Chereads / BACHELOR'S PAD / Chapter 38 - Chapter 1

Chapter 38 - Chapter 1

NAPABUGA ng hangin si Ross sa labis na relief nang matanaw ang gusali na ilang taon pa lamang niyang tinitirhan. Madaling-araw na kaya halos wala nang sasakyan sa daan. Subalit para sa kanya, mas mabuti na ang umuwi nang madaling-araw kaysa hindi umuuwi.

Bagay na ginagawa ni Ross sa nakaraang ilang araw dahil sa pagiging abala sa preparasyon para sa bagong hawak na kaso. Isang malaking kaso iyon laban sa multimillion corporation kaya dapat siyang maging pulido sa pagkalap ng ebidensiya na ipiprisinta sa korte. Ross practiced civil law. At sa mga kasong sibil, mahalaga ang kompletong ebidensiya upang masiguro ang pagkapanalo ng isang kaso.

Hindi pa tapos ang trabaho ni Ross subalit hindi na talaga kaya ng kanyang katawan kaya nagdesisyong umuwi muna nang gabing iyon. Babalik din siya kaagad bukas ng umaga.

Nang makalapit ang kanyang sasakyan sa gusaling tinitirhan, lumiko siya patungo sa likurang bahagi kung saan naroon ang daan papasok sa underground parking lot. Noong una siyang dalhin nina Jay at Charlie sa building na iyon, sa front entrance siya idinaan ng mga kaibigan. Naalala ni Ross na napanganga siya sa pagiging high-tech ng glass door—sumasara pagkatapos ng ilang segundo. Sa sobrang bilib sa entrance door, doon din niya dinala ang pinsang si Rob nang kinailangan nito ng matitirhan.

Ngunit nang nakatira na siya sa building na tinatawag na "Bachelor's Pad," nalaman niya na hindi ginagamit ng mga residente ang entrance. Pumapasok at lumalabas ang lahat ng residente sa elevator na nasa parking lot. At walang ibang maaaring pumasok sa parking lot kundi silang mga residente lamang.

Katulad ng sinabi nina Jay at Charlie, nagustuhan kaagad ni Ross ang Bachelor's Pad. Hindi talaga iyon ang pangalan ng gusali subalit iyon ang tawag na tumimo sa isip nilang lahat. Pakana ni Keith. Nakasanayan na rin ni Ross na hindi nag-uuwi ng babae, kaya wala siyang problema sa pagtira sa Bachelor's Pad. After all, he could still seduce women into his bed just fine.

Napakatahimik sa loob ng Bachelor's Pad habang naglalakad si Ross sa hallway ng unang palapag. Hanggang doon lang kasi ang elevator na mula sa parking lot. Kailangan pa niyang maglakad patungo sa susunod na elevator na magdadala naman sa ikalawang palapag na kinaroroonan ng kanyang unit.

Pagbukas ng elevator sa ikalawang palapag, nagulat si Ross nang makitang may tao na naghihintay sa elevator. Nagkagulatan pa sila. Nakasuot ng janitorial uniform ang tila binatilyo na nasa harap niya. Alam niya na binatilyo dahil hanggang dibdib lamang niya ang taas ng janitor. Payat din ito. Saglit lang na nagtama ang mga mata nila dahil mabilis na ibinaba ng binatilyo sa mukha nito ang baseball cap na suot.

"Magandang gabi ho," mahinang bati ng binatilyo.

"Good evening," sagot ni Ross bago mabilis na pumasok ang binatilyo sa elevator. Napakunot-noo siya. Nagha-hire si Keith ng ganoon kabatang janitor na nagtatrabaho nang dis-oras ng gabi? Kahit alam niya na ligtas sa loob ng Bachelor's Pad, hindi tama na nagtatrabaho nang ganoon ang isang menor-de-edad. Sumisipa ang kanyang pagiging human rights advocate.

Masabihan nga si Keith `pag nagkita kami bukas… o mas tamang sabihing mamaya. Ang tanong, magkikita ba sila? Dahil kailangan na naman niyang umalis mamayang alas-sais. Kailangan kasi na nasa law firm na uli siya bago mag-alas-otso ng umaga.

Nang maalala ni Ross na ilang oras na lang ang mayroon siya para matulog ay nawala na sa janitor ang kanyang isip at mabilis na dumeretso sa kanyang unit.

Bago makarating sa sariling unit, napasulyap si Ross sa unit na dating okupado ng kanyang pinsan. Dalawang linggo na ang nakalilipas mula nang bumalik si Rob sa Amerika. Subalit sigurado siya na babalik si Rob. And he would be staying for good. Nakita niya kung paano kumilos si Rob sa presensiya ng isang babae na isinama nito sa isang charity event na dinaluhan nila.

Napailing si Ross at tuluyang pumasok sa kanyang unit. Sa totoo lang, hindi siya makapaniwala na darating ang araw na mahuhulog nang ganoon si Rob sa isang babae; bagaman hindi pa nito naaamin sa sarili ang nararamdaman nang bumalik ito sa Amerika. Pareho sila ng kanyang pinsan na galing sa hindi perpektong pamilya. They even joked before that messing up relationships ran in the family. Magkapatid ang kanilang mga ama at parehong hindi role model sa pakikipagrelasyon.

Nahiling ni Ross na sana ay maputol ni Rob ang sumpa ng mga lalaki sa kanilang pamilya. And then maybe, Ross could believe that it was possible for him to not mess up a relationship, too. Subalit sa ngayon, imposible pa iyon. Hindi pa siya nagsasawa sa no-strings-attached flings sa mga babae. Hindi pa niya kaya ang komplikasyon na dulot ng isang seryosong relasyon, bukod sa hindi pa niya natatagpuan ang babaeng makakapagpaseryoso sa kanya.

SUMULYAP si Bianca sa wristwatch na suot—alas-singko ng umaga. Isang oras na lang ay tapos na ang kanyang shift sa coffee shop na pinagtatrabahuhan bilang barista sa gabi. Sa araw ay isa siyang data encoder sa isang kompanya na malapit lamang sa coffee shop. Mula alas-diyes ng gabi hanggang alas-sais ng umaga ang shift niya sa coffee shop, habang alas-nuwebe ng umaga hanggang alas-singko ng hapon ang trabaho niya sa araw. Parehong maliit ang suweldo. Pero ayos na iyon kaysa wala. Masuwerte pa nga siya na may dalawang trabaho. Para sa isang gaya niya na hindi nakatapos ng kolehiyo, hindi na siya dapat magreklamo pa.

Ang kaso, alam ni Bianca na dapat ay hindi ganoon ang kanyang buhay. Dapat ay hindi siya lumaking mahirap. Dapat ay nakapagtapos siya ng kolehiyo at nakapagtrabaho sa isang magandang kompanya at malaki ang suweldo. Dapat ay hindi sila nakatirang mag-ina sa isang maliit na apartment at buwan-buwan ay namomroblema kapag dumarating na ang bills na dapat bayaran. Dapat ay mas maganda kaysa roon ang kanyang buhay.

Kung hindi lang duwag ang kanyang ama at pinanindigan silang mag-ina.

Umasim ang mukha ni Bianca at ipinilig ang ulo upang palisin ang isiping iyon. Sa halip, iginala na lamang niya ang tingin sa wala nang katao-taong coffee shop. Malapit sila sa call center companies kaya twenty-four hours na bukas ang coffee shop.