Chereads / BACHELOR'S PAD / Chapter 34 - Chapter 32

Chapter 34 - Chapter 32

Bumitaw si Daisy sa pakikipagkamay kay Mr. Gallante. Alam niya na namamasa na ang kanyang mga mata kaya tumango siya at muli ay pilit na ngumiti. "Well, I'll leave you now. I-I have other things to do." Nainis siya sa sarili na gumaralgal ang kanyang tinig kaya mabilis siyang tumalikod at malalaki ang hakbang na naglakad patungo sa exit ng backstage.

Kailangang makaalis ni Daisy sa lugar na iyon, malayo sa maraming tao… at kay Rob. Ayaw niyang makita ng binata na labis siyang nasasaktan. Na tumutulo na ang kanyang mga luha dahil iiwan na siya nito. Napahikbi siya at inis na pinalis ang luha sa kanyang mga mata.

Don't break down. Not here, kausap niya sa sarili.

Nakaliko na si Daisy patungo sa parking lot nang biglang may humablot sa kanyang braso. Napasinghap siya nang higitin paharap ni Rob. Hinihingal pa ang binata na para bang hinabol siya. Gusto niyang matawa kahit umiiyak na siya. Ang isang Rob Mitchell, maghahabol ng babae? Imposible.

"Ano?" sikmat ni Daisy.

Humigpit ang hawak ni Rob sa kanyang braso at ngayong natitigan niya ang mukha ng binata, napansin niyang may paghihirap at pagkataranta sa mukha nito.

"Bakit ka umiiyak?"

Lalong bumalong ang mga luha ni Daisy. Mariin siyang napapikit at tinangkang kumawala sa hawak ng binata subalit hindi siya nagtagumpay. "Bakit kailangan mo pang itanong sa akin `yan, Rob? Hindi ba puwedeng hayaan mo na lang ako? Aalis ka na, hindi ba? At sigurado akong hindi ka na babalik dahil kapag may hawak ka na uling talent, malamang kung saan-saang panig ng mundo ka uli mapapadpad. Tapos na ang kung ano mang mayroon tayo. So, let me… let me go."

"You knew I was going to have to leave eventually," usal ni Rob sa mahinang tinig.

"Alam ko," halos bulong din ni Daisy. Pakiramdam niya ay nadudurog ang kanyang puso subalit pinilit na muling dumilat upang salubungin ang tingin ni Rob. "Pero malay ko ba na ganito katindi ang magiging sakit kapag umalis ka na. No, ang totoo, alam ko na may posibilidad na masaktan ako nang ganito. Kaya nga sa umpisa pa lang ay pinigilan ko ang sarili kong mahulog sa `yo. Dahil ayokong masaktan. Ayokong maiwan. It's painful for me, Rob."

Tumiim ang mga bagang ni Rob na tila nagpipigil ng emosyon. Hinigit siya ng binata palapit sa katawan nito. Pakiramdam niya ay torture lamang sa kanya ang madikit kay Rob.

"It's painful for me, too. Hindi ko alam na magiging ganito kahirap para sa akin ang umalis. Kung alam mo lang na parang sinuntok ang sikmura ko nang sabihin ni Mr. Gallante na kailangan ko nang sumama sa kanila pabalik. But I have to. This is my life, Daisy. Ang trabaho ko lang ang masasabi kong akin talaga sa mundong `to. I just can't turn my back on it," tila nahihirapang paliwanag ni Rob.

Kinagat ni Daisy ang ibabang labi at itinulak si Rob palayo. Nabitawan siya ng binata. "Then go. Hindi naman kita pinipigilan. Wala akong karapatang pigilan ka dahil wala ka namang ipinangako sa akin sa umpisa pa lang. This is all my fault. Ako ang… ang na-in love sa `yo kahit hindi naman dapat."

Halatang nagulantang si Rob sa kanyang pag-amin. Nanlaki ang mga mata ng binata at tila nasipa sa sikmura. Tinakasan din ng kulay ang mukha nito na para bang isang kahindik-hindik na bagay ang kanyang sinabi.

Lalo lamang tila nadurog ang puso ni Daisy sa reaksiyon ni Rob. Mapait siyang ngumiti habang naglalakad paatras. "Hindi ko rin sinasabing suklian mo ang nararamdaman ko. I love you. And that's that. Kaya sige, bumalik ka na sa Amerika, sa tunay mong buhay."

Hindi pa rin nakapagsalita ang binata, na para pa ring ipinako sa kinatatayuan.

Lumambong ang kanyang ngiti. "Good-bye, Rob."

Iyon lang at tumalikod na si Daisy, dumeretso sa sasakyang nakaparada sa hindi kalayuan. Alam niyang hahanapin siya nina Lottie para sa celebration subalit ite-text na lamang niya ang babae para sabihing sumama ang pakiramdam niya. Totoo naman iyon.

Lalo at hindi na siya sinundan pa ni Rob.

"AALIS ka na talaga? Sigurado ka?"

Napahinto si Rob sa paghila sa kanyang maleta patungo sa elevator na magdadala sa kanya sa parking lot ng Bachelor's Pad nang magsalita si Brad. Naroon din si Keith.

"Kailangan kong bumalik. Hindi naman talaga ako tagarito. My life is in the US," sagot ni Rob. Ngunit sa loob niya, parang may malaking butas sa kanyang sikmura habang sinasabi iyon.

Hanggang nang mga sandaling iyon kasi ay tila nag-e-echo pa sa kanyang isip ang naging pag-uusap nila ni Daisy.

Ako ang na-in love sa `yo kahit hindi naman dapat.

Daisy was in love with him. Nang sabihin iyon ng dalaga sa kanya ay hindi siya nakahuma. Parang may pumutok na lobo sa kanyang mukha at namanhid ang buong katawan. Hindi iyon ang unang beses na may babaeng nagtapat sa kanya ng nararamdaman. Subalit nang si Daisy ang nagsabi niyon, hindi niya alam kung ano ang magiging reaksiyon. He was thrilled and at the same time… afraid. Natakot siya sa naging reaksiyon pagkatapos mawala ang pagkabigla. Iyong tila lumobo ang kanyang ulo, pati ang dibdib. Iyong hindi niya alam kung bakit pero parang gusto niyang humiyaw at tumawa. Subalit hindi niya iyon ginawa dahil na-realize na lang niya na wala na sa harap niya si Daisy. Umalis na ang dalaga bago pa man siya makakilos upang habulin ito.

"Sigurado ka ba na nasa Amerika pa rin ang buhay mo?" tanong ni Keith.

Kumunot ang noo ni Rob. "What do you mean by that?"

Nagkatinginan sina Brad at Keith at sabay pang nagkibit-balikat bago muling tumingin sa kanya.

"Well, mabuti ngang bumalik ka muna sa Amerika. Kapag nandoon ka na, malalaman mo ang sagot," sabi ni Brad.

"At kapag nalaman mo ang sagot, when you realize that there is something more important than your job and your supposed life there, huwag kang magdalawang-isip na bumalik. Hindi ko pa papatirhan sa iba ang unit mo, just in case gusto mong tumira uli rito," sabi naman ni Keith.

Hindi alam ni Rob kung ano ang sinasabi nina Brad at Keith. Subalit tumango na lang siya para matapos na ang usapan. Tuluyan na siyang pumasok sa elevator. Nang sumara ang pinto niyon ay napahugot siya ng malalim na hininga.

Kailangan na niyang magpunta sa hotel na tinutuluyan ni Mr. Gallante at ng mga assistant nito. Sabay-sabay silang pupunta sa NAIA at lilipad patungo sa Amerika.

Hindi na siya nakapagpaalam kay Ross na mukhang bihirang pumunta sa Bachelor's Pad mula pa noong nakaraang linggo. Hindi na rin siya makakapagpaalam sa Wildflowers. At lalong hindi na siya makakapagpaalam kay Daisy. Dahil ano pa ba ang maaari niyang sabihin?

Kailangan niyang umalis. He had to leave her even though he knew she hated being left behind.

Parang may asidong kumalat sa sikmura ni Rob. Nanghina siya at napasandal sa elevator. Damn, he felt sick.

Nang bumukas ang pinto ng elevator, mas mabigat ang pakiramdam na naglakad siya palabas. Mayamaya ay tumunog ang kanyang cell phone at agad sinagot iyon nang makita ang pangalan ni Mr. Gallante.

"Where are you, Rob? We have to go now."

May bumikig sa kanyang lalamunan ngunit pilit niya iyong nilunok. "I'm coming."