V2. CHAPTER 2 – Open Door and Steps
NO ONE'S POV
"Ha- Hi Dad."
Napatingin si Bianca sa kaniyang paligid.
"Uhmm, long time no see Dad."
Sandali siyang napatigil sa paglalakad.
"Hmmp! Dito na po ako uli titira Dad."
Nakangiting sabi ni Bianca hanggang sa maramdaman niya ang pag-ihip ng malamig na hangin.
"JEEZ! BWISET!"
Kung magaan lamang ang mga maletang dala ni Bianca ay siguradong nabalibag niya na ang mga ito.
"Mahigit isang taon na rin... Tapos bigla ka na lang uuwi? Ang kapal ng mukha mo Bianca," saad niya sa sarili kasunod ang pagbuntong-hininga.
Ilang block na lamang papunta sa bahay nila Bianca at habang papalapit na siya sa kanila ay di niya maiwasang mangamba. Hindi niya kasi alam kung paano ipi-presenta ang sarili sa ama. Nahihiya siya sa kaniyang step mom. Hindi niya alam kung anong mukha ang ihaharap sa mga ito.
Nasa tapat na si Bianca ng gate ng kanilang bahay. Tinignan niya ang paligid at kahit mahigit isang taon na siyang hindi nakakauwi ay wala pa rin itong ipinagbago.
"Long time no see," matamlay siyang nangiti.
Pipindutin na sana ni Bianca ang doorbell nang mapansin niyang hindi naman pala nakasara ang gate.
Napaluwag si Bianca ng hinga bago iapak ang mga sapatos papasok. Pagkapasok ng gate ay napansin niyang nakabukas din ang pinto. Bigla siyang kinabahan. Hindi niya naiwasan na mag-isip ng masama.
"OMG, ninanakawan ba kami?"
Marahan siyang sumilip sa may pinto. Nang walang mapansing kakaiba ay dahan-dahan siyang pumasok hanggang sa matigilan nang makarinig ng tawanan.
"Si Dad saka si Tita Caroline!"
Dahil sa gulat ay napakaripas ng takbo si Bianca paakyat ng hagdan. Hindi niya na inalintana ang pagsabog ng kaniyang maleta. Nang marinig ng mga tao na dahilan ng kaniyang pagtakbo ang ingay ay naalerto ang mga ito.
"May tao ba dyan?" tanong ng stepmom ni Bianca. Pumunta siya kasama ang asawa sa may sala.
"Bianca?" tawag ni Benjamin noong makita ang mga gamit na nagkalat.
"Si Dad!"
Pagkarinig sa boses ng kaniyang ama ay mabilis binuksan ni Bianca ang pinto ng kaniyang silid. Pagkapasok ay isinara niya agad ang pinto sabay lock at sandal dito.
Napahinga si Bianca ng maluwag bago napangiti. Hindi niya maiwasang matawa sa kaniyang ginawa ngunit agad siyang parang naging isang malamig na estatwa noong makita niya ang tao sa harapan niya.
"Bianca?"
"Anong ginagawa mo dito?!" gulat na tanong ni Bianca. Mataman siyang tinitigan ng taong kaniyang tinatanong bago ito ngumiti at nagpaliwanag.
"Inaayos ko 'tong kwarto mo."
Hindi nakapag-react si Bianca. Dahil sa presensya ng kaniyang stepbrother ay pakiramdam niya tuloy ay estranghero siya sa kaniyang sariling silid. Gusto man niya itong itaboy ay hindi niya naman alam kung anong salita ang dapat gamitin.
Napatahimik na lamang siya.
"Welcome home Bianca," bati ni Jerome bago naglakad papalapit sa kapatid. Gusto siyang pigilan ni Bianca ngunit hindi kumilos ang katawan niya.
Ngumiti si Jerome saka marahang hinimas ang tuktok ng ulo ng kaniyang kapatid.
"Jerome..."
"Anong sabi ni Dad? Alam mo ba tuwang-tuwa siya noong sabihin ko na baka umuwi ka ngayon."
Ikinamangha ni Bianca kung paano nalaman ni Jerome na uuwi siya ngayon. Tatanungin niya sana ito nang may kumatok sa pinto.
"Bianca? Nandyan ka na ba? Jerome nandyan na ba yung kapatid mo?" tanong ng ama nila.
Hindi kagad sumagot si Jerome. Inihawak niya sa kaliwang braso ni Bianca ang kamay na kaninang humihimas sa bunbunan nito.
"Yes Dad. Nandito po si Bianca," sagot ni Jerome habang umiiling na nakatingin sa kapatid.
Binuksan ni Jerome ang pinto at iniharap ang kapatid sa ama nito.
"Ha- Hi Dad, long time no see Dad, hehe. Dito na po ako uli titira Dad."
♦♦♦
"Kamusta ka naman anak a? Naghanda talaga kami o, noong sabihin ni Jerome na uuwi ka ngayon."
Napalingon si Bianca sa kaniyang kapatid.
Kasalukuyang nasa hapag kainan ang pamilya ni Bianca upang ipagdiwang ang pag-uwi niya. Madaming pagkain ang nakalatag at halatang pinaghandaan talaga ang lahat ng ito.
"Hinayaan niyo ba talagang nakabukas yung gate at pinto?" Nakakunot ang kilay na tanong ni Bianca. Tinugunan naman ang katanungan niya ng ngiti ng kaniyang mga magulang.
"Tss, akala ko tuloy ninakawan na po kayo. 'Wag niyo na nga po 'yon gagawin sa susunod."
Habang sumusubo si Bianca ay ini-scan niya ang mga taong kasama niya sa hapag saka sinagot ang naunang tanong ni Benjamin – ang kanyang ama.
"Ayos naman ako Dad," nahihiya niyang sabi.
Napangiti ang kaniyang ama. Matagal na niya itong inantay. Sabik na sabik si Benjamin na makita at mahagkan muli ang unica hija niya.
"Mabuti naman anak. Alam ko naman na magiging maayos ka dahil kasama mo yung dalawang mabait mong kaibigan. Nasaan pala sila ngayon tumira? Ang sabi ni Jerome e sinara raw lahat ng dorms ng school niyo para sa renovation a?"
Napalingon si Bianca sa kapatid.
"Si Pristine po balik mansyon nila at si Arianne..." Saglit na tinignan muli ni Bianca si Jerome.
"Si Arianne hindi ko pa po alam pero hinatid siya ni Pristine kanina sa matutuluyan niya."
Tanging ang mag-ama lamang ang nag-usap sa hapag. Si Caroline at Jerome ay nakikinig lamang sa kanila at paminsan-minsa'y sinasabayan ng facial expressions ang kanilang napapakinggan.
"Na-miss talaga kita anak. Ang haba na ng buhok mo o para ka nang si sadako," biro ni Benjamin. Napanguso naman si Bianca sa narinig.
Pagkatapos nilang kumain ay pumunta na si Benjamin sa sala at nanuod ng tv. Si Jerome naman ay tutulong dapat sa kaniyang ina na mag-ayos pero nakita niya si Bianca na nasa isang tabi, naghihintay at parang naghahanap ng tyempo. Alam ni Jerome ang dahilan kaya't minabuti niyang iwan ang dalawa.
"Hey, Bea since ngayon ka lang umuwi ikaw na muna maghugas ng pinggan a. Walang special treatment!" saad ni Jerome sabay punta ng sala at sinamahang manuod ang kaniyang stepdad.
Hindi na nakapagsalita si Bianca dahil mabilis na nawala si Jerome sa kaniyang paningin. Tumingin siya sa kaniyang stepmom. Kasalukuyan itong nagliligpit ng kanilang mga pinagkainan. Nahihiya at kinakabahan, dahan-dahan niya itong nilapitan.
"Ako na po dito Mom."
"Hindi na Bea, ako na rito. 'Wag mo na intindihin yung sinabi ni Jerome. Kakadating mo lang kaya magpahinga ka na muna," nakangiting sabi ni Caroline.
"Pero po..." nag-alinlangan si Bianca, "Tita Caroline, Mom... I'm sorry po."
Napahinto si Caroline sa kung anumang ginagawa niya. Nilingon niya si Bianca at naabutan niya itong nakayuko.
"Para saan naman anak?" tanong niya nang lapitan niya si Bianca. Iniangat niya ang mukha ng anak at nakita niya ang pagtulo ng luha nito.
"Kasi hindi po ako pumunta sa kasal niyo ni Dad. Saka kasi hindi po ako umuwi dito ng mahigit isang taon..." saad ni Bianca kasabay ang paghikbi, "Okay lang po kung galit kayo sa akin. Mom, sorry po kung nasaktan ko kayo sa ginawa ko pero hindi naman 'yon ibig sabihin na ayaw ko po sa inyo. Gustong-gusto ko po kayo para kay Dad."
Umiiyak na paliwanag ni Bianca.
Marahang nangiti si Caroline dahil sa sinabi ni Bianca. Para sa isang katulad niya ay napakalaking bagay ang marinig iyon. Ang masabing tanggap siya.
"Ay naku naman batang ito." Niyakap ni Caroline ang anak, "Hindi naman ako galit sayo pero inaamin ko na nagtampo ako at matagal na rin namang lumipas 'yon."
Inalis ni Caroline ang ang pagkakaakap at binalik ang tingin kay Bianca.
"Alam ko naman na hindi mo intensyon na saktan ako at naiintindihan ko naman yung naging reaksyon mo dahil sa bilis ng pangyayari. Kahit si Jerome nga mismo ay nagulat din. Ako ang dapat mag-sorry sa iyo anak sa totoo lang kaya 'wag ka na umiyak."
Pinunasan ni Bianca ang kaniyang mga mata. Nang maglinaw ang paningin ay nakita niya rin ang umiiyak na mata ng kaniyang stepmom. Pinunasan niya ito at sunod ay niyakap ang ngayo'y itinuturing niya ng ina. Parehas sila ay naging mahigpit ang yakap sa isa't-isa.
"Tutulungan na kita dito Mom, please?" Magalang na ngumiti si Bianca habang hawak-hawak ang isang pinggan.
"Hay, wala na man akong magagawa kung gusto mo talagang tumulong," Galak na ngumiti si Caroline.
♦♦♦
"Bianca, mamasyal tayo bukas a," paalala ni Benjamin sa anak noong makita niya ito na paakyat ng hagdan.
Dumeretso si Bianca sa kaniyang silid. Hindi niya pa naaayos ang kaniyang mga gamit ngunit inaantok na siya. Kahit nakaugalian niyang mag-shower bago matulog ay hindi niya na maisip pa na gawin 'yon. Humiga siya sa kama at napatitig sa kisame.
Napangiti siya sa mga pangyayari. Wala siyang konkretong plano kung paano niya ihaharap ang sarili sa mga magulang ngunit nasurpresa siya sa mainit nilang pagtanggap. Sa kaniyang ama na hindi niya kinausap ng mahigit isang taon at sa kaniyang bagong ina na naghintay sa kaniya. Masaya si Bianca dahil hindi sila nagalit sa kaniya.
Tanging isang tao na lamang sa pamamahay nila ang kaniyang inaalala.
Habang nagte-text ay naagaw ang atensyon ni Bianca nang makarinig siya ng pagkatok sa pinto ng kaniyang silid.
"Tuloy."
Dahil sa gulat kung sino ang pumasok ay napabangon si Bianca. Nakangiti si Jerome na lumapit at umupo sa kama.
"How's the conversation with Mom?"
"It went well, salamat sa pag-iwan mo sa hugasin."
"You're always welcome," nakangiting tugon ni Jerome at matagal siyang tinitigan.
Nailang tuloy si Bianca kaya't napalihis siya ng tingin.
Napangiti si Jerome dahil sa aksyon ng kapatid.
"I can see it on her face. Thank you also for making my mom happy."
Tumikhim si Bianca. Marahan niyang tinignan si Jerome at nang magtagpo ang paningin nila ay siningkitan niya ito ng singkit niyang mga mata.
"Kala ko nasa condo ka nakatira?"
"Ah about that, mga anim na buwan na rin ng lumipat ako dito. Noong nalaman ko na wala ka talagang balak umuwi dito sa bahay ay mas minabuti ko na samahan na lang yung mga parents natin."
Hindi na kumibo si Bianca. Inialis niya ang tingin kay Jerome at binaling ang atensyon sa kaniyang cellphone. Nagpapanggap siyang nagcha-chat pero ang totoo ay kung ano-ano lang ang tinitipa niya.
Para bang may awkwardness na hindi mabura-bura ang namamagitan sa kanilang dalawa. Pansin naman ni Jerome ang paglayo ni Bianca sa kaniya pero ipinagkibit-balikat niya lang ito.
Umakyat si Jerome sa kama.
"Sa tingin ko kasi mas magiging masaya sila kung kahit isa sa atin nandito. Bianca... we both want our parents to be happy right? I hope you'll still stay here right after knowing that you can also live in the condo."
Masinsinang tinignan ni Bianca ang nangungusap na mata ni Jerome.
"Ayokong mapatid yung sobrang kasiyahan ngayon ng mga parents natin. Ayokong umalis ka dahil lang sa iniiwasan mo ako."
"Sino ba nagsabing iniiwasan kita?"
Tumalas bigla ang tono ni Bianca.
Matapos ng tanong na iyon ay katahimikan ang namagitan sa dalawa. Marahang napangiti si Jerome habang si Bianca naman ay palihim na napahigpit ang hawak sa sapin ng kama.
"I'm glad."
Balak sana ni Jerome na tabihan ang kapatid pero pansin niya ang aksyon nito. Umalis na lamang siya ng kama at nagpaalam kay Bianca. Pabukas na siya ng pinto bago napigilan ng isang tanong.
"Paano mo pala nalaman na uuwi ako ngayon?"
Tumikwas ang kilay ni Jerome bago siya nangiti.
"I have my ways," sagot niya na ikinagulat ni Bianca.
Gusto sana ni Bianca na komprontahin si Jerome ngunit tumunog ang kaniyang cellphone.
"Hello, Pristy."
Nagtaka si Jerome nang mapansin ang ekspresyon ng mukha ni Bianca sa natanggap na tawag.
"WHAT?! FOR REAL?!"
♦♦♦