MADILIM ang anyo ni Ross nang makarating sa palapag na kinaroroonan ng law firm. Kanina ay matagal siyang tila ipinako lamang sa kinatatayuan habang mukhang tanga na nakasunod sa papalayong pigura ni Bianca hanggang mawala ito nang tuluyan sa kanyang paningin. He felt as if he was caught in a time warp, with everything around him distorted, except for her.
Para pa ring nag-e-echo sa isip ni Ross ang mga sinabi ni Bianca. She said she was already taken. Hindi niya inakala na ganoon katindi ang magiging epekto sa kanya ng nalaman. Parang may bombang sumabog sa kanyang mukha. Para siyang pinagtulungang bugbugin ng isang dosenang boksingero. Ganoon ang sakit na naramdaman niya. He felt dizzy.
Huli na nang mapansin ni Ross ang babaeng nakakapit sa kanya. Para kasi siyang nabingi at hindi nawawaan ang sinasabi ng babae na nakilala diumano niya sa club kagabi. Sa labis na frustration at inis sa nangyaring pag-uusap nila ni Bianca, naging marahas tuloy ang pagtataboy niya sa babae. Nasampal tuloy siya ng babae bago siya nakapag-walk out.
"Ross? Woah! Ano'ng nangyari sa mukha mo?" bulalas ni Jay nang ito makasalubong sa lobby. Subalit nang magtama ang kanilang mga mata, kumunot ang noo nito at naging seryoso ang ekspresyon. "What's wrong?"
Nagtatagis pa rin ang mga bagang na umiling si Ross. Naghahalo ang kanyang mga nararamdaman sa mga oras na ito at hindi niya alam kung saan magsisimula. Na-distract lang siya mula sa mga isipin nang mapansin ang kakaibang ingay sa loob ng law firm. Tila iisa lamang ang pinagbubulungan ng mga taong dumadaan sa lobby na kinaroroonan nila ni Jay.
Napaderetso ng tayo si Ross at muling bumaling sa kaibigan. "What's going on?"
"Ah… tungkol kay Attorney Salvador," sabi ni Jay. Lumapit ito kay Ross at bumulong. "Dumating kani-kanina lang ang isang ubod ng ganda at batambatang babae. Nakita ko rin siya kanina and she was really a hottie. Dere-deretso siya sa opisina ni Salvador. And she was calling him 'dear.' Mukhang siya ang rumored mistress. Kaaalis lang niya, actually. Baka nga nakasalubong mo pa."
Natigilan si Ross. Nabuo ang isang hinala at parang nilamutak ang kanyang sikmura. No. No! mariing tanggi niya sa isip. Gusto niyang bale-walain at itanggi ang kutob na iyon. Subalit hindi maitatanggi ang kanyang instincts na hinubog ng ilang taon sa abogasya. He had always relied on it. Kahit kailangan ay hindi nagkamali ang kanyang kutob. Ang instincts niya ang palaging nagpapanalo sa kanya sa kahit anong kasong hawakan.
Ngunit sa unang pagkakataon, nahiling ni Ross na sana ay mali ang kanyang hinala.
"Pupuntahan ko si Ferdinand," sabi niya na halos hindi lumabas ang tinig sa lalamunan. Pakiramdam niya ay may malaking bara doon na ayaw matanggal.
Muling kumunot ang noo ni Jay na tila nagtataka sa kanyang reaksiyon subalit hindi na niya iyon pinansin. Mabigat ang mga hakbang at kumakabog ang dibdib na nagtungo siya sa opisina ni Ferdinand Salvador. Mabilis na tumayo ang sekretarya nang makita siya.
"Attorney Mitchell, I don't think it's a good idea na pumasok ka diyan ngayon. Gusto ni Attorney Salvador na hayaan muna siyang mapag-isa sa loob," maagap na sabi nito.
Hindi nagpapigil si Ross. "May appointment ako sa kanya ngayong umaga," sabi niya na hindi huminto sa paglalakad. Ni hindi siya kumatok sa pinto ng private office ng matandang abogado. Kung hindi niya pipigilan ang sarili, sa tindi ng mga emosyon ay baka mapalakas pa ang pukpok niya sa pinto at magtaka ang mga tao sa law firm.
Binuksan ni Ross ang pinto at nakita niya si Ferdinand Salvador na nakaupo sa swivel chair patalikod sa mesa nito. Ni hindi lumingon ang matandang abogado kahit nakapasok na siya sa opisina. Mukhang malalim ang iniisip ni Ferdinand kaya hindi napansin ang kanyang pagpasok.
Humalukipkip si Ross at sumandal sa pintong kapipinid pa lamang. "I've been hearing rumors about you," sabi niya sa kontroladong tinig, kahit parang may asido sa kanyang sikmura nang mga oras na iyon. He was afraid, but he needed to confirm something.
Noon sumulyap sa kanya si Ferdinand at pinaikot ang swivel chair paharap. "Did you see her?"
Parang sinuntok sa sikmura si Ross at naikuyom ang mga kamay. Subalit pinanatili niyang walang ekspresyon ang kanyang mukha. "Kararating ko lang."
Marahang tumango si Ferdinand at muling tumingin sa isang bahagi ng opisina na tila malalim ang iniisip.
Pasimpleng huminga nang malalim si Ross bago ibinulalas ang kanina pa gustong itanong. "So, is it true?"
Bahagyang ngumiti ang matandang abogado. But the smile was humorless. "Totoo man o hindi, sigurado akong hindi mababago ang opinyon ng mga tao sa law firm. Alam ko rin na hindi magtatagal, makakalabas ang tungkol doon. Lalo na at alam kong babalik at babalik siya rito hangga't hindi niya nakukuha ang gusto. She's feisty, that girl." May kumislap na kung ano sa mga mata nito na hindi nagustuhan ni Ross. Was it pride or… affection?
Shit, no. Hindi sinasagot ni Ferdinand kung totoo o hindi na may kabit ito. Subalit nakikita ni Ross sa mukha ng matandang abogado na may koneksiyon ito sa babae. Gustong-gusto na niyang itanong ang pangalan ng babaeng sinasabi nito subalit parang may nakabara sa kanyang lalamunan.
"Your wife might not like it," sabi na lang niya.
Nawala ang kislap sa mga mata ni Ferdinand. Sumeryoso uli ang mukha nito at huminga nang malalim. "Yes. She isn't going to like it." Muli nitong pinaikot patalikod ang swivel chair kaya hindi na nakita ni Ross ang ekspresyon sa mukha ng matandang abogado. "Lalo na ang mga kapartido ko kapag nakarating sa kanila na may itinatago akong baho. This must've been her plan from the very beginning."
Kumunot ang noo ni Ross. "You're calmer than I thought you would be in this situation."
Bumuga ng hangin si Ferdinand. "Mali ka, Mitchell. I'm far from calm. Hindi lang ako makakapag-isip nang maayos kung matataranta ako. Isa pa, bilang abogado ay natutunan kong itago ang tunay na emosyon kung kinakailangan. At ngayon ang oras na iyon. So, hindi muna tuloy ang meeting natin ngayon. You can go now."
Nagtagis ang mga bagang ni Ross at umalis sa pagkakasandal sa pinto. "I understand." Tumalikod na siya at hinawakan ang seradura ng pinto. Subalit bago buksan iyon muli siyang nagsalita. "Can I just ask you one thing?" hindi lumilingon na tanong niya.
"Ano `yon?" balik-tanong ni Ferdinand.
Inalis ni Ross ang bara sa kanyang lalamunan at nagsalita. "What's her name? Don't ask me why I want to know. I just have to."
Ilang segundong namayani ang katahimikan. Ilang segundo na tila taon para sa kanya. And when Ferdinand answered him, he felt like something inside him died.
"Bianca."