Mabuti na lang at mukhang hindi napansin ni Rob ang tumatakbo sa isip ni Daisy dahil ngumiti lang ang binata at sinabing, "I know." Hinatak na siya nito patungo sa open area na may malaking stage sa isang bahagi. Marami nang tao sa mga mesang nakakalat sa paligid. At mukhang ang ibang bisita roon ay kilala sila ni Rob dahil napansin ni Daisy ang kakaibang tingin na ipinupukol ng mga tao sa kanilang dalawa. Minsan talaga ay hindi siya makapaniwala kung gaano karaming mayaman ang mahilig magbasa ng showbiz section ng mga tabloid. Hindi na lang niya pinansin ang mga taong iyon dahil kahit si Rob ay ni hindi sumulyap. Deretso ang tingin ng binata sa mga mesa na pinakamalapit sa stage. Ngayong palapit na sila ay napansin ni Daisy na may naggagandahang mga lalaki at babae.
Isa sa mga lalaki na mukhang foreigner ang bumaling sa direksiyon nila ni Rob. Nang ngumiti ang lalaki ay napagtanto agad ni Daisy kung sino bago pa man ito magsalita.
"Rob! At last you're here, cousin," masayang bati ng lalaki na sinalubong pa sila.
Sandaling binitawan ni Rob ang kamay ni Daisy upang makipagyakap sa lalaki. "Hindi pa naman nagsisimula, Ross." Pagkatapos ay bumaling si Rob kay Daisy at nakangiting pinaikot ang braso sa kanyang baywang at hinigit siya palapit bago muling tumingin kay Ross. "This is Daisy Alcantara. Daisy, siya ang pinsan ko."
Inilahad ni Ross ang kamay sa harap ni Daisy. "Attorney Ross Mitchell. I'm happy to finally meet you, Miss Alcantara," nakangiti pang sabi nito.
Tinanggap ni Daisy ang pakikipagkamay ni Ross. "Finally?" tanong niya.
Ngumisi si Ross. "Sorry, kaibahan sa paniniwala ng mga babae, men are also a nosy bunch."
"So, pinag-uusapan ninyo ako?" muling tanong niya na sumulyap kay Rob.
Nagkibit-balikat si Rob at umangat ang gilid ng mga labi. "You have no idea how nosy they can be, sweetheart."
Tumawa si Ross at muling napatingin si Daisy sa pinsan ni Rob. Lalo niyang nakita ang pagkakahawig ni Ross kay Rob. Napangiti siya. "Magpinsan talaga kayo. Hawig kayo kapag tumatawa," komento niya.
Naramdaman niya na natigilan si Rob na nasa tabi niya habang si Ross naman, sa kung anong dahilan, ay halos lumuwa ang mga mata habang nakatingin sa kanya.
"Really?" tanong ni Ross na hindi maitago ang pagkagulat.
"Yes?" nagtatakang usal ni Daisy. Ano ba ang nakakamangha sa sinabi niya? "Ayaw mo na magkamukha kayo?"
Nakabawi si Ross at ngumiti. "Hindi sa gano'n. Never mind. Tara, marami pa ang gusto kang makilala nang personal, Daisy." Nagpatiuna ito pabalik sa mga mesa kung saan nakatingin na rin sa kanila ang mga lalaking naroon.
"They're my neighbors. They're nosier than women, so just try to bear with them," bulong ni Rob sa tainga ni Daisy bago siya hinila palapit sa mga lalaki.
Ipinakilala siya ni Rob sa mga lalaking naroon na mukhang alam na kung sino siya bago pa banggitin ng binata ang pangalan niya. Naroon din ang lalaking "Brad" ang pangalan. Nag-init ang kanyang mukha nang makahulugan itong ngumiti. Sigurado siya na naalala ni Brad ang eksena nila ni Rob sa conference room noon.
Sa gawing kaliwa ni Daisy nakaupo si Rob habang sa kanan naman umupo si Ross. Abala sa pakikipag-usap si Rob sa katabi nitong lalaki na "Ryan" daw ang pangalan nang humilig si Ross palapit kay Daisy at bumulong.
"Sorry, nagulat lang ako kanina na alam mo ang hitsura ni Rob kapag tumatawa. Hindi kasi palatawa ang lalaking `yan."
Sumulyap si Daisy kay Ross at ngumisi naman ang binata. "That can only mean that you're special to him. Kahit hindi niya aminin."
Pakiramdam ni Daisy ay lumobo ang kanyang puso sa sinabing iyon ni Ross. Hindi tuloy niya napigilan ang pagsilay ng ngiti sa mga labi. "You think so?"
"Absolutely."
"Ano'ng pinag-uusapan ninyo?" biglang tanong ni Rob.
"Nothing," sabay pang sagot nina Daisy at Ross.
Umangat ang mga kilay ni Rob at mukhang hindi kumbinsido. Mabuti na lang, mabilis mag-isip si Ross at iniba ang usapan. Na sinalihan ni Ryan at ng iba pang lalaki sa mesa nila.
Natigil lang ang pangungulit ng mga lalaki nang umakyat sa stage ang emcee ng event na iyon. Mayamaya ay may humintong mga sasakyan sa di-kalayuan at may narinig si Daisy na kahol ng mga aso. Bigla siyang na-tense at napalis ang ngiti sa mga labi.
"Welcome to Animal Welfare Society's Adopt-a-Pet Charity Event!" masiglang panimula ng emcee. Pagkatapos ay may isang tila dog trainer na lumabas mula sa backstage kasama ang isang golden retriever.
Nanuyo ang lalamunan ni Daisy at napasulyap kay Rob. "Hindi mo nabanggit sa akin kung anong klaseng event ito," bulong niya.
Natigilan ang binata at napatingin sa kanya. "Yes. Hindi ko nga nabanggit. I apologize. May problema ba?" concerned na tanong nito. "Maputla ka."
Tumikhim siya at pasimpleng huminga nang malalim. "Well, I don't like animals that much," maingat na pag-amin niya.
Umangat ang mga kilay ni Rob, halatang na-curious. "Why?"
Wala sa loob na humalukipkip si Daisy at itinutok ang tingin sa stage kahit halos hindi niya naiintindihan ang sinasabi ng emcee. Bigla niyang naalala ang isang bahagi ng kanyang kabataan na ayaw na niyang balikan. Iyong panahon bago pa dumating si Lily sa bahay nila. Kapag sinabi niya kay Rob ang dahilan kung bakit ayaw niya sa mga hayop, iisipin ba nito na ang babaw lang ng dahilan niya?
"Daisy?"
Nagkibit-balikat siya at bumaling kay Rob na seryosong nakatitig sa kanya. "Pets require too much emotional investment. Mas maikli rin ang buhay nila kaysa sa tao. By the time you've given it everything, it suddenly dies and leaves you behind."
Ilang sandaling hindi nagsalita ang binata, tumitig lang sa kanya. Hindi niya alam kung ano ang iniisip ni Rob at ayaw bumuka ng mga labi niya upang magtanong. Mag-iiwas na sana siya ng tingin dahil naiilang na sa titig ng binata nang umangat ang kamay nito at hinawakan ang kanyang baba upang pigilan siyang mag-iwas ng tingin.
"So, you used to have a pet?" mahinang tanong ni Rob.
Muling nagkibit-balikat si Daisy. "Matagal na `yon. Noong bata pa ako. I didn't have a mother at akala ko pa noon, nag-iisang anak lang ako. Busy palagi si Papa sa trabaho kaya halos wala siya sa bahay. Mga katulong lang ang kasama ko. May napulot akong tuta sa daan malapit sa school at inalagaan ko `yon."
"At pagkatapos mong ibigay ang lahat ay biglang namatay? Kaya ayaw mo na ngayon sa animals?"
Pinilit niyang ngumiti. "Pathetic, I know."
"You were emotionally attached to it. At ayaw mo na uling mangyari iyon sa `yo? Ayaw mo nang ma-attach emotionally?"
Nawala ang ngiti sa mga labi ni Daisy at tumindi ang pagkailang na nararamdaman niya. Lalo na at hindi inaalis ni Rob ang tingin sa kanyang mukha na para bang may pilit itong binabasa roon. Lumunok muna siya bago sumagot sa mahinang tinig. "Parang ganoon na nga."
"Does that apply to people, too? Your fear of getting emotionally attached?" seryosong tanong ng binata.
Tila may humiwa sa kanyang dibdib na nagdulot ng sakit. Kailan pa nagkaroon si Rob ng kakayahang basahin ang kalooban niya nang walang kahirap-hirap? Huminga siya nang malalim at marahang inalis ang kamay nito sa kanyang baba.
"Yes. It also applies to people. Because the more emotionally attached you are to someone, the more it hurts when that person leaves you behind. Katulad ng nangyari sa akin nang iwan ako ng nanay ko at lumaki ako na hindi na siya nakita kahit kailan dahil namatay siya bago ako nagkaroon ng pagkakataon. Hindi pa ako emotionally attached sa kanya pero masakit pa rin nang iwan niya ako."
Katulad mo. Kapag umalis ka na. Ngumiti si Daisy sa halip na isatinig ang nasa isip. Unfair iyon para kay Rob dahil nilinaw naman nito sa kanya kung hanggang saan lang ang relasyon nila sa simula pa lamang. Wala siyang karapatan na manumbat.
Binitawan ni Daisy ang kamay ni Rob. "I'm going to the restroom." Tumayo na siya bago pa makapagsalita ang binata. Mabilis siyang naglakad palayo at naghanap ng isa sa mga miyembro ng staff na magtuturo sa kanya kung nasaan ang restroom.
Nagtagal si Daisy sa restroom at naipagpasalamat na malayo iyon sa mismong pinagdarausan ng event. Kailangan niyang kalmahin ang sarili bago bumalik sa tabi ni Rob. Bakit ba kasi kailangan niyang maging emosyonal dahil lang nakakita siya ng aso?
Marahas siyang napailing at tinitigan ang sariling repleksiyon sa salamin bago nagdesisyong lumabas ng restroom.
Nakakailang hakbang pa lamang si Daisy pabalik sa event nang mapahinto siya sa boses na biglang tumawag sa kanya.
"Long time no see, Daisy."