SABAY sabay na nagpalakpakan sina Jean, Myla, Eunice at Anikka nang matapos ang performance ng Ablaze sa restobar na iyon ni Josh. Kahit talaga may kanya-kanya nang negosyong pinamamahalaan ang magkakabigang iyon ay hindi binitawan ng mga ito ang pagmamahal ng mga ito sa musika. At hanggang ngayon naman ay hindi nawala ang charms ng mga ito sa mga babae. Kanya-kanyang hiyawan pa ang mga babae sa paligid.
"I love you, Menriz!" sigaw ng isang babae mula sa crowd.
"Hagisan ko kaya ng plato ang babaeng iyon nang nananahimik na lang siya?" natawa sila sa tinurang iyon ni Anikka, ang girlfriend ni Menriz. Hindi pa ito nakuntento at tinignan na nang masama ang babaeng sumigaw.
"Relax ka lang Ate Anikka. Sa'yo lang naman nakatingin si Kuya Menriz eh." Sabi ni Myla. Nang lingunin nila ang lalaking tinutukoy nito ay sa direksiyon nga nila ito nakatingin. Nakuha pa nitong kumaway habang abala sa pagbababa ng gitarang ginamit nito. Nakita nila nang unti-unting sumilay ang ngiti sa mga labi ni Anikka.
"Maski ako nagseselos din sa mga fans nang mga 'yan eh. Minsan nga iniisip ko, dapat tinitigilan na nila ang pagtugtog tutal mayayaman naman sila. Pero lagi namang sumasagi sa alaala ko ang unang beses na marinig kong kumanta si Ethan. And then I realized I don't really want them to stop doing their craft." Sabi naman ni Eunice habang nakatitig sa fiancé nito.
"Well they are really lovable on stage. Inaamin ko namang isa sa minahal ko sa taong 'yan ay ang galing niya sa pagtugtog." Tatangu-tangong sabi naman ni Anikka. "Ganoon ka 'din siguro 'no, Jean? You must have watched them noong panahong 'yan pa lang ang alam nilang gawin. You were with them back at college."
"Ha? Ah eh..."
"Naku, for Ate Jean, it's a different story." Singit naman ni Myla.
"Paanong different?" curious na tanong na ni Eunice. Maging si Anikka ay sa kanila na nakatingin.
"Ate Jean was the band's extended member." Nakangising sabi ni Myla. "Kapag tinatamad ang mga kolokoy na iyon kumanta, si Ate Jean ang isinasalang nila. At isa din iyon sa minahal ni Kuya Apollo sa kanya."
"Talaga?" nakangiting sabi naman ni Anikka. "Kung ganoon pwede ka bang magperform ngayon? Bigla akong na-excite marinig ang boses mo!"
"Ha? No I can't---"
"Anong pinag-uusapan ninyo, ladies?" sabi ni Ethan na hindi nila napansing nakalapit na pala sa kanila. Kasunod nito ang iba nitong mga kabandang nagkanya-kanya na ring upo sa paligid ng lamesang inookupa nila.
"Ito raw kasing si Jean, nagpeperform kasama ninyo noon." Sagot naman ni Eunice sa fiancé nito.
Naramdaman niya ang pag-akbay ni Apollo sa mga balikat niya. Nang lingunin niya ito ay sinalubong siya ng magangdang ngiti nito. She smiled back at him.
"Yeah, Anikka had been our substitute vocalist whenever Ethan was not in the mood." Sagot ni Apollo mula sa tabi niya.
"Anong wala sa mood ang pinagsasasabi mo? You were paying me to ditch some performance so you could perform with Jean. Pasalamat ka nga at mabuti akong kaibigan, pinagbibigyan kita noon." Sagot ni Ethan.
"Shut up! Ang sabihin mo mukha ka lang talagang pera!" sabi ni Apollo bag hinagisan ng kinusot na table napkin si Ethan.
"Noon 'yon! Si Menriz na lang ang mukhang pera ngayon!" sagot naman ni Ethan.
"Hoy paninirang-puri na 'yan! Baka maniwala si Anikka." Protesta ni Menriz.
"Don't worry, hon. Matagal ko naman nang napatunayan ang sinasabi nila." Singit ni Anikka.
Sabay-sabay na nagtawanan ang lahat. Pakiramdam niya tuloy ay kabilang na siya sa grupong iyon. Akala niya noon ay hindi niya sa makakabalik sa grupong iyon nang iwan niya si Apollo. Alam kasi niyang sumama din ang loob ng mga kaibigan nito sa kanya. And she missed this kind of feeling. Na muling mapabilang sa grupo ng mga kaibigan ni Apollo. It was as if everything went back to what it used to when they were in college. Nadagdagan nga lamang ngayon at lalo pang naging masaya.
"Going back to the original topic, will you sing for us again, Ate Jean?" ungot ni Myla.
"Oo nga, Jean. Ikaw na ang kumanta. Baka kasi mapraning ang kutong-lupang iyan at umakyat sa stage." Singit ni Darwin na ang tinutukoy ay si Myla. "Mahirap na, baka abutin tayo ng kung anong delubyo rito."
"Sorry, hindi ako nakikipag-usap sa mga naglipanang bakulaw sa paligid." Balik ni Myla kasabay ng pag-irap rito.
"Hindi rin naman ako nakikipag-usap sa mga nuno sa punso." Hindi patatalong sabi naman ni Darwin.
"Sinong nuno sa punso?!" galit na sabi na ni Myla.
"Woah! Children, behave!" awat ni Lenard, ang kuya ni Myla.
"Jean, umakyat ka na nga sa stage. Kailangan ng distraction ng mga bata rito." Iiling-iling na sabi ni Josh.
"A-ako?" gulat na sabi niya. Magpoprotesta pa lamang siya nang maramdaman niya ang paghawak ni Apollo sa braso kamay niya. Nang lingunin niya ito ay nakatayo na ito sa gilid niya habang nakangiti sa kanya.
"Come on! Give me something to brag about." Kumindat ito saka hinila siyang patayo.