Chereads / BACHELOR'S PAD / Chapter 44 - Chapter 7

Chapter 44 - Chapter 7

PAGKALIPAS ng dalawampung minuto ay nakapagpalit na ng damit si Bianca. Nailugay na rin niya ang buhok at kahit paano ay nakapagpolbo at lip gloss na. Tumitig siya sa maliit na salamin na nakadikit sa likod ng pinto ng dressing room at huminga nang malalim. Mabilis ang pagtahip ng kanyang dibdib dahil sa planong gawin. Pero alam niya na walang mas magandang tiyempo kundi ngayong umaga. Kaya muli siyang huminga nang malalim at bitbit ang shoulder bag na lumabas ng dressing room.

Dumeretso si Bianca palabas sa coffee shop, kung saan alam niyang naghihintay si Ross. Nang mapadaan sa counter, nanlaki ang mga mata ni Abigail nang magtama ang kanilang mga mata. Alanganing nginitian ni Bianca ang katrabaho at bahagyang tumango. Gumanti ito ng ngiti at walang tunog na umusal ng: "Good luck."

Bumaling si Bianca sa direksiyon ng mga mesa na palagi nilang pinupuwestuhan ni Ross. Lalong bumilis ang tibok ng kanyang puso nang makitang nakaupo ang binata sa mismong upuan sa mesa na palagi niyang puwesto. Nakahalukipkip si Ross at nakatingin sa labas ng coffee shop na tila may hinihintay.

Hindi nakangiti si Ross at lalong walang halong kapilyuhan ang ekspresyon sa mukha na palaging nakikita ni Bianca sa ilang beses na nagkaharap sila. Subalit kahit ganoon, si Ross pa rin ang pinakaguwapong lalaki na nakita niya sa buong buhay. Walang sinabi rito ang lahat ng lalaking customer ng coffee shop. Ang iba pa nga roon ay mga modelo at artista.

Kaya bakit palaging naroon si Ross? Bakit nagpapakita ng interes sa kanya ang lalaking katulad nito?

Iyon pa rin ang iniisip ni Bianca habang nakatitig sa binata nang biglang tila naramdaman nito ang pagtitig niya at lumingon sa kanyang direksiyon. Nagtama ang mga mata nila at parang may humalukay sa kanyang sikmura. Nang ngumiti si Ross at umaliwalas ang mukha, pakiramdam ni Bianca ay nahulog ang kanyang puso.

Lumunok siya at nagsimulang maglakad palapit kay Ross. Tumayo ang binata at namulsa habang hindi inaalis ang pagkakatitig sa kanya. Ngunit nang ang ngiti ni Ross ay napalitan ng bahagyang pagkunot ng noo, kinabahan na naman si Bianca. Nakita kasi niya na tumalas ang mga mata ni Ross at bahagyang sumulyap sa pinanggalingan niya.

Huminto siya sa mesa nito. "Ang aga mo, ah," komento niya.

Mabilis na kumilos si Ross. Hinila nito ang isang silya at inalalayan siyang makaupo. "Gusto kitang makita uli. Mas maaga mas maganda."

Nagkalapit ang kanilang mga katawan nang kumilos si Bianca upang makaupo sa silyang hinila ni Ross para sa kanya. At nang magsalita ang binata, humampas sa buhok niya ang hininga nito. May lumukob na kilabot sa kanyang buong katawan at mabilis siyang napaupo. Nanlambot kasi ang kanyang mga tuhod. Si Ross naman ay hindi agad kumilos para lumayo at umupo sa katapat na silya. Nanatili itong nakahawak sa sandalan ng kinauupuan niya.

Nagtatakang tumingala si Bianca. Nakayuko si Ross sa kanya kaya nagtama ang mga mata nila. "Bakit?" tanong niya.

Bahagyang ngumiti ang binata at tila bantulot na kumilos upang lumayo sa kanya. "Nothing. I've just realized how good it feels to be close to you."

Tila may lumamutak sa kanyang sikmura at napatitig lang kay Ross.

Lumuwang ang ngiti ng binata at naging mapang-akit ang kislap sa mga mata. "And I know you think so, too."

Nag-init ang mukha ni Bianca. Ngunit sa halip na magpatalo sa embarrassment, tinaasan niya ng isang kilay si Ross. "Napansin ko noong umpisa pa lang, masyado kang bilib sa sarili mo, ano?" hindi nakatiis na tanong niya.

Bahagyang tumawa ang lalaki at tuluyan nang umupo sa katapat na silya. "Bianca, Bianca. I'm a lawyer, remember? Perceptive ako. Kaya kong malaman ang kahulugan ng bawat kilos at reaksiyon ng isang tao. At hindi ko ibubuka ang bibig ko para magsabi ng isang bagay na hindi ako sigurado. It might be used against me if I do that. Kaya lahat ng sinasabi ko sa iyo, hindi dahil bilib ako sa sarili ko. I'm just telling you the truth and you know it," kompiyansang sabi nito.

Humalukipkip si Bianca. "Sa tingin ko pa rin ay bilib ka sa sarili mo."

Ngumisi si Ross. "Well, can you blame me?" pabirong tanong nito.

Napakagat-labi si Bianca sa pagpipigil na mapangiti. Pero sa huli ay hindi rin niya napigilan ang sarili at natawa. Nakangiting pinagmasdan siya ni Ross na tila aliw na aliw. "Alam mo, ikaw lang ang nakilala ko na hindi nakakainis kapag nagsasalita nang ganyan," nakangiti nang sabi niya.

"That's because I am irresistible," pabiro pa ring sagot ng binata.

Lumuwang ang kanyang ngiti at pinagmasdan si Ross. "Oo. Tama ka nga."

Kumislap ang mga mata ni Ross at bahagyang humilig palapit kay Bianca sa kabila ng mesa na nakapagitan sa kanila. Kumabog ang dibdib ni Bianca dahil kung makatingin ang lalaki, parang gusto siya nitong… halikan. Bigla tuloy tila nanuyo ang kanyang mga labi. Wala sa loob na binasa niya ng dila ang kanyang mga labi.

Hindi niya alam kung tama ba ang ginawing iyon dahil bumaba ang tingin ni Ross sa kanyang mga labi. Nag-iba ang ekspresyon sa mukha ng binata, mas naging intense. Kumuyom ang kamay nitong nakapatong sa mesa, na para bang pinipigilan ang sarili na hawakan siya.

Hindi. Alam ni Bianca na iyon talaga ang dahilan ng pagkuyom ng kamay ni Ross. Iyon din ang ginawa niya kahapon nang nang gusto niyang iparaan ang mga daliri sa mga labi ng binata.

Sa naisip, bumaba rin ang kanyang tingin sa mga labi ni Ross.

"Bianca," usal ng binata sa pangalan niya na muling nagpaangat ng kanyang tingin sa mga mata nito. Mababa ang tono ni Ross, tila may babala na hindi niya mawari.

"Ano `yon?"

Inabot nito ang kanyang kamay na nakapatong din sa mesa. Bumaba ang tingin niya nang paghugpungin ni Ross ang kanilang mga daliri at pisilin ang kanyang kamay. "Go out with me."

Muling napaangat ang tingin ni Bianca sa mukha ng lalaki. Seryoso ang ekspresyon sa mukha nito at titig na titig sa kanyang mga mata.

"Tonight. Or any evening you prefer. But go out with me."

Tila may bumikig sa kanyang lalamunan. Hindi pa niya nasasabi kay Ross ang totoo at kahit nagtaka ito kanina nang manggaling siya sa loob ng coffee shop, hindi pa siya nito tinatanong kung bakit doon siya lumabas.

"Please?" pakiusap nito.

Huminga siya nang malalim. "Okay."

Biglang umaliwalas ang mukha ni Ross at maluwang na ngumiti. "Tonight?"

Bahagya na rin siyang napangiti. "Sige na nga. Mamayang gabi."

Naging ngisi ang ngiti ni Ross. "Tonight then."

"Pero may gusto muna ako sabihin sa `yo," umpisa niya sa gagawing pagtatapat.

"Ano ang gusto mong sabihin?"

Ibubuka pa lamang ni Bianca ang mga labi nang tumunog ang cell phone ni Ross. Pareho silang natigilan. Gamit ang malayang kamay, dinukot ni Ross ang cell phone sa bulsa at mabilis na sinilip ang screen. "I'm sorry, I have to answer this. It's my client," hinging-paumanhin nito nang sumulyap sa kanya.

Laglag ang mga balikat na tumango si Bianca. Nakaramdam siya ng kahungkagan nang bitiwan ng binata ang kanyang kamay. Nangulila kaagad siya sa epektong hatid ng kamay ni Ross. Ikinuyom na lamang niya ang kamay. Sinagot naman na ng binata ang tawag.

"Ano'ng nangyari?... What? No! You can't do that." Kumunot ang noo ni Ross. Mukhang hindi maganda ang balitang dala ng kliyente nito. Biglang nag-transform ang hitsura ni Ross sa mismong harap ni Bianca. Nawala ang malambing, mapagbiro, at karinyosong lalaki. Bigla ay naging seryosong abogado si Ross.

"Okay. Magkita tayo ngayon din. Huwag kayong magsasabi ng kahit ano sa kanila hangga't hindi tayo nakakapag-usap."

Iyon lang at tinapos na ni Ross ang tawag. Pagkatapos ay bumuntong-hininga ito at tumingin kay Bianca. "Bianca…"

"Naiintindihan ko. Kailangan mo nang umalis," maagap na sagot niya.

Apologetic na ngumiti ang binata. "Pero lalabas pa rin tayo tonight. Okay?"

Tumango si Bianca.

"Give me your number." Iniabot ni Ross sa kanya ang cell phone nito.

Saglit lang siyang nag-alangan bago inilagay sa cell phone ni Ross ang kanyang numero.

"I'll call you tonight," sabi ng binata nang ibalik niya rito ang cell phone.

"Okay." Mabuti na lamang at off niya sa coffee shop mamayang gabi. Mamayang gabi na lang din niya sasabihin kay Ross ang totoo.

Tumayo na ang binata at ngumiti. "I have to go. See you tonight." Pagkatapos, nabigla si Bianca nang yumuko si Ross at ginawaran siya ng mabilis na halik sa pisngi. "`Look forward to it," mapang-akit na bulong nito sa kanyang tainga bago tuluyang dumeretso ng tayo, ngumiti, at naglakad palabas ng coffee shop.

Tulalang naiwan si Bianca sa mesa at wala sa loob na napahawak sa kanyang pisngi kung saan dumapo ang mga labi ni Ross. Pagkatapos, hindi niya napigilan ang pagsilay ng ngiti sa kanyang mga labi.