NANLAKI ang mga mata ni Bianca at bumara sa lalamunan ang dapat ay sasabihin niya nang walang ano-anong lumapat ang mga labi ni Ross sa kanyang mga labi. Agad na nawala sa kanyang isip ang sasabihin. Natuon ang lahat ng pandama niya sa mainit at malambot na mga labi ni Ross. May init na humaplos sa kanyang puso, may tila mga paruparong nagliliparan sa kanyang sikmura at kuryenteng lumukob sa buong katawan niya dahil sa halik na iyon.
Lalo pang lumapat ang katawan ni Bianca sa matigas na katawan ni Ross nang higitin siya palapit. Napapikit at napaungol siya nang maramdaman ang marahang pagkagat ng binata sa kanyang ibabang labi na para bang inuudyukan siya na ibuka ang kanyang mga labi. Umangat ang mga kamay niya at kumapit sa mga balikat ni Ross at bumuka ang bibig na tila may sariling isip. Nanlambot ang kanyang mga tuhod nang palalimin ng binata ang halik.
Unti-unti nang lumalambot ang depensa ni Bianca. Unti-unti na niyang natatagpuan ang sariling ginagaya ang bawat galaw ng mga labi ni Ross. Para siyang uhaw na noon lamang binigyan ng maiinom. Binubura ng halik na iyon ang pangungulila sa binata na sa loob ng halos isang linggo ay pilit niyang inalis sa kanyang isip. Tinatabunan ng halik ang iba pa niyang damdamin, pinangingibabaw ang emosyong nadama sa maikling panahong nakasama niya si Ross, at ang saya at kilig na nadama noong halikan ng binata ang kanyang pisngi noong huling umaga na nagkita sila sa coffee shop.
Ngunit naalog ng realidad ang mundo ni Bianca nang sumagi sa alaala noong madatnang nakahandusay sa sahig ang kanyang ina.
Para siyang binuhusan ng nagyeyelong tubig. Mabilis na kumalas siya sa halik ni Ross at itinulak ito palayo. Mukhang nagulat si Ross kaya nabitawan siya. Sinamantala iyon ni Bianca at mabilis na lumayo, kahit pakiramdam niya ay may nawala sa kanya nang mapalayo sa katawan ng binata.
Habol ang hininga na sinalubong ni Bianca ang tingin ng binata. Nag-init ang kanyang mga mata nang makita sa mga mata ni Ross ang desperasyon, pagnanasa, at iba pang mas malalim na emosyong hindi niya mabigyan ng pangalan.
Bakit ngayon pa? muli ay himutok ng isang bahagi ng isip ni Bianca. Wala siyang mukhang ihaharap kay Ross. Lalo na at nalaman niya na mukhang pareho ng law firm ang kanyang ama at ang binata. Kalaunan ay malalaman din ni Ross kung ano siya sa tingin ng lahat ng tao sa firm. That she was an old man's mistress. Ayaw niyang madamay si Ross sa gulong pinasok.
"Bianca…"
Lalong nag-init ang mga mata ni Bianca dahil tila haplos sa balat niya ang pagkakausal ni Ross sa kanyang pangalan.
Umayos ka, Bianca! Marahas siyang umiling upang rendahan ang sarili. Nang humakbang palapit si Ross ay mabilis na itinaas niya ang mga kamay upang pigilan ito. "No! P-please, Ross. T-tigilan mo na ako. H-hindi ako puwedeng makipag-ugnayan sa `yo. Sinasayang mo lang ang oras mo sa akin, maniwala ka." Lihim na pinagalitan niya ang sarili sa paggaralgal ng boses.
"Linawin mo sa akin ang lahat, Bianca. I know you like me. I can see it in your eyes. I know you want me as much as I want you because I felt it in your kisses. So, why are you pushing me away?" frustrated na tanong ng binata.
Mariing kinagat ni Bianca ang ibabang labi. Walang dahilan para sabihin niya kay Ross ang totoo. Pagpasok ng binata sa law firm ay sigurado namang maririnig nito ang tungkol sa kanya. Mabuti pang siguruhin niya na consistent ang hinabing kasinungalingan. Itinaas niya ang noo at pilit na inalis ang emosyon sa mga mata nang salubungin ang tingin ni Ross. "I'm already taken," matipid na sabi niya.
Tila nilamutak ang puso ni Bianca nang makita ang reaksiyon ng binata. Para itong pisikal na sinaktan na hindi niya mawari.
"W-what?" tila hindi makapaniwalang tanong nito.
Nilunok niya ang tila bara sa lalamunan at dumeretso ng tayo. She flipped her hair. "Kung ano ang narinig mo. I am already taken. Hindi na ako puwedeng ma-involve sa ibang lalaki."
Hindi nakapagsalita ang binata. Halos hindi na makahinga si Bianca sa pagsisikip ng kanyang dibdib. Dapat ay umalis na siya, subalit tila ipinako ang kanyang mga paa sa kinatatayuan. Mukhang ganoon din si Ross. He looked confused… and hurt. At nagdulot iyon ng sakit sa kanyang puso, knowing that she was the reason for his pain.
"Ross? Is that you?" sabi ng tinig ng isang babae.
Napakurap si Bianca at tila natauhan din si Ross. Sabay pa silang bumaling sa pinanggalingan ng tinig. Isang maganda at seksing babae ang ngiting-ngiti habang naglalakad palapit kay Ross. Para ngang hindi napapansin ng babae na naroon din si Bianca.
"I knew it. Ikaw nga `yan, Ross. Remember me? We met at the club last night," sabi pa ng babae nang tuluyang makalapit.
Nanlaki ang mga mata ni Bianca nang kumapit sa balikat ni Ross ang babae at idikit ang katawan sa katawan ng binata. Pagkatapos ay inilapit ng babae ang mga labi sa tainga ni Ross at bumulong na narinig din naman niya. "Why don't we continue where we left off last night? Maybe later?"
Last night? Nasa club lang si Ross kagabi kasama ang babaeng ito? Kasasabi lang niya kanina na hindi siya makatingin sa ibang babae!
Alam ni Bianca na walang dahilan para masaktan siya sa nakikita nang mga sandaling iyon. After all, siya ang unang nanakit sa damdamin ni Ross. Kaya bago pa maipagkanulo ang sarili, tumalikod na siya. Malalaki ang hakbang na naglakad siya palayo. Hindi siya tinawag ni Ross. Ni hindi siya nito sinundan. Alam niya na tama lang iyon. Sigurado siya na pagkatapos ng naging pag-uusap nila ay hindi na siya lalapitan pa ni Ross.
Hindi ko kailangan ng distraction. Lalo na ngayong nagsisimula pa lang ako sa plano kong pagganti sa tatay ko.
Subalit nang makasakay na si Bianca sa taxi, namalayan na lamang niya na tumutulo na pala ang kanyang mga luha. Nakagat niya ang ibabang labi nang sumulpot sa isip ang mukha ni Ross. Malabong iyon ang huling pagkikita nila ng binata kung malaki ang posibilidad na nasa iisang law firm si Ross at ang kanyang ama. Parang pinipiga ang kanyang puso maisip pa lamang kung ano ang magiging ekspresyon sa mukha ni Ross sa susunod na magharap sila.
Napahikbi si Bianca. Mas magiging mahirap ang mga susunod na araw para sa kanya. Bigla, ang pulidong plano nila ni Mrs. Charito para gantihan ang kanyang ama ay naging komplikado dahil kay Ross. Subalit hindi na siya maaaring umatras. Hindi ngayon na nakapagdeklara na siya ng giyera sa pagitan nila ni Ferdinand Salvador.
"Miss, okay ka lang?" biglang tanong ng driver sa nag-aalalang tinig.
Napakurap si Bianca at bumaling sa harap. Agad siyang napatingin sa rearview mirror at nakita kung gaano kamiserable ang hitsura niya. Hulas na ang kanyang makeup at may bakas ng luha ang mga pisngi.
Mabilis na hinalughog niya ang shoulder bag para kumuha ng tissue paper. "Okay lang ho ako," sabi niya sa driver.
"Saan ho ba tayo, Miss?"
Oo nga pala, hindi pa niya nasasabi kung saan siya pupunta. Huminga siya nang malalim bago sinabi ang ospital kung saan naka-admit pa rin ang kanyang ina. Gusto niyang makita ang nanay niya. Alam ni Bianca na kapag nakita niya ito, babalik ang determinasyon niyang ituloy ang plano.
Dahil sa totoo lang, she wavered the moment she saw Ross again. Hindi siya puwedeng magdalawang-isip. Hindi siya dapat ma-distract sa presensiya ng binata. Pilit niyang buburahin ang nararamdaman para dito.
Kahit masakit. Kahit mahirap. Kahit imposible.