V2. CHAPTER 1 - Familiarity
ALDRED'S POV
"Hoy Monique, bilis dalhin mo 'to sa sala."
"Eh! Ba't ako?! Ayoko nga! Tsk."
"Hindi ka ba susunod ah? Dalhin mo 'to do'n bilis na."
Padabog na kinuha sa akin ni Monique ang tray na naglalaman ng mga snacks. Inutos ko na dalhin niya ang mga ito sa sala kung nasaan ngayon sina Mama, Arianne at ang kaibigan niyang si Pristine.
"Kuya?!"
"Ano?!"
Hindi ako sinagot ni Monique. Sa halip ay sinimangutan niya lang ako bago siya umalis ng kusina. Pagkaalis niya ay agad akong pumunta ng banyo para tumingin sa salamin. Itinaas ko ng kaunti ang aking buhok saka nag-practice na ngumiti.
"Baby, baby ♬♪"
Muli ay hindi nanaman inaasahan ang pagkikita namin ni Arianne. Hindi ko alam kung anong ipinahihiwatig ng tadhana. Malaki ang atraso ko sa kaniya at ayon kay Jerome ay ayaw daw ako nitong makita pero ito ang nangyari.
Akalain mo ba naman kasi na siya pala ang babaeng makikitira sa amin na tinutukoy ni Mama. Habang tsini-check ko tuloy ang aking ayos ay hindi ko maiwasang mapahawak sa aking dibdib.
Ano kayang nasa isip niya ngayon? Ano kayang nararamdaman niya ngayong magkakasama kaming dalawa?
Hindi ako handa, di ko pa nga alam kung paano ba ako hihingi ng paumanhin ngunit sa totoo lang ay noong makita ko siya sa gate ay tila dininig ng Diyos ang lahat ng hiling ko nitong mga nakaraang araw.
"Come what may na lang..."
Nananatili pa ring mabilis ang pagtibok ng aking puso. Nagsimula itong kumabog nang bumulaga ang presensya niya. Huminga ako ng malalim at na-realize ko na mainit ang aking palad at pisngi. Napatulala ako sa salamin. Hindi ko man mabilang ang pakiramdam na bumabalot sa aking puso ay nasisiguro ko na hindi ito dulot lang ng kaba. Lumabas ako sa banyo at sumilip sa mga taong nasa sala.
Ano nga bang tunay na feeling ng inlove? Tama ba ang aking sasabihin kung ipapa-describe ngayon ito sa akin? Tama ba ang nararamdaman ko para masabi ko na inlove nga ako?
Tinitigan ko si Arianne. Gusto ko talaga siya at ngayon lamang ako nakadama ng ganito. Ngayon lang sa buong buhay ko nakadama ako ng kakaibang pagkalito.
"Pasensya ka na Arianne ah kung natagalan magbukas ng gate. Parehas kasing nasa kwarto yung dalawa at nagkataon naman na nasa kwarto rin ako kaya walang nakababa ka agad." Narinig kong paliwanag ni Mama.
"Ah, okay lang po. Pasensya na po sa abala," tugon ni Arianne. Ang cool ng boses niya. Lower range ito at malalim.
Nang makita ako ni Monique na nakasilip mula sa kusina ay agad niya akong inirapan. Napansin ko naman na napatingin din sa direksyon ko si Pristine at Arianne kaya't parehas ko silang nginitian kahit na hindi talaga ako palangiti pero pareho sila ay tinugunan ako ng uyam at masama na tingin.
"Arianne, sabi ko na nga ba mana ka sa mama mo at bukod do'n mas maganda ka pa sa kaniya," papuri ni Mama kay Arianne bago bumaling ng tingin sa akin.
"Oh, Aldred maupo ka nga rito."
Habang papalapit ay bigla akong nakaramdam ng pangangatog. Hindi ko alam kung sa anong dahilan pero nakaramdam ako ng tila nanghahatak na aura sa tabi ni Arianne. Napalingon ako kay Pristine, nakangiti siya pero may bagay sa mata niya na hindi ko matanto.
Para mawala ang ngatog na iyon ay ginawa ko na lamang ang inensayo ko kanina. Nakangiti akong lumapit sa kanila, umupo sa may sofa sa tabi ni Monique kaharap si Arianne.
Pagkaupo ko ay lahat sila ay nakatingin sa akin. Lumingon ako kay Arianne at hindi ko maintindihan ang pinta ng mukha niya. Kinalabit ako ni Monique at bumulong siya.
"Kuya, kailan pa tinuro sa modeling agency yung ngiting aso?"
Ih?!
Mabilis ay umayos ako.
"Pasensya na kayo sa mga anak ko ha. May pagkamahiyain kasi sila," pagpapaumanhin ni Mama. Lihim naman akong napabuntong hininga dahil sa hiya.
"Okay lang po," Parehas na sagot nina Arianne at Pristine kay Mama pero nang lumingon sila sa akin, lalo na si Pristine ay hindi iyon ang sinasabi ng mukha nila.
"Kuya, don't let your guard down. Maganda lang yung dalawang 'yan. I'm a girl at feeling ko base sa expressions ng mukha nila ay nangangagat 'yan pag nakatalikod," bulong ni Monique. Lingid sa kaalaman niya ay naiintindihan ko kung bakit ganoon ang pakikitungo nila sa akin.
"Ah Arianne... uhmm ano nga ulit pangalan mo iha?" tanong ni Mama kay Pristine.
"Pristine po,"
Bigla ay siniko ako ni Monique.
"Siya yung Student Council President ng SNGS," bulong ko sa aking kapatid.
"Pristine… Ah Arianne, Pristine tawagin niyo na lang akong Tita Cecil at ito nga pala ang mga anak ko si Aldred saka si Monique. Si Aldred ka grade level niyo lang, sa NIA siya nag-aaral habang si Monique naman grade 8 na sa EMIS."
Pareho silang ngumiti.
Napakaganda ng ngiti ni Arianne. Bigla tuloy akong na-mesmerize at hindi ko namalayan ang aking sarili na ini-scan ko na naman ang mukha niya.
Hindi siya mataba, hindi din mapayat, hindi rin chubby... Sakto lang. Ang cute ng cheeks niya parang itong mochi...
"Ang fluffy..." bulong ko sabay subo ng isang mochi.
"Anong fluffy kuya?" bulong naman ni Monique.
"Itong mochi," tugon ko saka lumingon uli sa direksyon ni Arianne. Habang nakatingin ako kay Arianne ay na-sense ko nanaman ang mabigat na aura na nanggagaling sa tabi niya.
"Kuya sa tingin ko ayaw sayo nung Pristine," Monique pointed out.
Nang tignan ko si Pristine ay saktong sumubo ito ng mochi at madiing nginuya ito habang nakangiti at nakatingin sa akin. Bigla ay naalala ko na parang mag-bestfriend pala silang dalawa. Naalala ko rin yung rumor na sinabi sa akin ni Jerome tungkol sa dalawa at naalala ko rin ang sinabi ni Jerome na may kaibigan daw si Arianne na galit na galit sa akin ngunit hindi ko kilala kung sino dahil sa hindi ito pinangalanan ni Jerome.
"Arianne pasensya na rin pala kung dito ka muna titira. Sabi kasi ng Mama mo gusto mo raw talaga mapag-isa pero mas minabuti niya na ibilin ka sa akin. Huwag ka mag-alala tahimik naman dito sa bahay at may sarili kang kwarto pati cr."
"Oo, tahimik dito sa lugar namin," bulalas ko na nakaani ng kanilang atensyon at masamang tingin mula sa aking kapatid.
"Okay lang po. Sigurado naman po ako na kaya dito ang pinili ni mama kasi ito po yung makakabuti sa akin. Nahihiya nga lang po ako kasi baka maging abala po ako sa inyo."
Habang nag-uusap si Mama at si Arianne ay doon ko napansin ang isa sa mga traits niya. Mahiyain pala siya.
"Hindi ka abala sa amin," saad ko ng hindi ko namamalayan. Napansin ko na lamang ang aking sinabi nang makaramdam ako ng kurot sa aking hita at makita ko ang hindi makapaniwalang reaksyon ni Monique.
"Oo, hindi ka magiging abala sa amin. Sa totoo nga tuwang-tuwa ako noong kausapin ako ni Shan. Hindi mo lang maalala kasi bata ka pa noon pero minsan na kitang inalagaan."
Napalingon ako kay Mama.
Sobrang mangha ko nang marinig ko ang rebelasyon niyang iyon. Ibig sabihin ay may koneksyon kami. Ibig sabihin parte ng mga nakaraang pangyayari ay dahil sa destiny. Ibig sabihin pwedeng meant to be kami.
Yes!
Napayuko ako at napangisi. Hindi ko kasi ma-contain ang tuwang nararamdaman ko.
Gago ka Aldred, ang advance mo mag-isip hehe…
Halos matawa na ako sa aking sarili ngunit napatid ang aking emosyon nang mag-struck sa aking utak ang panaginip ko nitong mga nagdaang araw.
Hindi kaya?
"Sayang nga po at nawala yung alaala ko noong bata pa ako. Pero nasabi po sa'kin ni mama na nakitira nga raw po ako dati sa mga kaibigan niya," sabi niya na mas nakaagaw ng aking atensyon.
Nawala yung memories niya?
Ngumiti si Mama sa sinabing iyon ni Arianne.
"Arianne, Pristine hindi ko lang alam ano kung nakita niyo na sa mga magazines 'tong mga anak ko kasi mga model sila pero ang mas gusto kong sabihin ay alam niyo ba Aldred, Monique na ang pamilya nila Arianne ang may-ari ng Mari Corporation, yung clothing brand na minodel mo Aldred noong nakaraang buwan."
Napalingon ako kay Arianne. Nahihiya siyang ngumiti dahil sa sinabi ni Mama. Namangha si Monique nang malaman niya iyon at lalo na ako.
Napatingin ako kay Monique at napangisi, "Anong problema mo kuya?" nakasalubong ang kilay niyang tanong.
"Ah, Pristine iha, pasensya ka na kung masyado akong nadadala sa pakikipagkwentuhan dito kay Arianne a. Salamat pala sa paghatid mo sa kaniya."
Kasalukuyang umiinom si Pristine noon ng hot choco nang magsalita si Mama. Marahan niyang inilapag ang tasa bago nagsalita.
"Walang anuman po. Kaibigan ko po si Arianne at may kakayanan naman po ako na ihatid siya. Gusto ko rin po ma-assure yung safety niya sa pagpunta dito saka para malaman ko na rin po kung saan siya titira."
Napahanga ako ng magsalita si Pristine. Tama si Jerome sa sinabi niya noon tungkol dito. Ang hinhin nito at tipong hindi makabasag pinggan pero may diin ang bawat sinasabi.
Nakaramdam na naman ako nang paniniko mula sa kapatid ko.
"May kamukha yung Pristine," Bulong ng kapatid ko. Nagtaka ako kung sino ang tinutukoy niya.
"Buti na lang at may kaibigan si Arianne na katulad mo. Eh iha, hindi ka ba hahanapin ng magulang mo? Alas otso imedia ng gabi na."
"Oo nga po, maraming salamat po sa pagpapa-alala," sabi ni Pristine kay Mama saka lumingon sa aming magkapatid.
"Hindi ko man nasabi kanina pero ikinagagalak ko pong makilala kayong lahat. Alam ko naman pong aalagaan niyong maigi ang bestfriend ko kaya hindi na ako nangangamba," sabi ni Pristine sa amin sabay tingin sa akin. Matagal siyang nakatingin sa akin. Nakangiti man siya ay tila parang nagbabanta ang kanyang mga mata.
"Huwag ka mag-alala Pristine aalagaan namin 'tong bestfriend mo. Pasensya na pala kayong dalawa dapat pala hapunan na ang pinakain ko sa inyo habang nagkikwentuhan tayo."
"Okay lang po, kumain nanaman po kami bago pumunta rito," saad naman ni Arianne.
"Arianne magpapaalam na ako a. Ipapaubaya na kita kay Tita Cecil. Hindi ko napansin yung oras kasi nag-enjoy ako rito."
Tumayo si Pristine at nagpaalam kay Arianne at Mama pati na rin sa amin. Nauna silang tatlo na pumunta palabas.
"Ayos, paano niya kaya nagawang mag-enjoy habang nakaupo lang dyan at naa-out of place sa usapan?" Mangha kong tanong sa aking kapatid
Nakasimangot naman akong nilingon ni Monique.
"Paanong hindi siya mage enjoy kuya? Siya lang yung umubos ng mochi ko!"
Tumayo na rin kaming magkapatid at sumunod sa kanila sa may gate. Doon sa labas ay nag-aabang ang isang puting van at dalawang lalaking naka-suit.
"Sila ba Pristine ang mga kasama mo?" tanong ni Mama.
"Opo, mga bodyguards ko po sila. Si Mang Lino po saka si Kuya Robert."
"May bodyguards pa siya kuya," bulong ni Monique.
"Ah, Kuya Lino, long time no see," pagbati ni Mama sa isang bodyguard ni Pristine na ikinagulat ko.
"Magkakilala kayo?" pagtataka ni Pristine.
"Opo, miss," tugon ni Mang Lino. May katandaan na siya pero halatang batak pa rin ang katawan.
"Nagkakilala kami noong bodyguard pa siya ni Veron," paliwanag naman ni Mama na medyo nag-iwan ng tanong sa aking isipan.
Tumango si Pristine at pansin kong medyo nag-isip bago nagsalita, "Bale magkakilala po pala kayo ni mama."
"Magkakaklase kami noong highschool, kasama sina Shan at Alex, yung papa ni Arianne."
Ngumiti pareho sina Pristine at Arianne habang nagulat naman ako at si Monique.
"Ano, Pristine, thank you a."
"Welcome pero wala naman 'yon. Basta Aya a, wala ako sa tabi mo kaya alagaan mo yung sarili mo. Yung vitamins mo, 8 glasses of water a day, maghilod kang maigi. Wala ng maghihilod sa likod mo ngayon," nag-aalalang paalala ni Pristine saka niyakap si Arianne.
Napangiti ako.
Parang baby, 'wag kang mag-alala ako na ang bahala sa kaniya. Sa vitamins, sa water pati na rin sa sa paghilod. Kung gusto mo hindi lang sa likod ehehe…
Nangisi ako ng pumasok iyon sa aking utak.
"Kuya."
Nakaramdam ako ng kalabit mula sa aking kapatid at nang tignan ko siya ay salubong na kilay niya ang aking nadatnan.
Pagkayakap ni Pristine kay Arianne ay saktong ako ang nasa harap niya. Napatingin ako kay Pristine at doon na nagtama ang mga mata namin. Kung kanina ay nararamdaman ko lamang ang nananaksak niyang mga mata ay ngayon ay kitang kita ko na ito. Sobrang sama ng tingin niya sa akin tipong hindi mo nga mai-imagine na magagawa niyang tumingin ng ganoon.
Ngayon ay alam ko na kung saan nanggagaling ang pangangatog ko kanina.
"Yah, Pristine nakakahiya,"
Napalihis na lamang ako ng aking mukha.
"Pristine, anak, sige na baka lalo ka pang gabihin. Kung gusto mo a, pwede mong dalawin si Arianne dito kahit kailan. Lagi kang welcome sa amin."
"Thank you po Tita Cecil. Aya, good night. Good night po sa inyo," sabi ni Pristine sa amin at saka kay Arianne bago ito naglakad patungo sa may van.
"Pristy, ingat."
Niyaya na kaming pumasok sa loob ni Mama. Agad namang sumunod si Arianne at naiwan ako sa may gate na nakatingin lamang sa likod niya na papasok na ng bahay.
"Kuya, alam ko na kung sino yung kamukha niya."
"Sino naman?" walang gana kong tanong sa aking kapatid.
"Si Ate Natalie,"
Medyo nagulat ako sa sinabi ni Monique hanggang sa maalala ko ang isang bagay.
"Ah oo nga pala, magpinsan nga pala sila ni Natalie kaya mo siguro napansin 'yon," tugon ko sa aking kapatid na ikinagulat niya. Pumasok na ako ng bahay.
"Eh? Talaga? Bakit hindi mo sinabi ka agad?"
♦️♦️♦️
"Aldred, Monique pakitulungan niyo nga si Arianne na iakyat sa taas yung mga gamit niya. Maghahanda lang ako ng hapunan."
Nakatingin lang sa akin si Arianne at hindi ako kinakausap. Noong kunin ko ang isang maleta niya ay saktong iyon din pala ang kukunin niya. Aksidente ko tuloy na nahawakan ang kaniyang kamay ngunit mabilis niya itong inialis. Para siyang naghi-hiss na pusa kung maka-react.
Ang cute.
"Ako na lang ang magdadala nitong pinakamalaki. Hoy, Monique, sayo 'yon."
Itinuro ko kay Monique ang isa pang maleta.
Tatlo ang dalang maleta ni Arianne isang malaki at dalawang regular ang sukat. Parehas kaming tatlo ay umakyat ng hagdanan upang dalhin ang mga ito sa kanyang magiging silid. Walang umiimik sa amin. Si Monique ay hindi palakausap na tao pagdating sa mga hindi niya ka-close. Naiintindihan ko naman na nahihiya rin si Arianne. Kahit nga na hindi rin ako palakausap na tao ay gusto ko sanang magsalita upang pagaanin ang mood ngunit sa tuwing tinitignan ko siya ay ang sama ng balik ng tingin niya sa akin.
"Arianne ito yung magiging kwarto mo. Yung nasa kaliwa kwarto ni Monique tapos sa'kin saka sa magulang namin yung nasa kanan," paliwanag ko na tinugunan niya lamang ng pagtango.
"Akin pala yung katabi ng kwarto mo," I said smilingly and her face immediately went flat.
"Ano, Monique, Aldred thank you. Sige na ako na lang bahala dito baka kasi ano, baka naiistorbo ko na kayo."
Hindi sumagot si Monique at tumingin lamang siya sa akin. Mukhang hinihintay niya ang magiging sagot ko.
"Ikaw ang bahala," tugon ko kay Arianne.
Gusto ko siyang tulungan pero ayoko namang maasiwa siya. Obvious na galit siya sa akin at nahihiya siya sa amin ni Monique, at bilang kaming dalawang magkapatid ay hindi naman namin kayang i-lighten up ang sitwasyon. Ayoko namang ma-pressure namin si Arianne kaya't naisip ko na mas makabubuti sa kaniya kung mapag-isa na muna siya. May mga susunod pa namang araw upang makapag-usap kami.
Bumaba na kaming magkapatid para tulungan si Mama.
"Hoy, Kuya! Ako a nakakapansin na ako sayo. Ang weird mo. May gusto ka ba sa kaniya?" on point na tanong ni Monique
Hindi ako umimik ka agad at dahil doon ay alam na niya ang sagot.
"KUYA?!"
"Siraulo! Wala ano! Syempre hindi lang ako sanay na may ibang tao dito sa bahay natin," palusot ko sa aking kapatid. Tinitigan ako ni Monique ng matindi pero mukhang naniwala naman siya.
"Sabagay... good kuya. Ayoko sa kaniya e," nakangiting sabi ng kapatid ko bago ito tumakbo sa kusina.
"Hindi mo pa nga nakikilala ayaw mo na?" nasabi ko na lamang kahit wala na siya.
Gusto ko sanang kwestyunin ang aking kapatid sa sinabi niya pero na-realize ko na wala akong karapatan. Katulad din naman kasi niya ay nakabuo rin ka agad ako ng impresyon noong unang beses kong makita si Arianne.
♦♦♦