DOBLE ang kabang nararamdaman ni Bianca ngayon kaysa noong unang pagkakataon na nagtungo siya sa law firm ni Ferdinand Salvador at sinadyang palabasin sa lahat ng makakakita sa kanya kung sino siya sa buhay ng matandang abogado. Walang humarang na security sa kanya. Ibig sabihin, hindi siya pina-ban ng kanyang ama. Subalit may pakiramdam siya na hindi iyon dahil sa kanyang pagbabanta. Masyadong tuso si Ferdinand para basta matakot sa kanya.
Pero bakit wala pang ginagawang hakbang ang ama laban sa kanya? Oo nga at isang araw pa lamang ang lumipas mula noong huli siyang magtungo roon subalit hindi ba dapat ay may ginawa na ito laban sa kanya?
Maliban na lang kung hindi siya natigatig sa palabas mo, Bianca. Baka sa tingin niya, you're not even worth his time. May naramdamang pait si Bianca sa isiping iyon at bumalik ang lakas ng loob na humarap sa mga tao roon bilang kabit ng isang matandang abogado.
Sa loob pa lang ng elevator, dama na niya ang kakaibang tingin ng ilang nakasakay roon. May tatlong babae na nakasalubong niya ang tingin sa repleksiyon nila sa nakapinid na pinto ng elevator. Marahil ay mga clerk sa law firm ang mga ito. Nang ngumiti si Bianca ay mabilis na nag-iwas ng tingin ang mga babae at muling nagbulungan. Itinaas niya ang noo at nanatiling nakangiti.
Sige lang, pag-usapan n'yo ako. Mas makabubuti `yan sa plano kong pagsira sa reputasyon ng tatay ko.
Bumukas ang elevator sa palapag na sakop ng law firm. Pagtapak pa lamang ni Bianca sa labas ng elevator ay natuon na kaagad sa kanya ang tingin ng mga taong nasa malapit. Kakaiba ang tingin ng mga ito—may kuryosidad, paghanga, disgusto, at kung ano-ano pa. Subalit kaya niyang bale-walain ang lahat ng iyon. Taas-noo pa rin siyang naglakad, deretso patungo sa opisina ni Ferdinand Salvador.
Malapit na si Bianca sa pinto nang mapasulyap siya sa katapat na conference room na salamin ang pader at pinto kaya nakikita ang nasa loob. Sumikdo ang kanyang puso at bumagal ang paglalakad nang makitang naroon si Ross. Nakaupo ang binata sa swivel chair at napapalibutan ng mga babaeng marahil ay nagtatrabaho rin sa law firm. May kung anong pinag-uusapan ang mga ito. Nakatagilid si Ross sa direksiyon niya at nakangiti habang may sinasabi sa mga babae kaya hindi siya nakikita. Ross looked like he was having fun flirting with the women.
Parang may asido na humagod sa sikmura ni Bianca. Mariin niyang pinaglapat ang mga labi. Hindi siya dapat makaramdam ng ganoon. Wala siyang karapatan. Kinalma niya ang sarili at ibinalik ang isip sa kanyang misyon sa araw na iyon. Kumilos na siya upang tumalikod nang bigla namang mag-angat ng tingin si Ross at bumaling sa direksiyon niya.
Muling natigilan si Bianca nang magtama ang mga mata nila ng binata. Bumilis ang tibok ng kanyang puso. Si Ross naman ay nawala ang ngiti. Naging malamig din ang ekspresyon ng mga mata nito.
May kung anong bumikig sa lalamunan ni Bianca at nag-init ang kanyang mga mata. Ross hated her now. Sigurado siya roon. Kumurap siya at mabilis na tumalikod. Huminga siya nang malalim. Mas mabuti na iyon.
Talaga? tila pambubuska ng isang bahagi ng kanyang isip.
Ipinilig niya ang ulo at binuksan ang pinto ng outer office ni Ferdinand. Hindi si Ross ang ipinupunta niya sa lugar na iyon. Iyon ang hindi niya dapat kalimutan.
Bahagyang kumunot ang noo ni Bianca nang mapansing wala roon ang sekretarya ng kanyang ama. Tahimik sa outer office. Naningkit ang kanyang mga mata at nagsimulang maglakad patungo sa pinto ng private office. Katulad ng dati ay hindi siya kumatok at basta lang binuksan ang pinto.
Naabutan niya si Ferdinand Salvador na nakatayo at nakasandal sa harap ng malaking mesa paharap sa pinto. Mukhang hindi ito nagulat sa pagdating ni Bianca. Sa katunayan, tila talagang hinihintay pa nga siya nito. Naging alerto agad siya nang magtama ang mga mata nila.
"Hinihintay talaga kita," sabi ni Ferdinand.
Na-tense si Bianca nang lumayo ito sa mesa at naglakad patungo sa center table na nakapagitan sa kanila. "Maupo ka," sabi pa ng kanyang ama na iminuwestra ang sofa na katapat ng center table.
Hindi siya kumilos at nagdududang pinagmasdan lamang ang kanyang ama.
Umupo si Ferdinand sa sofa na katapat ng itinuro nito, pagkatapos ay tumingin sa kanya. "Sit down, Bianca."
Naglapat nang mariin ang kanyang mga labi subalit kumilos naman at umupo. Humalukipkip siya at hinintay na mauna itong magsalita.
"Your schemes must stop now, Bianca. And I want all this to end as quietly as possible. Mas marami akong importanteng bagay na kailangang gawin, than to tolerate your childish ploys."
Nagtagis ang mga bagang ni Bianca at dumeretso ng upo. Childish ploys? Iyon ba ang tingin ng kanyang ama sa ginagawa niya? Natawa siya nang pagak at matalim na tiningnan ang ama. "Ikaw… hindi ka nakakaramdam kahit katiting na guilt, ano? Hindi ka nakokonsiyensiya kahit kaunti sa lahat ng pagkukulang mo sa akin. Gano'n ka kawalang-puso?"
Hindi nagbago ang ekspresyon sa mukha ni Ferdinand. "Alam ko kung bakit mo ginagawa ang ginagawa mo ngayon." May dinukot ito sa inner pocket ng suot na suit at inilapag sa harap ni Bianca. Isang tseke ang nakita niya.
"Kalahating milyong piso lang ang ibibigay ko sa `yo, Bianca. Kahit ano'ng gawin mo ay wala ka nang mapapala sa akin maliban sa halagang `yan. Tigilan mo na ang mga ginagawa mo. You are not only trying to destroy my life, you are also destroying yours. Alam ko na hindi ako naging ama sa `yo. But let me give you one piece of advice. No matter what you do, you will never ruin me. Sinasayang mo lang ang oras at enerhiya mo. Ito ang gusto mo, hindi ba?"
Oo. Sa orihinal na plano ay kasama ang pera sa habol ni Bianca sa kanyang ama. Dapat ay kunin niya ang tseke. Makakatulong ang halagang nakasulat doon sa kanilang mag-ina kapag magaling na ang nanay niya at kailangan na nilang magpakalayo. Subalit hindi niya maigalaw ang kanyang mga braso. Kumikislot ang kanyang mga pulso. Her blood was boiling.
Hindi kayang tanggapin ni Bianca ang pera. Para siyang sinampal ng kanyang ama sa mga sinabi nito. At kahit tanggapin ang tseke, hindi rin niya magagawang galawin iyon. Ngayon ay naamin niya sa sarili na hindi pera ang kailangan niya sa kanyang ama. Ang kailangan niya ay makitang nagsisisi si Ferdinand sa pagpapabaya nito sa kanya at makita na kahit paano ay may halaga siya para dito.
Subalit nasa harap ni Bianca ang kanyang ama na walang ekspresyon ang mukha, tinatapalan siya ng pera upang huwag na itong guluhin. Sa halip na matahimik, lalong nagrebelde ang kanyang kalooban. Itinaas niya ang noo at sinalubong ang tingin ni Ferdinand. "Sa tingin mo, gano'n lang kadali `yon?"
Umangat ang mga kilay nito. "You want more?"
Tumalim ang tingin niya sa ama, kapagkuwan ay tumayo. "Sa totoo lang, ang balak ko sana talaga ay perahan ka. Pero nagbago ang isip ko. Mas gusto kitang makita na nahihirapan kaysa kunin ang pera mo." Mapanganib ang naging ngiti niya. "Naririnig ko ang bulungan ng mga tao nang papunta ako rito. Ang bilis kumalat ng balita, ano?"
Nagtagis ang mga bagang ni Ferdinand at tumayo rin. "Don't force me into doing something drastic just to get rid of you, Bianca. Hindi mo magugustuhan ang kaya kong gawin. Nagtitimpi lang ako dahil sa kabila ng lahat, anak pa rin kita. Pero hindi ko hahayaang tuluyan mong guluhin ang buhay ko na ginawa ng nanay mo noon."
Lalong nakaramdam ng galit si Bianca sa pagbanggit na naman nito sa kanyang ina na para bang napakasamang babae ng nanay niya. Hindi ganoon ang kanyang ina. Ikinuyom niya ang mga kamay at itinaas ang noo. "Hindi mo pa rin alam kung ano ang kaya kong gawin." Iyon lang at tumalikod na siya.
Narinig ni Bianca ang pagtawag ng kanyang ama subalit hindi na siya lumingon. Sa sobrang pagrerebelde ng kalooban, ni hindi na niya nagawang umaktong nakangiti nang lumabas ng outer office. Sa kabila ng naghahalong emosyon sa dibdib, sumulyap pa rin siya sa conference room. Napakurap si Bianca at tila may bumikig sa lalamunan nang makitang naroon pa rin si Ross. Subalit mag-isa na lamang ang binata na nakaupo sa swivel chair paharap sa direksiyon niya, at direktang nakatingin ito sa kanya.
Ilang segundong napako si Bianca sa kinatatayuan at nakipagtitigan lamang kay Ross na tila hinihintay siyang lumabas. Subalit natauhan siya nang biglang tumayo ang binata. Ayaw niyang lapitan siya nito at kausapin. Kapag napalapit siya kay Ross, matitibag ang pader na inilagay niya sa sarili. Masisira ang pagkukunwaring ginagawa niya.
Mabilis na inalis ni Bianca ang tingin kay Ross at malalaki ang hakbang na naglakad palayo. Kulang na lang ay takbuhin niya ang elevator. Lalo na at narinig niyang bumukas ang pinto ng conference room.
"Attorney Ross, there you are! May tawag ka sa phone. Babae," biglang sabi ng kung sino.
Ayaw sana ni Bianca subalit hindi rin nakatiis na lumingon at nakita niya nang harangin ng isang clerk si Ross. Muling tumingin ang binata sa kanya. Marahan siyang umiling upang sabihin dito na huwag na siyang sundan, pagkatapos ay tumalikod na at tuluyang sumakay sa elevator.
Habang pababa ang elevator, tumimo sa isip ni Bianca ang sinabi ng clerk.
Gaano ba karami ang babae ni Ross at mula nang makita ko uli siya, palagi siyang napapalibutan ng mga iyon?
Napabuntong-hininga si Bianca at nayakap ang sarili. Mukhang sa kabila ng ikinikilos ni Ross kapag kaharap niya ay may-pagka-womanizer ito.
At ikaw, Bianca, isa kang kabit sa mata ng lahat. Kaya huwag mo siyang husgahan, mapait na usal ng isang bahagi ng isip ni Bianca. Huminga siya nang malalim at kinalma ang sarili. Kailangan na talaga niyang makalayo roon. She needed to pull herself together. Kailangan niyang dalawin ang ina upang ipaalala sa sarili ang dahilan ng kanyang mga ginagawa para hindi panghinaan ng loob.