan, at sa halip ay sinisimulan ng buklatin ang libro na halatang hindi nababakante dahil sa itsura ng cover nito. "may binabalikan lang kasi ako dito."
Muli niyang sinuyod ng tingin ang hanay ng mga libro. Pero napangiwi siya nang makitang wala ng iba pang kopya ng Harry Potter and the Prisoner of Azkaban doon. Hindi naman na siya nagtataka, worldwide phenomenon ang naturang series. Kaya madalas, borrowed ang maraming kopya sa library.
Tapos ngayon, may isang antipatikong lalaking aagaw nalang sa librong matagal kong hinintay na mabakante!
Tiningala niya ang kaharap, sa sobrang taas nito ay nagmistula siyang duwende dahil umabot lang sa balikat nito ang taas niyang 5'5".
Nagtimpi siya saka sinikap na magpakahinahon. "Alam ko, pero tapos ko na iyang books one and two" aniya sa nagpapaunawang tinig habang pilit na binabalewala ang kakaibang damdaming nararamdaman niya para sa lalaking estranghero.
Noon itinaas ng lalaki ang kamay nito, hinubad ang suot na salamin saka siya pinagmasdan. Mabilis niyang natuptop ang sariling bibig nang makilala ng lubusan ang nasa kaniyang harapan. Nakita rin niya ang tila pagkabigla sa mukha nito nang titigan siya na mabilis din namang naglaho.
Si Adam Sandler!
Pakiramdam niya ay biglang nagluwag ang garter ng panty niya nang ngumiti ito.
Gosh! Lahat nalang yata ng magagandang katangiang pisikal napunta na sayo! Sigaw ng isip niya nang magflashed sa kaniya ang napakaganda nitong ngiti na nagpalitaw sa perpektong set ng ngipin nito.
Naku huwag kang magpalinlang sa charm niya Jade, remember inagawan ka niya ng book, at nakaka-turn off iyon! Ang kabilang bahagi naman ng isip niya.
"Di iyang four ang basahin mo" sagot nito saka inilagay sa bulsa ng polo nito ang hinubad na salamin.
Sa narinig ay agad na napalis ang maganda niyang ngiti saka naniningkit ang mga mata niyang dinuro ang lalaki. Kasabay niyon ang kumpirmasyon niyang ito rin ang nambulyaw sa kaniya sa driveway kaninang umaga.
"Hoy Aragog, hindi ako tanga gaya ng sinabi mo sa akin kaninang umaga. Alam mo mismo sa sarili mong series ang Harry Potter tapos uutusan mo akong basahin ang book four nang hindi pa nababasa ang book three? At pwede ba, ibigay mo sa akin iyan dahil ako ang mas may karapatan niyan!" mariin niyang utos sa lalaki.
"Anong karapatan eh wala namang nakasulat na pangalan ng kahit sino dito sa libro ah? Saka anong sabi mo? Sino kamo ako?" parang napikon nitong tanong-sagot saka humakbang palapit sa kaniya.
Mabilis na gumapang ang matinding kaba sa dibdib niya. Sa lahat ng gagamba ito na yata ang pinakagwapo kung sakali. Pero hindi kasing gwapo ng mukha ng lalaki ang ugali nito dahil ubod ito ng yabang at baka mas matindi pa sa Nimbus 2000 o Firebolt ang bilis ng hangin nito sa katawan.
"Ikaw pala ang tanga eh, at bingi narin" aniyang pilit na pinatatag ang tinig kahit pa nasukol na siya ng lalaki dahil nang lingunin niya ang kaniyang likuran ay wala na siyang aatrasan. "Aragog! Aragog! Mayabang ka, ibigay mo nga sa akin iyan!"
Kitang-kita niya ang biglang pananalim ng mga mata nito dahil ipinangalan niya rito ang higanteng tarantula pet ni Hagrid sa book two ng Harry Potter series.
"Wala ka ng magagawa kasi hawak ko na. Kung gusto mo subukan mong kuhanin sa akin" anitong nang-iinis pang binuklat-buklat sa kaniyang harapan ang bawat pahina ng libro.
Noon umabot sa sukdulan ang pasensya niya kaya pikon niyang hinablot ang libro sa lalaki. Pero sa halip na bitiwan iyon ay nakipag-agawan pa ito sa kanya! Kaya inis niyang inubos ang lahat ng pwersa niya maagaw lang ang libro sa binata. Hindi na niya naisip na fragile na ang binding niyon na posibleng bumigay anytime.
"Akin na sabi iyan Aragog! Mas pangit ka pa sa gagamba ni Hagrid!" galit niyang sabi sa malakas at pasigaw na tinig.
Nagmistula silang naglalaro ng tag of war at ang libro ang lubid. At dahil nga sa malakas niyang tinig ay mabilis na lumapit sa kinaroroonan nila ang librarian. Kaya kitang-kita nito nang mahati ang libro sa dalawa.
"Anong ibig sabihin nito?" ang galit na boses ng librarian.
"Kasalanan niya Ma'am Sheila" aniya.
Mabilis namang pinabulaanan iyon ng binata. "Anong ako? Kita mo nga mas malaki ang part na hawak mo, ibig sabihin ikaw ang gumamit ng mas maraming pwersa!"
Natilihan siya, at nang tingnan niya ang bahagi ng napilas na libro ay mas malaki nga ang nasa kanya dahil takip lang ang naiwan sa kamay ng lalaki. Noon siya mabilis na nakaramdam ng matinding pagkapahiya, parang gusto tuloy niyang pagsisihan ang nangyari. Sana hindi nalang niya pinatulan ang pang-aasar nito dahil siguradong pababayaran sa kaniya ang libro.
"Kayong dalawa, sumama kayo sa akin sa Chief of Librarian's Office!" hindi parin nagbabago ang tinig ni Shiela kaya napilitan siyang sumunod nalang.