ALAS-ONSE pa lamang ng umaga ay naghahanda na si Jean. Excited siya para sa lunch date nila ni Apollo. Oo, dineclare na niyang lunch date iyon dahil hindi naman siya napano sa niluto nito ibig sabihin ay sincere ito sa isinulat sa papel. And she was more than willing to treat him for lunch if it means she would be with him.
Pinakatitigan niya ang sarili sa salamin. She was wearing a cream colored casual short sleeved dress. Ang laylayan niyon ay umabot ilang pulgada ang taas mula sa tuhod niya. Sa paa ay isang pares ng white wedge sandals na hindi naman kataasan.
Sa mukha naman ay nakuntento na siya sa manipis na face powder at lipgloss naman sa kanyang mga labi. She was never into heavy make up. Isa pa, mainit ang panahon. Kung magmi-make-up siya, malamang na humulas na iyon hindi pa man sila nakakatapos mag-lunch.
Nang makuntento sa nakikita ay nginitian niya ang sariling repleksiyon sa salamin saka bumaba ng kuwarto at pinakatitigan ang wall clock. Pakiramdam niya ay ang bagal ng oras. Hinihintay rin niyang tumunog ang doorbell ng bahay niya.
Nang ilang minuto na ay wala pa ring nagdu-doorbell ay lumabas na siya saka sinilip ang kabilang bahay mula sa gate ng bahay niya. Nakaawang ang gate ng bahay nina Apollo na siya namang ikinakunot ng noo niya. Umalis ba ito at naiwang nakabukas ang gate? O baka naman napasok na ang bahay nito? Ngunit mahigpit naman ang security sa subdivision nila. Pero susubukan na rin siguro niyang i-check ang bahay nito para makasigurado.
Kagat ang pang-ibabang labi na naglakad siyang patawid sa bahay nito. Marahan niyang binuksan ang gate ng pinto ng bahay at pumasok. Maging ang front door ng bahay nito ay bukas din. Dahan dahan siyang pumasok doon.
"Ahm, Apollo..." mahinang pagtawag niya. Nagbabaka-sakali siyang nasa loob naman ito at sadyang naiwang nakabukas lamang ang pinto nito. Ngunit hindi siya nakatanggap ng sagot mula rito. Luminga-linga siya sa paligid. Mukha namang wala pang nawawala sa bahay nito. Ang TV nito ay nasa lalagyan pa din. Nakapatong naman ang laptop nito sa center table maging ang mamahaling cellphone nito. Maybe he was just in his room. Maybe sleeping?
Napasimangot siya. Ito ang nagsabing magla-lunch sila ng sabay kung ganoon ay bakit naman ito matutulog samantalang ilang minuto na lamang ay tanghaling tapat na. Ngunit bigla ay naalala niya, wala nga pala siyang karapatang kastiguhin ito. Dapat nga ay magpasalamat pa siyang naisipan siya nitong ipagluto ng agahan at ayaing mag-lunch.
"Mamasamain kaya niya kung gigisingin ko siya?" tanong niya sa sarili. She just can't accept the fact that their lunch date might get cancelled just because he overslept. "Pero siya naman ang nag-aya. Baka sabihin niya hindi ko gustong ilibre siya kaya hinayaan o siyang matulog na lang." pangangatwiran niya.
Para na siyang baliw roon na kinakausap ang sarili niya. Isa lamang naman ang gusto niya, ang makasama ito kahit sa lunch lamang na iyon kaya naman nakabuo siya nang pasya. Marahan siyang umakyat sa ikalawang palapag ng bahay nito. Alam niya ang kuwartong tutumbukin dahil ilang beses na rin naman siyang nakapasok sa kuwarto nito noon.
Napabuntong-hininga siya nang mapansing maging ang pinto ng kuwarto nito ay nakaawang. Hindi ba talaga ito marunong magsara ng mga pinto? Dahan dahan siyang lumapit sa pinto ay sumilip sa siwang niyon.
Para siyang sinampal sa eksenang bumungad sa kanya sa loob ng kuwarto ni Apollo. Nakahiga ng pahalang sa kama nito si Apollo habang nakakakubabaw naman rito ang isang babae. Ang babaeng ilang beses na rin niyang nakikitang kasama nito. At ang tanging suot ni Apollo na nakikita niya ay ang tuwalyang nakatapi sa pang-ibabang bahagi nito.
She felt like all her energy was forced out of her body. At bago pa man siya tuluyang maubusan ng natitira pang lakas sa katawan niya ay pinilit niya ang mga paang lumayo na sa lugar na iyon. She half ran-half walked down the stairs. Wala na siyang pakialam pa kahit na lumikha ng ingay ang sapatos niya. Tuloy-tuloy siyang lumabas ng bahay nito at lakad-takbong tinungo ang labas ng subdivision. Pinara niya ang unang taxi na dumaan sa harapan niya. And there inside the cab she started crying.